Paghahari ng Batas

Pinatunayan muli ng Kongreso na pinaghahari nito ang batas. At ang batas na ito ay batas na kilala lamang ng mayorya ng mambabatas, at salungat sa esensiya ng batas alinsunod sa panlipunang kasunduan. Ang pagboto ng mga mambabatas kung sapat ang nilalaman ng sakdal sa pagpapatalsik sa pangulo ay naninimbang sa atas ng partido, ayon sa oposisyon na may katwiran, imbes na timbangin ang buto’t laman ng mga paratang.

Dapat pa bang pagtakhan ang magiging resulta ng pagdinig sa kongreso? Ang pahayag halimbawa ni Deputy Speaker Pablo Garcia na inihahalintulad ang hinaing laban sa pangulo sa gaya ng sandwits o pagkakapako kay Hesus ay hindi lamang sablay sa lohika bagkus nagtataglay ng pahiwatig kung ano ang magaganap sa isinampang kaso ng oposisyon. Ngunit palulusutin ng mga kapuwa niya mambabatas ang gayong pahayag, at marahil may kaugnayan dito ang posisyon ni Garcia sa batasan.

Kasumpa-sumpa ang pahayag ni Garcia bilang mambabatas, at halimbawa ng sukdulang kasalatan sa bait.

Naghahanap naman ng mga pruweba si Rep. Eduardo Zialcita hinggil sa mga paratang. Nagmamadali si Zialcita, at animo’y nasa yugto na sila ng pagdinig ng mga kaso laban sa pangulo. Hindi pa ba sapat ang pagpapalabas ng mga kautusan ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo na labag sa Konstitusyon at siyang pinagpasiyahan ng Korte Suprema? Hindi ba kaduda-duda ang pagtatagpo ng mga personalidad ng pamahalaan sa Tsina, at ang kontratang naglaho kung saan hinggil sa ZTE-NBN? Hindi ba karapat-dapat imbestigahan ang panghihimasok ng pangulo sa halalan, at paghingi ng paumanhin sa taumbayan dahil sa kaniyang “pagkakamali”, at iba pang kaso?

Binanggit ni Rep. Nograles na ang pagsasampa ng kaso na patalsikin ang pangulo ay isang pampolitikang proseso at hindi lamang panghukuman. Na hindi umano napapanahon ang impeachment o pagpapatalsik sa pangulo dahil sa kinakaharap na pandaigdigang krisis ngayon ng bansa. Hindi sapat ang ganitong pahayag ni Rep. Nograles, dahil inililihis nito sa tunay na usapin ang pagdinig ng kaso, at kahit may sapat na laman at anyo ang hinaing ay nababalewala. Ang pagiging pampolitikang proseso ng impeachment ay hindi maiiwasan ngunit dapat harapin dahil mabibigat ang sakdal na makapagpapaguho sa tiwala at awtoridad ng pamahalaan.

Kailangang mabatid ng taumbayan kung tunay ngang nagkasala ang pangulo at ang kaniyang mga kasapakat na politiko o kaanak, halimbawa sa suhulan. Sa ganitong paraan, malilinis ang pangalan nila sa harap ng madla, at mabubunyag kung sino-sino ang gumagawa ng katarantaduhan. Sabihin nang magastos ang gayong proseso. Gayunman, mabuti nang gumastos kaysa panatilihin sa poder ang pangulo na walang karapatang mamuno dahil sa korupsiyon at katiwalian at maling pamamahala, alinsunod sa paratang ni Rep. Jose de Venecia. Kung ginawa ang impeachment kay Pang. Joseph Estrada ay dapat din itong subukin kay Pang. Arroyo dahil nakasalalay dito ang integridad hindi lamang ng pangulo kundi ng lahat ng tao na bumoto sa kaniya noong nakalipas na halalan. Ngunit kung hindi natapos ang kay Pang. Estrada dahil sa tantiyadong pag-aaklas, kailangan namang tapusin ang kay Pang. Arroyo upang patunayan na makaiiral pa rin sa bansa ang tunay na katarungan.

Sabihin nang bulok ding politiko itong si Rep. De Venecia. Ngunit ang kaniyang personalidad ay bukod sa taglay ng kaso, at hindi komo’t kabilang siya sa nag-endoso ng impeachment ay wala nang kabuluhan ang naturang hinaing.

Marahil ay sarado na ang impeachment. Ngunit hindi ito sapat para manatiling tahimik ang taumbayan. Kinakailangang makialam ang taumbayan sa kani-kanilang inihalal sa pamahalaan mulang pangulo hanggang mambabatas hanggang barangay kapitan at konsehal dahil ang susunod na bakbakan ay magaganap sa pagpapalit ng Konstitusyon, at sa pagtatatag ng bagong sistema ng pamahalaang lalong magpapataba sa puso ng mga mambabatas na kakampi ng kaitaasan.

Kung ang batasan ay umaabot na sa yugtong hindi na makapagsisilbi pa sa taumbayan, may karapatan ang taumbayan na ipawalang-bisa ito alinsunod sa pananaw ni John Locke. Kung may karapatan ang taumbayan na ihalal ang mga mambabatas sa pamahalaan, may karapatan din itong patalsikin sa puwesto ang nasabing mga mambabatas kung nagiging panggulo lamang sa layong manatili sa kapangyarihan imbes na maging tagapagbuklod ng sambayanan, alinsunod sa pananaw ni Thomas Hobbes. Ngunit maaaring hindi maganap ito sa pamamagitan ng pagkukusang popular (popular initiative). Ang pagpapalit ng sistema sa mapayapang paraan ay maaaring sumasapit na sa sukdulan, at marahil nag-iisip na rin ang ibang sektor ng lipunan kung ano ang higit na mabilis, makabuluhan, at makabayang hakbang, alinsunod sa pananaw nina Karl Marx at Friedrich Engels, dahil ang batasan ay lumilihis sa papel na tagapamagitan bagkus nagiging tagapagtanggol pa ng naghaharing uri sa lipunan. Kung si Jean Jacques Rousseu ay makapagmumungkahi ng karahasan sa sinumang lalabag sa panlipunang kasunduan, at siyang waring ginagawa ngayon ng mayorya sa kongreso, sino ang hihindi sa ganitong panukala?

Naniniwala akong may tinig ang karaniwang Filipino, at ang tinig na ito na kung magiging tinig ng organisadong mga mamamayan at pangkat, ay kayang lumampas sa usapin ng heograpiya, wika, relihiyon, lipi, at ideolohiya. Panahon na marahil upang magkaroon ito ng gulugod, at nang makalakad papaloob ng batasan o kahit sa Malacañang. Hinihintay ko ang unang sisigaw.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: