Baboy sa Panitikan

Nauungkat lamang ang baboy sa baul ng panitikan kapag Taon ng Baboy, alinsunod sa astrolohiyang Tsino, o kaya’y may pandemikong salot na simbagsik ng Swine Flu Virus. Kinasisindakan ang nasabing virus dahil kaya nitong mamuhay sa katawan ng baboy at ibon at tumawid sa katawan ng tao; at yamang naglalakbay ang mga tao ay maaasahan ang mabilis na pagkalat ng sakit. Mexico ang unang tinamaan ng sakit, na kumitil sa mahigit sandaan, ngunit napabalita na rin ang pagkakasakit sa gaya ng Estados Unidos at Canada. Mabuti’t nagpalabas ng pabatid ang pamahalaan para mabantayan ang paglaganap nito sa Filipinas, at maiwasan ang ligalig sa mga mamamayan.

Mahalaga ang baboy sa Filipinas, dahil ang hayop na ito ang malimit gamiting handog ng mga katutubo sa pinaniniwalaang mga anito’t Maykapal. Baboy ang kinakatay para amuin ang mga diwata o lamanlupang nasaktan o nilapastangan umano ng tao. Nang lumaon, baboy ang sagisag ng masaganang pista, at litson na sinubuan ng mansanas ang magsasaad na nakaririwasa ang pamilya. Hindi mawawala ang adobong baboy o barbekyu kapag may binyag o kasal at iba pang handaan. Ngunit baboy din ang sinisisi tuwing may alta presyon o sakit sa puso, pagkaraang kumain ng sinigang, krispi pata o sitsaron. At ang kataka-taka’y ang mga bahaging sinasabing bawal dahil sa taas ng kolesterol, gaya ng balát at bituka, ang pinakamasarap na bahaging kainin ng tao. Makakargahan ng ibang pakahulugan ang baboy sanhi ng banyagang relihiyon, at ang baboy na ito ay ikakabit sa anumang diwaing makalupa at marumi.

Baboy ang tagasimot ng pagkain sa labangan—na parihabang bato o adobeng inukit ang gitna para sa kaning-baboy. Ngunit ito rin ang sumisira ng pananim sa bakuran o palayan kapag pinabayaang gumala-gala. Walang pinipili ang baboy, at ang bituka nito’y tila biniyayaan ng diyos na kumatas at tumunaw ng mga pagkaing tira ng sambayanan, at sa ilang pagkakataon ay naging ehemplo ng tatag na hihigit sa sintetikong kondom para tanggapin ang sari-saring bitamina o kemikal. Kinukulong ang baboy upang bumilis tumaba, dahil ang palaboy-laboy na baboy-damo ay karaniwang payat at maganit ang laman. Kailangan ding malimit paliguan ang baboy dahil mabilis bumaho, at yamang walang glandula para sa paglalabas ng pawis ay malimit maglunoy sa putikan. Baboy ang mabilis palahian, at pag nanganak ay lalabis ang bilang ng suso sa dami ng biik na pinasususo. Tinatawag na “bulugan” ang lalaking baboy, at ito ay handang kumandi ng inahin at magpalaganap ng lahi sa oras ng kalibugan.

Ibalong (1996), salin sa Ingles at Bikol ni Merito B. Espinas

Ibalong (1996), salin sa Ingles at Bikol ni Merito B. Espinas

Sa kinathang mala-epikong Ibalong, alinsunod sa tekstong Espanyol ni Fray Bernandino de Melendreras, isang dambuhalang baboy-damo na tinawag na tandayag ang nakalaban ni Baltog sa pook na tinaguriang Botavara. Napoot si Baltog, na mula sa liping Lipod, dahil ang kaniyang mga pananim na linsa [uri ng halamang gábi] ay dinapurak ng tandayag. Hinabol ni Baltog ang tandayag, sinibat, at winarat ang panga nito sa pamamagitan ng mga kamay lamang. Isang dipa ang laki ng bibig ng tandayag, at ang mga pangil nito’y singkatlo ng haba ng sibat ni Baltog. Nang magbalik si Baltog sa kaniyang pamayanan, isinabit niya ang mga pangil sa dambuhalang punong talisay na katabi ng kaniyang bahay upang makita ng kaniyang mga kababayan. Ganiyan kayabang si Baltog.

Maganda ang rendisyon ng bandang Radioactive Sago Project ni Lourd de Veyra sa awitin nitong “Gusto ko ng Baboy!”, dahil ang baboy ay nakargahan ng iba pang pakahulugan. Maindayog ang himig ng awiting-patula, at ang “baboy” ay maaaring maglaro bilang pangngalan o pang-uri, ngunit kaya ring maging pandiwa kapag nilapian na gaya ng “babuyin,” “binaboy,” “pagbaboy,” “bumaboy,” na sumasaklaw hindi lamang sa kultura, bagkus maging sa politika, panitikan, kaligiran, at ekonomiya. Ang pagkahilig sa baboy, ayon sa awit ng banda, ay doble-talim, at maraming pinasasaringan hangga’t isumpa sa wakas ang salita at esensiya ng baboy.

Ipinamalas naman ni Amado V. Hernandez, na pambansang alagad ng sining, sa kaniyang tulang “Ang Baboy at ang Punong Mangga” (1955) ang siste ng diyalogo ng baboy at mangga. Animo’y hinango sa pabula ni Aesop, ang tula’y pagtatampo ng baboy dahil sa kawalan ng demokrasya umano. Ikinulong ang baboy dahil sa pagsungkal ng mayabong na punong mangga. Inilitanya nito ang silbi ng baboy sa tao: pagkain ang laman, mantika ang taba, panlunas ang apdo, sepilyo ang buhok, sapatos ang balát. Samantala’y inuyam ang mangga na kung mamunga’y maasim at lagi pang dapat pausukan. Sumagot ang mangga sa paraang patalinghaga:

Ang mangga’y pumakling payapa’t lumanay:
“Kasi’y magkaiba tayo ng paraan-
ako’y nagbubunga sa buo kong buhay,
ikaw’y patabain at bago magbigay,
kailangan munang lapai’t mamatay.

Nagbibigay ng aral ang naturang tula sa maparikalang paraan, ngunit nagtuturo rin iyon kung paano dapat manuligsa. Ang pagkilala ng mangga sa angkin nitong katangian ang magsasaad ng pagtataglay ng kapangyarihan at tiwala sa sarili. Hindi papaloob ang mangga sa pangangatwiran ng baboy, bagkus lilikha ng sariling diskurso upang maitanghal ang sarili alinsunod sa positibong katangian nito. Marami pang istorya ng baboy ang dapat tuklasin sa Filipinas, at ang kuwentong baboy ay dapat humigit sa alkansiya, bukod sa tatlong munting baboy na pinagtatangkaang lapain ng mabalasik na lobo.

Advertisements

Utang na Loob

img_1068Isang magandang konsepto ng Filipino ang “utang na loob,” na kabilang sa halagahan ng mga Filipino magpahangga ngayon. Nagaganap ang utang na loob sa oras na kilalanin ng isang tao ang anumang kabutihang loob na ibinigay ng kaniyang kapuwa, at ang pagbibigay ay hindi umaasa ng tahasang sukli o ganti, bagkus sapat na ang makitang natuwa o nakaraos ang tinulungan. Sa naturang kalagayan, ang dalawa o higit pang tao ay maituturing na may kani-kaniyang loob, at ang loob na ito ay sumasaklaw sa pagdama, pag-iisip, pagmumuni, at pakikipagkapuwa.

Kung babalikan ang pag-aaral ni Fr. Albert E. Alejo, S.J., ang utang na loob ay lumalalim kapag ang tumanggap ng biyaya o pabuya mula sa sinuman ay nakadarama ng matinding pananagutang mahirap tumbasan lalo sa panahon ng kagipitan. Ang pagtanaw sa mabuting kalooban ng ibang tao ay maaaring matumbasan ng pagganti rin ng mabuting kalooban sa iba pang tao na bukod sa pinagkakautangan ng loob. Ito ay dahil sa oras na umasa ng ganti ang nagbigay ng tulong sa tinulungang tao, ang utang na loob ay lumalabnaw at magwawakas sa oras na makabayad sa anumang “utang” na materyal ang tao.

Nakatatakot ang utang na loob dahil maaaring gamitin ito upang matali ang isang tao sa nais ng sinumang pinagkakautangan ng loob. Nagaganap ito tuwing halalan, na ang politiko’y magbibigay ng salapi kapalit ng boto, dahil ang salapi ay maaaring sinisipat na pabuya para sa mga maralitang nagugutom at gipit sa kabuhayan. Ang utang na loob ay maaaring gamitin para sa panggigipit na seksuwal, at ang may utang na loob ay makababayad lamang sa oras na ibigay ang sarili sa nakatataas. Sa nobelang Daluyong (1962) ni Lazaro Francisco, inilarawan ang utang na loob nang bigyan ng ilang ektaryang bukirin ni P. Amando Echevarria si Lino na noon ay kalalaya lamang mula sa pagkakapiit:

Kabilang sa maraming bagay na nagiging utang ng tao sa kaniyang kapwa tao ang isang uri ng utang na lubhang kaiba. Kaiba, pagkat hindi nasisingil at hindi rin naman lubos na nababayaran, pagkusaan mang bayaran. Hindi nasisingil, pagkat pinapawi ng paniningil na rin ang anyo at halaga ng utang. Hindi lubos na nababayaran, pagkat ang utang na ito ay hindi nahahalagahan, ni nabibilang, ni natatakal, ni natataya, ni nauuri, ni nasusukat, ni natitimbang. Anupa’t ang utang na ito, minsang maging utang, ay utang kailanman-hindi ganap na matatakpan, ni matutumbasan, anuman ang gawin ng may-utang sa pinagkakautangan. Iyan ang utang na loob.

Makalaglag-panga at kahanga-hanga ang pambungad na talatang ito ni Francisco, at maidaragdag sa pag-aaral ni Alejo. May nagaganap na transaksiyon sa utang na loob, at ang bigat ay karaniwang nasa may-utang, samantalang ang pinagkakautangan ay nalalalagay sa antas na mataas na kailangang abutin ng may-utang. Ang transaksiyon sa dalawang tao ay nasa antas na loob [diwa o damdamin] o kalooban [bait o hangad]. Nagkakalapit ang mga tao sa sandaling buksan nila ang kani-kaniyang loob, upang makabuo ng isang ugnayan. Ang pagbubukas ng loob ay maaaring sa paraan ng komunikasyon, at mahahalata sa asal o kilos, at hindi maikukubli ng pakitang-tao na katumbas ng pagbabalatkayo.

Lumalawak ang utang na loob dahil lumalampas ang utang sa materyal na bagay. Ang utang ay maaaring pandamdamin at pangkaisipan, at ang espasyo at panahon ng pagbabayad ay walang takda, maliban sa kusang-loob na pagbabayad sa ibang paraan ng may-utang na tao. Kung walang takda ang pagbabayad, mahihinuhang ang pinahahalagahan ay hindi ang utang bagkus ang pagsasamahan o relasyon ng mga tao, at ang mga taong ito ay maaaring malapit sa puso ng pinagkakautangan ng loob. Ang utang ang nagbibigkis sa mga tao upang sumandig sa isa’t isa, dahil posibleng ang may-utang ngayon ay siyang pagkakautangan ng loob sa hinaharap. Maiisip din na ang utang na loob ay matimbang sa usaping moral, at nagtatakda ng mabuting ugnayan sa pamayanan.

Kung walang maibabayad sa utang na loob, ang pagbabayad ay maaaring sipatin bilang talinghaga ng kabutihang loob. Gumagaan ang kalooban ng kapuwa may-utang at pinagkakautangan, dahil ang utang ay isa lamang tulay upang muli’t muli silang magkaharap at magkatulungan.

PAHABOL: Malaki ang utang na loob ko kay Jing Panganiban-Mendoza sa pagkakabuo ng Alimbukad.com, at marapat siyang pasalamatan. Hindi na lamang subdomain ng WordPress.com ang aking blog. Bilang ganti sa kabutihang loob ng WordPress, nagkusang loob naman akong isalin sa Filipino o sabihin nang Tagalog ang kung ilang terminong ginagamit ngayon sa WordPress Tagalog. Hindi ko mababayaran ang utang na loob ko kay Jing, kaya ibabalik ko ang kaniyang kabutihang loob sa pagsusulat ng matitinong akda, ngayon at sa hinaharap, para sa mga Filipino saanmang panig ng mundo.

Kuwentong Detektib

"Pulo," kuha ni Bobby Añonuevo

"Pulo," kuha ni Bobby Añonuevo

Mabubuksan ang salaysay sa kamatayan, na waring hinango sa nobela ni Dostoevsky, at ang kamatayan ay maaaring sinadya, ngunit walang makababatid kung sino ang salarin. Nabiyak ang ulo ng bangkay, at ipagpalagay nang nabagok, makaraang tumanggap ng punglo o palakol. Uugong ang usap-usapan, dahil ang kamatayan ay posibleng pagpapatiwakal, at ang pangunahing tauhan ay gagagarin ang lunggati ni Raskolnikov.

At ang bagong Raskolnikov ay maaaring dukhang estudyante ng lipunan subalit dalubhasa sa komunikasyon. Isasapuso niya ang pagbubukod sa mga mangmang at tarikan, na ang mangmang ay ang bangkay, at ang tarikan ang nabubuhay. Maraming tungkulin ang tarikan, aniya, at kabilang dito ang pagliligtas sa bayan mula sa kabulukan, kahirapan, at kaguluhan. Marapat namang mamatay ang mangmang, bulong niya, dahil sa nakatutulirong kasakiman o katanyagan—na totoo man o kathang-isip ay iisang tabas lamang.

Maaaring nagnakaw din ang bida, at ang ninakaw ay hindi salapi bagkus dangal. Titindi ang kaniyang krimen dahil pagtataksilan niya ang hinlog, na maaaring lumasap ng alta presyon o atake sa puso. Magdidilim ang paligid ng ating Raskolnikov, malulunod sa pangamba, at habang iniimbestigahan ng awtoridad ay lalaitin ang sinumang makaharap na pulis inspektor na kamukha ni Alex Zamyotov. At si Alex Zamyotov ay maaaring nakakukutob sa krimen. Mala-kristal sa linis ang pook ng kamatayan nang datnan ng mga pulis, saad ng kaniyang ulat. Naglaho ang dugo at kalat sa garahe o banyo. At ang anumang ebidensiya ay waring sinadyang tinangay ng simoy at inilibing ng alabok.

Sasaklolo marahil sa ating bida si Demetria Razumikhin na magpapamalas ng pagsisikap na sagad sa buto, pumutok man ang litid sa leeg, makatapos lamang ng kursong peryodismo. Lalapit si Demetria sa kaniyang kaibigan, at darating ang yugtong ipagtatanggol ang kaibigan kahit sa pagdududa ng madla. Magngingitngit nang lihim si Raskolnikov, dahil habang lumalapit si Demetria ay lalong lumiliit siya sa kaibigang matalik. Lumihis man ang daloy ng salaysay ay hindi maliligaw ang ating bida. Isang kadakilaan ang pagkukubli ng kasalanan, kadakilaang aabot sa sukdulang talino, at ang kasalanang ito ang paghihirapang pagpasiyahan ni Pulpol Petrovich.

Maaaring nababaliw si Raskolnikov, alinsunod sa hinuha ni Hukom Petrovich. At ang kabaliwan ay mauuwi sa kalibugan, hanggang maglustay ng ilang gabi si Raskolnikov sa kandungan ni Sonya Mermelada. Mangungumpisal ka sa puta? tanong ni Sonya sa ating bida. At ang bida ay hahagulgol na tila pag-amin ng kasalanan. Walang makababatid sa usapan ng magkasintahan. Maririnig ng taumbayan ang hagulgol, na lalabas sa motel at maglalakad sa kalye, makikiumpok sa kapihan, hanggang masagap ng sambayanan sa pamamagitan ng selfon o Twitter. Idedestiyero si Raskolnikov doon sa pulong malayo ang radyo o telebisyon, at maghilom man ang kaniyang sugat ay tanging si Sonya lamang ang makaaalam.

Bintana

"Bintana," kuha ni Bobby Añonuevo

"Bintana," kuha ni Bobby Añonuevo

Mabubuksan ang daigdig sa paghihiwalay ng magkapilas na antigong tabing. Gibang tahanan marahil ang matatanaw sa labas, at maalat ang bugso ng amihan. Papaloob ang liwanag sa silid, at kapag tinamaan ka ng sinag ay mapapabalikwas ka. May tilaok na kikislot sa iyong mga bituka. Ang bintana ang mga mata ng tahanan, anila, ngunit para sa iyo’y ang bintana ang mga mata ng daigdig upang makilala ka. Maririnig mo ang kaluskos at hagikhik ng mga bata sa bakuran. Kapag ipininid ang bintana, mabubulag ka rin ba? Hindi. Magbubukas-sara ang mga dahon, at ikaw ay tila huklubang babangon sa malaong pagkakahimbing, upang tuparin ang tadhana—na marahil ay may kaugnayan sa lupa, dagat, langit, at Salita.

Pook-aliwan at Sangguniang Aklat

romblon-004

Dalampasigan, kuha ni Bobby Añonuevo

Binasbasan ng mga sangguniang aklat sa elementarya at hay-iskul ang ilang pook sa Filipinas na ngayon ay paboritong destinasyon ng mga turista tuwing tag-araw. Ang gayong pagkanonigo ay gagayahin kahit sa paggawa ng kalendaryo, poskard, at poster, at maibibilang sa pangunahing tampok ng Kagawaran ng Turismo.  Ilan sa mga pamosong pook ang  Baguio,  Banaue, Boracay, Bikol, Peñablanca, Camiguin, Bohol, Alaminos, Mount Apo, at iba pa. Mababakas ang pagkanonigo kahit sa pook-sapot ng pamahalaan, at sa mga ulat ng mga network ng radyo o telebisyon.

Ang ganitong pagpapahalaga ay posibleng makatulong sa lokal na turismo ng pook. Habang nakikilala, halimbawa, ang Baguio, sumisigla ang kalakalan at transportasyon, nagkakaroon ng trabaho ang mga tao at naitatayo ang mga bagong negosyo at impraestruktura. Sa isang banda, ang pagtutuon sa mga kanonigong pook ay umiiwa sa iba pang karatig-pook nito, na marahil ang tanging maiaambag ay produkto ng lupain o tubigan, bukod sa lakas-paggawa at lawas ng lokal na pamayanan. Ang isang di-kilalang baryo o barangay ay nakatadhanang malubog sa kahirapan, at maaaring makaraos kahit panandali, kapag may malalaking negosyong naglalayong hukayin ang atay ng kabundukan.

Ang pagpapaplanong panturismo, sa aking palagay, ay dapat isinasangkot din ang mga karatig-lalawigang malapit sa mga kanonigong pook panturista. Halimbawa na ang Boracay, na talagang maganda at naibigan ng aking mga anak tuwing dadalaw kami. Ngunit hinihigop ng Boracay ang mga isdang dating kinakain ng mga Rombloanon. Boracay ang naging destinasyon ng mga produkto at kaunlaran, at nakakaligtaan ang ibang taga-lalawigang umaasa sa mumong maibibigay ng Boracay.  Yamang nakapag-aambag ang mga Rombloanon sa Boracay, marapat lamang na tumulong din ang Boracay sa mga munisipalidad ng Romblon, na kinakapos kung minsan ang pagkain, lalo kung tag-araw.

Mabagal ang sistema ng transportasyon at komunikasyon sa mga lalawigan, at masuwerte na kung may signal ng Smart o Globe. Maitatangi ang Puerto Princesa na pambihira ang impraestrukturang binuhusan ng pondo at grant, at mailalaban sa gaya ng Ilocos Norte. Ngunit malaking sakit ng ulo ang pagsesemento ng mga lubak-lubak na daan sa mga lalawigang wala sa priyoridad, at kaya napakabagal ang paghahatid ng mga produkto ng agrikultura sa mga pamilihan. Sa ilang pagkakataon, ang pinakamabilis na transportasyon ay sa pamamagitan ng bangkang de-motor o motorsiklo, dahil kung gagamitin mo ang iyong Pajero o Highlander ay tiyak na mababalaho ka sa daan.

Walang masama sa pagkanonigo sa mga pook panturista. Ang masama’y kung lilimitahan lamang natin ang ating tanaw sa ganitong mga pook, at sa komersiyal nitong maidudulot para tighawin ang layaw, libog, at lungkot. Ang Chocolate Hills, halimbawa, na matatagpuan sa Bohol ay nagkukulay kape tuwing tag-araw at lungting-lungti tuwing tag-ulan. Hanggang ganito palagi ang paglalarawan sa naturang pook: parang tsokolate. Ngunit ang tsokolateng ito ay mahihinuhang mula sa pananaw ng mga dayuhan, at nabura na sa alaala ang lokal na pangalan para sa gayong tumpok-tumpok na burol. Nang puntahan ng mga anak ko ang Carmen, ang nakita nilang tsokolate ay hindi maliliit bagkus mga dambuhalang sorbetes o kawaling nakataob, na ang ilan ay napaliligiran ang paanan ng mga punong niyog. Magbabago ang kanilang pagtanaw sa Chocolate Hills kapag narinig at nabasa ang kuwento ng maalamat na si Aloya, ang babaeng sakdal-ganda na hahabulin ng higante.

Napapanahon na, sa aking palagay, na seryosohin ng kapuwa pambansang pamahalaan at pamahalaang lokal ang pagpapabuti ng mga impraestruktura, transportasyon, at komunikasyon sa mga lalawigan. Kailangang makisangkot din ang mga mamamayan sa gayong proyekto, dahil nakasalalay dito ang kultura, kabuhayan, kaunlaran, at seguridad ng buong pamayanan. Nagiging estatiko ang pagtatanghal ng mga pook panturismo sa Filipinas dahil hungkag na hungkag ang paglinang sa imahinasyon at puwersa ng taumbayan. Kailangang mabago ito. At maaaring simulan ang lahat sa pagtuklas sa kani-kaniyang lalawigan, na maaaring wala mang yungib, lawa, bulkan, payyo, talon, katedral, resort, at iba pang aliwan, ay kayang makapukaw ng interes ng mga tao—na lalampas sa kayang isalarawan ng mga pook-sapot at sangguniang aklat.

Tag-araw

Hahanapin mo ang pook na ito kapag lumalabis ang init ng tag-araw. Maglalakad ka nang nakayapak, at ang makukulay na bato sa dalampasigan ang magpapagunita sa iyo ng mga gumuhong bundok at naaagnas mong katauhan. Lalapit ka sa dagat, at ang dagat ay lalayo sa iyo. Mapapaupo ka sa buhanginan, at ipagkakanulo ka ng sariling anino. [Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo]

Hahanapin mo ang pook na ito kapag lumalabis ang init ng tag-araw. Maglalakad ka nang nakayapak, at ang makukulay na bato sa dalampasigan ang magpapagunita sa iyo ng mga gumuhong bundok at naaagnas mong katauhan. Lalapit ka sa dagat, at ang dagat ay lalayo sa iyo. Mapapaupo ka sa buhanginan, at ipagkakanulo ka ng sariling anino. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nangangarap ka rin marahil noon gaya ni Ulysses. Matigas ang buto, malinaw ang paningin, at matatag ang loob. Habang tumatagal, ang tinatanaw mong ibayo ay umiilap, at ang pakikipagsapalaran ay higit na makulay sa iyong lupang niyayapakan. Ano kaya kung may tapayan sa paanan ng bahaghari? Paano kung bumunsod ang bangka at kainin ng laot? Sino ang magsusulsi ng damit at mananatiling tapat sa paghihintay? Marami kang tanong, at marahil magpapanukala ng sagot ang mga alon. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nangangarap ka rin marahil noon gaya ni Ulysses. Matigas ang buto, malinaw ang paningin, at matatag ang loob. Habang tumatagal, ang tinatanaw mong ibayo ay umiilap, at ang pakikipagsapalaran ay higit na makulay sa iyong lupang niyayapakan. Ano kaya kung may tapayan sa paanan ng bahaghari? Paano kung bumunsod ang bangka at kainin ng laot? Sino ang magsusulsi ng damit at mananatiling tapat sa paghihintay? Marami kang tanong, at marahil magpapanukala ng sagot ang mga alon. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nakabantay ang iyong matapat na kaibigan. Magpapauna siya upang hawiin ang panganib, o kaya'y iligtas ka sa sakuna. Tatahulan niya ang malamig na hihip-dayaray, at maya-maya'y aahon sa dalampasigan ang babaeng nakahubad, at lasing na lasing sa pangangarap. Lalapitan mo siya, ngunit mangangatog ang iyong mga tuhod. Hahalakhak ang babae, at ilang sandali pa'y sasalpok ang mga alon, upang burahin ang bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nakabantay ang iyong matapat na kaibigan. Magpapauna siya upang hawiin ang panganib, o kaya’y iligtas ka sa sakuna. Tatahulan niya ang malamig na hihip-dayaray, at maya-maya’y aahon sa dalampasigan ang babaeng nakahubad, at lasing na lasing sa pangangarap. Lalapitan mo siya, ngunit mangangatog ang iyong mga tuhod. Hahalakhak ang babae, at ilang sandali pa’y sasalpok ang mga alon, upang burahin ang bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Magpapantay sa panginorin ang bundok at dagat. Maaaring matakpan ng mga dahon ang bundok, at ang dagat ay maisasalin lahat sa himpapawid. Marami ka pang kabalbalang maiisip, habang umaalunignig ang mga kuliglig at humuhuni ang mga ilahas na ibon. Mahihiga ka sa ilalim ng sinaunang punongkahoy, at ang iyong anino ay maglalaho sa buhangin. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Magpapantay sa panginorin ang bundok at dagat. Maaaring matakpan ng mga dahon ang bundok, at ang dagat ay maisasalin lahat sa himpapawid. Marami ka pang kabalbalang maiisip, habang umaalunignig ang mga kuliglig at humuhuni ang mga ilahas na ibon. Mahihiga ka sa ilalim ng sinaunang punongkahoy, at ang iyong anino ay maglalaho sa buhangin. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Romblon Rehab

Nakakaadik ang kompiyuter, lalo na ang Dota, at kabilang ang mga anak ko na haling na haling sa mabalasik na larong ito. Kung hindi ko susupilin ang dalawa kong anghel ay baka maging ekspertong hacker sila, o kung hindi’y umimbento ng iba pang larong elektroniko na hihigit sa bakbakan ng mga robotikong halimaw at galaktikong imperyo.

Puro Island Resort

Puro Island Resort

Kaya nagpasiya kaming pumunta sa isang liblib na barangay ng Romblon, at iniwan kahit man lang sa mahigit isang linggo ang kompiyuter.

Noon lamang muli natuklasan ng aking mga anak ang dagat, at ang simoy ng dayaray [sea breeze], na banyaga sa mga tagalungsod. Nagpasunog ng balát ang mga bata sa init ng tag-araw, nakinig sa mga huni ng ibon, at nagpakabaliw sa banayad na hampas ng alon sa dalampasigan. Noong una’y parang di-makatatagal ang aking mga anak, at kung baga sa droga, sumailalim din sila sa matinding pagpupurga ng isip at loob.

Hinayaan ko silang mamulot ng batotoy sa dalampasigan ng Libungan, habang kumakati ang dagat tuwing hapon. (Ang batotoy ay isang uri ng shell na ginagamit sa larong sungka, na kauri ng kuhol.) Namulot din sila ng makukulay na bato, at kung minsan ay nakatatagpo ng mga tuyong isdang-bituin [starfish]. Namangha sila sa mga batuhan na lumilitaw kapag lumalayo ang mga alon, at ikinukubli ng tubig tuwing sumasapit ang taog.

Pumunta rin kami sa Puro Island Beach Resort, na napakamura ng cottage (P700-P800 isang gabi!) at inikot ang pulo nang walang pangamba sa mga pirata o bandido. Walang kuryente sa Puro, kundi ilawang de-gaas, at parang bumalik ang orasan sa Panahon ng Kopong-Kopong. Ngunit hindi naman nagsisi ang aking mga anak, kahit walang telebisyon. Sapat na ang mga bituin tuwing gabi at ang kabilugan ng buwan upang mapanumbalik ang guniguni sa mga diwang sariwa at mistikal.

Kapag maganda pala ang lugar ay lalong masarap tumoma. Masarap ang mga inihaw o ginataang isda, at kung hindi kami aalis ay tiyak kong bari-bariles ang aking matutungga. Ang inisip kong Romblon Rehab para sa aking mga anak ay bumalikwas sa akin, dahil mahirap magpigil sa alkohol sa gabing malamig, at pulos huni ng kuliglig, o sigaw ng tuko ang maririnig.

Maganda ang Romblon ngunit nagkukubli rin ito ng kahirapan. Ang mga isda, halimbawa, na dating inihahatid ng mga mangingisda sa Santa Fe, ay dinadala ngayon sa Boracay upang kumita nang malaki ang mga mangingisda. Ang resulta’y nagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng isda sa Santa Fe, lalo kung tag-araw. Ang nakapagtataka’y parang bulag ang mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Romblon at hindi malutas ang ganitong problema. Ang mungkahi ko’y dapat tumulong din ang Boracay sa mga barangay ng Romblon, dahil ang mga isdang dapat na pinakikinabangan ng mga Rombloanon ay siyang pinagpipistahan ng mga turista ng Boracay.

Nabubuwisit din ako tuwing daraanan ang mga lubak-lubak na daan mulang Odiongan hanggang Guinbirayan. Halos kalahating siglo na yata ang proyektong ito ngunit hindi matapos-tapos dahil sa kung ano-anong dahilan, at isa na marahil ang korupsiyon sa pagawaing-bayan. May ilang bahaging sementado, ngunit ilang metro lamang ang layo ay lubak-lubak na. Ganiyan ba talaga gumawa ng daan ang DPWH sa Romblon? Napakayaman ng kongresman ng Romblon, at kung maaanggihan ng kaniyang yaman ang pagawaing-bayan ay malaking ginhawa hindi lamang sa mga Rombloanon kundi maging sa mga posibleng turista nito sa hinaharap.

Nababanggit ko ito dahil sa rehab ng aking mga anghel. Ngunit kailangan din ng Romblon ang matinding rehabilitasyon, at dapat tulungan ng pamahalaang pambansa ang buong Romblon. Sumisikat lamang ang Romblon kapag may lumubog na barko o tumagas na langis sa dagat, ngunit hindi nabubunyag ang kahirapan ng mga tao. Nalilingid kahit ang kapabayaan ng DepEd sa matatapat, masisikhay na gurong walang sawang nagtuturo sa mga batang dukha, kahit gigiray-giray ang mga paaralan o kulang sa mga aklat at kasangkapan ang mga bata. Nalilihim kahit ang korupsiyon sa mga pamahalaang lokal na dapat sanang nagbibigay ng libreng butil, binhi, at pataba (bukod sa kaalamang teknikal) sa mga magsasakang nais pagyamanin ang lupa. Nakakaligtaan ang mga mangingisda na naghihirap sa tumitinding pagkaubos ng mga isda at pag-init ng daigdig.

Ang Romblon Rehab ay hindi lamang para sa aking mga anak. Ang Romblon Rehab ay kailangan ng buong Romblon na dapat tinutulungan ng buong Filipinas upang makalaya na ito sa walang katapusang kahirapan at pagkainutil ng opisyales ng pamahalaan. Kaya kung magagawi kayo sa Romblon, huwag lamang ninyong isipin na magliwaliw at magpakasaya. Isipin din ninyo kung paano tutulungan ang mga Rombloanon, na isa ring Filipino na kailangan ang ating kalinga at pagmamahal.