Advertisements

Wika ng Kabagsikan

Ngayong sumisiklab ang digmaan sa Gaza, makabubuting pagbulayan ng mga Filipino ang wika ng kabagsikan. Wika ang humuhubog sa kamalayan ng tao, at ang wikang ito ay maaaring magtaglay ng mga ewfemismo, tayutay, at pakahulugang nagkukubli sa tunay na pinsala, paglipol, at pagwasak sa malaking populasyon at pamayanan. Sa panig ng hukbong Israeli, ang ginagawa nila’y “precise, surgical bombing” na para bang tumitistis ng kanser ngunit ang resulta’y pagkawasak ng mga bahayan at pamayanang Palestino at pagkalipol ng daan-daang tao. May balitang ginagamit ng Israel ang “cluster bombs” o “bomblets” na kung pakikinggan ay tila di-nakapipinsala ngunit kabaligtaran ang epekto sa mga Palestino. Mapanganib ang mga cluster bomb dahil bagaman hindi ito nakawawasak ng malalaking gusali, nag-iiwan naman ito ng panganib at pinsala sa malaking populasyon ng tao at hayop dahil ang sinumang makatapak niyon ay tiyak na malalagasan ng paa, ang makapulot ay mapuputulan ng kamay o mababalian ng tadyang. Sa ibang pagkakataon, ang mga batang makatisod niyon ay maaaring mamatay sa matinding pagsabog.

Sa aklat ni Glenn D. Paige na pinamagatang Nonkilling Global Political Science (2002), idinetalye niya ang lumalaganap na kabagsikan sa wikang Ingles. Ang mga salitang karaniwang ginagamit sa isports ay nasasalin sa digmaan, at ang mga terminong pandigma ay inilalangkap sa palakasan. Mulang negosyo hanggang pamamahayag, ang wika ng kabagsikan ay matatagpuan sa Ingles na taliwas na taliwas sa wikang Filipino.

Sumasalamin at nagpapatingkad ng kabagsikan ang wika, habang nag-aambag ng diwa ng pagkalikás at di-maiiwasan. Ang ekonomiyang Amerikano ay batay sa malayang kalakalan ng kapitalismo. Sinasambit ng mga Amerikano ang “making a killing on the stock market” [pagtabo sa merkado ng sapi]. May kasabihan sa Wall Street na, “You buy when there’s blood in the streets” [Bumili ka ng sapi kapag mainit ang merkado]. At nakikipagtagisan ang mga negosyo sa “price wars” [pababaan ng presyo]. Nakabatay ang politikang Amerikano sa malaya, demokratikong halalan. Ang mga tagapagkampanya ay tinatawag na “troops” [tropa] o “foot soldiers” [kawal]. Ang mga panukalang batas ay “pinapatay”[pinawawalang-saysay] sa batasan. At ang bansa ay “naghahasik ng digmaan” laban sa kahirapan, krimen, droga, at iba pang problema. Pambansang isports ng Amerika ang beysbol. Kapag nayamot, ang mga galít na tagahanga ay nakagawiang sumigaw na, “Kill the umpire!” [Patayin ang reperi!]. Ang mga komentarista ay tinatawag ang mga tigasing koponan sa futbol na “killers” [mamamatay-tao]. Ang mga manlalaro ay tinatawag na “weapons” [armas]. Tinaguriang “long bombs” [pangmalayuang bomba] ang humahaginit na pasa. At ang mga natalong koponan ay tinatawag na walang “killer instinct” [pamatáy na bigwas]. Ipinagmamalaki ang kalayaan sa relihiyon, habang sinasamba ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang mga Amerikano ay umaawit ng “Onward, Christian Soldiers” [Sulong, Mga Kawal na Kristiyano!] at nagbubulay sa diwa ng mga Kristiyanong Krusada at Repormasyong ang koro ay umakyat sa “hagdan ni Jacob” bilang mga kawal ng Krus.” Habang lumilipas ang panahon, ang mga libreng oras ay tinataguriang “killing time” [paglustay o pagpatay sa oras].

Bagaman nagiging maláy sa masamang epekto ng wikang mapang-aglahi at makalalaki, ang mga Amerikano ay patuloy na nagsasalita sa wika ng kabagsikan nang walang pakundangan. Ang lingguwistikong “armory” [imbakan] ng Amerikanong Ingles ay nagtataglay ng mga salitang nagpapahiwatig ng mga sandata na batid ng kasaysayan, ng mga paraan kung paano gamitin iyon, at ang mga bunga nito. Ang pagtataksil ay
”a stab in the back” [pagsakyod sa likod]; ang mga badyet ay “axed” [pinalakol; tinanggal]; ang pagtatangka ay “take a shot at it” [sumubok tumira]; ang mga diwain ay “torpedoed” [tinorpedo; winasak]; ang “oposisyon” ay tinaguriang “flak” [sandatang panlaban sa sasakyang panghimpapawid]; at ang mga bunga ng pagkilos ay tinawag na “fall-out” [radyoaktibong partikulo na mula sa bombang nuklear]. Ang mga abogado ay tinatawag na “hired guns” [asesino]. At ang magandang bituin sa pelikula ay tinaguriang “blonde bombshell” [bomba; nakagugulantang].

Samantala, ang mga bulaklak ng dila ay ikinukubli ang tunay na pagpatay. “Little Boy” ang kauna-unahang bomba atomika na inihulog ng eroplanong B–29 sa Hiroshima. Ang taguri sa eroplano ay “Enola Gay” na hango sa pangalan ng ina ng piloto. Ang bombang plutonium na “Fat Man” ay ibinagsak ng “Bock’s car” sa Nagasaki. Ang mga interkontinental na nuklear na misil na kayang lumipol ng mga populasyon sa kalungsuran ay tinawag na “Peacemakers” [Tagapamayapa]. Binaligtad ang wika ng digmaan na inilalapat sa isports, ang mga pagsasanay-militar para sa paghahandang pumatay ay tinawag na “games” [mga laro]. Ang pagpatay sa mga sibilyan o sa ating tropa habang nakikidigma ay tinatawag na “collateral damage” [pinsalang di-sinasadya]. Gaya ng ipinahayag ni dating Pangulong Ronald Reagan, “Ang Amerika ang pinakamalayong maging mapandigma, ang pinakamapayapang bansa sa modernong kasaysayan” [PBS: 1993].

Sinipi ko ito dahil ang wika ng kabagsikan ay muling nauulit mulang Wall Street hanggang Gaza. Hindi na dapat pang pag-usapan ang una, ngunit ang ikalawa ay dapat pansinin. Ipinahahayag ng Israel na “wala itong hangad na saktan ang mga Palestino, bagkus tanging Hamas lamang” subalit binobomba nito nang labis-labis ang Gaza. Biniyak nito sa dalawang panig ang Gaza, at pinasalakay ang libo-libong sundalong Israeli na tumutugis sa Hamas samantalang kinukubkob ang buong Gaza na tila dambuhalang bilangguan ng mga hayop. Kung ang pagsalakay ng Israel ay hindi henosidyo at holocaust, maaaring tawagin ito ng mga propagandista na pagsupil sa kasamaan at terorismo, na parang ang mga Palestino lamang ang may karapatang magtaglay.

May alternatibo sa wika ng kabagsikan, ani Paige, at ito ang dapat nating tuklasin. Ang wika ng kapayapaan at kawalang-dahas ay maaaring subukin, at siyang maisasaalang-alang ng mga mamamahayag at kasalukuyang henerasyon. Hindi tayo kinakailangang sumunod palagi sa wika ng Amerikano at Israeli—na malimit nakasandig sa sandata at angas—dahil ang wikang alternatibo sa wika ng kabagsikan ay maaaring makapagbuklod sa milyon-milyong tao, anuman ang lahi, kasarian, paniniwala, at kulturang pinag-uugatan nila.

Tampok na tula at video
Tula ni Um Salah Din, at kung bakit dapat pahalagahan ang mga Palestino.

Advertisements

3 Tugon

  1. mismo,ang mga kataga o bansag ay kayang magpalambot o magpatigas ng mga usapin sa ibat-ibang larangan ng buhay kahit na nga sa pulitika at ordinaryong takbo ng buhay.

    sinong hindi mababagbag ang damdamin sa mga tula at video ni Um Salah Din,marahil ang mga mapanalakay….

  2. bakit nga kaya ganoon, kapag buhay ng isang israeli,amerikano at mayayamang bansa para bang ang buong mundo ay nag-iingay ngunit kapag buhay ng isang palestino, arabo o iba pang mahihirap na bansa ang buong mundo ay tahimik, parang walang nangyari..parang wala lang

  3. Tunay na mapanganib ang wika bilang sandata. Kadalasan ito’y ginagamit, hindi upang makapagpahayag nang tapat, kundi upang makapaglalang ng mga pakana at sa gayon ay makapanlamang sa iba. Ang mga Kano ay dalubhasa na sa arte ng panlilinlang upang makapamayani ang kanilang sariling interes. Sa gayon napapanatili ng Estados Unidos ang kanilang pamamayagpag sa buong mundo. Ngunit hanggang kailan?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: