Rio Alma ng Marso

Espesyal ang Marso 9 dahil ito ang kaarawan ni Rio Alma, alyas ni Virgilio S. Almario na kinikilalang Pambansang Alagad ng Sining at Dekano ng mga Makata. Malimit noong humihinto ang daigdig pagsapit ng naturang araw, dahil hindi lamang inuman ang tampok kundi ang paglulunsad ng mga aklat ni Rio. Parang ipinagugunita lamang ni Rio na hindi nasayang ang kaniyang panahon, at matapos ang ilang buwang paghahanda ay heto’t meron ulit siyang bagong akda.

Ang isang naibigan ko kay Rio ay ang pagiging mahigpit, suplado at mataray, at hindi niya ikukubli ang iyong katangahan, kung hindi man kapangahasan, sa bagay-bagay. Makikita ito sa kaniyang pagdalo sa mga palihan ng pagsulat, lalo sa tula, at maging sa pagsusuri at pagsuyod sa mahabang panahon ng panitikang Filipinas. O kaya ay sa pag-edit o pagsasaayos ng mga teksto, at pagbibigay ng mungkahi o puna upang mapahusay ang mga akda. Pasensiyoso siyang gabay sa iyong pagsisimula, ngunit habang lumalaon ay lalargahan ka niya upang makapagsarili ka at humanap ng landas na kakaiba sa kaniyang tinahak. Kung wala ka namang talento ay marunong din siyang magpayo para maikambiyo mo agad ang sarili sa bagong daan o proyekto.

Maaaring nagkataon lamang ang pagkakahawig sa pangalan nina Rio Locsin at Alma Moreno ang Rio Alma, ngunit ang maganda’y pinagtatambal ng kaniyang katauhan ang “ilog” (Rio) at “kaluluwa” (Alma) na maaaring magpahiwatig ng “ilog ng kaluluwa” sa buong karera niya bilang makata, kritiko, manunulat, editor, tagasalin, istoryador, kuwentista, tagasalin, editor, pabliser, propesor, administrador, aktibista, at iba pa. Malimit niyang sabihin na hindi siya natatakot maglakbay, at ang kaniyang paglalakbay ay hindi tuwid at patag, bagkus pasikot-sikot, matarik, mabato at hitik sa laláng at patibong. Ito aniya ang nagpaparikit ng buhay, dahil walang makahuhula ng wakas at nasa palad mo kung ano ang nais mong maging tadhana.

Ang kahanga-hanga kay Rio ay ang talas niyang mag-isip, at bawat pangungusap ay nag-aangkin ng talim. Ngunit huwag akalaing siya’y seryoso palagi. Ang totoo’y malimit niyang nasisilip ang kakatwa sa mga pangyayari, at nakapagbibitiw pa ng biro na magpapagaan ng kaniyang puna at impresyon. Sa mga panahong kinakailangan niya ang bagong anggulo ng pagtanaw, sisikapin niyang kausapin ang iba’t ibang tao at kumbaga sa paglilitis ay makikipagpalitan ng opinyon at diwa habang tumotoma o namumulutan. Maaaring nababawasan siya ng kung ilang libong neuron tuwing kasama si San Miguel, subalit ang kataka-taka’y napapalitan yaon ng iba pang koneksiyon sa utak at guniguni, bukod sa dagdag na bilbil at gastos, upang isilang ang samot-saring kabatiran at pag-unawa.

Kay Rio ko lamang nakita ang sinop sa pagtitipon ng talinghaga at salita, at hindi ako nagtataka kung ang pinagkakaabalahan niya ngayon ay ang ikalawang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino na nakatakdang lumabas ngayong taon. Nakafolder ang mga tula niya, at nakaporma alinsunod sa siklo ng kaniyang mga aklat. Hindi siya ang tipong paisa-isa kung gumawa ng aklat. Kung hindi niya matapos ang isa’y haharapin ang ikalawa o ikatlong manuskrito at doon ibubuhos ang lakas at panahon. Kaya nakapaglalabas siya ng ilang aklat kada taon.

Mahirap nang masundan ang sigasig ni Rio Alma bilang makata, o ni Virgilio S. Almario bilang kritiko ng panitikang Filipino. Hindi siya mapakali o makontento sa estado ng ating panulaan o panitikan, at nagbibigay siya ng halimbawa sa iba kung ano-ano pa ang mga maaaring gawin. Hahamunin ni Rio ang kaniyang sarili kahit sa piling ng mga kabataang manunulat, habang nakahanda rin sa pakikipagtagisan sa mga manunulat na kaniyang kapanahon. Maaaring napapansin na rin ni Rio na wala na siyang kinakalaban kundi ang sarili, at ito ang lalong nagpaparikit ng kaniyang karera bilang alagad ng sining: ang higtan ang sarili sa sukdulang pakahulugan.

Naniniwala ako na si Rio Alma pa rin ang pinakamahusay na makatang Filipino sa panahong ito, na pandaigdigan ang kalibre o husay, at maaaring ilaban o ipusta kahit sa premyo Nobel [Nobel Prize]. Ang problema sa mga bumubuo ng Nobel ay maaaring walang pasensiya ang mga ito na basahin ang lalim at lawak ng pananalinghaga ni Rio, na banyaga sa kanilang hinagap lalo’t nagmumula siya sa isang munting arkipelago sa Timog Silangang Asya. Nauuna sa kaniyang panahon si Rio Alma bilang makata, at ang kaniyang pagkamakata’y laging nakaugnay sa kaniyang tinubuang bayan samantalang handang sumagap sa anumang maihahain ng daigdig. Kahanga-hanga rin ang kaniyang bisyon sa panulaang Filipinas, na hindi ko natagpuan sa iba pang makata ng kaniyang henerasyon.

Kailangang tuklasin muli si Rio Alma bilang makata. At magagawa natin ito sa pagbabasa ng kaniyang mga aklat na naghihintay lamang na buklatin.

5 Tugon

  1. Napapanahon po itong mga tanong ko, sa nalalapit na gawaran ng premyo Nobel ngayong taon. Gaano po ba kalaki o kaliit ang pagkakataon ng ating Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario na masungkit ang Gawad Nobel sa mga susunod na taon kung hindi sa 2009?

    Maliban kay Cory Aquino, wala pa po akong nababalitaang Filipino na naging nominado. Sa pagtataka lang po, mayroon na po ba kayong napag-alamang ibang Filipino na naging kandidato kahit para sa literatura? O kung hindi man naging kandidato, may nabalitaan na po ba kayo na Filipinong nakatanggap ng sulat para pumusta? Talos ko pong nagpapadala ng imbitasyon ang mga kasapi ng Nobel Foundation sa mga miyembro ng akademiya at unibersidad (kabilang naman siguro ang Filipinas) para magrekomenda ng mga maaring ilaban.

    Maraming salamat po.

    • Mahirap magwagi ng Gawad Nobel, dahil hindi maiiwasan doon ang politika, gayunman may laban ang gaya ni Virgilio S. Almario kung ihaharap ang kaniyang mga tula, kritika, at saliksik na may kinalaman sa panitikan. Matagal ko nang sinasabi na malakas na pambato si Almario sa Gawad Nobel para sa Panitikan, dahil pandaigdigang uri ang kaniyang mga tula at kritika.

      Wala akong alam na iba pang Filipino na ikakandidato sa Gawad Nobel, maliban siguro kay F. Sionil Jose. Ngunit mahina ang kalidad ng mga nobela ni Jose, at sa aking palagay ay hindi siya mananalo sa pandaigdigang larang.

  2. I think there was one Kapampangan writer who was nominated once for the Nobel Prize for Literature. I just can’t remember the name although I have read it somewhere.

  3. Pambato at malakas ngang pambato si G. Rio alma sa Gawad Nobel. At marahil di na magtatagal, may mga Pinoy pang manunulat, mula sa kabataan, tulad ninyo…

  4. ano po yung mga kahinaan, sa kabuuan, ng mga nobela ni f. sionil? kahit maikling paglalagom lang po. salamat

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: