Timpi at Timpal sa Tula ni Jennelyn M. Tabora

Makalilikha ng parisukat na pintura kahit ang tipík-tipík na hulagway (i.e., imahen). Ang hulagway, kapag idinikit sa isa o mahigit pang bilang na hulagway, ay hindi lamang makapagbibigay ng isang ultimong sagot, gaya sa matematika. Bagkus ang kadena ng mga hulagway ay posibleng magkaroon ng mala-reaksiyong nuklear at ng sanga-sangang alamís, alinsunod sa timpál na paraan ng pagpapahayag at sa bigat ng mga pahiwatig o pakahulugang tinataglay ng bawat hulagway. Kung ituturing ang gayon, ang kolektibong hulagway ay makapagluluwal ng isa pang sariwang hulagway bukod sa anino na katambal nito at siyang lingid sa paningin ng sinumang nagmamasid. Maihahalimbawa ang tulang “Isang Hapon sa Tag-araw” ni Jennelyn M. Tabora.

Isang Hapon sa Tag-araw
ni Jennelyn M. Tabora

1 Pinilit niyang makalapit sa tubig
2 kahit marami na ang maliliit na paang
3 nakakapit sa bunganga ng banga.

4 Maya-maya,
5 pinagmasdan ko na ang kaniyang paglipad.
6 Mula sa itaas, unti-unti siyang umikot paibaba.

7 Patuloy pa rin ang iba sa pag-inom,
8 abala sa pagtuka ng kanilang sariling mga repleksiyon.
9 Hindi siya huminto.

10 Asul na asul ang kulay ng ulap
11 na dinapuan ng lumubog.

Binubuo ng labing-isang taludtod ang nasabing tula na hinati-hati sa apat na saknong. Ang tatlong magkakasunod na saknong ay tigatlo ang taludtod, samantalang ang pangwakas na saknong ay dalawa ang taludtod. Naglalaro mulang lima hanggang walong salita ang taglay ng bawat isa sa walong taludtod, kung ihahambing sa tatlong taludtod na ang bawat isa’y may isa hanggang apat na salita. Walang tugma’t sukat na ginamit sa tula. Masasabing pinakamahina ang taludtod 4 dahil ang salitang “maya-maya,” na bagaman nagtatangkang magbitin ng isang magaganap na tagpo, ay walang iniiwang malakas na hulagway. Ang salitang “pinagmasdan” sa taludtod 5 ay puwedeng paikliin at gawing “minasdan,” at nang matanggal ang pang-abay na “na”. O kaya’y maaaring tanggalin ang mismong salitang “pinagmasdan” dahil ang saknong 1 ay nagpapahiwatig na nakatuon na mismo ang paningin ng persona sa partikular na ibong ibig sumingit sa hanay ng mga ibong umiinom sa bangâ. Sa taludtod 10, ang mga katagang “kulay ng” ay maaaring tanggalin dahil nagiging maulit (i.e, redundant) ang “asul.” Pinakamatindi at pinakamarikit ang taludtod 8 na masasabing pinakaubod ng tula dahil doon iluluwal ang susunod na pahiwatig na makapagsasanga ng iba pang kabatiran. Gayunman ay maitatanong kung saan nakalugar ang persona, at nakita niya ang malinaw na tubig na nagiging salamin ng mga ibong umiinom.

Inilarawan sa tula ang nangagsisisiksikang ibong umiinom nang nakapaikot sa bangang punô ng tubig. May isang ibong nagpilit sumingit makainom lamang ngunit nabigo, kaya nagpilit itong pumaimbulog upang pagkaraan ay magbalik na bumubulusok tungo sa sentro ng banga.

Ang persona-na siyang nagsasalaysay ng tagpo sa isang di-tiyak na kausap at siyang nakakita sa pangyayari-ay maaaring nasa pook na malayo sa kalungsuran at naroon sa pook na katatagpuan ng marami-raming ibon. Isang susing hulagway ang bangâ. Noon ang banga’y imbakan ng tubig, alak, pagkain, suka, o anumang binurong prutas, karne, o isda. Bukod pa roon ang natatanging gamit nito na imbakan ng inagnas na bangkay o kalansay. Kung ihahambing sa sinaunang abram, ang banga’y hamak na maliit; at ang halaga’y nakaayon sa uri, testura, at kulay ng luad, buhangin at sa masining na pagkakahubog nito. Huwag nang banggitin pa ang dibuho o ukit sa rabaw ng banga. Naghunos ang estetikang silbi ng kapuwa banga at abram at naging palamuti na lamang na itinatanghal sa bakuran o sa loob ng bahay ng mayayaman ng makabagong panahon. Sa tula ni Tabora, ang sinauna’t orihinal na silbi ng banga ang pinaiiral, subalit sa pagkakataong ito’y ibon ang nakikinabang imbes na tao.

Walang tiyak na uri ng ibon ang binanggit sa tula. Posibleng mga maya o kaya’y kalapati o iba pang sari ang tinutukoy. Ano’t anuman, ang “ibon” ay ipinaloob sa panghalip na “siya” imbes na “ito” at ang epekto’y nakargahan ng pambihirang pahiwatig ang kataga. Sa balarila ng Tagalog, hindi ginagamitan ng “siya” ang ibon, hayop, isda, at bagay; bagkus ay angkop na panghalip ang “ito,” “nito,” “iyon,” o “yaon.” Ang karaniwang pakahulugan sa “ibon,” sa isang banda, ay nabahiran ng pagsasataong katangian, bagaman nananatili pa rin ang naturang salita sa larang ng biyolohiya. Sa kabilang dako’y ang “ibon” ay masisipat hindi lamang sa antas na literal, bagkus sa patalinghagang pamamaraan. 

Walang pasubaling uháw na uháw ang mga ibon, at marahil dulot na rin ng init ng tag-araw-kundi man tagtuyot-na isinasaad ng pamagat. Ang pag-uunahan ng mga ibong makainom ay likás na ugali ng ibon o hayop upang mabuhay sa daigdig na umiiral ang tagisan araw-araw, at ang kalakarang humihingi ng tatag at tiyaga sa bawat nilalang. Ngunit ang sukdulang gawi na ibingit ang buhay upang makamit ang pansamantalang hanap ng katawan ay nababahiran ng kulimlim, dahil kahit ang mga ibong mandaragit ay hindi basta-basta bubulusok at mandaragit kung batid nito na mapanganib ang gayong paraan. Kahit ang mga karyon, gaya ng buwitre, ay naghihintay ng tamang pagkakaon sakali’t napakahigpit ng kompetisyon sa bangkay na nais lurayin at kainin. Maaaring totoo o maaaring hindi totoo ang tagpong pagbulusok ng ibon paloob sa banga sa tula ni Tabora. Subalit hindi mahalaga yaon. Ang higit na mahalaga’y ang inaasahang magiging bunga ng pagbulusok, at ang dramatikong pag-imbulog upang magbalik lamang sa lupa: na alingawngaw wari ng sinaunang kawikaan. “An minalayog na halangkaw/ Minahigpa lagapak.”

Pigíl na pigíl ang damdamin, kundi man napakalamig, ang paglalarawan ng personang nagsasalita sa tula hinggil sa maituturing na nakahihindik kundi man nakagugulantang na tagpo: ang pagbulusok ng ibon. Mahahalata yaon sa mga taludtod 10-11, na masasabing mapagmalabis kundi man halos imposible dahil hindi naman makadarapo sa ulap ang karaniwang ibon maliban na lamang kung malaki-laki yaon gaya ng banúg, bánoy, o uwák. Sa kabila ng lahat, ang pagbulusok ng ibon ay mahihinuhang nagpapahiwatig ng napipintong kamatayan o kisapmatang tagumpay, yamang mababaw ang banga kung ihahambing sa abram o ilog o batis. Kung hihigitin pa ang mga pahiwatig, ang pagbulusok ang sukdulan ng pagkakamit ng pansariling nais na makainom at nang matighaw ang uhaw. Ang timpi sa mga taludtod ay nakapagbubukas ng timpál hinggil sa maaaring negatibo o positibong wakas ng ibon. Walang pangangaral sa tula. Sa halip, ang mambabasa’y hinahatak na punuan ng pahiwatig o pakahulugan ang kahihinatnan ng ibong bumulusok sa banga.

Ang “Isang Hapon sa Tag-araw” ay maaaring kathang-isip na nagsisikap tumulay sa higit na mataas na paghihiwatigan. Ang “ibon” na ginamitan ng panghalip panao ay maitutumbas sa tunay na “tao” sa payak na tumbasan o hambingan; at maikakatwirang bagaman may isip ang tao’y nananatili pa rin paminsan-minsan ang pagkahayop nito lalo sa panahong kailangang kumapit sa patalim at makipagsapalaran. Kung ibabatay sa teorya ni Sigmund Freud, ang tadhana ng ibon ay nakabatay sa kalikasan ng kaniyang angking sarî (species) o hinsarî (subspecies). Kung ibabatay naman sa teorya ni Karl Marx, ang produksiyon at distribusyon ng tubig bilang mahalagang salik ng pag-iral ang magtatakda ng kapalaran o pananaig ng mga ibong nauuhaw. At kung sisilipin sa teorya ni Erich Fromm, ang ibon-bilang-tao ay makaiigpaw sa mga itinatakda ng mga teorya nina Freud at Marx dahil may kalayaan itong magpasiya at lumaya mula sa abang kalagayan alinsunod sa antas na pakikipagkapuwa.

Mababago ang paghihiwatigan sa loob ng tula kung iba marahil ang pamagat at hindi “Isang Hapon sa Tag-araw” na pinaliit ang lunan ng paghihiwatigan. Marahil naisip iyon ni Tabora ngunit ibig pa rin niyang ipamalay ang pambihirang timpi at timpal sa gitna ng kahila-hilakbot na pagkasawi sa pamamagitan ng minimalistang pagdulog. Ano’t anuman ay ibang usapan na iyon na nangangailangan ng panibagong kritika, at ilang bote ng serbesa. Magkasiya muna tayong namnamin sa ngayon ang tula ng kabataang Jennelyn M. Tabora.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: