Diyamante at ang kaso ng maling panghihiram

Napagpakuan ko minsan ng pansin ang isang teksbuk na pinamagatang Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan I (2004) nina Ailene G. Basa at Alma Dayag at inilathala ng Phoenix Publishing House, Inc. Marami akong napunang kahinaan ng teksbuk ngunit ang aking tatalakayin ngayon ay hinggil sa tulang “dyamante” na pinauuso ng nasabing teksbuk.

Ayon sa Pluma, ang “dyamante [sic, diyamante] ay isang uri ng tulang isinusulat sa hugis na dyamante. Ito ay binubuo ng limang linya kung saan ang pinakamahabang linya ay ang ikatlong linya. Sumusunod na mahaba ang ikalawa at ikaapat na linya at ang pinakamaikli sa lahat ay ang una at huling linya.” Itinuturo din ang limang hakbang sa pagsulat nito, at ibinigay pa na halimbawang tula ang sumusunod:

Negosyo
maunlad, progresibo
pinag-iisipan, pinagsisikapan, pinagpapaguran
para sa masaganang buhay
negosyo.

Sablay sa gramatika ang pakahulugan ng “dyamante.” Ngunit higit pa rito, ang ganitong uri ng akda ay hindi karapat-dapat na tawaging tula. Napakababaw nito, at ni walang talinghaga, at prosang-prosa ang hagod. Ngunit hindi lamang dapat mabahala ang mga magulang sa ganitong uri ng tulang itinuturo sa mataas na paaralan. Kailangan ding makialam ang awtoridad, gaya ng Departamento ng Edukasyon (DepEd), dahil sa mali-maling inilalahok sa teksbuk.

Ang ugat ng Diyamante
Walang maringal na ugat ang “diyamante” (diamante poetry) kung ihahambing sa ating tanaga, ambahan, laji, diyona, dalít, tigsik, talindaw, at iba pang anyo ng katutubong tula sa Filipinas. Ang tulang diyamante ay pinauso ni Iris Tiedt, at kaniyang inilahok sa A New Poetry Form: The Diamante (1969). Bilang guro, si Tiedt ay umimbento ng mumunting berso na magagamit sa elementarya at siyang kaugnay sa pagtuturo ng wikang Ingles.

Ang tinaguriang tulang “diyamante” ay binubuo ng pitong linya na hugis diyamante ang anyo. Pinaglalaruan ng nasabing berso ang pangngalan (noun), pang-uri (adjective), at pandiwang makangalan (gerund). Walang tugma at sukat ang nasabing tula, bagaman ang pormula ay masisipat sa ganito: isang salita sa unang linya; dalawang salita sa ikalawang linya; tatlong salita sa ikatlong linya; apat na salita sa ikapat na linya; tatlong salita sa ikalimang linya; dalawang salita sa ikaanim na linya; at isang salita sa ikapitong linya.

Ang totoo’y walang nabubuong pangungusap sa nasabing berso.

De-kahon ang diyamante sa pagpapamalas ng singkahalugan at kasalungat na kahulugan. Ang unang apat na linya ay nakatuon sa pangngalang binanggit sa unang linya, samantalang ang kasunod na tatlong linya ay nakasuhay sa pangngalan sa ikapitong linya.

Ang diyamante ay humuhugot umano ng impluwensiya sa Amerikanong cinquian (na tiglilimang linya bawat saknong at hugis diyamante, at matatawag sa ating “singkuhan”). Isa sa mga popular na uri nito ang pinauso ni Adelaide Crapsey. Ngunit kung igigiit naman ang tulang de-kuwit ni Jose Garcia Villa, maiisip ng iba na ginaya lamang ng Amerikano kay Villa ang taktika ng pagkukuwit. Kung babalikan ang ginagawa nina Baisa at Dayag, ang halimbawang diyamante nila ay cinquian, at pekeng diyamante, bagaman parehong gumagamit ng hugis-diyamanteng porma. Ang bersong diyamante ay masasabing supling lamang ng tinaguriang shaped verse, ang uri ng tulang inihuhubog sa anyo ng pinagtutularang imahen, gaya ng bituin o parisukat o ahas, at mauugat noong siglo 17 sa tradisyon ng panulaang Ingles, o kaya’y sa kung ilang libong taong nakalipas sa tradisyon ng panulaang Tsino. Sa Filipinas, matagal na itong ginawa ng gaya nina Jose Corazon de Jesus at Manuel Principe Bautista na susundan pagkaraan mulang Rio Alma hanggang Vim Nadera.

Manghiram ay di-biro
Hindi biro ang panghihiram na ginawa nina Baisa at Dayag. Una, mali ang pagpapaliwanag hinggil sa tulang diyamante. Ikalawa, ang ginawa nilang halimbawa ay mahihinuhang Amerikanong cinquain, ngunit kahit ang uri ng anyong ito ay dapat pagdudahan at mahahalatang ginagad lamang sa gaya ng haiku, tanka, tanaga, pantun, at iba pang maiikling tula.

Sina Baisa at Dayag ang halimbawa ng mga awtor ng teksbuk na mahilig manghiram at manggaya sa teksbuk ng Amerikano upang ipasok sa teksbuk sa Filipino. Ang nangyayari tuloy ay hindi lamang nila inaangkat ang kaisipang dayuhan, bagkus nagpapalaganap pa ng sensibilidad ng kolonyal kung hindi man bagong kolonisador. Inililipat lamang ng mga awtor sa Filipinas ang padron ng tula, ngunit nananatili roon ang kababawan ng pinaghiraman. Hindi isinaalang-alang ng mga awtor ang pambihira’t malalim na tradisyon ng panulaan sa Filipinas, na magagamit nilang bukal ng kaalamang-bayan, imbes na manghiram sa ibayong-dagat.

Maraming mapapansin sa tulang diyamante nina Baisa at Dayag at heto ang ilan sa mahahalagang punto:

  1. Hindi ipinaliwanag nang maigi sa teksbuk nila ang ugat o kasaysayan ng diyamante.
  2. Mahinang anyo ng berso ang diyamante, at walang kapasidad na makabuo ng mga dakilang diwain.
  3. Kinasangkapan lamang ang taguring “tula” sa diyamante, ngunit ang ubod niyon ay hindi upang turuang sumulat ng tula ang mga estudyante, bagkus magpakilala ng mga salitang pangngalan, pang-uri, at pandiwang makangalan. Ibig sabihin, nakakiling sa lingguwistika ang diyamante, imbes na sa panitikan.
  4. Hindi ipinaliwanag sa teksbuk kung bakit kailangang pag-aralan ang isang mababaw na uri ng bersong Amerikano at gamitin iyon sa Filipino nang hindi isinasaalang-alang na magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang wika.
  5. De-kahon ang diyamante, at kahit ang pag-iisip sa pagsulat nito ay nakasalalay lamang sa paglalaro ng pangngalan, pang-uri, o pandiwa at walang pakialam kung barok man (o linsad sa gramatika) ang pagkakasulat ng berso.

Hindi naman sa salungat ako sa panghihiram ng anyo o padron ng tula sa ibang bansa. Maraming hiniram na anyo ng tula ang Filipinas, at kabilang dito ang korido at awit bago pa man sumikat si Francisco Balagtas, o kaya’y ang villanelle, soneto, rondel, haiku, tanka, ghazal, at iba pa noong siglo beynte. Ngunit ang mga anyong ito ay masinop na ginamit ng mga makatang Filipino, at nilapatan ng mga pambihirang eksperimentasyon upang lalong sumigla ang anyo ng hiniram at maangkin ng mga Filipino.

Sa aking palagay ay makatutulong pa nga ang panghihiram kung malay sa tradisyon ang nanghihiram na manunulat o makata. Ang panghihiram ay makapagpapasok ng pambihirang kabaguhan sa dati nang de-kahong pagtula, at hinahatak ang mga makata na lalong pag-igihin ang pagtula.

Ngunit bago tayo manghiram ay dapat alam natin ang hinihiram. At kung hihiram din lang tayo ay mabuting manghiram na ng pinakamaganda’t pinakamalalim na padrong makatutulong sa ating panulaan imbes na pipitsuging padrong gaya ng “diyamante.” Ang ginawa nina Baisa at Dayag ay kasalanang mortal dahil maaakusahan sila ng plahiyo (i.e., plagiarism) mula sa mga Amerikanong awtor—dahil aakalain ng ibang sila (Dayag at Baisa) ang nagpauso ng “tulang diyamante” sa Filipinas—at siyang mababasa rin sa internet, gaya sa mga sumusunod na websayt:

  1. http://teams.lacoe.edu/documentation/classrooms/amy/algebra/5-6/activities/poetry/diamante.html
  2. http://www.readwritethink.org/materials/diamante/
  3.  http://www.poemhunter.com/poem/diamante-poem-war/
  4. http://www.instruction.greenriver.edu/haulman/History200DE/SummerH200DL_W3diamante.htm
  5. http://teachers.emints.org/riosy/Poetry%20Time.html

Higit pa rito, nagiging kaawa-awa ang pagtanaw sa tula. Ang ginawang tulang diyamante sa Pluma ay kasumpa-sumpa, at kung gagayahin iyon ng mga estudyante ay maaaring isumpa rin nila balang araw ang pagsusulat ng tula dahil ginagago sila ng kanilang sangguniang aklat.

Pagharap sa hinaharap
Ang problema sa mga sumusulat ng teksbuk, gaya nina Baisa at Dayag, ay malimit silang nakatingin sa labas ng bansa. Maraming anyo ng tula sa Filipinas ang maaari nilang mailahok sa kanilang teksbuk. Ang kinakailangan lamang ay masinop na pagsasaliksik, at paghingi ng mga payo sa mga kritiko at makata mismo na pawang nakababatid ng malalim na ugat ng panulaang Filipinas.

Kailangan nating magtiwala sa ating sarili. Kailangang magtiwala ang mga awtor na gaya nina Baisa at Dayag sa panulaang Filipinas, at dapat hikayatin nila ang kanilang pabliser na maglaan ng sapat na pondo para sa pagsasaliksik at pagbubuo ng matitinong teksbuk. Hindi kinakailangang tipirin ang pagbubuo ng teksbuk sa panitikan. Ang pondo sa aklat ng panitikan ay dapat kapantay kung hindi man higit sa pondo na laan sa iba pang larang, gaya ng agham, matematika, at Ingles.

Nais ko ring susugan ang unang binanggit ng kritiko at edukador na si Isagani Cruz. Ang pagtuturo ng panitikan ay dapat ibukod sa pagtuturo ng wika. Nagkakaroon ng malaking problema sa pagtuturo ng Filipino, dahil hindi malaman ng guro kung ang ituturo nila ay hilaw na lingguwistika o kaya’y seryosong panitikan. Ang mungkahi ko’y dapat magtuon sa pagtuturo ng panitikang Filipino sa mataas na paaralan, at ibukod ang pagtuturo ng wika na siyang tungkulin naman ng mga lingguwista sa kursong lingguwistika.

Ang pagtuturo ng tulang diyamante ay dapat nang ibasura, at pilasin sa mga teksbuk sa Filipino. Dapat isaisip ng mga awtor na ginawa iyon para sa pagtuturo ng wikang Ingles sa mga Amerikano at hindi para sa wikang Filipino na laan sa mga estudyanteng Filipino. Iba rin ang tradisyon ng Amerikano ukol sa panulaan, at isang kalabisan kung manggagagad lamang ang Filipino sa mga katarantaduhang ginagawa ng mga Amerikano. Hindi dapat ipaloob sa Filipino ang diskurso ng Amerikano. Hayaan nating lumaya ang panitikang Filipino, at ituro ang panulaang Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: