Advertisements

Ang Pantalan ni Derek Walcott

Isinilang noong 1930 sa Santa Lucia ng Caribbean si Derek Walcott na kinikilalang makata, mandudula, at peryodista. Nakamit niya noong 1988 ang Medalyang Ginto ng Reyna para sa Tula, at ginawaran ng Premyong Nobel para sa Panitikan noong 1992. Heto ang isang halimbawa ng kaniyang tula, na pinamagatang “The Harbour” na isinalin ko sa Filipino.

Ang Pantalan

ni Derek Walcott
salin ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga mangingisdang gumagaod pauwi sa takipsilim
Ay hindi isinasaloob ang kapanatagan sa kanilang nilalandas,
Ako pa kayang nilunod ang niloloob na hindi dapat humingi
Ng ligtas na dapithapon na maitutulot ng iyong mga haplos.
At ang gabi, na tagahimok ng lumang kasinungalingang
Kinindatan ng mga talàng nagtatanod sa umbok ng buról,
Ay dapat pinid ang pandinig sa lihim na naglalayag; batid ng oras
Ang galít at tusong dagat, at humahadlang ang pag-ibig.
Gayunman, ang ibang sumusubaybay ngayon sa aking pagsulong
Palaot ay higit na malupit sa anumang salita ng pagmamahal,
At maaaring nakita sa akin ang kapanatagang likha ng pagdaan ko,
hinaharap ang anumang balakid na may sinaunang kabulaanan;
At ang katiyakan mula sa pag-iisip na aakyatin ang mga barko,
Kahit ulinig ang tsismis ng pagkalunod ng mga magdaragat pabitwin.

Lungib, kuha ni Maribeth Molina

Lungib, kuha ni Maribeth Molina

Advertisements

Apat na Tula ni Rumi

Makata, teologo, at hurista si Rumi na ang buong pangalan ay Mawlānā Jalāl ad-Dīn Muḥammad Balkhī, na kilala rin bilang Jalāl ad-Dīn Muḥammad Rūmī. Tumanyag siya sa pagsulat ng mga dakilang tulang mistikal, na pinagsasanib ang mga dibinong kaisipan at makalupang hulagway, na pawang umakit ng pansin ng laksa-laksang tao mula sa iba’t ibang panahon. Isinilang siya sa Afghanistan noong 1207, at sa murang edad ay napabilang sa hanay ng mga makatang sufi. Yumao siya noong 1273, at inilibing sa tabi ng puntod ng kaniyang ama. Heto ang apat niyang tula, at nilapatan ko ng salin sa Filipino:

Iniwan mo ako kagabi

Iniwan mo ako kagabi at natulog ka nang mahimbing.
Saan ka, giliw ko, hihimlay, pagdatal nitong takipsilim?
Karugtong ka ng aking buhay, sumapit man ang pagwawakas.
Ibulong sa akin ang lahat nang lumulutang ka sa galak.

Gaano ako katagal

Gaano ako katagal sa apoy mo magniningning?
Gaano ka magtatagal magpapakipot sa akin?
Ilan bang kaibigan ko ang tatalikod sa hiya?
Hanggang kaylan magtitiis? Kaylan ka makalalaya?

Kung mamatay ako

Kung masawi ako sa digma habang lumalaban
Di ako uungol sa takot na ika’y mangamba.
May ngiting yayao, gaya ng bulaklak sa kamay,
mula sa bagsik ng kariktang nugat sa pandama.

Nagagalak ang puso ko

Nagagalak ang puso ko sa hardin ng iyong mukha
At sa pulut na mabagsik ang lasa sa aking dila.
Sumapit man ang pighati, hindi ako magsasakdal,
Kaluguran mo, sinta ko, ang marinig ang sugatán.

(salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at batay sa saling Ingles ni Zara Houshmand)

Tatlong Tula ni Czeslaw Milosz

Makata, kritiko, at nobelista si Czeslaw Milosz na isinilang sa Szetejnie noong 1911. Kabilang sa kaniyang mga akda ang The Usurpers; The Captive Mind; Native Realm; The Issa Valley; at Emperor of the Earth: Modes of Eccentric Vision. Kasama sa kaniyang kalipunan ng mga tula ang Bells in Winter; Separate Books; at Unattainable Earth. Nakamit niya noong 1976 ang Guggenheim Fellowship para sa tula at pagsasalin ng tula, at ang Neustadt Gawad Internasyonal para sa Panitikan noong 1978. Noong 1980 ay ginawaran siya ng prestihiyosong Gawad Nobel. Ang sumusunod ay salin ng kaniyang tatlong maikling tula.

Isang Oras

Mga dahong kumikislap sa sinag ng araw, masigasig na sitsit ng bubuyog,
At sa kung saang lampas sa ilog, ang alingawngaw ng gumagalang tinig
At mabagal na pukpok ng martilyo ay nagpapasaya hindi lamang sa akin.
Bago buksan ang limang pandama, at mas maaga sa anumang simula,
Naghintay sila, nakahanda, para sa lahat na itinuturing na mortal ang sarili
Upang mapapurihan, gaya ng ginagawa ko, ang buhay, ang kaligayahan.

Mga Kalihim

Hindi ako higit sa kalihim ng di-nakikitang bagay,
na idinikta sa akin at sa ilan pang nilalang.
Mga kalihim, na parehong lingid, tinahak namin ang lupa
Nang bahagya ang pagkaunawa. Magsisimula sa parirala sa gitna
O wawakasan iyon sa kuwit. At anuman ang anyo nito kapag ganap
Ay hindi na dapat itanong. Hindi naman namin iyon babasahin.

Ang Lungsod

Natuliro  sa galak ang lungsod, na hitik sa mga bulaklak.
Pagdaka’y magtatapos iyon: ang moda, ang yugto, ang panahon, buhay.
Ang sindak at ang tamis ng pangwakas na pagkalusaw.
Hayaang bumagsak ang mga pangunang bomba nang walang pagkaantala.

(salin ni Roberto T. Añonuevo)

Balik-tanaw sa SONA ng Pangulo

Makasaysayan ang pahayag ng pangulo sa sambayanan doon sa Kongreso noong 2008 dahil ni isang salita ay walang banggit hinggil sa sining. Ang pagkawala ng sining ay maaaring senyales na ito ang unang nalalagas tuwing may krisis, at dapat ihuli sa priyoridad.  Samantala, ang edukasyon ay nabanggit lamang dahil sa paglulunsad ng malawakang pagpapakain sa mga dukhang mag-aaral na ginagastusan ng sampung piso bawat bata kada araw. Nakinabang umano ang mga lalawigan mulang Apayao hanggang Tawi-tawi, bukod sa mga pook na sinalanta ng mga bagyo.

Ipinagmalaki ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na nadoble ang iskolaship para sa mga estudyante sa kolehiyo, bukod sa pagpapatupad ng libreng edukasyon sa elementarya at hay-iskul sa buong bansa. Sinimulan na rin umano ang pagreporma at pagpapangkat ng mga programa ng DepEd, CHED, at TESDA.

Kulang na kulang ito, sa aking palagay, dahil panrabaw na pangangailangan lamang ang tinitingki ng pangulo. Ang pagpapakain sa mga bata ay pampolitikang abuloy na matatawag. Ang pagbibigay ng iskolaship ay mahihinuhang maliit na populasyon lamang ang saklaw, at maaaring sadyang ginagawa na ito ng mga pamahalaang lokal. Malabo naman ang pagreporma at pagpapangkat ng mga programa mula sa tatlong ahensiya, at hindi binanggit kung ang pagreporma ba ay may kaugnayan sa mahigpit na pangangailangan ng Filipino imbes na dayuhang interes.

Nanghihinayang ako sa gaya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil bagaman nabibigyan ang mga ito ng pondo ay walang naimbag man lamang sa pahayag ng pangulo. Marahil may kaugnayan ito sa de-kolor na gulo sa loob ng dalawang ahensiya, at sinangkutan ng pagpapalit ng pamunuan. Kontrobersiyal ang patakarang multilingguwalismong isinulong noon ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner Dr. Ricardo Nolasco, samantalang ang halalan sa NCCA ay inabot ng kung ilang buwan para makapagpulong ang mga komite. Kung hindi ako nagkakamali’y natuloy ang internasyonal na kumperensiya hinggil sa teatro, at pagkatapos nito’y halos masaid na ang pondong laan sa iba pang programa.

Sa aking palagay ay dapat lalong maging aktibo ang mga komite sa pagbubuo ng pondo sa NCCA at KWF. Ang iba’t ibang lupon ay dapat nakikialam sa pagbalangkas ng panukalang badyet na ihahain sa kongreso, at nakikilahok kahit sa mga deliberasyon sa kongreso, lalo sa yugto ng pagdinig ng magkasanib na lupon ng senado at mababang kapulungan. Samantala, ang KWF ay dapat hinihimok ang mga sangay nito sa rehiyon na magpanukala ng badyet para sa KWF, upang ang mga panrehiyong programa ay natutugunan alinsunod sa hinihingi at pangangailangan ng mga pamayanan. Ang mga pamayanan naman ay dapat nakikilahok din sa pagtatasa at pagrepaso ng mga programa at proyekto ng kapuwa NCCA at KWF, upang matiyak nila na ang pondong laan sa kanila ay nagagamit nang wasto at alinsunod sa mga plano at takdang panahon.

Malamya, kung hindi man pasibo, ang KWF sa pagsusulong ng wikang Filipino sa buong bansa, lalo sa bakuran ng Malakanyang. Naging makapangyarihang tinig noon si Nolasco, na nagsusulong ng saliwang uri ng multilingguwalismo na tatangkilin naman ng ilang mambabatas sa kongreso. Pambihira rin ang pagsusulong ng Ingles na gawing tulay ng pagtuturo mulang elementarya hanggang kolehiyo, at may kaugnayan ito sa pagtataguyod ng mga call center sa Filipinas. Ayon sa aking nasagap na balita, waring naluto na naman ang pagtatakda ng patakaran ng multilingguwalismo sa Filipinas, at kung ito man ay totoo ay dapat suriin nang maigi ng taumbayan kung karapat-dapat ipatupad. Kung ang multilingguwalismo ay gagamitin lamang para sa binabalak na Federalismong gobyerno—na ang mga rehiyon ay bibiyakin (at paghahatian ng mga politiko) alinsunod sa pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at pangwikang teritoriyo—ay dapat nang ibasura yaon nang ganap.

Ito na marahil ang pangwakas na SONA ni Pangulong Arroyo. Ngunit hindi nangangahulugan yaon na hindi na siya maghahari sa politika. Kung pakikinggan ang panukala ng dakilang tagapayo ukol sa pambansang inseguridad Norberto Gonzales, kinakailangan lamang umano na isulong ni Pangulong Arroyo at ng mga kaalyado niya ang isang rebolusyonaryong gobyerno upang mapalitan ang sistema ng pamahalaan, makabuo ng bagong konstitusyon, at papaghariin muli ang oligarkiya sa buong bansa. Magagawa ito ng kasalukuyang administrasyon kung hahatakin ang mga personalidad sa hukuman, negosyo, batasan, sandatahang lakas, samahang masa, at simbahan. Ibig sabihin, bumuo ng puwersa para sa kudeta.

Na malaking posibilidad. At siyang dapat bantayan ng sinumang Filipino na nagmamalasakit sa kinabukasan ng lahat ng Filipino.

Ang Sugo

Ipinadala siya ng Tsina sa Filipinas, at bilang iginagalang na akademiko’y napasok niya ang unibersidad ng estado. Noong una’y patango-tango lamang siya, waring muslák at walang alam, ngunit ang totoo’y higit niyang kabesado ang tesawro-diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban kung ihahambing sa karaniwang Filipino. Nanirahan siya nang ilang linggo sa Binondo, lumipat sa kung saang dormitoryo, at kumilos gaya ng matapat na mamamayan. Napangiti siya sa kaniyang pagbabalatkayo. At ang kaniyang utak ay kumislot gaya ng pinakabagong komputador, itinala ang lahat ng dapat itala—mulang aklat, balita, at tsismis hanggang samot na kalakaran, mapa, at dunong—upang pagkaraan ay ipadala sa pamamagitan ng elektronikong simoy tungo sa Peking. Bumigat ang kaniyang balikat at napakabilis ng sandali.  Ganito ba ang puso ng Wakyaw, bulong niya sa sarili. Hanggang isang araw, napaibig siya sa isang binatang kayumanggi; at di-napigil ang mga labi na bigkasin ang pinakamatamis na pagtataksil habang lastág na nagsusulat ng tula sa gilid ng Ilog Pasig.

Tayutay ng Katangahan

Adelantado at salát sa locus standi ang petisyon nina Abogado Oliver Lozano at Evangeline J. Lozano-Endriano at Louis C. Biraogo hinggil sa pagpapawalang-bisa ng Resolusyon ng Mababang Kapulungan Bilang 1109 na nananawagan ng pagbubuo ng Constituent Assembly (Con-Ass). Hindi dapat repasuhin ang kaso ng mga naghabla dahil kulang ang kaganapan o kaangkupan ng kaso. Ito ang pasiya ng buong Korte Suprema, at isinulat ni Punong Mahistrado Reynato S. Puno.

Mabulaklak ang wika ng hukuman ngunit mapagagaan ito sa ganitong paraan. Hindi puwedeng magpasiya ang Korte Suprema sa mga kaso o kontrobersiyang “malabo, di-tiyak, at hinuhang mga tanong.” Hilaw pa umano ang panahon para makialam ang hukuman sa kasong isinampa ni Abogado Lozano atbp. dahil walang pang nagaganap na “pinsala o hirap na bunga ng inirereklamo.” Idinagdag ng hukuman na “wala pang nabubuong kumbensiyon o kaya’y panuntunan ng pamamaraan” na pinagtibay ng Kongreso. Kaya ano ang dapat pagpasiyahan kung wala pang pagmamalabis ng kapangyarihan o kapasiyahan ang Mababang Kapulungan? Wala. Sinasabi lamang ng Korte Suprema na kailangan munang gumawa ng kasalanan ang Kongreso bago ito makikialam sa kaso. Kumbaga’y walang dapat bigyan ng absolusyon kung hindi naman nagkakasala pa ang nangungumpisal.

Wala ring karapatan ang mga petisyonaryo na maghabla dahil bagaman sila’y namumuwisan at mamamayan ng Filipinas ay wala silang pansariling itinataya sa kaso, gaya ng kanilang propesyon. Dapat munang lustayin ng Mababang Kapulungan ang pera ng taumbayan sa pamamagitan ng asambleang konstitusyonal bago masabing nanganganib ang lagay ng mga petisyonaryo.

Pinakamabigat na binitawang salita ng Korte Suprema ang hinggil sa kakulangan ng locus standi ng petisyon. Tumutukoy ang “locus standi” sa karapatan ng tao na dinggin ang kaso nito sa hukuman, at tawagin ang nasabing hukuman para pagpasiyahan ang kasong pinagtatalunan ng magkatunggaling panig. Ngunit sa kaso ni Lozano atbp., walang malinaw na patunay na nalalagay sa panganib ang kanilang interes sa isang tiyak na usapin. Bagaman minamarapat ng Konstitusyon ang naturang prinsipyo, “hinihingi sa hukuman na litisin lamang nito ang mga kasong mahihiling at maipatutupad nang legal.” Maluwag ang hukuman hinggil sa locus standi, ngunit hindi umano iyon “malayang imbitasyon para sa mangmang at imbî na walang pinatutunayan kundi ang kanilang katangahan.” Aruy!

Pinatatamaan ng gayong tayutay ang panig nina Lozano, Endriano, at Biraogo. Walang maibubunga ang pagiging adelantado at bobo. At tumututol ang hukuman na pumaloob sa bitag na pakana ng mga petisyonaryo.

Nakapanghihinayang na ang wika ng Korte Suprema ay nasa wikang Ingles imbes na nasa Filipino na maaaring maunawaan ng karaniwang tao. Kung Filipino ang wika ng Punong Mahistrado, tiyak kong pagtatawanan ang gaya ni Oliver Lozano, na nagiging malimit ang pagiging adelantado para sa isang kagalang-galang na abogado.

Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.