Advertisements

Bagong Taon ni Alejandro G. Abadilla

Pinakamaringal ang pagdiriwang ng Bagong Taon dahil nagpapagunita ito ng nakaraan at naghahatid ng pag-asa tungo sa hinaharap. Sumasangguni ang ilan sa mga manghuhula at pitho nang mabatid ang maaaring maganap sa mga susunod na buwan, at nang makapaghanda sa mga kamalasan o kaya’y malubos ang magandang kapalaran. May sumasandig naman sa pamahiin at agimat, at nagiging makatotohanan iyon sa tindi ng pag-iisip at pagdamang iniuukol ng sinumang mapaniwalain. Samantala’y may kumakagat pa rin sa gaya ng Kalendaryo ni Honorio Lopez, o sa elektronikong astrolohiyang makakalap sa cyberspace, bukod sa nagpapaputok o nag-iingay o naglulundag na parang itinataboy ang dambuhalang bakunawa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ng Disyembre 31.

Isang tula na sinulat ni Alejandro G. Abadilla na pinamagatang “Bagong Taon” (1932) ang nagpapamalas ng sariwang pagtanaw hinggil sa pagbabago ng panahon. Nakapupukaw ito ng pansin dahil sa eksperimento ni Abadilla sa pagpuputol ng mga taludtod, bukod sa repetisyon ng mga salitang nakalilikha ng naiibang musika sa dating tugmaang ginagamit ni Francisco Balagtas Baltazar.

I.
Bagong sigla,
Bagong sigla ng pag-asang
Kung sa daho’y lantang dahon at tuyo na.
Bagong Taon,
Sa pagdatal mong mukha ay masaya,
Sumariwa itong pita
Pagkaraka!

II.
Bagong diwa,
Bagong diwa ng makatang
Kung sa bati ay batisang walang tula.
Bagong Taon,
Pag ngiti mo, ang batisa’y nagkamutya’t
Nang kumanta’y walang sawa—
Bakit kaya?. . .

III.
Bagong balak,
Bagong balak ng pangarap
Ay musmos pa’t walang kayang makalakad,
Bagong Taon,
Nang ang bata’y mahagkan mo ay lumakas,
At sa gayon, ang hinanap,
Kanyang palad!

IV.
Bagong aliw,
Bagong aliw ng mithiing
Kung sa puso’y kuyom-kuyom ng hilahil.
Bagong Taon,
Nang lumapit ka sa kanyang may paggiliw,
Nahango mo sa tiising
Maglilibing!

V.
Bagong taon,
Bagong taong muli ngayon
At ng bawat tao’y tila mayr’ong layon,
Bagong Taon,
Ikaw baga’y magbabalik kay Kahapon
Natigmak na sa linggatong?
Huwag gayon!

Binubuo ng limang bahagi ang tula. (Nakapasok ang mga linya 1, 4, at 7, ngunit hindi ko magawa rito dahil hindi ko alam ang HTML kodigo ng WordPress.) Ginamit ni Abadilla ang sukat na 4,8,12,4,12,8,4 sa bawat saknong na may tugmang isahan. Mapapansin sa tula na sinubok ang hati na 4/4 o kaya’y 4/4/4 na ang tanging sablay ay sa seksiyon IV, taludtod 5, “Nang lumapit/ ka sa kanyang/ may paggiliw/. . .” dahil ang pagsisimula sa panghalip “ka” ay magiging sintunado at alanganin ang parirala. Kinasangkapan sa tula ang repetisyon ng mga salita, diwa, at talinghaga, upang makalikha ng pambihirang musika. Halimbawa, ang pag-uulit ng salitang “bago” sa tuwing ikauna, ikalawa, at ikaapat na linya ay nagtatampok ng kombinasyon ng anapora at epistrope. Ang repetisyon ay hindi lamang sa panlabas na aspekto, bagkus panloob din, dahil sa inihahain nitong diwain na ang taon ay inihalintulad wari sa tao.

Sa tula, ang bagong taon ay nagbabadya ng “bagong sigla,” “bagong diwa,” “bagong balak,” “bagong aliw,” at “bagong taon.” Mahahalata na tantiyado ng makata ang pagkatalogo o paghahanay ng mga katangiang maaaring taglayin ng sinumang tao. Sa pagbabago ng panahon, nababago rin ang pananaw, kalooban, at lunggati ng mga tao na parang nagpapaalingawngaw sa matandang kasabihan ng Maranaw: “Mia-alin so mosim na kaonton so tao” (Nagbago ang taon, tao ay nagbago). Sa mga Ilokano, ang pagbabago ng taon ay pagbabago rin ng ugali (Iti baro nga tawen/ Bago nga ugali).

Ipinakikita rin sa tula ni Abadilla na ang panahon ay hindi estatiko, bagkus ito’y umaandar at sa ayaw man o sa gusto ng tao ay mapipilitan siyang tangayin ng agos ng pagbabago. Ang transpormasyon ng mga pangyayari ay hindi lamang matatagpuan sa bawat seksiyon ng tula. Nalalagas ang mga tuyot na dahon at mapapalitan ng sariwang dahon, na pagsasadula ng siklo ng buhay at resureksiyon. Nagpapabukal ang bagong panahon ng sariwang diwaing walang pagkasaid. Nagkakaroon ng gulugod ang mga balak at natutupad ang pangarap sa tumpak na panahon. Napapalitan ang lungkot at humahalili ang kasiyahan. Ngunit ipinagugunita rin ng tula na huwag nawang magbalik pa sa nakalipas na “tigmak sa linggatong” (i.e., hilahil at ligalig) na animo’y walang kalutasan kapag inisip. Kapag pinag-ugnay ang bawat seksiyon, makabubuo ng isang buo’t pambihirang katangian ng Bagong Taon, at ito ang dapat pahalagahan ng lahat.

Sa pangwakas na yugto ay ibig wakasan din ang pagkabansot, at humahatak sa mambabasa na humarap sa maaliwalas na bukas. Ngunit magagawa lamang ito kung mababatid ang madidilim na yugto ng nakaraan, at maitutuwid ang mga pagkakamali noon, nang maiwasang maulit ngayon at sa darating na araw. Bagaman ang panahon ay nagpapagunita ng kamatayan, gaya sa kawikaan ng Waray (Lakat han panuigon,/ Lanat han kamatayan), ang panahon din ang magbubunsod ng progreso, gaya sa isinasaad ng kasabihang “Sa lakad ng panahon,/ lahat ay sumusulong.”

Magandang bigkasin ang tulang ito ni Abadilla. Maaaring bigkasin ito ng isa o limang tao na waring nagsasagutan, at bawat bumibigkas ay may kani-kaniyang himig. Maaari ding lapatan ng musika ang tula, dahil ang repetisyon ng mga salita at diwain ay madaling masasagap ng makaririnig. Ano’t anuman, ipinakikita lamang ni Alejandro G. Abadilla na kahit noon ay sinimulan na ang paghahanap ng bago hindi lamang sa tula, kundi maging sa ating pagsagap ng mga bagay-bagay na malimit kinakaligtaan, kung hindi man pinahahalagahan, sa ating paligid o daigdig.

Advertisements

Tahanan

Iiwan mo ang pook na ito gaya ng bagáng na kusang napigtal sa gilagid; o dili kaya’y dahil sa pagmamahal na paulit-ulit sinusuklian ng batong tampalasan. Ipagugunita sa iyo ng mga lumang retrato ang sinaunang banggerahang naging kusina’t tanggapan; ang kural ng mga baboy na naging sála; at ang dalawang kuwartong pinaghihiwalay ng kurtina. Matapat na nagsilbi sa iyo ang mga taga sa panahong kahoy na sahig, pinto, at hagdan. Nagpaaliwalas sa loob at isip mo ang malalaking bintana. At bilang pagkilala, lilinisin mo ang mga iyon bago ka magpaalam. Ramdam mong nalulungkot din—at makulimlim—kahit ang bahay na inalagaan mo nang matagal. Ngayong aalis ka na’y tila ang lahat ng kaluluwang nakapaloob doon ay lumisang kasama mo tungo sa bago’t higit na matibay na bahay. Napakabigat iwan ang bahay na iyong kinalakhan; ngunit higit na mabigat sa loob kung hindi mo iiwan ang kapatid o bayaw na sa iyo’y nagtataboy sanhi ng kung anong kasakiman o lihim na dahilan. Alam mong may sariling amo ang bahay. Hindi lahat ng pumapasok sa matandang bahay ay nakalalabas nang buháy, dahil ang bahay ay isa ring ataul—para sa sinumang walang pagkilala sa kahapon o sa iyo o sa sinapupunang pinagmulan.

(11 Setyembre 2004)

Ang Panunuluyan

Tubong Bulakan, Bulakan si Emilio A. Bunag na isinilang noong 5 Pebrero 1902 at sumikat na makata noong dekada 1920-1930 sa paghalaw ng mga tula ni William Shakespeare at iba pang banyagang makata. Mapaglaro ang mga taludturan ni Bunag, na pinaghahalo ang maiikli at mahahabang taludtod bukod sa sumubok kahit sa tigdadalawampung pantig bawat taludtod na napakahirap gawin sa Tagalog at mahirap malathala dahil sa kahingian ng mga publikasyon noon. Kabilang si Bunag sa mga sumunod kina Iñigo Ed. Regalado, Pedro Gatmaitan, at Benigno Ramos na nag-eksperimento sa sukat ng mga saknong, bagaman masasabing naanggihan ng banyagang impluwensiya ang kaniyang pananalinghaga at paraan ng paglalatag ng hulagway at dalumat. Nalathala ang mga tula ni Bunag sa gaya ng Alitaptap, Ningning, at Pagkakaisa at pagkaraan ay ibinilang sa antolohiya ni Teodoro A. Agoncillo. Nangingibabaw sa kaniyang mga tula, ani Agoncillo, “ang yaman ng diwa sa rikit ng pagkatula.”

Maihahalimbawa ang tulang “Ang Panunuluyan” ni Bunag, na nalathala noong 19 Disyembre 1929 sa Alitaptap.

Ang Panunuluyan

1 Akay-akay ng asawa, gabing-gabi’y naglalakad
nanlalamig, nalulungkot, nagdarasal, umiiyak;
tumatawag sa balana’y walang pintong nagbubukas,
dumaraing sa lahat na’y walang pusong nahahabag,
gayong ito ang babaing pinili sa madlang dilag
upang siya maging ina ng mananakop ng lahat.

7 Samantalang sa tahanan ng mayama’t malalaki,
madlang mga panauhin sa ligaya’y wiling-wili,
munting silid na hiningi, sa kahit na isang tabi,
sa abang nanunuluya’y walang awang itinanggi;
hindi nila nalalamang ang kanilang inaapi
ay babaing may himala na sa puso’y nakukubli.

13 Dulo tuloy, ang babaing kinakasihan ng Diyos
at dakila sa lahat na ng sumikat na alindog,
sa labangang nanrurumi’t sa dayaming gusot-gusot,
ay doon na napanganak at doon na napalugmok;
samantala’y buong langit ang naluluha sa gulod,
at ang tanang mga anghel, sa pitaga’y naluluhod.

19 Ayan ngayon ang larawan ng masungit na daigdig
na sa abang pagkatao ay palaging umiismid;
walang laging tinitingnan kundi tanghal at marikit,
at ni hindi tumutunghay sa palad ng maliliit;
dulo tuloy, kahit kanyang guro’t Diyos sa matuwid,
hindi niya nalalama’y minamata’t tinitiis.

25 Ang sa kanya’y nagsasakit magbigay ng pagkaligtas,
ang lagi pang ayaw bigyan ng tulong at pagkahabag;
patuloy sa paglalasing sa lumalasing na galak,
at ang aral na mabuti’y nilulunod sa halakhak;
Diyos na ang lumalapit ay hindi pa tinatanggap,
at patuloy sa ligayang sa hinagpis nagwawakas.

31 Mano nawang ang nangyari sa palad ng birheng mahal,
magbawas na nang bahagya sa atin ding kataasan;
magunita sana nating sa banig ng karukhaan,
ang Diyos ng sandaigdig ay minsan ding mapaluwal;
matutuhan sana nating sa gitna ng paglilibang,
ang palad ng mga dukha’y magunitang minsan-minsan.

37 Araw-gabi’y naririnig ang malungkot na pagdaing
ng maraming mga dukha na di natin pinapansin;
nar’yan ang batang limahid na sa Paskong dumarating,
wala man lang ni laruang sa dalita’y ipang-aliw;
hindi natin malalamang baka diyan magsusupling
ang isa pang bagong Kristo upang tayo ay tubusin.

43 Nar’yan ang maraming isip na sa dilim nakakulong,
na hindi man inaabot ng ilaw ng isang tinghoy;
mga sawing kaluluwang tumaghoy man nang tumaghoy,
ay lalo pang nilulusak sa dalitang suson-suson;
gayong iya’y mga taong pag ginising ng panahon,
batong uling, na kung minsa’y may ningas na nag-aapoy.

49 Naririyan ang pag-ibig na animo’y isang mutya,
singlinis ng isang birhe’t simputi ng isang bula;
sumasamo sa daigdig na ang buong sangnilikha
ay maanong pabigkis na sa magandang tanikala;
ngunit itong mga tao’y patuloy na nagbabangga
at sa tambol ng digmaan ay lasing na natutuwa.

55 Mga bagong birhen itong sa sangkatauhang haling,
ang tulong na hinihingi ay ating ikagagaling:
hinihinging ang dalita ay tanglawan at kupkupin,
saka ang kapayapaa’y paglingkuran at mahalin;
hanggang hindi’y may birhen pang lating aapihin,
at isa pang bagong Kristong hindi kusa’y makikitil.

Ginamit ni Bunag sa tula ang lalabing-animing pantig bawat talutod na sukat, na nilapatan ng hati [caesura] na 8/8. Bagaman may pagtatangka na gawing 4/4/4/4 ang putol ng mga salita ay hindi naging matagumpay, at maihahalimbawa ang mga taludtod 6, 8, 10, 13, 31, 43, 50, 56, at 58 na pawang sablay. Isahan ang tugmaang ginamit sa mga saknong, gaya ng tugma na ginamit ni Francisco Baltazar Balagtas.

May tatlong yugto ang nasabing tula. Una, isinalaysay ang naging kapalaran nina Maria at Jose na naghahanap noon ng tahanang maaaring maging panandaliang himpilan dahil kagampan si Maria at malapit nang manganak. Ngunit tinanggihan ang mag-asawa, kahit sa mga tahanan ng mayayamang may kakayahang tumulong. Napilitang sumilong sa sabsaban ang mag-asawa, at doon isinilang si Hesus habang naluluha sa tuwa ang mga anghel. Ikalawa, ibinunyag sa sumunod na tagpo na ang tagapagligtas [Hesus na magiging Kristo balang araw] ay handang magpakababa para sa mga tao, subalit ang mga tao na ito ay nabubulag sa panandaliang layaw at pagsasaya. Isinermon ng tula ang pangangailangang maging mapagkumbaba, at alalahanin ang mga dukha. Ikatlo, inilahad ang malulungkot na kapalaran ng mga dukha: ang mga batang palaboy, ang mga mangmang, ang mga nagdurusa, at ang mga biktima ng digmaan. Ang naturang problema ang dapat umanong lutasin. At kung hindi magaganap ito, mauulit muli gaya ng karma ang tadhana ni Maria at mamamatay nang wala sa panahon ang inaasahang tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang tradisyon ng panunuluyan ng banal na mag-anak, ayon sa paniniwala ng Kristiyanismo, ay binihisan ni Bunag ng bagong damit at hiniyasan pa ng pampolitikang kulay. Ang panunuluyan ay hindi lamang pagsasadula ng masaklap na karanasan nina Maria, Jose, at Hesus doon sa sabsaban, at panimulang yugto ng pagliligtas sa sangkatauhang may bahid ng orihinal na kasalanan. Ang panunuluyan ay pagpapagunita sa atin na kahit sa dukhang kalagayan ay naroon ang kaligtasan at pag-asa. Sa gayong pananaw, ang kaligtasan ay hindi lamang ekonomikong produkto at puwersang magmumula sa hanay ng mayayaman, bagkus kaligtasan sa ngalan ng katwiran at kabutihang-asal ng lahat ng tao. Ang pagdamay sa kapuwa tao ang dapat umanong pahalagahan, dahil ang pamilyang dukha ngayon ay maaaring maging tagapagsalba ng daigdig—hindi lamang sa lárang ng relihiyon, kundi sa iba pang lárang na gaya ng edukasyon, kalusugan, politika, sining, at ugnayang-panlabas.

May iba pang paraan kung paano susuriin ang tula. Halimbawa, maaaring timbangin ang konsepto ng “kaligtasan” at “tagapagligtas” sa punto de bista ng mga karaniwang tao at hindi bilang diyos na nagkatawang-tao. Sa gayong paraan, mababago kahit ang pagpapahalaga sa “kaligtasan” dahil imposibleng magawa iyon ng isa o dalawang tao lamang. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga tao, gaya ng isinasaad sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang “bayani” ay mahihinuhang hindi lamang si Hesus, kundi ang lahat ng tao na nagkakaisa ng pananaw na lumikha ng kabutihan upang ituwid ang pagkakamali ng nakaraang panahon o henerasyon. Mahalagang matuklasan ng mga tao na may kakayahan din silang maging tagapagligtas, gaya ng pangangahas ni Hesus na tatawaging “Kristo” balang araw.

Ang pagsilang ng tagapagligtas ay maaaring hindi na matagpuan sa materyal na sabsaban balang araw. Matatagpuan marahil ito sa matalinghagang sabsaban ng ating mga kalooban, at ang tanging maiiwan na lamang ay hulagway ng gaya nina Hesus, Maria, at Jose na mag-anak na kumakatawan sa kapayapaan, liwanag, at kaginhawahan.

Pasko at Pasasalamat

Dumarating ang Pasko, at malimit regalo ang inaabangan ng mga tao. Ngunit ngayon, nais ko namang magpasalamat sa lahat ng biyaya na tinanggap at tatanggapin pa. Kaya bago ako mamatay, salamat sa umagang ito.

Salamat sa simoy.
Salamat sa sinag.
Salamat sa tubig.
Salamat sa lupa.
Salamat sa mga kaibigan.
Salamat sa mga kaanak.
Salamat sa mga kaaway.
Salamat sa mga kakilala.
Salamat sa pagkain.
Salamat sa inumin.
Salamat sa kalusugan.
Salamat sa musika.
Salamat sa mga aklat.
Salamat sa mga retrato.
Salamat sa mga trabaho.
Salamat sa kompiyuter.
Salamat sa internet.
Salamat sa firewall.
Salamat sa scanner.
Salamat sa kamera.
Salamat sa mesa.
Salamat sa upuan.
Salamat sa dyip.
Salamat sa taksi.
Salamat sa traysikel.
Salamat sa traysikad.
Salamat sa pulis.
Salamat sa barangay.
Salamat sa alkalde.
Salamat sa aktibista.
Salamat sa weytres.
Salamat sa sisig.
Salamat sa tokwa’t baboy.
Salamat sa serbesa.
Salamat sa wiski.
Salamat sa brandi.
Salamat sa lahat ng alak.
Salamat sa simbahan.
Salamat sa pananalangin.
Salamat sa pari at layko.
Salamat sa Boracay.
Salamat sa Palawan.
Salamat sa Ilokandiya.
Salamat sa Bicolandiya.
Salamat sa Romblon.
Salamat sa Baguio.
Salamat sa dagat.
Salamat sa parola.
Salamat sa bus.
Salamat sa mga bata.
Salamat sa gabay.
Salamat sa mga makata.
Salamat sa unibersidad.
Salamat sa publikasyon.
Salamat sa imprenta.
Salamat sa mga raket.
Salamat sa mga laro.
Salamat sa kama.
Salamat sa upuan.
Salamat sa intelektuwal.
Salamat sa mangmang.
Salamat sa masipag.
Salamat sa tamad.
Salamat sa tindera.
Salamat sa biyahero.
Salamat sa tsuper.
Salamat sa GRO.
Salamat sa pagbati.
Salamat sa sermon.
Salamat sa eskultura.
Salamat sa pintura.
Salamat sa wika.
Salamat sa kapisanan.
Salamat sa sombrero.
Salamat sa poster.
Salamat sa diyaryo.
Salamat sa radyo.
Salamat sa telebisyon.
Salamat sa kartero.
Salamat sa mensahero.
Salamat sa doktor.
Salamat sa masahista.
Salamat sa hardinero.
Salamat sa magsasaka.
Salamat sa mangingisda.
Salamat sa saklolo.
Salamat sa mga anak.
Salamat sa kabiyak.
Salamat sa alaala.
Salamat sa lahat ng minamahal.
Salamat sa mga Anito’t Maykapal.
Salamat sa lahat ng hindi ko nabanggit.
At salamat din sa sarili
para masabi ang lahat ng pasasalamat na ito.

Maligayang Pasko sa inyo, at manigong Bagong Taon!

Pag-ibig at Romansa sa mga kuwento ni Agustin C. Fabian

Sumapit sa yugto ang lingguhang magasing Liwayway sa pambihirang produksiyon ng mga kuwento ng romansa at pag-ibig noong mga huling taon ng dekada 1950 hanggang dekada 1990. Ang nasabing tema ang kakagatin ng madla, at tutugunin naman ng sari-saring pagdulog ng mga manunulat at editor na kung hindi kawani’y regular na tagapag-ambag sa Liwayway at sa mga kapatid nitong publikasyon. Karaniwang gumagamit ng sagisag-panulat ang mga batikang editor at manunulat, at maibibilang dito si Agustin C. Fabian na naging punong patnugot. Ginamit ni Fabian ang mga sagisag panulat na “M.S. Martin,” “A.Fernandez,” “Felisisimo A. Cortes,” at “F. Bani,” at sumulat ng mga tinatagurian ngayong kuwentong popular. Isa pang tanyag na manunulat, si Liwayway A. Arceo, ang nagpasikat sa mga sagisag-panulat na gaya ng “Lilia Ablaza” at “Lydia Balmori.”

Walang kamatayang pag-iibigan ng magkasintahan at mag-asawa ang pinapaksa ng maiikling kuwento ni A.C. Fabian na nagkukubli sa sagisag-panulat sa Liwayway.

Payak ang pagdulog sa mga kuwento. Karaniwang naglalaro sa dalawa o tatlong tauhan ang kuwento, at sa mga tauhang ito ay pipigain ang mga damdaming may kaugnayan sa panliligaw, pagsasama, paghihiwalay, at pagbabalikan ng dalawang tao na nahulog ang loob sa isa’t isa. Ang panliligaw ay karaniwang may bahid ng pagpaparamdam at hitik sa ligoy na pawang nakaugalian ng mga Filipino. Animo’y laging kimi ang lalaki, at ang babae’y hindi makawala sa tadhanang kailangang hintayin ang magiging pagdulog ng lalaki sa kaniya. Gayunman, nagkakaiba-iba lamang ang wakas, dahil hindi lahat ng kuwento ay nagkakabalikan ang magkasintahan o mag-asawa sa dulo ng salaysay.

Maihahalimbawa ang “Sampung Taong Nagdurusa” ni A.C. Fabian na kuwento ng mag-asawang ang babae’y mayaman at ang lalaki’y mahirap. Si Angel ay magsisikap makatapos at magtrabaho bilang doktor, at sampung taong nawalay sa asawang si Teresa upang makaipon ng sapat na salapi para sa kinabukasan ng kanilang anak. Aakalain ni Teresa na may ibang babae si Angel, ngunit ang totoo’y abala lamang ito sa trabaho sa ospital, bukod sa pribadong praktis. Magbabalik si Angel kay Teresa sa dulo ng kuwento, at mangangako sa esposang hindi na muli silang magkakahiwalay. Sa akdang ito, ang lalaki ay ipinamalas na may tapat na pagmamahal sa kabiyak, at ang pag-ibig ay pinatitimyas ng malaong pagkakawalay sa minamahal. Natutumbasan ng ginhawa ang sakripisyo, hindi lamang sa panig ng lalaki, bagkus maging sa panig ng babaeng naghihintay.

Isa pang halimbawa ng kuwento ng paghihiwalay ang “Ni Kailanman.” Sa pagkakataong ito, ibubukod ni A.C. Fabian ang mga tauhang may makaluma at makabagong pananaw sa sex. Magkasintahan sina Mamerto at Leonor, gayunman ang kanilang pagsasama’y nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan pagsapit sa paksa ng sex. Ibig ni Mamerto na makasiping ang sinumang babaeng nais niya, ngunit ayaw naman ni Leonor pumayag hangga’t hindi pa nakakasal. Nang lumaon, kaiinisan ni Leonor ang pagiging batang-isip ni Mamerto, hihiwalayan ito, at magbabalik sa piling ng dating kasintahang si Ernesto na nanatiling maginoo at responsable sa buhay. Ang ganitong paksa ay mainit lalo sa pagsulak ng Amerikanisasyon noong dekada 1950, at mapapansin sa akda ni A.C. Fabian ang matinding pagpapahalaga sa puri at dangal kahit ipinalalaganap ng mga Amerikano ang makabagong gawi hinggil sa mga relasyong seksuwal.

Sa kuwentong “Napilay si Edeng” ni A.C. Fabian, itinampok naman ang magkaibang katangian ng dalaga: isang dalagang taganayon at isang dalagang tagalungsod. Si Abelardo, na isang abogado, ay tinamaan ng sakit sa baga at umuwi sa kaniyang lalawigan. Makikituloy siya sa isang kaanak, at aalagaan ni Edeng na iibigin ng binata. Ngunit darating si Luisita upang sunduin ang lalaki. Dahil ayaw ni Edeng na mapawalay sa binata, gumawa ito ng paraan para maaksidente, at siyang dadaluhan naman ni Abelardo. Sa wakas, hindi sasama ang lalaki kay Luisita at pipiliin ang mapagkandiling dalagang taganayon. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang bisa ng siste, at ipinakita rito na bagaman hindi tahasang naghahayag ng saloobin si Edeng ay mahahalata ni Abelardo ang tunay nitong niloloob sa kaniya.

Maiuugnay ang kuwentong ito sa kuwentong “Baka Ka Matulad,” na ukol pa rin sa panliligaw. Nanliligaw si Pilo kay Tisya, ngunit hadlang sa kaniyang balak si Tibo na ginagamit ang lakas upang sindakin si Pilo para huwag nang manligaw pa sa babae. Ikinuwento ni Tatang kay Pilo ang kaniyang karanasan nang nanliligaw pa sa kaniyang kasintahan, at ang nakatatawang pangyayaring nahubuan si Tatang ng salawal nang gabing makikipagtunggali sa manliligaw na ibig siyang sindakin. Mabuti na lamang at sumaklolo ang babae, na magaling sa arnis, at pagkaraan ay sila ang magkakatuluyan bilang mag-asawa. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang punto de bista ni Tatang para payuhan si Pilo, at naglalarawan ng pagmamahal ng babae sa lalaking sasaklolohan sa oras ng kagipitan. Ipinapakita rin dito na hindi nakukuha sa dahas ang babae, bagkus sa matapat na panliligaw. At taliwas sa nakagawiang pananaw, ang babae ay maaari ding maging tagapagligtas ng lalaki kahit sa gitna ng panganib o kapahamakan.

Isa pang kuwento ni A.C. Fabian, ang “Magsabi ka muna,” ay tungkol muli sa panliligaw. Si Adong, na dalawang linggong nagbakasyon sa lalawigan, ay inakala ng babae na may asawa na dahil may edad na’t palaging may kasamang bata. Ang batang iyon pala ay mga pamangkin ni Adong. Nang magbihis si Adong at puntahan sa parmasya ang dalaga’y napahanga ang dalaga ang itsura ng binata, ngunit gaya ng dapat asahan, hindi agad sasagot ng oo ang babae, bagkus kinakailangan munang humingi ng permiso si Adong sa magulang ng dalaga kung ibig manligaw. Sa kuwentong ito, pinahahalagahan ang bisa ng panliligaw, at sinumang seryosong lalaki’y dapat umaakyat ng ligaw sa tahanan ng babae at hindi dinaraan ang babae sa ligaw tingin lamang, o kaya’y sa pagteteks sa selfon o pagkikipagkudkuran (internet chatting) gaya ng nagaganap sa kasalukuyan.

Kapansin-pansin sa mga kuwento ni A.C. Fabian ang laging pagsusumikap ng lalaki upang patunayan ang sariling kayang magtagumpay sa piniling propesyon, gaya sa mga akdang “Napakalurit na Paglalaga ng Mais” na hinggil kay Talyong estudyante sa medisina at napagkamalang kuripot ng mga dalaga; “Ayos na Kami” na tungkol kay Nestor na valedictorian na tumakbong alkalde pero ibinigay ang pagkakataon sa kababatang si Melanio at isang pangunahing dahilan ang tungkol sa babae; “Bilanggo” na hinggil kay Damian Silaw na dating dukha na nilait ng magulang ng babaeng nililigawan, at pagkaraan ay yumaman at ibig maghiganti sa pamamagitan ng pag-angkin sa katawan ni Elvira na naghirap dahil sa pagkakasakit ng ama.

Ang ibang kuwento ni A.C. Fabian ay pumapaksa sa kaso ng sapilitang pagpapakasal, at ang pagtutol ng babae hinggil dito. Maihahalimbawa ang “Mula sa Pusod ng Dagat,” na isinalaysay ang pagtatangkang pagpapatiwakal ng isang binata at isang dalaga sa dagat ngunit kapuwa sila magbabago ng isip. Isasama ni Delfin sa bahay si Petring, aalagaan ngunit hindi titingkiin. Matutuklasan ng magulang ni Petring ang kinaroroonan nito, at yayayaing umuwi, ngunit tatanggi si Petring dahil ayaw magpakasal sa inireretong lalaki ng kaniyang magulang. Mababatid ni Delfin na nahulog ang loob ng dalaga sa kaniya, at sa bandang huli’y magkukusang kausapin ang mga magulang ni Petring upang pakasalan ito. Sa ganitong kuwento, pinahahalagahan ang kasal, at tinitingnan lagi ang kasal na lulutas sa problema ng babae at lalaki. Ngunit ang pagpapakasal ay dapat nagtataglay ng magkabiyak na elemento: ang kapasiyahan ng babae at ang kahandaan ng lalaki.

Hindi lahat ng kuwento ni A.C. Fabian ay masaya ang wakas. Sa kuwentong “Sa dako pa roon,” nakilala ni Augusto ang isang babaeng mananayaw sa bar, at iuuwi sa bahay, bibigyan ng luho at pangangailangan, hanggang umabot ang sandaling magkukusa ang babae na umalis sa bahay ni Augusto dahil ayaw nitong magpabigat sa buhay ng lalaki. Sa yugtong ito, lumiliit ang pananaw ng babae sa kaniyang sarili dahil sa pagiging sex worker, at si Augusto na isang propesyonal ay matatanaw na hindi bagay o kapantay ng babae. Ang paghiwalay ni Lagrimas kay Augusto ay senyales ng pagbasag sa paniniwalang hindi sa lahat ng pagkakataon ay tagapagligtas ang lalaki, at kayang magsakripisyo ng babae, bukod sa may dignidad ito kahit sa pagpapasiyang mamuhay nang mag-isa huwag lamang malagay sa alanganin si Augusto.

Kataliwas ng nasabing kuwento ang “Bagong Sapatos” ni A.C. Fabian na ukol naman sa pagsasakripisyo ni Elias upang makaipon at mabigyan ng regalo at kaaya-ayang buhay ang kaniyang pamilya. Titipirin ni Elias ang kaniyang baon, at inakala ng kaniyang asawang nambababae ito, ngunit iyon pala’y ginagawa ni Elias ang pagtitipid para maibili ng mga regalo sa Pasko ang kaniyang buong mag-anak. Matamis ang rendisyon nito, at kung uulitin ay makalilikha na ng arnibal. May iba pang kahawig na kuwento na sinulat ng ibang manunulat, gaya nina Benigno R. Juan at Benjamin P. Pascual na ukol din sa sapatos ang lalabas pagkaraan sa Liwayway, ngunit ang magiging tauhan ay magiging bata, o anak at magulang.

May ibang kuwento lamang si A.C. Fabian, gaya ng “Dula ng Buhay” na nagsalaysay ng isang tagpo sa dyip, na sakay ang isang magandang babae at natipuhan ng isang binata. Mabubunyag sa wakas na ang babae pala’y lukaret, at galing sa Mental Hospital, at maiiwan ang binatang di-makapaniwala sa pangyayaring ikinuwento ng tsuper na kakilala pala ang naturang dalaga. Sa kuwentong ito, nililinang ang pagiging muslak [i.e., naive] ng binata, na nabibiyak wari ang isip sa libog at di-maipaliwanag na pagkabighani sa babaeng misteryosa. Mababaw ang kuwentong ito, at hinuha ko’y paningit lamang sa Liwayway.

Sa kabuuan ay napakagaan ng pagdulog ni A.C. Fabian sa kaniyang mga kuwento. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kapupulutan ng aral ang ibang piyesa, bagaman ang iba’y lumilihis sa kumbensiyonal na pananaw hinggil sa dapat maging papel ng babae at lalaki sa lipunan, o kaya’y sa loob ng tahanan.

Disenchanted Kingdom

Malaya kang pumasok sa kahariang ito, makaraang pumila at makapagbayad ng limandaang piso at makatanggap ng tiket tungo sa aliwang bayan. Tiyakin lamang na huwag magbibitbit ng pagkain, dahil ano pa ang silbi ng mga tindahan at kainan sa loob kung lalangawin lamang sa taas ng presyo? Magsuot ng tumpak na damit at sapin sa paa, at bagayan ng magagalang na pananalita at kilos, dahil hinihingi ng mga dugong-bughaw ang paggalang mula sa kanilang mapapalad na panauhin.

Ang paghakbang papasok ay pagkaligta, kahit sandali, sa iyong kinamulatang bayan. Papasok ka rito hindi bilang Filipino, bagkus bilang mamamayang nasa kapangyarihan ng hari at reyna. Ito ang lunan ng salamangka at pista, na pawang tumitighaw sa layaw at pagmamalabis. Ipinaloob dito ang bonsai na kagutaban, ang robotikong galaktika, ang sinaunang Brooklyn, at iba pang pook na banyaga sa iyong hinagap.

Ipalalasap sa iyo ng palsipikadong sanaw, talón, at dagat ang mga ilahás na tubigang nakapaikot sa iyong kapuluan at hindi mo tatangkaing puntahan. Mahihindik ka sa mahika ni Harry Houdini, at ang mga mangkukulam at babaylan ay maitataboy palayo sa iyong isip. Makikiliti ka sa panandaliang tato, at kahit itakwil mo ang pagiging katutubo ay magiging isa ka nang kosmopolitanong pintado.

Mauunawaan mo ang pag-iral ng dinosawro at panahon ng yelo sa panahon ng pagbabagong-klima. Sa kabila ng lahat, maaakit ka pa ring bumili ng sorbetes at magpalamig sa haluhalo habang tumitindi ang sikat ng araw. Sisipatin mo ang mga eroplanong yari sa kahoy at dambuhalang ferris wheel, at susubuking sumakay mamaya, subalit magdaraan muna sa tulay na niyari noong sinaunang panahon.

Maglakad nang maglakad at malulustay ang oras nang hindi mo inaasahan.

Sasapit ka sa mga kabayong mekanikal at lumilipad, o sa mga kotseng nagbubungguan, o sa mga sisneng paikot-ikot sa lawa-lawaan. Maaaring sumilip sa mga tindahang naghahain ng kung ano-anong eksotikong alahas o imported na tisert mulang Afrika at Brazil, at makapipili pa ng samot-saring pasalubong para sa iyong anak, kasintahan, asawa, at kaibigan. Ipagpatuloy mo ang paglalakad at maiinggit ka sa mga magkasintahan at mag-anak na magkakahawak-kamay, at kung maghalikan o magyakapan ay parang kanila ang buong daigdig.

Mauunawaan mo ang apat na dimensiyong teatro at ang dalawahang panig na barilan. Luluwa ang iyong mata sa ikinukubling kayamanan ng Rio Grande. Magugutom ka at tatanghod sa mga tindahan para makabili ng nilagang mais at sopdrink, ngunit dahil kulang na ang iyong badyet ay iisipin na lamang ang mga pagkaing iyong iniwan sa bahay o kung hindi’y sasamyuin ang iniluluto sa Hotdog Kiosk. Mahihilo ka sa gutom at laro, iinom nang sapat sa gripo, at ang laro ang magpapagaan sa iyong kumakalam na loob.

Saka ka matatauhan na gumagabi na pala. Malayo ang landas pauwi, at naririnig mo na ang pagtatalumpati ng iyong bituka. Paglabas mo ng tarangkahan, ang kaharian na iyong ginalugad ay parang maglalaho ang mga kutitap kasabay ng pagbati ng bantay. Lumalamig ang ihip ng simoy, at ilang araw na lamang ay Pasko na. Ngunit ano ba ang Pasko kahit napanood mo ang munting dula hinggil sa buhay nina Hesus, Maria, at Jose?

Tatanawin mo muli ang kaharian. Pagkaraan ay ipagpapatuloy ang paglalakad habang naiinggit sa dami ng mga kotse, van, at bus na tiyak na maghahatid sa mga turista.  At marahil, makikiangkas ka sa kung anong sasakyan palabas sakali’t may magpaangkas, o kung hindi’y magtatanong sa sinumang makakasalubong sa daan kung paano makararating patungo sa iyong tinitirhan. Halos sumayad ang iyong dila sa lupa, ngunit wala sa iyong maaawa. Komersiyal at mabilis, ang lilisanin mo ay ano’t hinding-hindi na muling magiging kagila-gilalas, kakatwa, at mistikal.

Aranya sa Kapaskuhan

Marami pa ring nababaliw sa tula, nawika ko sa sarili, makaraang dumalo sa pagtatapos ng taunang palihan sa pagtula ng Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) na ginanap sa Conspiracy Bar noong 9 Disyembre 2008. Ang LIRA ang samahan ng mga kabataang makata na tinuruan at ginabayan ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, alyas Rio Alma, sa tulong ng kaniyang mga lasenggong makatang tarikan.

Iba na ang LIRA ngayon. Ang natatandaan ko’y piling-pili ang napapabilang sa LIRA, at sa halos 50 nagsimula noon sa bawat palihan ay masuwerte na ang tatlo o dalawa ang makatapos. Marahil ay bumait na itong si Rio o kung hindi’y sadyang matiyaga lamang ang bagong henerasyon ng mga kabataan.

“Hindi lahat ng nakatatapos sa palihan ng LIRA ay nagiging makata,” ani Rio. Ngunit ipinaalala niyang anuman ang piliing propesyon ng mga nagsipagtapos ay makatutulong sa kaniya ang disiplina at talim ng pag-iisip na hinihingi sa palihan. May 23 taon na ang LIRA, at sa loob ng gayong kahabang panahon ay nahubog niyon ang halos isang henerasyon ng mga makatang ngayon ay kinikilala sa loob at labas ng Filipinas.

Kabilang sa mga bagong nagsipagtapos ng LIRA ay sina Ynna Abuan, Shin Abacado, Tina Basco, Keith Bustamante, Teofilo Catanyag, Gigi Constantino, Hazel Joy Crizaldo, Sheila del Mundo, Fer Edilo, Harold John Fiesta, Noel Fortun, Levi Francisco, Joscephine Gomez, George Muyarga, Debbie Nieto, Romeo Peña, Wilet Robles, Glenn Paul Roperos, Rey Santillan, Mark Bagain Schwab, Lee G. Sepe, Ryan Tanauan, at Randel Urbano. Inilunsad ng pangkat ang kanilang folio na pinamagatang Aranya (2008) na nagpapamalas ng iba’t ibang pagdulog sa tula.

Maihahalimbawa ang tulang “Bagyo” ni Ynna Abuan:

Sa tuwing papatak ang ulan, may takot
Na dumadaloy mula sa pinagtagpi-tagping
Kalawanging bubong. Ang mga dingding
Na yari sa iba’t ibang mukha
Ng pulitiko at playwud
Mula sa mga nagibang bahay
Noong nakaraang demolisyon
Ay singrupok ng paniniwalang may pag-asa
Na makakamtan ang ginhawa ng piso.
Dilim: Langit na kasing-itim ng burak
Na umaagos mula sa umaapaw
Na estero; ang sangsang ay pumupuno
Sa pagitan ng gitla at buntong-hininga.
Ang hanging lumalatigo
Sa mumunting tahanan ay nagpapaalala
Ng walang katapusang bagyo.

Ang gayong katahimik na tula ay paparisan ng kakatwa kung hindi man absurdong pagtanaw sa “Patay na Puno sa Gitna ng Siyudad” ni Shin Abacado:

“To see a World in a Grain of Sand.”
—William Blake

Unti-unting nabubulag ang buwan
sa nakaunat na braso ng kapre:

Nagbibigti ang uwak sa talukap
ngunit muling lumilipad kapag

nabubulabog sa kalog ng karwahe.
Minsan nabubuhol sa hangin

sa paggulng ng lukot na diyaryo
(yanig) sa pusod ng naglalakihang gusali.

Namamanhid ang mga paruparo’t
alitaptap habang natitigpas

ang mga pakpak sa dilim.

Gagamitin naman ni Levi Francisco ang konsepto ng ginhawa sa animo’y malungkot na tagpo sa “Tagsibol”:

Ang mga dahong nalagas
Sa puno’y di mababakas.
Isang sulyap sa lumipas,
Dala ng bagong busilak.

Malikot mag-eksperimento itong si Fer Edilo, at kaunting hagod pa’y hinuhulaan kong malayo ang mararating sa paglikha ng mga villanelle, pantoum, ghazal, at iba pang anyo ng tulang ibinabagay sa kaligiran ng Filipinas. Ang eksperimentasyon ni Edilo ay tutumbasan ng likot ng guniguni at pagbubulay nina Noel Fortun, Harry Fiesta, Mark Schwab, at Randel Urbano, samantalang magpapatingkad sa tradisyonal ngunit banayad na hagod nina Rey Santillan, Ryan Tanauan, at Pilo Catanyag.

Maitatangi ang tulang “Transformer” ni Wilet Robles, at ang personang nagsasalita sa tula ay maaaring babae o lalaki o bakla o lesbian, ngunit ang higit na mahalaga’y kung paano kumakawala ang naturang persona sa pagpapakahulugan at konsepto ng kaniyang kausap na maaaring dating kasintahan, asawa, o kalaguyo. Ang transpormasyon ng persona ay waring pinaghalong robotiko at mistikal, at sumasampal sa de-kahong pagtingin sa relasyong seksuwal ng iba’t ibang tao, uri, at lahi.

Para naman kay Keith Bustamante, ang lahat ng binanggit ay panandalian. Gaano man karikit ang disenyo ng laberinto tungong kalangitan ng panulaan ay magwawakas sa kisapmata. Maaaring iyon ay isang panaginip o bangungot, ngunit makabubuting gumising ang lahat sa kabatiran, gaya sa piyesang “Ephemeron”:

Pinagmamasdan k ang mabilis na salubungan
ng mga bitak sa itlog ng kahuli-hulihang dragon

habang dahan-daha’t pira-pirasong nabubura
ang aking bumbunan sa kakahagilap ng dahilan

kung paano nabubuo ang tuka’t mga pakpak
na walang anumang basbas o pundasyon

bukod sa posibilidad na malusaw sa sandaling
kutyain ng mapanghusgang silakbo ng silaw.

Ngunit sa halip na matupok, nilamong buong-
buo ng dragon ang liwanag na tumambad

sa nabulabog niyang idlip at bumuga ng apoy
sa panatag kong mukha hanggang sa maabo

ang aking bumbunan habang inaabangan niya
ang unang bulalas ng bitak sa aking bungo.

Ganito kalikot tumula ang mga bagong sibol ng LIRA. At marahil, dapat silang abangan sa panulaang Filipinas at hingan ng mga bagong akda.