Halaman sa Tadyang

Isang maikling kuwento ni Pedro S. Dandan ang pumapaksa sa pagkabuwal ng kawal noong digmaan. Pinamagatang “At Nupling ang Isang Halaman,” ang akda’y nagsasalaysay sa malagim na pangyayari sa sundalong tinamaan ng bala habang nakikihamok sa tropang Hapónes doon sa Bataan. Nalugmok sa gilid ng punongkahoy ang lalaki, at habang agaw-buhay ay ginunita ang masasayang araw sa piling ng kaniyang ina, kasintahan, at Lupang Tinubuan.

Sa unang malas ay sentimental at melodramatiko ang rendisyon ng salaysay, ngunit kung uuriin nang maigi’y matutuklasan ang paggamit ni Dandan ng mga pahiwatig o pagpaparamdam hinggil sa unti-unting pagkamatay ng sundalong si Berto. Ang pagkamatay ni Berto ay magsisimula sa paghahangad nitong maging sundalo upang labanan ang mananakop, at ito’y ipahihiwatig ng pangangamba ng ina niya. Ang ikalawang pagkamatay ni Berto ay ang pagkakawalay sa kaniyang magulang at kasintahan. Ikatlong kamatayan ang pagkakalayo sa baryong kinalakhan upang sumabak sa Bataan. Ikaapat na kamatayan ang kawalan ng saklolo mula sa kapuwa sundalo o kababayan sa gitna ng paghihirap habang malubhang sugatan. Ikalimang kamatayan ay mula sa uwak na kumain ng laman at uminom ng dugo ni Berto. At ikaanim na kamatayan ang kawalan ng lilim ng punongkahoy na kinahimlayan niya.

Ngunit sa kabila ng pagkakalugmok ni Berto ay kakikitaan siya ng katatagan at kahinahunan. Lupa ang nagpapalakas kay Berto upang ipagpatuloy ang pakikibaka, at kaugnay iyon ng lunggating bigyan ng maaliwalas na kinabukasan ang kaniyang bayan. Bagaman bibiguin si Berto ng kapalaran, at mananaig ang dahas ng digmaan, ang mortal niyang katawan ay magiging pataba ng lupa upang sumupling ang isang halaman sa pagitan ng kaniyang mga tadyang, at lumilim sa tapat ng kaniyang pusong nasisinagan ng araw.

Lupa ang talinghaga ng kuwento, at ang lupang ito ay hindi lamang tumutukoy sa isang kipil na lupa o pitak-pitak na bukirin. Sa mga sinaunang tula, dula, at katha, ang “lupa” ay kaugnay ng Tinubuang Bayan, at sumasagisag sa Bansa. Mahalaga ring pansinin ang ina ni Berto, dahil ang “ina” ay nagtataglay din ng pahiwatig ng kabansaan, gaya ng “Inang Bayan” na ginamit sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kahit ang kasintahang si Lilay ay maiuugnay sa kabansaan, dahil ang pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay malimit iniuugnay sa panliligaw, pagtatanggol ng puri, at pagpapakasal sa matalinghagang babae.

Nilulupig ng digmaan ang mga tao, anuman ang uri, edad, at kasarian, at ito ang ipinahihiwatig ng kuwento. Gayunman, ang pag-asa na bubukal sa kalooban ng mga mamamayan ang magpapabago ng timbangan upang umusad ang lahat tungo sa kapayapaan. Ang pag-asang ito ang tataglayin ng ina at kasintahan ni Berto, at ang hulagway na ipamamalas ng halamang sumibol sa kalansay. Naagnas man ang katawang pisikal ni Berto, ang kaniya namang diwa para sa kalayaan ay mananatili magpakailanman.

4 Tugon

  1. 1st time ko sa blog mo. nasundan kita sa link ni sandi.

    galing ng sulat mo

    • Salamat sa iyong pagdalaw, at nawa’y hindi ka magsawa sa pagbabasa sa Alimbukad.

  2. Sabi ko na nga ba e me kakaiba sa blog na ito. Talagang panitikan ang dating. Maaari ka bang ma add sa akin at makasama sa community ninyo?

    • Maraming salamat sa iyong pagdalaw. Ikakawing kita, at malaya kang tumuloy sa pamayanan ng mga manunulat.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: