Mga Litanya ni Satanas

Salin ng “Les Litanies de Satan” ni Charles Baudelaire mula sa kaniyang aklat na Les Fleurs du Mal (1857)

salin sa Filipino mula sa orihinal na Pranses ni Roberto T. Añonuevo

Mga Litanya ni Satanas

O ang pinakamatalino at pinakamarikit na anghel,
Ang diyos na pinagtaksilan ng tadhana at di-kinilala

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

O Prinsipe ng pagpapatapon, na sinaktan nila,
At laging itinutuwid kang ganap, na isang talunan,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na batid ang lahat, ang hari ng kailaliman,
Ang karaniwang babaylan ng pagkabalisa ng tao,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na nagbubukas ng lagusan ng kalangitan
Kahit sa mga ketongin at itinakwil na palaboy,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na sumisiping sa Kamatayan upang isilang
Ang Pag-asa, ang kalugod-lugod na babaeng baliw,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na lumilikha ng bawal na pagtanaw at payapa
Na isinusumpa ang madla na nakapalibot sa andamyo,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na nakababatid kung saan lupain itinago
Ng selosong Diyos ang mga mamahaling hiyas,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na talos ang mga gawaan ng sasakyang-dagat
Na ang paghimbing ay tumatabon sa tauhang bakal,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na may palad na tumatakip sa gilid ng gusali,
At sa nananaginip nang gising ay tumatawid sa bangin,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na mabisang agimat na nagpapalambot ng buto
Ng ginabing lasenggong sinagasa ng mga kabayo,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na umaagapay sa maysakit na nagdurusa
Ay siyang natutong magtimpla ng salitre at asupre.

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na matimping kasapakat, nag-iiwan ng tanda
Sa noo ng walang awa at hampas-lupang Krosus,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Ikaw na nagsalin sa mata at puso ng mga dalaga
Ng pagsamba sa sugat at pag-ibig sa basahan,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Tungkod ng destiyero, ilaw ng mga manlilikha,
Kumpesor ng binitay at taksil na kakutsaba,

O Satanas, maawa ka sa haba ng aking pagdurusa!

Itinuring na ama ng lahat ng masilakbo ang poot
Na nagpalaho ng Diyos Ama sa Langit ng Daigdig,
O Satanas, maawa ka sa mahaba kong pagdurusa!

Advertisements

5 Tugon

  1. Mukhang ito ay napakadilim na katha. Marami nga tayong nararanasan na mabubuting bagay, ngunit darating din balang araw ang panahon kung kailan malalaman natin na kasamaan pala ang namamayani. Ano po ang inyong palagay dito?

    • Mahirap sagutin ang tanong mo dahil wala naman iyan sa tula ni Charles Baudelaire. Kung madilim man ang tula niya ay malikhaing paraan lamang iyon ng pagsasabi ng talinghaga. At si “Satanas” ay hindi dapat tingnan sa literal na pakahulugan, bagkus sa simbolikong paraan.

      Maraming salamat sa iyong pagdalaw.

  2. Kung hindi tayo malikhain talagang masasabi nating wala, gaya nga po ng lumalabas sa kondisyon na sinabi ninyo. Tinuring ko silang literal, at pagkatapos ay tinuring sa simbolikong paraan. Marami pa namang ibig sabihin ang dilim, hindi lang “Satanas.”

    Bakit po kaya paulit-ulit ang linyang nagmamakaawa? Sa palagay ko, ito ay dahil parang alon ang pagdalaw ng nagsasalitang (“alternating”) kasamaan at kabutihan.

    • Litanya, gaya sa karaniwang dasal, ang ginagagad ng tula, kaya ang repetisyon ng linya ay nagpapasulak ng damdamin o diwain, kaugnay ng inilalatag na serye ng mga pangyayari.

  3. Marami nga po ang nauunawaang mga kahulugan.
    Maraming mga masisilakbong damdamin.
    Marami pa sana ang inyong maisalin sa wikang Filipino.
    Marami pa sana ang dumalaw at makihalubilo rito.
    Maraming salamat po.
    🙂

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: