Love Letter

Ensueños de Amor, pintura ni Juan Luna

Nakapaloob dito ang mga bituin, at ang sumulat ay nalalasing sa pagtingala sa kaniyang paraluman. Pasuray-suray ang mga salita, sumusuka ng mga talulot, at handang magpaamo ng mga anito sa sanlibong motel. Maaaring tukayo ni Beatrice ang dilag, ngunit hindi mo panghihinayangan kung siya man ay magpakilalang Ligaya o Soledad. Hahabulin ng mga pangako ang binibini, at ang binibini ay lumapit-lumayo na katumbas ng umaalagwang saranggola at iniikid na pamingwit. Maya-maya’y sasalimbay ang mga grapikong papuri, na maaaring tudyo sa malantik na pilik o manipis na palda, hanggang mauwi ang usapan sa halakhak o hinampo. Ibang espiritu ang nasok sa ulo ng awtor, at kung hindi siya mapipigil ay makaiipon ng tomo-tomong pagbati o pag-aalala, kahit magawi ang paksa sa agham at batas, lakad at layaw. Magtataka ang bawat salita kung sino-sino ang katabi nito, na posibleng  nahihibang, inaantok, o sumasalungat sa mundo. Malilito marahil ang paraluman, mababaliw sa lohika at paramdam, at kung siya nga ang tunay na bituin, ang mortal niyang manliligaw ay napakaliit, napakahamak sa kaniyang kumikisap na paningin.

Advertisements

Sagop

Alapaap

Ito ang panahon ng kaniyang muling pagsilang. Marahil isa siyang iginagalang na pitho na ibinilanggo sa matibay na abram, pinabaunan ng dalangin at bulong ng kaniyang lipi, bago inilagak sa singit ng yungib. (Ibinabalik ang kaniyang binurong loob ngayon upang ipaloob sa kristal na kahon.) At ang kaniyang kalansay na dumanas ng ritwal ng paglilinis noon ay marahang hinugot na gaya ng sanggol sa puwerta ng sagradong karimlan. Nasilaw ang buo niyang katauhan sa lente, sinag, at kislap ng kung anong aparato. Nang ilapag siya sa hapag-tistisan, bahagyang bumuka ang kaniyang bibig na waring sumisigaw; sumungaw na luha sa kaniyang hungkag na mata ang bulawang kulisap; lumundag ang dagitab sa kaniyang maputing noo; saka biglang umihip ang simoy na waring nagbabadya ng siyam-siyam.

(14 Mayo 2005)

Genoveva Edroza Matute (1915-2009)

Geneveva Edroza Matute

Genoveva Edroza Matute

Pagpapahiwatig ang isang matingkad na katangian ng mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Karaniwang magtutuon siya sa isa o dalawang tauhan, at sa mga tauhang ito ay lalaruin niya ang banghay at gusot ng kuwento. Ang pingas o puntos ng tauhan ay maaaring nasa kapasiyahan nito, at hindi dahil sa taglay na personal at panlabas na anyo. Sa mga matagumpay niyang kuwento, ang mga tauhan ay pumupukol ng mabibilis na salitaan, o nagsasalita sa guniguni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa.  Sumasabay din ang mga kuwento ni Aling Bebang, palayaw ni Matute, sa mga kasalukuyang pangyayari na kung minsan ay nakalulugod at kung minsan ay nakaiinis, at kung ano man ang epekto nito sa mambabasa’y mauugat sa lalim ng pagkaunawa ng manunulat sa kaniyang pinapaksa.

Si Aling Bebang, ayon sa talambuhay na sinulat ni Gregorio C. Borlaza, ay bunso sa labindalawang magkakapatid, at supling nina Anastacio B. Edrosa at Maria Magdalena K. Dizon. Siyam ang namatay sa kaniyang mga kapatid, at karamihan ay wala pang isang taon ang itinagal sanhi ng pagkakasakit. Lumaki siya sa Tayuman-Oroquieta, malapit sa karerahan ng kabayo sa San Lazaro. Hindi naglaon ay nakitira siya sa kaniyang ale—na kapatid ng kaniyang ama—doon sa Felix Huertas, Maynila hanggang makatapos ng elementarya. Nag-aral siya sa Santa Clara Primary School (na magiging Gomez Elementary School) at Magdalena Elementary School, pagkaraan ay sa Manila North High School (na Arellano High School ngayon), nagkolehiyo sa Philippine Normal School (na Philippine Normal University ngayon), hanggang matapos ang masterado sa Filipino at doktorado sa edukasyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Kontrobersiyal ang buhay ni Aling Bebang dahil malinaw ang kaniyang paninindigan sa pagsusulong wikang pambansa. Ang ganitong tindig ay maaaring sanhi ng kaniyang masaklap na karanasan noong nasa elementarya, na inilakip ni Borlaza sa talambuhay ni Aling Bebang:

Mabuti naman at mababait ang mga guro sa mga paaralang pinasukan ni Bebang, bagaman ang guro niya sa Unang Baitang ay may kakatuwang pamamalakad. Bawal na bawal noon ang pagsasalita ng Tagalog. Ang kanyang guro ay may malalim na bulsa sa saya (baro’t saya pa ang kasuotan ng mga gurong babae noon), na may lamang siling labuyo. Kapag may nahuli siyang mag-aaral na nagsasalita ng Tagalog ay dumudukot siya ng sili at pilit na ipinangunguya sa pobreng “nagkasala.” Sinasabitan din ng kartong may ganitong nakasulat: I was caught speaking the dialect.

Ang palakad na ito ay laganap noon sa buong Pilipinas. Hindi lamang Tagalog kundi lahat ng wikang pansarili ng iba’t ibang rehiyon ay ipinagbawal. Ito ay nanatili hanggang maging malaya na ang Pilipinas. Mabuti ang hangarin—upang matulungan ang mga mag-aaral na madaling matuto ng Ingles—subalit masama ang naging epekto sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Maliit pa siya’y naiisip na: “Biglang naipit sa desk ang paa ko. Siyempre, masasabi ko ang Aray! Ang lagay ba, iisipin ko muna ang tawag doon sa Ingles, at pagkatapos ng mahahabang sandali ay saka pa ako dadaing ng Ouch!”

Hindi rin batid ng nakararami na may mga pinaaral na iskolar si Aling Bebang (na ginagawa yaon bilang pagpupugay sa kaniyang inang si Maria Magdalena), at ang dalawa sa mga ito ay nagpasalamat sa kaniya noong kaniyang burol. Malimit sabihin ni Aling Bebang sa kaniyang mga iskolar: “Mag-aral kayo at magsumikap. At kapag kayo’y nakatapos ay tumulong din kayo sa ibang tao upang mabawasan ang kanilang paghihirap.” Akala ng iba’y sadyang masungit at mahigpit si Aling Bebang, yamang walang anak at maagang nabalo nang yumao ang manunulat na si Epifanio G. Matute. Malambot din pala ang kaniyang puso sa mga kabataang masikap ngunit dukha.

Hindi kataka-taka ang pagmamalasakit ni Aling Bebang sa kaniyang mga kabataang iskolar. Ang pagnanais na umangat sa pamamagitan ng edukasyon ay matutunghayan kahit sa kaniyang kuwentong “Bughaw pa sa likod ng ulap”  na tungkol sa magkapatid na naghirap at natutong mabuhay sa pangangalap ng basura nang maulila sa ama pagkaraan ng digmaan, ngunit sa kabila ng lagim ay mangangarap pa rin ang isang bata na makatapos ng pag-aaral.

Sa isang kuwentong pinamagatang “Lola,” inilahad ni Aling Bebang ang isang pangyayari sa pananaw ng isang inang dukha na may sandosenang anak. Nakatagpo ng babae sa ospital ang isang matandang mayaman, na sa unang malas ay pasyente ngunit ang totoo pala’y doon lamang tumitira sa ospital kahit walang sakit yamang walang nag-aalaga sa kaniyang kaanak. Inalok ng matanda ang babae na ampunin na lamang niya ang isang anak, at tutumbasan niya ng salapi iyon para sa ikaaangat ng buhay ng pamilya ng babae. Sa dulo ng kuwento, lumayo ang babae at humabol naman ang matanda. Walang sinabi ang babae ngunit nakintal sa kaniyang gunita ang matandang bihis na bihis at nahihiyasan, iniaabot ang supot ng pasalubong, at ang kanang kamay ay nakalahad na umaabot sa patalilis na kausap.

Ipinamalas lamang ni Genoveva Edroza Matute na kahit sa kuwento ay hindi dapat sabihin ang lahat, at mabisa ang pahiwatig ng mga larawan o tagpo. At kahit sa tunay na buhay, may mga bagay na mabuting ilihim, kahit ang tapat na pagtulong at pagmamahal sa kapuwa at kababayan.

Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado

Si Jose A. Bragado ay isa sa mga iginagalang na manunulat na Ilokano na mangangatha, peryodista, editor, at makata na nagtamo ng mga parangal sa mga institusyong gaya ng GUMIL at UMPIL, at nakapaglakbay sa ibayong dagat upang magbigay ng mga panayam o katawanin ang bansa sa mga kumperensiya. Nakasulat aniya siya ng 16 nobela, 55 maikling kuwento, 55 tula, pitong nobelang pangkomiks, at 157 sanaysay at artikulo.

Pinakabago niyang epiko ang Pamulinawen (1995) na isinulat sa Iluko, at tinumbasan ng salin sa Filipino ni Dr. Crispina B. Bragado. Walang pumansin halos  sa naturang epiko, at kung bakit ay dapat nating alamin.

ilocos-escapade-apr2008-0431Pinapaksa ng Pamulinawen ang pakikipagsapalaran ni Ricardo na pinaghunos ang pagkatao ng pagsiklab ng digmaan. Sumalakay ang hukbong sandatahang Hapones sa Ilokos, nawasak ang kabuhayan ng mga mamamayan, gumuho ang halagahan at lumaganap ang panunulisan, at walang ibang magagawa kundi ang sumapi sa mga gerilya o pumanig sa mga mananakop. Pinatay ng hukbong Hapones si Tandang Angkuan, ang ama ni Ricardo, samantalang nagsundalo naman ang mga kapatid niyang sina Alfredo at Generoso. Naghasik ng lagim si Arrabas na puno ng mga tulisan.

Nagpasiya si Ricardo na hikayatin ang mga kabataan at magtatag ng armadong pangkat na handang lumaban sa mga Hapones at tulisan. Namundok ang pangkat ni Ricardo, at nagsanay sa mga pagsalakay, at tinambangan isang araw ang tropa ng Hapones. Nakaagaw sila ng armas, napatay ang mga kalaban, at ito ang naging sanhi upang mapoot si Kapitan Furukawa ng Imperyong Hapón. Gumanti si Furukawa sa pamamagitan ng panununog, panggagahasa, pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay. Aakalain niyang nagapi na ang mga gerilyang Filipino, ngunit imbes na manghina ay lalong lumakas pa ang pagsalungat.

Nang lumaon, gagamitin ni Ricardo ang pangalang “Pamulinawen” na nangangahulugang “matigas o matibay” gaya ng batong hindi naaagnas o kahoy na taga sa panahon. Tumanyag ang pangkat ni Pamulinawen, at kikilalanin ito ni Koronel Lagmay. Gagawaran si Pamulinawen ng ranggong Tenyente, at pagkaraan ay aatasamg tugisin sina Furukawa at Arrabas. Nakipag-alyansa si Pamulinawen kay Satur upang mabihag si Arrabas, ngunit pagkaraan nito ay naglahong bigla sa salaysay si Arrabas. Masusukol sa isang armadong bakbakan ang tropa ni Pamulinawen at mabibihag sila ni Furukawa.

Muntik nang mapatay si Pamulinawen kung hindi siya sinaklolohan ni Berto na espiya ng tropang Hapones ngunit pagkaraan ay nagbagong loob at sumanib sa kawsa ni Pamulinawen. Pinalaya niya si Pamulinawen at ang iba pa nitong kasama, nagkaroon ng engkuwentro, at napatay si Furukawa. Nagwakas ang epiko sa paglisan ng tropa ni Pamulinawen sa kampo ng mga Hapones, at ipinahiwatig ang tagumpay sa pamamagitan ng pagsapit ng bukang-liwayway.

Maraming butas ang epiko na kasumpa-sumpa.

Una, problematiko ang daloy ng salaysay, mulang pangangalap ng tauhan ni Pamulinawen hanggang pakikipagbakbakan kina Arrabas at Furukawa. Kaduda-duda kahit ang paghirang sa sarili ni Ricardo bilang tenyente na waring hanggang isip-ranggo lamang ang mga kawal noon. Tumatalon kahit ang transisyon ng mga tagpo, mulang Pamulinawen at Furukuwa hanggang kampo at trintsera. Parang Rambo ang pagsasanay ng mga bagitong gerilya at pananambang sa mga Hapones, at nagapi ng pangkat ni Ricardo ang kalaban kahit wala pa itong sapat na karanasan sa pakikidigma. Hahabulin ni Pamulinawen si Furukuwa, at hahabulin ni Arrabas si Pamulinawen, at si Furukawa naman ay tutugisin din si Pamulinawen. Kung paanong hindi magtagpo ang tatlo sa Ilokos ay isang palaisipan.

Ikalawa, malabo ang mga tauhan sa epiko. Pinakamatingkad dito ang katauhan ni Arrabas na hindi malaman kung ano na ang nangyari sa kaniya matapos tugisin ng magkasanib na puwersa nina Pamulinawen at Satur. Matapos ipakilala si Arrabas na mabalasik na tulisan ay isinaad na lamang sa Kabanata 8 ang kaniyang pagkamatay sa hindi malamang dahilan. Kaduda-duda rin ang katauhan ni Berto bilang espiya ng Hapones ngunit kumampi pagkaraan sa mga Filipino, at isa siyang halimbawa marahil ng doble-karang espiya. Kung gayon nga, nabigo itong linangin sa salaysay, at parang komiko ang biglang pagbaligtad ni Berto. Mahina kahit ang paglinang sa mga katauhan nina Pamulinawen at Furukawa, at ang kanilang pagiging pinuno ay personal imbes na militar ang pagdulog. Sa Kabanata 6, isinaad doon ang unang paghaharap ng magkatunggali. Nagbigay ng manok kay Furukawa ang nagbabalatkayong magsasakang si Pamulinawen, at itong si Furukawa naman ay tila tunggak na naniwala sa gayong pakana. Kaya pala ginawa iyon ni Pamulinawen ay upang mukhaan lamang ang Hapones!

Ikatlo, nabigong maipakita sa epiko ang lawak ng imahinasyon sa paglalarawan ng mga lunan. Nasayang ang banggit sa Kailokuhan dahil parang palamuti lamang ito na nilalakbay nang mabilis nina Pamulinawen at Arrabas. Maganda sanang tagpo ang panununog ng buong bayan, ang pangungulimbat sa mga ari-arian, ang malaganap na ligalig at gulo ng mga tao, ngunit hindi iyon mapalalawig sa kuwento. Ni hindi rin maipamamalas ang malawak na kagutuman o tagsalat, at natabunan ang gayong tagpo ng panggagahasa nina Furukawa at Arrabas sa mga dalaga, o kaya’y sa pag-asinta ni Pamulinawen sa dati niyang kasintahan at bagong inaasintang dalagang si Brigida.

Ikaapat, kumapal ang epiko dahil ang ilang bahagi ng Kabanata 6 ay inulit lamang sa Kabanata 8, at marahil isama na ang pagkabusalsal ng paglilimbag. Nawala ang mga pahina 88 hanggang 103, at kung naroon man ang misteryo ng pagkamatay ni Arrabas ay hindi na mahalaga.

Ikalima, sumamâ ang epiko sa salin ni Belen, at pambihira ang pananaludtod sa Filipino na mapaiikli at maisislid sa tugma at sukat kung nanaisin.

Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati. Pasibo lagi ang mga Filipino na reaksiyonaryo ang tugon sa pananakop ng mga dayuhan o sa paghahasik ng lagim ng mga tulisan. Napakarupok ng balangkas ng epiko, at mabuway kung gagamiting haligi ang mga tauhang Pamulinawen, Furukawa, at Arrabas na waring hinango sa patakbuhing pelikulang koboy. Kung gagamiting panukatan ang epikong Pamulinawen, masasabing nahuhuli na ang panitikang Iluko sa pambansang antas. At ang epikong ito, na bagaman nasusulat sa Iluko at nagmula sa manunulat na Ilokano, ay hindi dapat mabilis na ipagmagara na mahusay. Kahanga-hanga ang wikang Ilokano, datapwat hindi nangangahulugan iyon na magaling na ang epikong tulang Pamulinawen, na napakalambot kung hindi man walang latoy bilang halimbawa ng matinong panitikan.

Pahabol: Nakikiramay ang Alimbukad sa pagyao ni Genoveva Edroza Matute, na mas kilala bilang Aling Bebang. Masakit ang pagkawala ng isang manunulat, lalo’t nakapag-ambag siya nang malaki at makabuluhan sa ating panitikan at sa ikagaganda ng daigdig.

Ang Pasamano

"Tampuhan," oleo sa kanbas, pintura ni Juan Luna

"Tampuhan" (1895), oleo sa kanbas, pintura ni Juan Luna

ANG PASAMANO

(pagkaraan ng “Tampuhan” ni Juan Luna)

Kung makapangungusap ang pasamano, ano ang wiwikain nito
sa binatang malayo ang tanaw? Sasabihin ba nitong, “Ang bigat mo!”
at itataboy ang lalaki palayo sa babaeng minamahal?
Ngunit maaaring ang iniisip ng lalaki’y ang magkaibigan
sa kabilang bahay, at inaasám na mayakap ang sinisipat na dilag.
Samantala’y bumibilis marahil ang tibok ng katabi niyang dalaga,
na halos magbulkan ang dibdib sa paninibugho. At ang panibugho
na parang tiktik ay tatangayin ng hangin, lalabas sa durungawan,
at titiyakin ang agam-agam sa katapatan ng pagtitinginan.

Hanggang sumapit ang prusisyon, at basagin ng musika ang pagdaramdam.

Baka nasamyo ng pasamano ang halimuyak ng baro ng binibini,
at kung ito’y nagkataong multo, maaaring inakbayan o niyakap
nito ang babae na animo’y nagugutom, nahihilo, o wala sa sarili.
Umikli ba ang dila ng babae na nagtampo’t pumikit sa mundo?
Ngunit maaaring naghihintay lamang siya ng abaniko, panyo, tsaa,
at katagang “Patawad!” mula sa kaniyang malikot na kasintahan.
O baka naman mainit ang ulo ng lalaki, at kailangang iraos niya
ang niloloob sa pagpapahangin? Lumalayo kahit ang napakalapit,
at marahil ito ang sasabihin ng pasamano sa ginoong ilahás kung umibig.

Ang Kahon

"Balikbayan Box," pintura ni John Santos

"Balikbayan Box," oleo sa kanbas, pintura ni John Santos

ANG KAHON

(salamat sa “Balikbayan Box” ni John Santos)

Maaaring ang parihabang kahon ay matayog na gusali,
at ang loob ay naglilihim ng mga butong bali-bali.
Nagtataglay din marahil iyon ng tsokolate, prutas, alak,
gamot, damit, kompiyuter, retrato, at kung ano-anong
rekwerdo o pasalubong o bakás ng mga paglalakbay.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang laksang silid.
Buksan ang mga silid at lilitaw ang sumpa at salot.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang mga bintana.
Buksan ang mga bintana, at mauulit ang panahon ng pagtuklas.

Maiiwan sa loob ng kahon ang Pag-asa.

Nasa tuktok niyon ang mga aklat ng karunungan o bait
o karanasan na masasagap sa banyagang isla o lupalop.
Sapatos ang palamuti sa garautan, ang sapatos na tumapak
sa entablado at balikat, sa bibitayan at anino upang manaig.
Gawa sa Filipinas ang kahon, ngunit marahil hindi ang laman,
dahil ang anumang umalis sa pantalan o paliparan
ay maghuhunos ng anyo, magpapalit-pangalan, mananariwa
sa pasaporte, retrato, at katauhan. O ito lamang ang nais
mong isipin. May naglaho at maaaring hindi na magbabalik pa.

Ipagugunita ng kahon ang lahat ng balikbayan. At ang balikbayan,
gaya ni Jose Rizal, ay dapat litisin, hatulan, bago kitlin sa Bagumbayan.

Halaman sa Tadyang

Isang maikling kuwento ni Pedro S. Dandan ang pumapaksa sa pagkabuwal ng kawal noong digmaan. Pinamagatang “At Nupling ang Isang Halaman,” ang akda’y nagsasalaysay sa malagim na pangyayari sa sundalong tinamaan ng bala habang nakikihamok sa tropang Hapónes doon sa Bataan. Nalugmok sa gilid ng punongkahoy ang lalaki, at habang agaw-buhay ay ginunita ang masasayang araw sa piling ng kaniyang ina, kasintahan, at Lupang Tinubuan.

Sa unang malas ay sentimental at melodramatiko ang rendisyon ng salaysay, ngunit kung uuriin nang maigi’y matutuklasan ang paggamit ni Dandan ng mga pahiwatig o pagpaparamdam hinggil sa unti-unting pagkamatay ng sundalong si Berto. Ang pagkamatay ni Berto ay magsisimula sa paghahangad nitong maging sundalo upang labanan ang mananakop, at ito’y ipahihiwatig ng pangangamba ng ina niya. Ang ikalawang pagkamatay ni Berto ay ang pagkakawalay sa kaniyang magulang at kasintahan. Ikatlong kamatayan ang pagkakalayo sa baryong kinalakhan upang sumabak sa Bataan. Ikaapat na kamatayan ang kawalan ng saklolo mula sa kapuwa sundalo o kababayan sa gitna ng paghihirap habang malubhang sugatan. Ikalimang kamatayan ay mula sa uwak na kumain ng laman at uminom ng dugo ni Berto. At ikaanim na kamatayan ang kawalan ng lilim ng punongkahoy na kinahimlayan niya.

Ngunit sa kabila ng pagkakalugmok ni Berto ay kakikitaan siya ng katatagan at kahinahunan. Lupa ang nagpapalakas kay Berto upang ipagpatuloy ang pakikibaka, at kaugnay iyon ng lunggating bigyan ng maaliwalas na kinabukasan ang kaniyang bayan. Bagaman bibiguin si Berto ng kapalaran, at mananaig ang dahas ng digmaan, ang mortal niyang katawan ay magiging pataba ng lupa upang sumupling ang isang halaman sa pagitan ng kaniyang mga tadyang, at lumilim sa tapat ng kaniyang pusong nasisinagan ng araw.

Lupa ang talinghaga ng kuwento, at ang lupang ito ay hindi lamang tumutukoy sa isang kipil na lupa o pitak-pitak na bukirin. Sa mga sinaunang tula, dula, at katha, ang “lupa” ay kaugnay ng Tinubuang Bayan, at sumasagisag sa Bansa. Mahalaga ring pansinin ang ina ni Berto, dahil ang “ina” ay nagtataglay din ng pahiwatig ng kabansaan, gaya ng “Inang Bayan” na ginamit sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kahit ang kasintahang si Lilay ay maiuugnay sa kabansaan, dahil ang pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay malimit iniuugnay sa panliligaw, pagtatanggol ng puri, at pagpapakasal sa matalinghagang babae.

Nilulupig ng digmaan ang mga tao, anuman ang uri, edad, at kasarian, at ito ang ipinahihiwatig ng kuwento. Gayunman, ang pag-asa na bubukal sa kalooban ng mga mamamayan ang magpapabago ng timbangan upang umusad ang lahat tungo sa kapayapaan. Ang pag-asang ito ang tataglayin ng ina at kasintahan ni Berto, at ang hulagway na ipamamalas ng halamang sumibol sa kalansay. Naagnas man ang katawang pisikal ni Berto, ang kaniya namang diwa para sa kalayaan ay mananatili magpakailanman.