Alamat ni Tungkung Langit

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.

Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo]

Advertisements

162 thoughts on “Alamat ni Tungkung Langit

  1. Siguro napagod na sa kaiiyak si Tungkung Langit, sa init ng panahon ngayong tag-init. Masaya at nananabik siya sa dami ng maaaring gawin ngayong palapit na ang bakasyon. Sa magdamag, malilimutan niya siguro si Alunsina, bulag na bulag sa kanyang kaakit-akit na mukha’t pamutong sa ulo na pinagmumulan ng init na tinatamasa. Hanggang sa matauhan sa muling pagbalik ng tag-ulan.

    • Yan po ba ang original version ng kwento kase po may narinig kong nto pero ay konting pagkakaiba katulad ng si tungkong langit ay nag-anyong langit para mabisita si anunsina sa lupa hindi po dahil uiiyak ……?

      Question lang po ……

      • Kung nais mo ng orihinal na bersiyon ay suyurin mo ang lahat ng kuwento hinggil kina Alunsina at Tungkung Langit, at ikompara mo sa aking ginawa, nang matuklasan mo ang mahika ng mga salita.

  2. Ito po ba ang tunay na alamat kung bakit umuulan ibig sabihin hangggang ngaun umiiyak parin c tungkung langit
    bat ung ibang story may happy ending ito hindi?

  3. Isa pa nga pong kwento btin eh………..
    pls. Na mahilig lang akong magbasa dag dag sa collection q.,………………

    • ilove this very much…..nang nagkwento ang teacher ko nito at pagkatapos…….nagtest kami at alam mo ba kung anong nangyari?na perfect ko ang test yahoooooo…..

    • Ang pagsasalaysay ay hindi laging nasa pananaw ng pangunahing tauhan. Maaaring gumamit ng ibang tinig, at gaya sa nasabing alamat, ang tinig na ginamit ay mula kay Alunsina. Hindi ba maganda kung sa perspektiba ng babae ipakikilala ang isang lalaki?

  4. wat a beautiful story but we need to know the truth na ang Diyos ang mai likha ng lahat ..ayon xa Bible !! at nilikha niya yun za loob ng isang linggo den xaqa xa nagpahinga sa iqa pitong linggo..

  5. maganda ang kwento at ayon d2 si alunsina ang pinaka main character bkit po tungkung langit ang pamagat ni2??? pinag aralan p kac nmin ito…>>> repzz

  6. may tanong po ako pakiusap pki sagot takdang aralin po ng anak ko hirap eh..asap…ano ang kahulugan ng mga sumusunod:
    napapatigalgal
    pasigan
    sinasagkaan
    dayaray
    naghunos
    K, hintay ko po salamat:)

      • Tama po ba yung mga kahulugang nailagay ko sa mga sumusunod na salita?
        1. napapatigalgal -napapahinto
        2. pasigan – dalampasigan
        3. sinasagkaan – pinipigilan
        4. dayaray – hangin
        5. naghunos – nagsabog

        Paki-confirm naman po kung tama o kung may mali po, pakitama, di ko po kasi makita sa internet yung kahulugan e, saka wala po ako nung UP Diksiyonaryong Filipino. Salamat po.

      • Tama ang 2-3, ngunit ang “tigagál” ay katumbas ng “balisa” o di-mapakali. Ang dayaray ay banayad na hanging nagmumula sa dagat; at ang “naghunos” ay katumbas ng pagpapalit ng balát, o pagbabagong anyo.

  7. hmmmm may ass. ako sa filipino na masugot mo ba ito? marami kasi ey hindi ko masagot paki sagot plssssss asap :)kasi bukas na ang filipino ko 😦

    kahulugan ng
    napapatigalgal
    pasisan
    sinasagkaan
    dayaray
    naghugos

    wala kasi sa diksyonaryo ]\ 😦

  8. oo kaci kundi dahil sa langit at alunsena ay wala sanang uulan kund dahil kay tukung langit pero mali ang gnawa nya kaci hind nya binig yan ng isang pagkakataon na mag likha c alonsena kaya mali ang gnawa nya ….. grabe maging pamily:”)

  9. ang ganda ng kwento ah bagay lang sa kanya ang nangyari dahil wala na siyang oras sa kanyang asawa. kaya ganyan ang mangyayari sa inyo ng asawa nyo kung gagayain nyo c tungkung langit ahyyy sana di mangyari sa mga tao ito

  10. oo, syempre na lungkot na rin si tungkung langit sa kanya kay alunsina.eh,hndi nman alm ni tungkung langit na aalis na si alunsina sa kanyang bahay,.”””””’

  11. I first encountered the story of tungkong langit and alunsina as a college student watching a “required” play, but the story struck me so much that i ended up keeping the copy of songs they handed out (until today, some 13 years later). i tried looking up the original story, but was surprised to find a totally different portrayal—of alunsina as nothing but a vain, selfish, and lazy woman.

    when i came across your story, written from alunsina’s perspective, it moved me like the play i watched… and i realize belatedly, that one reason i gravitate to it is that it mirrors my life. 🙂 i much prefer your longer version, not only for showing alunsina’s side, but because the way you tell the story is very poetic, and beautiful beyond words. 🙂 thank you for posting this. 🙂

    (btw, so sorry for posting in english… i’m not a native tagalog speaker and can’t express myself as well in filipino.)

  12. Maganda ang istoryang ito dahil may mtutunan tayo lalo na kapag binasa natin ito ng buong puso .. marami po tayong matutunan ditto ..

  13. ang ganda ng kwento na nalaman ni tungkung langit kung gaano ka halaga ang gawain dapat ito ay tulunga hindi ipag damot sa kanyang asawa na si alunsina.

  14. maganda ang istorya tungkol kanila tungku langit at alunsina pero sa aking pagkakaalam parang hindi yun ang istorya parang merong ma nabago sa istorya na nabasa ko dito
    gayun paman naging ulap si tungkung langit para makita lng niya ang minamahal niya na si alunsina yun ang hindi ko nabasa

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s