Pagtatanggol sa National Artist Reward

Kahanga-hanga ang ginawa ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa panghihimasok nito sa pagpaparangal ng Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ngayong taon. Napatunayan ng butihing pangulo na ang kaniyang kapangyarihan ay kayang yumanig at bumiyak sa hanay ng mga alagad ng sining, at magtakda ng sariling pamantayan at panlasa batay sa rekomendasyon ng kaniyang Lupon ng Parangal.  Higit pa rito, ang pagbuo ng Kautusang Tagapagpaganap ay siya na ngayong ehemplo kung paano sususugan, kung hindi man iiwas, sa esensiya ng batas. Dapat kung gayon na pasalamatan ang pangulo sa kaniyang mithi na isabalikat ang lahat, lalo ang kadakilaan sa arte ng politika.

Pinagagaan ng kagalang-galang na Pang. Arroyo ang trabaho ng mga lupon sa sining ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Mantakin mo, kahit pala magpabandying-bandying at hindi magsunog ng kilay ang mga kasapi ng mga lupon ng tagasala ay may lilitaw pa ring Pambansang Alagad ng Sining? Hayaang maging tamad ang mga kasapi ng CCP at NCCA, dahil magiging marangal na tungkulin nila ang pagsunod sa patakaran at simoy ng kasalukuyang administrasyon. Huwag makinig sa mga eksperto at dakila sa sining, gaya nina Ben Cabrera, Bien Lumbera, Arturo Luz, at Virgilio Almario, dahil ang naturang mga eksperto ay maaaring kontra lamang sa pangulo. Ang tunay na mga eksperto ay silang malalapit sa pangulo, gaya nina Vilma Labrador, James Reuter, Alejandro Roces, at Edgardo Angara, dahil ang kanilang mga bulong ay higit na mabisa kompara sa sigaw at hiyaw na nagmumula sa iba’t ibang pangkat ng mga alagad ng sining na nagpoprotesta sa lansangan.

Kung hindi makukuha sa santong dasalan ang parangal, magagawa iyon sa dagdag-bawas at santong paspasan.

Sino ang nagsabi na walang delikadesa ang kapita-pitagang Cecile Guidote Alvarez? Mabuting mabatid ng taumbayan na ang delikadesa ay alinsunod sa tumitingin. Mahalaga ang parangal, gaya ng National Artist Reward, na ibinibigay sa matatapat na tagasunod ng pangulo lumindol man o bumagyo. Ang NAR ay magpapatunay na ang delikadesa ay isang sinaunang konsepto na dapat kalimutan ng mga Filipino. Hindi ba may nagawa naman si Alvarez bilang direktor ng teatro, at pundador ng PETA? Nalilito marahil ang madla, dahil ang PETA ay hindi lamang daglat ng “Philippine Educational Theater Association” kundi inaagaw ngayon ng “People for the Ethical Treatment of Animals.” Dapat igalang ang mga hayop na opisyal ng pamahalaan, kung susundin ang pangaral ng PETA, dahil marunong silang bumaboy ng proseso ng pagsala sa mga kandidato sa pagiging Pambansang Alagad ng Sining.

At bakit dapat banatan si Carlo J. Caparas bilang de-kalibreng alagad ng sining biswal? Mabuti sa mga kabataan na mapanood ang mga pelikula niyang sagad sa pagdanak ng dugo at bakbakan, kahit marupok sa lohika at aspektong teknikal. Kailangang maisapuso ng bagong henerasyon ang mga pelikulang de-masaker at de-kahon, dahil maaaring ginagagad lamang nito ang mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng gobyerno, gaya ng paratang ng mga aktibista. Ang mga pelikula ni Caparas ang bagong pamantayan ng sining, na handang bumaba sa antas ng masa, upang ang masa ay lalong maging tanga at mababaw hinggil sa pag-iral at pagdama bilang tao. Huwag banatan si Caparas bilang ilustrador, yamang hindi naman siya ang ilustrador ng kaniyang mga nobelang pangkomiks. Siya ang nagbigay ng trabaho sa maraming ilustrador, at sabihin nang nagpainom, para maging katanggap-tanggap sa mga mambabasa ang kaniyang mga pantastikong kuwentong ibig yatang higupin ng basurahan.

Batikan sa sining ng panggugulo sa sining ang ating pangulo, at maaaring siya ang susunod na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sin, dahil sa mahusay na pag-arte, pagdidirek, at pagsisinungaling may bagyo ma’t may rilim.

10 Tugon

  1. Tunay na nakakukulo ng dugo ang karumaldumal at walang kahiya-hiyang paglalaro sa kapangyarihan. Hindi na nasiyahan sa pagsalaula sa pwe!(stong) kinaluluklukan… pati ang sining ay pinanghimasukan… mabuhay ang mga tinamaan (sana) ng lintik!!!!😦

  2. kudos! isa lang ang masasabi ko, marubal talaga ang ating pangulo. Isa siyang ehemplo at tiyak na depinisyon ng kawalangyaan.

  3. Hindi ako Tagalog in the sense na galing ako ng Bulacan or any of the Tagalog speaking regions. Ang pananagalog ko ay saksak-sinagul (halo-halo) or saksak-kaguol – puno ng lungkot, pathetic.

    Kung maaring pakialaman o kaya bastusin ng isang pangulo ang larangan ng sining, maari namang bastusin ng isang awardee ang lupon na pumili sa kanya upang abutan ng Gawad Balagtas – tulad ng nangyari kahapon sa GSIS.

    Uso talaga ang bastusan sa lahat ng sektor, mula sa
    antas na mataas patungo sa baba, o mula sa antas na mababa patungo sa itaas. Ano nga ang tawag sa phenomenon na ito?

    Mahirap na talaga ang magkaroon ng sense of order, sense of control, sense of respect, sense of dignity ngayon – lahat ay na dedeconstruct na!

    Ang mambabasa na lang ang pipili aling putahe ang gusto nila. Ewan ko ba, pag uso na talaga ang harapang bastusan, saan na pupunta ang bayan? Sana mabuti ang ating mararatnan.

    Basta buhay ang mga makata, basta buhay ang panitikan, sige lang! Mahirap kasi ang pilitan!

    • Binuksan mo ang “bastusan” sa sining, at kung anuman ang nangyari kahapon sa Gawad Balagtas ay sa aking palagay ay gusot sa panig ng UMPIL at ni Tom Agulto na mukhang wala sa sarili nang sandaling iyon.

      • Bobby, sana nakatulong ang ilang pirasong sigarilyong binigay ko sa iyo. Ganun din ako, kapag upset ay kapos ang aking hininga, kailangang hanapin ng aking utak ang tamang timpla ng nicotine
        upang bumalik sa ayos ang nagusot kong kalooban. Buti nga at di ko pinatuloy ang tradisyon ng mga babae sa lahi naming nagtatabako, ang nakasinding dulo na abano ang siyang sinusubo upang makapag-iwan ng init at abo sa bibig!

        Pero parang kulang ang binigay ko sa iyong ilang pirasong sigarilyo… dapat sa susunod ay magdadala ako ng isang buong pakete para sa iyo, just in case lang naman.

        Upon hindsight (baliktanaw ba ang term?) ay nakita ko ang galit ng puso ni TA, ang nagbabagang almasiga ng damdamin, ang apoy na sumasalubong sa malamig na tubig ng mga katulad kong natuto hinahayaan na lang ang di ko kayang palitan sa ngayon. Wala kasi akong messianic complex.

        Ewan ko ba kung ang UMPIL ay kailangang palawakin pa ang political intent ng mga manunulat. K Bulong ni TA sa akin ay meron siyang adhikain, ewan ko kung papano niya matutupad iyon. He invited me to join him, but I dont know him that well, and I am clueless
        about his advocacy.

        But this I can say: Before he went on his mini-filibusters, I observed that he was up to something. Mother’s instinct or jurassic ESP must have cautioned me. First was his hankypanky wearing the malong that way. I talked to him earlier and suggested that he wears the malong the proper way or else it would be an insult to the cultural practice of the Muslims of Mindanao. You wear the malong like a pajama or a blanket if you are at your own home, you are about to go to the bathroom or to the toilet. He told me he had nothing to wear so he wore the malong. But it was the wrong way, I told him, and if you were in Cotabato in a formal function like this and you wear it that way, it would be an insult, you are courting big trouble. Muslims carry themselves with dignity and respect, not the way you do it, I told him nicely. Pero ayaw talaga niya.

        Para tuloy naghuramentado si Agulto, hindi naman siya talaga Muslim. Sariling paghuhuramentado niya iyon last Saturday.

        Ganun ba ang magkaroon ng Gawad Balagtas – mayroon na siyang K to demand what he wants? Mahirap pala ang nakakaratig sa taas, dumidikta na sa baba, parang hari, parang diyos. Siguro si TA lang ang namumukod tangi, hindi lahat. Pinapakita niya na lahat ng may pinag-aralan ay tameme na sa kanya kasi ginagalang naman natin siya. Naka-inum kaya si TA bago dumalo sa GSIS?

        Pasalamat lang tayo at walang pumatol.

        Inabot niya ang kamay niya sa akin. I took it as a gesture of peace from him to me. I took his handshake not because he was a gentleman but because I wanted to remain a lady. Pag sa Cotabato lang, naumbagan na siya ng buong lahi. A person’s cause or crusade comes in many forms, parang hanggang doon lang ang kaya niyang pakulo to make his point, kung may point siya. Was he barking on the right tree?

        The least I expected of a great poet was a sense of dignity, some cultural sensitivity, some tolerance, some wisdom.

        Ayaw niya ng palaka, nagdala ng palakang patay. Siguro he could not manage live frogs, too slimy, too elusive for him, kaya ang naka-formaline na lang. .. I squirm it the dead frog was to refer to the great roster of UMPIL people. Kawawa naman siya, pathetic ang dating sa akin. Hindi magtatagal ay baka maging ermitanyo na lamang si TA para mas tahimik ang buhay na gusto niya. Sa akin lang, walang pilitan! No coercion in any form. Civility and propriety makes the difference in our world of differences.

        Pero TA needs to apologize not for his drama but for insulting the Muslim attire because men do not wear malong that way in public, only sick and emotionally crazy people do. Hindi pa naman siguro siya ganun.

        Kung mula Katagalugan si TA, okay lang kaya sa kanya kapag ang barong tagalog ay buhol-buhulin at gawing bahag ng isang hindi taga Bulacan?

        I could forgive TA for his haywire passion for that moment. He hates frogs who flood his house during the rainy season, so he must prefer some other “critter” like the cicada perhaps in summer. Tumigil na ang huni ng cicada, pero ang ulingling ng tunog, ang matinis na paswit ay naiiwan sa tenga ko, nag-iiwan ng mantsa ng isang awit.

      • Malaki ang naitutulong ng palaka sa balanse ng kalikasan. Kung walang palaka, darami ang mga mapamuksang kulisap na sisira ng pananim at halaman. Kung ginamit man ng butihing Tomas Agulto ang sagisag ng palaka para hiyain ang UMPIL, ang palaka ay hindi mananatiling palaka habambuhay bagkus maghuhunos na prinsipe sa tumpak na panahon, sa kabila ng tampalasang halik mula sa dakilang manunulat.

  4. It is such a sad thing that even in art, there is no democracy in our country.

  5. Ang mga pangyayaring ganito sa ating bansa ay sumasalamin lamang sa kababaang moral ng mga mamamayan, tayong nakakaintindi sa mga alituntuning pinasusunod ay magwawala, mangkukulam at papatay kung may kapangyarihan ang salita at init ng dugong dumadaloy sa atin habang tayo ay dumudura sa mga nasa itaas ng pamunuan.

    Mabubusog ba ang mga patay-gutom? Panawid-uhaw ba ang mga obra, sining at arte o ang gantimpalang igagawad?

    Pinag-uusapan ng mga taong sangkot, nagpapatunay lang na nais nating umepal.

    Pati ba naman ‘yan kailangan pang magmartsa, mas marami pang problema ang ating bansa, edukado naman tayo pwedeng iresolba sa maayos na paraan.

    Sino, ano, bakit, saan..dunong

  6. ang daming dumi. sa isports. sining. pulitika. kahit saan ako tumingin ang daming dumi. mabaho. akala mo maganda sa paningin pero ‘pag nilapitan mo mapanghi pala. mabubulok din ‘yan. mapapalitan din lahat ‘yan.

    – tenco

  7. Long overdue ang National Artist Award para kay Cecile Guidote Alvarez,maging para kay direk Carlo J. Caparas . Tama din ang pagpili sa iba pang 2009 National Artist ni PGMA.
    Hindi matatawaran ang ambag ni Cecile sa paglaganap ng Teatro ng Bayan sa pamamagitan ng cultural caregiving na programa nito.
    Mali ang isyu na delicadeza na ibinabato kay Cecile Guidote Alvarez bilang National Artist. Pinili si Cecile ng panahon at long overdue ang parangal na ito sa kanya bilang founder ng PETA.
    Si Cecile ang pinakabatang Ramon Magsaysay awardee noong 1972. Pundasyon si Cecile ng Balintataw at bantog sa UNESCO at International Theater Institute.Mabuhay ka Cecile.
    Malaki ang kontribusyon ni Cecile at si Sen. Heherson Alvarez sa pagtatamo ng bansa ng demokrasya at pagbuwag ng diktadurya. Tunay siyang dapat tanghalin na Pambansang Alagad ng Sining.
    Marami mga sikat na artists at mga gifted na marginalized children na nadiskubre ng PETA dahil sa pangangalaga ni Cecile. Mabuhay Ka. Mali ang bintang nila sa iyo.
    Istupido ang mga nagbibintang ng masama kay Cecile sa isyu ng National Artist lalu na at siya ay itinaguyod ng ibang artist group upang mapagkalooban ng Pangulo ng natatanging parangal.
    Nakita kay Cecile ang pagmamalasakit nito sa sining kahit na ubusin niya ang kanyang talino at oras sa gitna ng kalagayan ng kanyang kalusugan upang mapagyaman ang ating kultura. Mabuhay ka Cecile, tunay kang tapat na Pambansang Alagad ng Sining!
    Naiingit lang ang mga bumabatikos kina Carlo J. at Cecile sa National Artist at nalason na ang utak nila ng kanilang pagkamuhi sa lipunan.
    Desente at hindi malaswa ang lengguahe ni Carlo J at kapupulutan ng aral ang bawat komiks novels nito.
    Buhay na pruweba si Carlo J. ng isang henyo na umasenso sa buhay dahil sa sipag at tiyaga at pagpupunyagi sa buhay at hindi nananatiling kritiko ng lipunan at pasaway ng bayan na wala naming kalalagyan ang kinabukasan kung hindi sa impiyerno lang.

    CONGRATULATIONS DIREK CARLO J CAPARAS AND MAM CECILE GUIDOTE ALVAREZ!!!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: