Advertisements

Malilikot na Kuwento ni Vicente Sotto

Kinakailangang tuklasin muli si Vicente Y. Sotto (1878-1950), hindi bilang isang kuwit sa kasaysayan o kaya’y tukayo ng komedyanteng aktor at senador, bagkus bilang panitikerong maipagmamalaki ng mga Sebwano. Itinuturing na “Ama ng Panitikang Sebwano,” si Sotto ay humawan ng landas sa pagiging peryodista, dalubwika, mandudula, at kuwentista. Magandang simula ang mga pag-aaral ni Resil Mojares, at ang mga salin nina Don Pagusara, Erlinda Alburo, at Remedios B. Ramos hinggil sa ilang piling dula at kuwento ni Sotto na pawang nalathala noong bungad ng siglo beinte.

Taliwas ang mga kuwento ni Sotto sa mga naunang salaysay na hitik sa mga hari at reyna at relihiyosong pinauso noong panahon ng awit at korido. Tinumbok ni Sotto ang mga makatotohanang pangyayari sa kaligiran, mulang digmaan sa malawak na lipunan hanggang tunggalian sa loob ng pamilya’t katauhan. Dagdag pa’y ginamit niyang instrumento ang katha upang punahin ang mga baluktot na paniniwala ng madla o kaya’y naghaharing uri, at magmungkahi ng pagtutuwid sa pamamagitan ng talinghaga at pagpapahiwatig.

Maiikli ngunit malilikot ang kuwento ni Sotto, at maaaring ihanay iyon sa “dagli,” na sumasaklaw sa “maikling-maikling kuwento,” “pasingaw” (sketch), “tulang tuluyan,” at “anekdota.” Ang naturang kaiklian ay nakaayon sa sukat ng mga pahayagang kinalathalaan ng mga kuwento, gaya ng Ang Suga  (1901), na binubuo lamang ng apat ng pahina. Nakatuon ang mga kuwento sa isa o dalawang tauhan, at higit na nakakiling sa mabibilis, kapana-panabik na paglalahad ng mga yugto ng pangyayari, na kung minsan ay may mga puwang sa banghay na kailangang punuan ng mambabasa. Buháy na buháy ang mga usapan, at ang gayong realismo ay waring tandisang sumasalamin sa tunay na nagaganap sa paligid.

Mahaba-haba na ang akdang “Ang Tinagoan ni Teresa” (1908)  na hinggil sa buhay ni Teresa na maykayang babae na nabuntis at pagkaraan ay ipinaampon sa isang balo ang kaniyang isinilang na anak doon sa Magindanaw. Ang sanggol ay lumaking matalino at makisig na lalaki, at paglipas ng panahon ay makakatagpo ang ikalawang anak sa ibang asawa ni Teresa. Nagkaibigan ang magkapatid sa ina, at sa bandang huli’y nagpatiwakal si Teresa dahil hindi matanggap ang kahihiyang idinulot sa asawang si Silvestre Makisalin. Nagwakas ang kuwento sa paghihinagpis ni Silvestre, dahil aniya’y walang halaga ang nakaraan ni Teresa; ang higit na mahalaga’y naging mabuting asawa at ina si Teresa nang sila’y magpakasal.

Pambihira ang kuwentong ito, dahil naiiba na ang pagdulog nito sa konsepto ng “puri” ng babae noong panahong nalathala ang akda. Dati, ang “puri” ay hindi lamang iniuugnay sa “virginity” bagkus maging sa “dangal.” Katunayan, ginamit nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang konsepto ng “puri” at iniangat iyon sa pambansang antas. Ang pagkawala ng puri ay katumbas na ng kamatayan dahil wala nang “mukha pa ang maihaharap sa bayan.” Umuusig ang kuwento sa de-kahong paniniwala ng lipunan, at hinahatak ang kalalakihan na sipatin ang pag-ibig nang higit sa idudulot na kasiyahan ng makalupang pagniniig.

Mababanggit ang isa pang kuwento ni Sotto na pinamagatang “Panikas sa Gugma”  (1908)  na hinggil sa matandang balong babaeng mayaman (Donya Torcuata Abella) na umibig sa isang binatang makisig ngunit dukha (Potin). Tumutol ang mga anak ni Donya Torcuata sa pasiya ng kanilang ina na magpakasal muli, ngunit hindi napigil ang rumaragasang libog ng babae. Ang kalibugan ng babae  ay tinumbasan ng kalokohan ng lalaki, na lumustay ng pera ng babae. Itinakas ni Potin ang malaking halaga ng pera tungo sa Hong Kong, nagtayo roon ng negosyo at pumili ng ibang babae, at iniwang luhaan si Donya Torcuata na inakalang nabuntis siya. Natuklasan ni Donya Torcuata na bilbil lamang sa puson, at hindi totoong sanggol ang dinadala niya. Nagwakas ang kuwento nang maglupasay hanggang mabaliw ang matandang babae.

Sa naturang kuwento’y ibinubunyag ni Sotto ang kalabisan ng mga matronang nasa alta sosyedad, ngunit ang paraan ng pagsasalaysay ay napakagaan, mapagpatawa, at hitik sa makukulay na usapan. Ang kakatwa’y ang gayong uri ng kuwento ni Sotto ay uulit-ulitin magpahangga ngayon, hanggang maging de-pormula na ang talakay sa nasabing paksa. Marami pang kuwento si Sotto na kung babanggitin ko rito ay hindi matatapos ang ating usapan. Kaya ipinapayo kong bumili na lamang kayo ng Labindalawang Kuwento ni Vicento Sotto  (1998)  na inilathala ng UP Sentro ng Wikang Filipino. Kailangang mapag-aralan muli si Sotto sa panahong ito, sa orihinal mang Sugbuhanon o sa saling Filipino, at nang mabatid ng lahat, na higit na makapangyarihan ang siste ng panitikan kaysa kabulastugang napapanood ngayon sa mga programa sa telebisyon. 

Advertisements

5 Tugon

  1. Salat po ako sa aral hinggil sa mga akda ni Sotto ngunit nagagalak po ako dahil may mga Filipino na katulad niyo na patuloy na sumusulat tungkol sa mga ganitong paksa gamit ang ating sariling wika. Mabuhay po kayo Ginoong Añonuevo!

  2. Salamat, Joe, at nawa’y magpatuloy ka sa pagsusulat sa Filipino at sa paglikha ng mga makabuluhang akda sa Filipino.

  3. […] Kaugnay na akda 1. Konsepto ng Puri at Paglikha ng Mito 2. Dalawang Babae, Dalawang Pag-ibig 3. Malilikot na Kuwento ni Vicente Sotto […]

  4. may kopya po kayo ng kanyang dula na salin sa Filipino?

    • Wala akong sipi.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: