Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.

4 Tugon

  1. ano ba talaga ang dahilan kong bakit naisulat ito ni lazaro fransisco

    • Hindi natin kailanman mababatid ang dahilan kung bakit naisulat ni Lazaro Francisco ang kaniyang nobela. Bagaman may pagkakataong nakatutulay sa materyal na realidad ang malikhaing akda ni Lazaro, hindi nangangahulugan yaon na sumasalamin sa lipunan ang kaniyang akda.

  2. san po pwedeng makuha ang lhat ng kabanata nito can you giv me a web site or anything para matukoy ang nobelang ito ?

    • Bumili ka na lamang ng mga nobela ni Lazaro Francisco sa Ateneo de Manila Press at UP Press. Basahin mo lahat, at huwag ka nang umasa pa sa websayt ninuman.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: