Rakrakan

Gitara, kuha ni Bobby Añonuevo

Gitara, kuha ni Bobby Añonuevo

Kumikislot ang gitara sa sulok ng silid, at narinig ito ng binatilyong marahil ay nagdedeliryo sa pangangarap. Lalapitan niya ang gitara at ang gitara’y lalandi, hanggang ito’y maghunos na eksotikong leopardo na may tinig ng dalagita na kinikilig sa haplos ng simoy at gabi. Aawit ang halimaw na makapupukaw sa kawan ng kambing at itik. Magkakaluskusan sa bakuran ang mga anino, waring laksang panatikong ibig pumasok sa munting teatro at isadula ang sama-samang pagpapatiwakal o sinaunang sakripisyo ng mga basal na katawan. Aawit ang halimaw nang matarling, aakitin nang pabalintuwad ang ilog para tumaog, hahatakin ang mga bato para gumulong o mangagsiguho, at hihigupin ang puno’t palumpong tungo sa sukdulang paglago. Bubukad ang bibig ng leopardo sa mga tipa, at sisinghap sa estalistang kaskas, pukpok, istram, at kalabit. Maglalaro ang mga daliri sa mga kuwerdas na balahibo, tuloy-tuloy, babagal pagdaka’y bibilis, huhugong saka aalingawngaw, at walang pakialam ang musikero kung mapagod ang daigdig sa pakikinig. Sasanib ang musika ng ilahás sa katawan ng kaniyang panginoon. Maya-maya’y maglalaho ang hulagway ng binatilyo. Pagsapit ng madaling-araw, tatakas palayo ang leopardo, matutunghayan ng bokalistang musmos ang pangalan ng kaniyang kuya sa dingding, at maiiwan ang lagdang V ng metalikang rakista—na waring bumabati sa sariwang daigdig.

7 Tugon

  1. sino nag-gigitara?

    • Gitara ng anak ako ang nasa larawan, at nagkataon lamang na mahilig siyang maggitara, gaya ng heavy metal.

  2. okey! nasa dugo nyo na talaga ang pagiging artist medyo naiiba lang ito, sana ay may naging katulad mo..

    • Ayokong tumulad sa akin ang mga anak ko. At sila rin, ayaw nilang nakalukob ang anino ko sa kanila. Kaya pagbibigyan ko silang dumiskarte, kahit nakatutulig ang rakrakan.

      • nauunawaan ko kung bakit,
        natawa naman ako sa sinabi mong natutulig..parang ang hirap ngang mag-isip ng isusulat ng oras na ‘yon.

        Saludo ako sa iyo at sa iba pang manunulat na Filipino.

  3. Hindi ka parin nagbabago ka-Bobby, minsa’y muli mong balikan na kung saan nagsimula ang panibagong buhay-pag-ibig….na sana’y hanggang sa wakas, kayo pa rin… Mabuhay kayo!!!

    Ka-Mhoney

    • Salamat, at nagpakita kang muli, Ka Mhoney. Marami na akong utang sa aking inaanak, at baka hindi ko na mabayaran. Isang tagay!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: