Advertisements

Filipino at ang Kaso ng Multilingguwalismo

Nakakubli sa kalabuan ang ipinakakalat ni Aurelio Solver Agcaoili hinggil sa kaniyang akdang “Countering Tagalism and Tagalogization.” Ayon sa kaniya, ang “Tagalogism is an attitude—a mindset that has trapped us into a belief of a Philippine nation-state as revolving around a center and only this center is important.” Tinatangka niyang destrungkahin ang pananaw na “Tagalog” at yanigin ito sa posisyon bilang batayan ng Filipino na wikang pambansa. Ang ganitong haka-haka ay bulaklak ng dila na nagpapalagay na dominanteng wika ang Tagalog, na nasa Imperyong Maynila, at ang Tagalog na ito ay nakaukit sa kamalayan at kalooban ng bawat Filipino upang kumilos siyang parang robot na sunod-sunuran sa isang makapangyarihang sistema, sa pambihirang gahum na umiiral nang sarili, at nagtatangkang burahin ang iba pang taal na wika sa Filipinas.

Kung ang “Tagalogism” ay isang uri ng saloobin, dapat ilugar ni Agcaoili kung ano ang pinag-ugatan nito. Ngunit mabibigo ang sinuman na pigain sa kaniyang artikulo ang ugat ng “Tagalogism” o “Tagalism” at kung ikokompara sa ibang kinabitan ng hulaping “-ismo,” ay kulang na kulang para tawaging ideolohiya, kung hindi man diwaing gumagabay sa kabuuan ng mga Filipino—nasa loob man o nasa labas sila ng Filipinas. Maiuugnay din ang “Tagalogism” sa “Tagalogization” na aniya’y “…is that long juridical, linguistic, political, economic, and cultural process that has made it certain that this trap, this temptation relative to the entitlement, privileging, and valorization of Tagalog, is going to continue to have its stranglehod over all of us, Tagalog and non-Tagalog peoples alike.” Mapanganib ang ganitong mapanlahat na pahayag dahil ang “Tagalogization” ay ipinakita rito na sumasaklaw hindi lamang sa wika, kundi maging sa iba pang aspekto ng lipunan, at kung hindi susuhayan ng mga patunay ni Agcaoili ay mananatiling mito lamang na kaniyang inimbento para yanigin ang Tagalog na pinagbatayan sa pagbubuo ng isang wikang pambansa. Hindi isinaalang-alang dito ni Agcaoili ang kasaysayan, at tila ba ang Tagalog ay lumitaw na basta-basta lamang. Kinaligtaan niya ang mahabang pakikibaka ng Tagalog hindi lamang bilang wika, at ang paglampas nito sa hanggahan ng pook ng Katagalugan upang magparaya sa buong bansa, at gamitin bilang tulay na kayang makapag-ugnay sa iba-ibang wika sa Filipinas.

Ito ang mito na kathang-isip ni Agcaoili at siyang ibig ihain sa lahat ng Filipino. Ang “Tagalogism” na ginamit dito ni Agcaoili ay dapat ikinabit sa “Inglesismo” na uri ng wikang ibig gamitin bilang tulay ng pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan sa Filipinas. Ingles ang banyagang wika na malaki ang ambag upang makaligtaang linangin hindi lamang ang Filipino, bagkus maging ang mga lalawiganing wika—at kabilang na rito ang Tagalog—sa Filipinas. Ingles at Espanyol ang ipinakalat sa sistema ng edukasyon sa bungad ng siglo 20, at naglagay sa panganib ng pagkabura ng kapuwa wika at kultura ng iba’t ibang lalawigan. Ingles ang humalili sa Espanyol at ang ginamit sa Kataas-taasang Hukuman, na pawang Amerikano ang mga mahistrado maliban sa punong mahistradong Filipino. Ingles ang bumahang teksbuk at aklat na pawang inangkat mula sa Estados Unidos, at kakaunti pa noon ang mga babasahing nasusulat sa mga taal na wika sa Filipinas. Ingles ang ginamit sa Unibersidad ng Pilipinas—na paaralang tinutustusan ng estado—at napailalim ang Tagalog sa larangan ng wika ng pagtuturo. Noong bungad ng siglo 20, ang bakbakan ay mauuwi sa panitikan, at nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga Tagalog kung paano mapananatili ang kanilang wika, at iyon ay sa pamamagitan ng masigasig na pagsusulat at paglikha ng iba pang uri ng sining. Sa ganitong lagay, hindi tumupi ang mga manunulat na Tagalog, at patunay ang kanilang mga akda kung paano lumaban sa gahum ng Ingles. Totoong may iba pang lalawiganing wika, gaya ng Bikol, Ilokano, at Sebwano ang nakibaka laban sa Ingles at nagsikap mangibabaw. Ngunit ang mga dapat sanang tagapagtanggol nito—at kabilang na rito ang mga politiko at manunulat—ay sumanib sa Ingles imbes na pagyamanin ang kani-kanilang taal na wika. Taliwas ito sa Tagalog na hindi lamang ipinagtanggol ng mga Tagalog—bagkus kinakitaan din ng potensiyal ng ibang mamamayan—na may kakayahang maging lunsaran ng pambansang wika na magagamit upang pagbuklurin ang mga lalawigang dating binibigkis nang sapilitan ng Ingles. Ang Tagalog ay hindi dapat minamaliit bagkus dapat pa ngang papurihan, dahil kaugnay nito ang kasaysayan sa pagbubuo ng kabansaan, at paggigiit ng kalayaan, mula sa dikta ng mga pasimuno ng Ingles at banyagang edukasyon na ang tuon ay para sa ikagagaling ng merkado at gahum ng dayuhan.

Hindi ipinaliwanag ni Agcaoili ang pakahulugan niya ng “Tagalog,” bagaman mahihinuha sa tabas ng kaniyang pananalita na ang “Tagalog” ay siya ring “Filipino” na lumalaganap ngayon sa bansa. Ang pagtanaw na “Filipino” bilang baryedad lamang sa “Tagalog” ay pailalim na panunuligsa sa Filipino upang hindi ito makatayo nang bukod sa orihinal na anyo at laman ng Tagalog. Ang linya ng pangangatwiran ni Agcaoili ay nahahawig sa pahayag ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Ricardo Ma. Duran Nolasco, na ang “Tagalog” at “Filipino” ay iisang uri lamang alinsunod sa mga katangian nitong panggramatika, at kaya lamang nagkaiba ay dahil sa pagpapalit ng pangalan. Isa itong simplistikong pagtanaw, at pagtanaw na nagtataglay ng sadyang pagkaligta sa iba pang aspekto, gaya ng kasaysayan, konteksto, kaligiran, panahon, at siyang maaaring makaaapekto sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang taguring “Filipino” ay hindi lamang “Tagalog,” at ang Tagalog ay hindi kayang kumontrol sa magiging anyo at laman ng Filipino. Ang mungkahi ng gaya ni Carl Rubino na “muling pagsasabalangkas” ng Filipino bilang wikang pambansa ay isang magandang proyekto, ngunit ang ganitong mungkahi ay tumatanaw lamang sa wika na tila walang sariling buhay at nakatiwalag sa mga tao na gumagamit ng wika, at ipinapalagay na ang mga gumagamit ng sari-saring wika ay nagkakaisa sa pagsasaayos ng kolektibong wikang mahihinuhang may labo-labong gramatika at palaugnayan, at yamang walang isang wikang gagawing haligi ng pagpupundar, ay malayang isiping pagtatayo ng maalamat na Tore ng Kalabuan.

Ang Filipino ay pagkilala sa kabansaang may iba-iba mang wika ay tinutuhog ng isang malaganap na wikang may sapat na malig na magagamit ng bawat lalawiganing wika at sa komunikasyon ng mga Filipinong maaaring ang kinamulatang wika ay wikang lalawiganin. Ang Filipino ay paraan ng pagtulay at pag-uugnay sa mga taal na wika sa Filipinas upang pagbukluran, habang masinop na nagbubukas ng pinto sa anumang internasyonal na wikang makapagdaragdag sa kaban ng pambansang talasalitaan, pahiwatig, diskurso, pakahulugan, gramatika. at iba pang kaugnay na bagay. Ang Filipino ay isang natatanging paraan ng pagsagap sa daigdig, ngunit paraan din kung paano titingnan ng mamamayang Filipino ang kaniyang sarili at ang kaniyang bansa. Bagaman ang Filipino ay maipapalagay na “ikalawang wika” para sa ibang taga-lalawigan, ang pagiging “ikalawang wika” nito ay malayo sa kapuwa pakahulugan at karanasan ng pagiging “ikalawang wika” ng gaya ng Ingles na banyagang wikang ang Anglo-Amerikanong tradisyon ay kakatwa kung ilalapat sa kaligiran, konteksto, at diskurso ng Filipinas. Bukod pa rito, ang Filipino ay dapat sipatin nang higit sa saklaw ng lingguwistika, bagkus kaugnay ng konsepto ng pakikipagkapuwa, kabansaan, at kasarinlan.

Pinapatay ba ng Filipino bilang pambansang wika ang mga lalawiganing wika? Hindi. Ang palagay na ipinapaibabaw ang “Filipino” para patayin ang mga lalawiganing wika ay walang batayan, at magsisimula ito kahit sa talakayan, saliksik, at pagtatalong naganap nang itatag ang Institute of National Language (INL) noong 1936 para sa planong bumuo ng pambansang wika, at alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1935. Mahalaga noon ang pagtataguyod ng pambansang wika, dahil ang Filipinas ay dumaan sa yugto ng digmaan at kolonisasyon, at tanging Ingles at Espanyol ang umiiral na opisyal na mga wika sa Filipinas. Ang pagpili sa Tagalog noon na magiging batayan ng wikang pambansa ay sumailalim sa pag-aaral, pagsasarbey, pagsusuri, at talakayan, kaya hindi makatwiran ang paratang ni Agcaoili na tila tunggak ang mga kasapi ng INL na madaling nilamon ng administrasyon ni Pang. Manuel Quezon. Nakaligtaang banggitin ni Agcaoili na kaya pinili noon ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa ay dahil ito ang pinakamaunlad na wika nang panahong iyon, mulang estruktura at mekanismo hanggang panitikan at paggamit ng malaking bilang ng mga Filipino, alinsunod sa itinatakda ng Batas Komonwelt Bilang 184. Mula noon, ang Tagalog ay lumampas sa dati nitong hanggahan at gamit, at malayang tumanggap ng iba pang salita, pakahulugan, pahiwatig, at diskursong nagmumula sa lalawiganing wika—sa kabila ng paggigiit na gamitin ang Ingles sa buong Filipinas.

Hindi rin totoong purong Tagalog lamang ang nanaig noon. Kahit sa kautusang ipinakalat ni Celedonio Salvador, na Patnugot ng Edukayon, noong 15 Nobyembre 1940, iminumungkahi ang pagpapalawak ng talasalitaan at wikaing idyomatiko, at ang ganitong kabigat na responsabilidad ay hindi lamang tinatanaw na para lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang taal na wika sa bansa. Kung nagkulang man sa paglinang ng ibang lalawiganing wika ay hindi dapat isisi sa Tagalog, kundi sa baluktot na patakaran at programa ng pamahalaang pumapabor sa paggamit ng Ingles. Nang sakupin ng Hapón ang Filipinas, ayon kay Teodoro Agoncillo, sinikap ng Hapón na palaganapin ang Nihonggo sa buong bansa ngunit nabigo dahil sa kakulangan ng mga guro at pagkatanto na ang banyagang wika ay mahirap palitan ang mga naunang banyagang wika bukod sa mahirap burahin ang mga taal na wika sa Filipinas. Nabatid din ng Hapón na tanging ang pambansang wika lamang ang kayang bumigkis sa kapuluan, at nagkataong nakapag-ambag na naman ang Tagalog. Kahit si Pang. Jose Laurel ay nakita ang kahalagahan ng isang wikang pambansa, lalo sa panahon ng digmaan, ligalig, at karukhaan, at ang wikang ito, aniya, ay magagamit upang magkaintindihan ang mga tao na nagmula sa magkakaibang lalawigan. Muli, hindi arbitraryo ang pagpili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Nagsagawa muli ng sarbey at pag-aaral at talakayan, at napatunayang Tagalog ang may pinakamabisang katangian para maging haligi ng wikang pambansa, na susuhayan ng mga taal na wika sa buong kapuluan.

Binigyan umano ng pitong dekada ang Tagalog, ani Agcaoili, na maging batayan ng pambansang wika ngunit nabigo ito at winasak pa umano ang milyon-milyong Filipino. Marahas ang ganitong paratang, at ang paratang na ito ay hindi isinaalang-alang ang mga panahon, kaligiran, at kontekstong pinagmulan ng Tagalog na dumaan sa mga digmaan at pag-aaklas; sa deskriminasyon ng Ingles, Espanyol, at Hapones; at kahit sa saliwang pagpapahalaga ng mga politiko at akademiko sa Filipinas. Kahit ang Kumbensiyong Pansaligang Batas noong 1971 ay isang madilim na yugto sa Filipino, dahil ang mga kalahok noon ay nais gawing pambansang wika ang Ingles na nabago lamang nang magprotesta ang mga aktibista at tuligsain ang gayong pakana ng mga demagogong politiko. Pambihira ang Filipinas na ang Saligang Batas—na pagbabatayan ng iba pang batas, kautusan, at kaugnay na patakaran—ay isinulat sa Ingles, at hindi nabigyan ng pagkakataon na gamitin ang Filipino na maging pangunahing wika sa gayong kahalagang instrumento. Totoo ngang nakasaad na ang pambansang wika ay kikilalaning “Filipino,” ayon Saligang Batas ng 1972, ngunit ang pagdurugtong ng pariralang “shall be evolved, developed and adopted based on existing native languages and dialects without precluding the assimilation of words from foreign languages” ay pailalim na pinahihina ang estado ng Filipino. Sa pananaw ng mga delegado, walang kakayahan ang “Filipino”—na parang nasa yugto ng pagkasanggol kahit marami nang napatunayan kung pagbabatayan ang mga palimbag na panitikan—at ang pambansang wikang ito ang sinusurot ni Agcaoili na nabigong magsilbi sa buong Filipinas. Ikakatwiran ng mga lingguwista at sosyolingguwista na kailangan ang estandardisasyon ng wika para maitaguyod ang ortograpiya, at makapaglaan ng unipormadong anyo ng mga sangguniang aklat. Ngunit malabo ang ganitong punto kung isasaalang-alang kung gaano kalawak ang nasabing estandardisasyon, na ang paglihis sa pamantayan ay maiisip na kakulungan kung hindi man patunay sa katangahan.

Nilupig ba ng Tagalog ang iba pang wika sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Naging ahente ba ang Tagalog para durugin ang lunggati at simulain ng iba pang taal na wika at kultura sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Ang pagtanaw na nilupig ng Tagalog ang iba pang taal na wika sa Fiipinas ay ibang paraan ng pagsasabing napakahina nga ng mga taal na wika sa buong bansa at kayang diktahan ng isang wika lamang. Walang makinarya, kapangyarihan, at impluwensiya ang mga pasimuno ng Tagalog kung ihahambing sa panig ng mga tagapagsulong ng Ingles, dahil ang Ingles ang nakalusot na maging opisyal na wika at ginagamit sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, batasan, negosyo, at akademya magpahangga ngayon. Humina rin ang mga taal na wika dahil kulang ang mga manunulat at tagapagtaguyod nito, at isang sanhi ang penomenon ng tinaguriang “pagpapalit-wika” at may kinalaman dito ang gahum ng Ingles. Ang Tagalog kung naging batayan man ng Filipino ay isang pangyayaring dapat tingnan sa positibong paraan. Ang Tagalog marahil ang pinakaprogresibong wika na nangunang magbukas ng pinto para tumanggap ng malawakang pagbabago na halos ikalusaw ng sarili nito, ngunit ginawa iyon ng Tagalog hindi para sa mga Tagalog lamang kundi upang isilang muli sa ibang anyo at nilalaman sa pakikipagtulungan sa iba-ibang taal na wika, at maging batayan ng wikang pambansa. Ang tagumpay ng Filipino ay ngayon pa lamang nakikita, hindi lamang sa tradisyonal na mass media, kundi maging sa internet. Malayo na ang iniungos ng Filipino, at nilampasan na nito ang baryotikong komiks, at humahangga sa matatalim na diskurso. Sinusubok na ang Filipino sa iba’t ibang lárang, at hindi ako magtataka kung maging wika rin iyon kahit sa hukuman, negosyo, medisina, at akademya.

Ang nakapagtataka’y ginagamit na dahilan ang multilingguwalismo upang buwagin ang naipundar nang tagumpay ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang bersiyon ng multilingguwalismo na isinusulong ng HB 3719 (2008 Multilingual Education and Literacy Act) ni Rep. Magtanggol Gunigundo ay magpapalakas sa reenkarnasyon ng Ingles, at hindi sa mga lalawiganing wika, dahil wala itong itinatakdang sapat na pondo, impraestruktura, kawani, at iba pang bagay para sa pagbubunsod ng malawakan at sabayang pagpapalago ng mga taal na wika. Ang multilingguwalismo ay mauuwi sa laway, at animo’y nakatuon para sa itatatag na Federalismo—na ang bawat lalawigan ay makapagsasariling estado na bibiyak lalo sa Filipinas—at kaya mahihinuha ang pagpipilit na idikit ang wika sa usapin ukol sa kultura, heograpiya, politika, at ekonomiya. Kakatwa ito dahil ang Filipino, na mula sa Tagalog, ay laging sumusuporta sa pagpapalago ng mga lalawiganing wika at sa pagbibigkis ng mga mamamayan. Kung nabigo man ang gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino noon at magpahangga ngayon ay maibubunton ang sisi sa marurupok nitong patakaran, programa, at pamunuang kulang sa bisyon at sigasig na paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas, at kabilang na rito ang mga punong komisyoner na sina Ponciano Pineda, Nita Buenaobra, at Ricardo Nolasco. Ngunit hindi ito kataka-taka. Ang nasabing Komisyon ay kulang din sa badyet, kulang sa mga dalubhasang kawani, kulang sa mahuhusay na pamunuan, kulang sa kasanayan, kung hindi man sadyang kulang-kulang, kaya ang nagiging silbi magpahangga ngayon ay maging katuwang ng Malacañang sa mga hakbanging pampolitika nito.

Pilit na pag-uuri ang “Tagalogisasyon” at “Tagalogismo,” at ito ang dapat tanggapin ni Agcaoili.

Ang “tiranya ng Tagalogisasyon” at makamandag “na pang-aakit ng Tagalogismo” ay kathang isip lamang ni Agcaoili, at nababahiran ng lihis na pagbasa sa politikang pangkultura, at hinango sa diskurso ng Ingles na pilit iniaangkop bilang paraan ng pagtanaw at pagdestrungka sa Filipino. Na hindi makatwiran. Ang karanasan ng Filipinas ay malayo sa karanasang multilingguwal at multinasyonal na pamayanang nagaganap sa Europa, Afrika, at Amerika, at siyang ibig ipadron sa pagbasa sa karanasan sa buong kapuluan. Wala ring mabalasik na deskriminasyon at prehuwisyo na ipinataw ang Filipino na ikalulusaw ng mga taal na wika sa Filipinas, kompara sa nagaganap sa ibang bansa, kahit pa sabihing ginamit ang Filipino sa pag-aaral ng ilang lárang sa elementarya at hay-iskul. Ang realidad sa Filipinas ay Ingles pa rin ang ibig panaigin bilang wikang opisyal, na mapagbalatkayong taguri sa “wikang pambansa,” at ang pinakabagong halimbawa ay ang patakaran na tanging Ingles lamang ang dapat umiral sa Pamantasan ng Maynila, at gawing midyum sa pagtuturo ang Ingles sa lahat ng antas ng pag-aaral alinsunod sa dikta ng Departamento ng Edukasyon. Hindi rin isinaalang-alang ni Agcaoili na ang migrasyon, urbanisasyon, at pagpapalit-wika ay kaugnay ng pagkamatay ng mga taal na wika, dahil higit na pipiliin na gamitin ang Ingles para mapangalagaan ang ekonomikong interes at seguridad pampolitika, o kaya’y para makaligtas sa deskriminasyon sa larangan ng hanapbuhay, gaya sa pagpasok sa call center at pagtatrabaho sa ibang bansa. Matagal nang pinapatay ang Tagalog noon pa man kahit sa pagbasa ng kasaysayan, at kahit sa loob ng Maynila na ibig ay Ingles ang manaig sa edukasyon, negosyo, batasan, at hukuman; at ngayong narito na ang Filipino na naghahain ng pambihirang posibilidad bilang pambansang wikang makabibigkis sa mga Filipino ay isasalang muli sa marahas na bibitayan ng prehuwisyo at kaululan. Paunlarin natin ang mga taal na wika sa Filipinas; ngunit huwag naman nating patayin ang alimbukad ng isang wikang pambansa. Ang paglingon sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino ay makatutulong sa paglinang at pagpapayabong ng mga taal na wika sa Filipinas, at madudukalan ng aral at karanasan, ngunit hindi ito magaganap hangga’t patuloy na ginagamit na wika, diskurso, at pananaw ang Ingles para paikutin ang kapalaran ng mga Filipino.

Advertisements

6 Tugon

  1. ngayon ko lang narinig yang tagalogism na yan.

    feeling ko parang niyurakan ang orihinal na salitang ‘tagalog’ dahil sa tagalogism na yan.

    no offense sa nag coin ng term na yan pero i cannot accept it kasi tagalog is tagalog.

    if you know tagalog, then it’s ok.
    if you use it, much better.
    if foreigner will use it, super better.
    if you will not use it, it doesn’t matter.

  2. I’m sick of Tagalog Imperialists trying to show us non-Tagalogs that only their language has a significant history, that they are so heroic, that nothing dangerous is happening to our native languages because of Tagalog, that we should accept the baloney that is Wikang Filipino (it’s just Wikang Tagalog; go consult the nearest Linguist), that those who fight for their native languages are anti-unity.

    Well, sorry to the author of the piece above, as it is a great showcase of either intent of destroying other languages, of keeping Tagalog a “higher language” compared to its Austronesian Philippine brothers, of linguistic ignorance, of cultural and ethnolinguistic insensitivity, and pure Napoleonic desire to rule the whole archipelago that is the Philippines.

    TAGALOGISM is a reality which YOU WILL NEVER ACCEPT, because you are the oppressor in this case. No oppressor accepts the accusations of those he oppresses.

    TAGALOG is a foreign language to any non-Tagalog Filipino speaker, and its imposition (which you can trace back to the puppet Japanese government) to us non-Tagalogs is nothing different from when the Americans imposed English.

    Accept that.
    Live with it.

    And we will forever fight for our various non-Tagalog languages.

    Rizal said it best: ANG DI MAGMAHAL SA SARILI WIKA, MASAHOL PA SA MALANSANG ISDA. Our SARILING WIKA is and was never TAGALOG.

    http://archipelago-music.blogspot.com

  3. Huwag mo akong daanin sa mga paratang. Patunayan mo muna ang iyong sinasabing “Tagalogism” at “Imperyalistang Tagalog” na pawang pumapatay sa mga taal na wika sa Filipinas, kung hindi’y katulad ka lamang nina Agcaoili, Nolasco, at iba pang bahaw ang mga pahayag.

    Malaya kang umingles, dahil maaaring iyan ang iyong wikang kinagisnan, habang ipinagtatanggol ang mga taal na wika sa Filipinas. At malaya ka ring magtaglay ng makitid na pananaw at sukdulang prehuwisyo ukol sa Filipino, dahil iyan ang esensiya ng demokrasya at kalayaan.

  4. Matindi pala ang balitaktakan tungkol sa wika. Nang sagutin ko si G. Agcaoili sa kanyang pahayag sa “Countering Tagalogism” na kako ay di na marahil maiiwasan ang pagdomina ng Filipino-Tagalog sa iba pang lalawiganing wika dahil ito na ang pinakamalaganap na ginagamit ngayon bilang pangalawang wika ng mga cebuano, waray, ilokano at iba pa kaya marapat lamang na pagyamanin at gawing pambansang wika ay nanggagalaiti na tinawag akong ignorante at kulang pa ang pagbabasa. Sabi ko ay wag na akong patulan at basahin na lamang ang iyong tugon sa iyong Alimbukad bilang reaksiyon sa kanyang sinulat. Hindi na ako tinugon. Sayang gusto ko pa naman mabasa ang kanyang reaksiyon naman sa iyong “Filipino at ang Kaso ng Multilingguwalismo”.

  5. Filipino ang wikang pambansa, at ang wikang ito ay hindi ibig pangibabawan ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Filipino ang tulay upang magkaunawaan ang mga tao mula sa iba’t ibang lalawigan, at makatutulong ito sa paglinang at pagpapayabong ng naturang mga wika.

    Ang anumang balitaktakan hinggil sa Filipino bilang wikang pambansa at sa katuwang nitong mga taal na wika sa iba’t ibang lalawigan ay mahalaga, at hindi malulutas ang di-pagkakaunawaan sa arogansiya ng pagsasabing “ignorante at kulang sa pagbabasa.”

    Ang arogansiyang ito ay dati nang ginagawa ng Ingles at Espanyol para bilugin ang ulo ng mga Filipino, at guluhin, kung hindi man burahin, ang pambansang gunita nito.

  6. […] Roberto Añonuevo Lumikha ng alingasngas ang mga artikulong sinulat ko na sagot sa mga akda nina Dr. Aurelio Agcaoili at Dr. Ricardo Nolasco. Inulan ako ng tawag, text, at email, na ang karamihan ay positibong tugon […]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: