Isang Araw

Kung ang isang paa ay nasa hukay,
Ano’t mangangamba sa paglalakbay?

Nakahiga ako doon sa malamig na silid at ang natatanaw ay salaming pintuan. Dumaraan sa aking paningin ang mga doktor at nars, at ang mga pasyente na iba’t iba ang edad o pangalan o karamdaman. Paroo’t parito ang mga kamang de-gulong, at gumugulong ang buhay na tulad ng bahay na isinusuka ang mga muwebles, basura, at kagamitan. Nadarama ko ang garalgal na tibok ng aking puso na ibinubulong wari ang isang pangalan at landas na malimit tinatahak ngunit mahirap maunawaan. Sisilip ang nars upang usisain ang aparato ng puso, ang puso na napuno yata ng makakapal, malalagkit na banlik, pagkaraan ng masilakbong baha. Humihinga pa ang pasyente, na sumalubong sa siyam-siyam, at ang pasyente ay titingin sa salamin at titingin sa kisame, at makikita ako, at marahil ikaw na nasa malayong pook. Muli akong magbabalik sa sarili, kakaway palayo ang mga kaluluwa, at maririnig ang katahimikan habang unti-unting humahalumimig sa luha ang pader ng salamin.

Tubig, retrato mula sa Public Domain Photos.com

Tubig, retrato mula sa Public Domain Photos.com

5 Tugon

  1. Napakaikli pero malaman ang iyung nasulat. Simple [pero] may dating. Madaling basahin pero malalim kung iisipin. Asteeg!

  2. mahiwagang salamin…

    pareho po bang salamin ang tinutukoy sa simula at sa huli?

    tanong ko lang po. 🙂

    salamat po sa tula. napamukmok tuloy ako sa kakaisip sa kahulugan.

    • Maaaring ipagpalagay na ang unang banggit sa “salamin” ay pintuan (gaya ng sliding door), at ang “salamin” na ito ay madaragdagan ng pakahulugan pagsapit sa dulo ng tula dahil maituturing din iyong isang bilangguan. Ang kawalan ng kakayahan ng persona na makakilos habang nakatitig sa salamin ang isang palaisipan, habang magulo sa kaniyang paligid at ang kalungkutan ay waring sikil na sikil.

  3. Salamat po sa inyong tugon sa aking tanong.

    Sa tingin ko po’y nakita ko na ang dagdag na pakahulugan sa pagkakagamit ng salamin sa bandang huli.

    Wala pa po akong nabasang tula sa inyong site na hindi ko nagustuhan.

    • Maraming salamat, Ruth, at nakatataba ng puso ang iyong winika.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: