Karapatang Mabuhay, Karapatang Mamatay

Nakasaad sa Universal Declaration on Human Rights [Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao] ang “karapatan ng sinumang tao na magtamo ng buhay, kalayaan, at seguridad” (Artikulo 3). Ngunit paano kung nais ng tao na mamatay sanhi ng karamdaman at iba pang pinsala, at nais lumaya mula sa matinding sakit na hindi lamang madarama ng maysakit bagkus pati ng kaniyang kaanak, kaibigan, at kasama?

Totoong napakahirap magsilang ng anak, at ang pagsisilang ay laging kaugnay ang sakit ng kalamnan, bukod sa kirot na gumagapang sa isip at puso. Ngunit pagkaraan niyon ay may katumbas na ginhawa, ang ginhawang masilayan ang sanggol, at palakahin ang sanggol tungo sa ganap na pagkatigulang.

Sa kabilang dako, napakahirap ding mamatay. Mahirap mamatay kung ang isang tao ay dumaraan sa yugto ng unti-unting pagkaupos, na maaaring magsimula sa pagkakasakit, pagkakaratay, pagkainutil, at pagkagulay. Ang sakit na madarama ng pasyente ay hindi lamang pisikal, bagkus kaugnay din ng mga aspektong pandamdamin o pangkaisipan. Ang gayong pangyayari ay maaaring tumulay kahit sa kaniyang mga kaanak o kaibigan, na makalalasap ng matinding pamimighati, kung hindi man pagkadurog ng puso.

Ang kamatayan, kung gayon, ang susi ng pagpapanumbalik ng ginhawa.

Isang kaso si Eluana Englaro, 38, na naging paksa ng mainitang pagtatalo sa Italy. Naaksidente si Englaro may 17 taon na ang nakararaan, at pagkaraan niyon ay naging gulay ang kaniyang katawan na ang tanging bumubuhay ay tubong pinaglalagusan ng pagkain. Nais ni Englaro na tanggalin na ang tubo na nakakabit sa kaniyang katawan at hayaan siyang mamatay. Ngunit tutol ang mga moralista, politiko, at alagad ng simbahan, dahil ang gayong hakbang ay isa umanong krimen ng pagpatay.

Kung ang sanggol ay walang opsiyon kung sino ang kaniyang magiging mga magulang, maisisilang siya alinsunod sa itinatakda ng tadhana, at kung papalarin ay mabubuhay sa tulong ng panghihimasok na pangmedisina. Ngunit ang tao na dumaranas ng matinding karamdaman ay maaaring may opsiyon, at ito ay ang piliing yumao nang magaan at mabilis upang maibsan ang matinding paghihirap na nadarama niya at ng kaniyang kaanak, kaibigan, o kakilala.

Ang pagpili na mamatay sanhi ng mabibigat na kaso ay usaping moral na magtatagal sa ating piling. Ang uri ng kamatayan ay dapat may pagsangguni sa tao na dumaranas ng karamdaman o pinsala o labis na katandaan, at ito sa aking palagay ay dapat hinahayaan sa panig ng tao o pamilyang sangkot. Totoong mabigat ang kamatayan. Tuwing may mamamatay na kakilala mo, may isang bahagi rin ng pagkatao mo ang nalalagas at namamatay, dahil ang tao na yumao ay naging bahagi ng buhay mo.

Ngunit kailangang tanggapin ang lahat. Kung ang pagsilang ay simula ng buhay, ang pagkamatay ay maituturing na wakas, samantalang nananalig ng resureksiyon sa ibang yugto o pagkakataon. Ang pagpigil sa pagdatal ng kamatayan, sa pamamagitan ng interbensiyong medikal, ay maituturing na pagsagka sa daloy o siklo ng buhay, at lumilihis sa itinatakda ng kalikasan.

Ang pagpili na mamatay, ayon sa kagustuhan ng tao, ay dapat nang isaalang-alang ngayon. Huwag isiping isang uri ito ng baliw na pagpapatiwakal, bagkus maláy na pagpapasiya upang pasukin ang bagong dimensiyon—na ipagpalagay mang langit o impiyerno—ay tiyak kong maghahatid ng paglisang may dangal, dahil mapipili mo ang wakas bilang kawangis ng Maykapal.

Advertisements

2 Tugon

  1. Para sa akin, hindi ko hahayaang pumili lamang basta-basta ng desisyon ang mamamatay (kung may isip-rasyonal pa ito sa punto na siya’y lantang-gulay), maaari pa namang itong solusyunan sa pamamagitan ng counseling (payuhan ng mga espesyalista).

    Gawin na lamang na sakripisyo ang hirap na dinadanas ng pagiging paralisado o anomang sakit na iniinda at yung yaong hindi na gagaling pa. Kapalaran ng bawat tao iyon, at huwag sana gawing opsiyon ang mamatay na lamang ng intensyonal bagamat i-angat pa rin ang hininga ng taong iyon hanggat sa abot ng kanilang makakaya na kasama o katulong ng kaniyang mga mahal sa buhay o kahit pa wala ng kasama sa buhay.

    Sa punto naman na lantang-gulay na ang nilalang na ito, at talagang Brain-dead na at walang ng koneksyon o kakilala pa, nasa kamay na ng mga manggagamot ang buhay niya. Dun na maaaring ipasok ang proseso ng euthanasia. No choice na talaga e. Kasi para sa akin kapag patay ng yung Brains niya, katumbas iyon na patay na rin yung Pusong nagpapahinga sa kanya . . .

  2. matanda pa sa humukay ng ilog sa aprika ang pinag-aaksayahan niyno sa web. buhay at kamatayan – eutanasia,

    tama si boby, magpasya ng sariling kamatayan sa eksaktong oras hindi maaga at hindi huli na. kelan?

    ganito yan bobby, ang kahulugan ng buhay ko’y magsalita, pero mahirap maghanap ng makakausap. at para sa mga lecheng philosoper kung bakit kung ano anong pormalidad ang iminumungkahi sa mundo, gayong kompleto ang buhay nang ibigay ng hiwaga, ang kailangan lang ng tao ay magtanong at sagutin ang sariling tanong, isang tanikalang nagsisimula sa pagsilang at kamatayan. Kung meron siyang ano, paano, at bakit pwuede na niyang gamitin ang kadena sa kanyang leeg kapag wala na siyang maidugtong na tanong – eutanasia.

    kaya yang mga hulagway pormalidad gramar, puro kabobohan o kababuyan yan.

    okey lang yang magsalita ka hanggang gusto mo, pero para magkritika ka ng mga tula, punyetang pamantayan, punyetang modernismo punyetang postmodern intellectuals

    para kangino ka magsusulat?
    Sa palanca? Sa masa?

    bakit pipilitin kong magbasa ang mga bulag
    bakit magkukuwento ako sa mga bingi
    Bakit makikipagdebate ako sa mga pipi

    ang tula ko’y para sa mga lumpo at malalabnaw ang utak
    sa mga makata at manunulat..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: