Filipino at ang Wika ng Hukuman

Hinuhulaan kong pagkaraan ng 22–23 Oktubre 2008, magbabago ang pagtingin ng Korte Suprema sa paggamit ng wikang Filipino sa mga hukuman. Idaraos sa naturang petsa ang palihan at seminar sa Bulacan State University ukol sa paggamit ng Filipino sa mga paglilitis at pagdinig ng mga kaso, upang mapabilis ang pagbibigay ng katarungan sa mga Filipino.  Inaasahang magpupukol ng matatalim na mungkahi ang mga eksperto sa wikang Filipino, nang magabayan ang mga kalahok kung paano gagamitin nang epektibo ang naturang wika.

Kasalukuyang binubuo ngayon ng mga dalubhasa sa batas na kabilang sa Philippine Judicial Academy (PhilJA) ang kurikulum para sanayin ang mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng korte sa paggamit ng Filipino. Ang nasabing kurikulum, kung maipatutupad, ay inaasahang makatutulong sa hukuman para mapabilis ang kapuwa paglilitis at paghahatol sa mga kaso, sa kapakinabangan ng mga akusado at tagapagsakdal.

Matagal nang isyu sa Filipinas ang wika sa hukuman. Dati, ginagamit ang Espanyol para sa kapakinabangan ng mga Espanyol, alinsunod sa patakaran ng Royal Audiencia. Nang dumating ang mga Amerikano’y ginamit ang Ingles at iniluklok ang mga mahistradong Amerikano, kasama ang Punong Mahistradong Filipino, para isulong at mapanatili ng Estados Unidos ang kolonyal na patakaran sa Filipinas. Ang ating Korte Suprema, na itinatag noong 1901, ay malinaw na may ugat sa pananakop at patakarang pampolitika ng Amerika na nakapag-ambag upang matiwalag ang taumbayan sa mga hukuman nito. Nakapagtatakang ngayong siglo 21 pa lamang nagsisimula sa ating bayan ang seryosong pag-aaral sa paggamit ng sariling wika at diskurso ng mga Filipino doon sa mga hukuman, at lumilingon sa uri ng paghahatid ng katarungang alinsunod sa sinaunang sistemang pampolitikang gaya ng barangay, bayan, ili, at banwa.

Sa unang malas ay maliit na bagay lamang ang wika sa hukuman. Ngunit kung susuriin nang maigi’y ang wika ang kasangkapan upang makapag-isip nang matalim ang mga Filipino, at magagamit nila iyon upang maihayag ang niloloob nang di-alintana ang gramatika at palaugnayan ng dayuhang wika. Kailangang mailapit ng hukuman ang wika sa taumbayan, dahil ang taumbayan ang pinagsisilbihan dapat ng hukuman. Ang hukumang iba ang wika sa wika ng taumbayan ay di-maglalaon at papabor lamang sa mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng hukuman na pawang nakaiintindi sa wika ng pangkat na ito. Na hindi dapat magkagayon. Hindi dapat ikubli ng hukuman sa makukulay na jargon ang mga paglilitis at pasiya nito, dahil nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng mga tao sa anumang magiging hatol ng hukuman.

Malaking tipid din ang paggamit ng Filipino sa hukuman dahil hindi na kinakailangang isalin pa sa Ingles ang mga salitaan, at diretso na ang pagtatala. Mababatid din ng mga tao kung paano magtanggol ang mga abogado, kung paano humatol ang hukom, at kung paano humawak ng kaso ang piskal. Ang mga halimbawang ginawa nina Hukom Jose de la Rama at Cezar Peralejo (ret.) sa paggamit ng Filipino sa mga pagdinig at pagsulat ng hatol ang dapat kilalanin ng sambayanan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang dalawang hukom kung paano mapalalapit sa puso ng madla ang hukuman, at kung paano ipauunawa ang batas sa diskurso ng karaniwang mamamayan.

Si retiradong hukom Peralejo—ang lolo ng artistang si Rica Peralejo—ay marami nang batas at kautusan ng hukumang isinalin sa Filipino mula sa Ingles. Ang kaniyang mga aklat ay ginagawang sanggunian ngayon hindi lamang ng mga nag-aaral ng batas bagkus ng karaniwang Filipino. Kung hindi ako nagkakamali’y nagsalin din si Hukom De la Rama ng mahahalagang kapasiyahan ng Korte Suprema at isinaaklat din kamakailan, bago nagbitiw sa tungkulin si Punong Mahistrado Artemio Panganiban. Mababanggit din ang Mga Teorya ng Batas: Ang Pananaw ng Klasikong Etika at Agham Panlipunan (2002) ni Emmanuel Q. Fernando, at siyang ginagawang sangguniang aklat ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kung matutuloy ang pagsasa-Filipino ng hukuman, ang administrasyon ni Punong Mahistrado Reynato Puno ang nakikita kong magiging isa sa mga makasaysayang administrasyon ng mga hukuman sa buong Filipinas.

Nais kong balikan ang sinulat na Ulat-Memorandum (1955) ni Ambrosio Padilla—ang Prokurador Heneral noon—para kay Pang. Ramon Magsaysay ukol sa Asyenda San Pedro Tunasan. Pulido ang wika ni Padilla, at napakalinaw ng mga paghahayag hinggil sa kaso ng Asyenda Tunasan. Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa ipinagbiling 850 ektaryang lupain ng Colegio de San Jose sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Pangasiwaang Pambansa sa Pagpapatao at Pagbabagong-tatag (NARRA). Maaapektuhan sa naturang bentahan ang mga residenteng kaanib sa kapisanang “Oras Na!” (na tinawag ding “Yapak” o “Anak ng Bayan”) na pinamumunuan ni Ciriaco Almansor, na nagsampa ng kaso sa hukuman upang linawin kung sino ang nagmamay-ari ng lupain. Ang ulat ni Padilla ay nilagom ang mga paglilitis at hatol ng iba’t ibang antas ng hukuman, at nilinaw na tunay na pagmamay-ari ng Colegio de San Jose ang Asyenda San Pedro Tunasan.

Binanggit ko ang Ulat-Memorandum ni Prokurador Heneral Padilla dahil magandang halimbawa iyon na mapagsusumundan ng iba pang opisyales ng pamahalaan. Ipinakita ni Padilla na ang ulat ay dapat hindi lamang nauuwaan ng pangulo, bagkus nauunawaan din ng mga taong sangkot sa kaso sa wikang matalik sa kanilang puso. Sa naturang lagay, ang wika ng pangulo ay dapat umaayon din sa wika ng mga Filipino, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles. Ang halimbawa ni Padilla ang dapat masundan at muling pag-igtingin sa panahong ito.

7 Tugon

  1. salamat sa karagdagang kaalaman tungkol sa wikang Filipino.

  2. Magandang balita ito kung maisasakatuparan na ang wikang Filipino na lamang ang gagamitin sa hukuman.

    Meron lang po ako tanong: Gusto ko lamang ikumpirma kung ano ang ipinagka-iba ng wikang Filipino at Tagalog?

    Maraming salamat sa pagdaan sa aking blog.. kabayan! Mabuhay tayong lahat na mga Filipino!

  3. Filipino ang tawag sa wikang pambansa ng Filipinas, ayon sa Saligang Batas ng 1987. Bagaman nakabatay nang malaki sa Tagalog ang korpus ng Filipino, ang Filipino ay patuloy na umuunlad at sumasagap ng ibang salita mula sa mga lalawiganing wika, bukod sa wikang internasyonal. Malayo na ang Tagalog sa Filipino, at ang Tagalog ay waring nakaiwanan na ng panahon.

    Ginagamit ang Tagalog bilang wikang panrehiyon sa mga lalawigang gaya ng Bulakan, Rizal, Laguna, Quezon, Nueva Ecija, Pampanga, at Palawan. Ngunit sa gaya ng WordPress, inaakala pa rin na ang Tagalog ang wikang pambansa. Na isang pagkakamali.

  4. Maraming salamat sa impormasyon na ito!

  5. i think it would be better that the regional languages should be used together with filipino in the regions. it would be easier for the people there to understand the proceedings of the court. i know that filipino is the national language, but the mother tongue is still in essence, an important part of their life and intellect. aside from that, a lot of people are still uneducated and cannot understand the national language. and lastly, it would be fair enough to use the regional langauges together with the national languages to promote linguistic rights, which are basically human rights. let us remember that the philippines signed in the international declaration of human rights and also signed for a UN convention on linguistics rights which states that the regional and minority langauges should be promoted by the state.

  6. Wala namang problema kung gagamitin ang mga lalawiganing wika na katuwang ng pambansang wikang Filipino, at malinaw itong nakasaad sa Saligang Batas ng 1987. Wala akong problema dito. Ang sinasagot ko ay ang pakana nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao na pawang nagsusulong ng multilingguwalismo ngunit ibig pahinain kung hindi man buwagin ang Filipino. Pinalalakas ng gayong adhikain ang Ingles, na natural na magiging lingua franca, kahit banyagang wika sa buong kapuluan, habang pailalim na isinusulong ang Federalismo na kakatwa kung isasaalang-alang ang laki ng Filipinas.

    Karapatan ninuman na gamitin ang kaniyang wikang kinamulatan bilang tulay ng edukasyon, at ito ay matagal nang umiiral sa buong bansa kahit walang opisyal na pahayag ang pamahalaan. Naiiba lamang ang kaso ng batas, dahil ang wika at diskurso nito ay hinubog ng Ingles, at ang pag-aaral nito ay isang pribilehiyo imbes na karaniwang karapatang pantao lamang ng mga Filipino. Gayunman, kinakailangang magsilbi pa rin ang batas para sa mga mamamayan dahil buhay at kinabukasan ang nakataya sa anumang magiging pagdinig, paglilitis, at pagpapasiya ng hukuman. At dapat maunawaan ng sinumang akusado at tagapagsakdal ang kasong dinidinig o nililitis, kung hindi’y mananatili siyang tiwalag sa loob ng hukuman.

    Dapat lamang malinaw sa lahat na Filipino (at hindi Ingles) ang pambansang wika ng Filipinas, ayon sa konstitusyon, at mababago lamang ito kung ipipilit ng ilang politiko na baguhin ang konstitusyon. Ang Filipino ang dapat sinusuhayan ng mga lalawiganing wika (at iba pang wika) samantalang tumutulong din ito na maging halimbawa kung paano lilinangin at payayabungin ang naturang mga lalawiganing wika.

  7. sir, salamat po sa kaalaman kong nakuha mula sa inyo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: