Pangkatang Gawain bilang Alternatibong Edukasyon

Sinasalubong ng tag-ulan ang pasukan ng mga estudyante tuwing Hunyo. At sa panahong ito, muling ililitanya ang mga problema sa pasilidad at paaralan, ang kakulungan sa bilang ng guro at kagamitan, ang mabagal na burukratikong palakad sa Kagawaran ng Edukasyon, ang mga pagbabago at kung minsan ay kamalian sa mga sangguniang aklat, ang pagsisikip ng mga lansangan, ang pangangailangan sa seguridad at kalinisan, at iba pa. Pinakamahirap tugunan ang kakulangan ng mga aklat at kagamitan, at ang guro ay napipilitang umisip sa malikhaing paraan kung paano matuturuan nang magaan, mabilis, at epektibo ang mga bata.

Mahirap ang pagtuturo ng guro ngayon dahil ang isang seksiyon ay binubuo ng halos 50 o higit pang estudyante sa elementarya at hay-iskul. Sa ganitong kalaking bilang, ang guro ay mababagahe sa dami ng mga batang susubaybayan, sa kapal ng papeles na papasadahan o gagraduhan, at sa paghahanda ng lingguhang aralin. Hirap din ang guro dahil sa kakulangan ng silid o pasilidad. Masuwerte na ang guro sa pribadong paaralan na may bilang ng estudyante na mulang 25–30 na nakapaloob sa maluwang at malamig na silid-aralan. Masuwerte rin ang mga estudyante dahil matututukan sila nang maigi ng kanilang guro. Ang tanong: may solusyon ba para maturuan nang mahusay ang isang seksiyong may malaking bilang ng estudyante?

Mayroon, sa aking palagay. Ang paraan ng pagtuturo sa mga estudyante ay maaaring hiramin sa padron ng microfinance na lumalaganap ngayon sa mga maralitang pamayanan. Ang mga bata ay maaaring pagpangkat-pangkatin sa tiglilima o tigpipitong katao. Ang bawat pangkat ay magiging responsable sa bawat kasapi, kaya kapag nagloko ang isang kasapi ay puwedeng managot ang buong pangkat. Ang pagtuturo ng guro ay maaaring iangkop sa bilis ng pagsagap ng kaalaman ng bawat pangkat, dahil maaasahan dito na may pangkat na mabilis matuto kompara sa ibang pangkat na sadyang mahina ang ulo. Hinihikayat din sa panukalang pagpapangkat ang sabayang pag-aaral, pagbabasa, konsultasyon, at pagrerepaso, bukod pa ang paghihiraman ng mga aklat.

Sasabihin ng iba na humihikayat ito ng katamaran. Na posibleng mangyari, dahil maaaring sa kagustuhan ng isang bata na makapasa ay gagawin ang lahat kahit ang pangkatang proyekto na iniatas ng guro. Ngunit hindi ito ang ídeal. Sa pagbubuo ng maliliit na grupo, tinatangka rito na palakasin ang konsepto ng bayanihan at kusang-palo [initiative] sa maliit na antas; at ang bawat kasapi ay inaasahang mag-aambag sa anumang malikhaing paraan para sa kapakanan ng kaniyang grupo at sa paglago niya bilang indibidwal. Ang pagsubaybay sa paglago, halimbawa sa pag-unawa sa mga aklat o aralin, ay hindi lamang responsabilidad ng guro kundi ng bawat pangkat na inaasahang magtuturo sa sinumang kasapi na mabagal sumagap o hindi makaintindi ng impormasyong ibinigay ng guro. Ang sinumang ayaw pumaloob sa grupo ay malayang humanap ng iba pang kasama, alinsunod sa pagtatalaga ng guro, ngunit ang gayong pagsama ay hindi lamang dahil sa pakikipagbarkada at pagpapalusot.

Ang pagbubuo ng maliliit na pangkat ay isang panukalang pagdulog sa pagtuturo ng mga bata. Mamamaos sa kasisigaw ang guro na may 50 o higit pang estudyante bawat seksiyon. Kailangan niya ng alternatibong paraan, bukod sa paghawak ng mikropono at pagkasangkapan sa mga ipinapaskil sa pisara. Kung walang makakatuwang ang guro sa kaniyang tungkulin, marahil ang isa niyang masasandigan ay ang maliliit na pangkat ng mga estudyante. Kailangang makumbinsi ng guro ang mga bata na mahalaga ang pangkat, at ang pangkat na ito ay hindi dapat tingnan sa negatibong paraan bagkus sa positibong paraan. Ang maliliit na pangkat, gaya sa microfinance ni Muhammad Yunus na nagpauso ng Grameen Bank sa Bangladesh, ay humihikayat ng pagtutulungan, pamumuno, at pagbabayanihang naghahasik ng diwain ng kolektibong kabutihan at paggawa para iangat ang bawat isa.

Maaaring pangarap lamang ito sa ngayon. Ngunit naniniwala ako na may bisa ang maliliit na pangkat. Ang pagsulong ng maliliit na pangkat, kapag pinagsama-sama, ay isa nang malaking organisasyon ng epektibong edukasyon.

3 Tugon

  1. magandang ideya..sana ay bigyan ito ng pansin..

  2. kailangan talagang habang bata pa lang, natututunan na ang ang kahalagahan ng bayanihan, ang pagtutulungan ng bawat miyembro ng isang pangkat. importanteng malinang ang mga kaugaliang dapat ipakita ng isang mag-aaral para maging ganap na epektibo: ang pagiging masipag, matiyaga, at matulungin.

    matagal nang problema ang kakulangan ng pasilidad at kagamitan sa pag-aaral. minsan naiisip ko, kelan pa kaya ‘to magagawan ng solusyon? pero naniniwala pa rin akong may pag-asa pa..

    – tenco of alasais

  3. Maganda ang ideya na ito. Mas pabor ako sa ganito mas matutunan pa ng mga bata na magkaroon ng malasakit sa grupo at mauunawaan p anila agad ang ibig sabihin ng responsabilidad. Sa pamamaraan rin na ito mababawasan ang pagdepende sa hindi makitang liwanag na pagsuporta ng Departamento ng Edukasyon.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: