Advertisements

Uhaw ang Tigang na Lupa

Ipagdiriwang sa 8 Mayo 2008 ang ika-65 taon ng pagkakalathala ng maikling kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) ni Liwayway A. Arceo. Mahalaga sa aking palagay ang nasabing araw dahil iyon ang magbubukas ng pinto kay Liwayway sa daigdig ng panitikang Tagalog, at pagkaraan, sa panitikang Filipino sa kabuuan. Pambihira ang hagod ng mga salita sa kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa,” at hindi kataka-taka kung umani iyon ng mga papuri mula sa mahihigpit na kritiko.

Inilahad ang “Uhaw ang Tigang na Lupa” sa punto de bista ng isang anak na dalagita, at sa kaniyang mala-muslak na mata’y masisilayan ang matimpi, kung hindi man sikil na ugnayan, ng magkabiyak na ang lalaki’y manunulat at ang babae’y tapat na maybahay. Magkakalamat ang kanilang pagsasama, nang di-sinasadyang matuklasan ng babae na may ibang sinisinta ang kaniyang bana. Ngunit lilihis sa kakaibang wakas ang kuwento nang magkasakit, magdeliryo, at pagdaka’y mag-agaw-buhay ang lalaki. At bago ito malagutan ng hininga’y hiniling nito ang pagsang-ayon ng kaniyang kalaguyo sa bagong pagsasama. Sumagot ang kabiyak at nagkunwang kalaguyo—at pinagbigyan kahit napakasakit pakinggan ang gayong pagtataksil ng kaniyang bana.

Tapat at dalisay ang himig ng persona, at bawat kataga nito’y tila ibinubulong sa kaniyang saksing talaarawan. Kung naganap marahil ang tagpong iyon sa ngayon ay hindi na talaarawan ang anyo bagkus isa nang lahok sa blog. Ang paglalarawan sa mga tauhan, ang paghuhunos ng panahon, ang unti-unting pagbubunyag ng lihim, at ang maingat na pagkatalogo ng diwa’t damdamin ay pawang itatakda ng numero sa simula ng talata o pangkat ng mga talata.

Walang pasubaling naiiba ang hagod ng wika ni Liwayway sa iba pang manunulat na nauna sa kaniya, gaya nina Fausto Galauran, Valeriano Hernandez Peña, at Antonio Sempio, at kahit sa kaniyang kapanahong si Genoveva Edroza-Matute. Maindayog gaya sa musika ng tulang tuluyan ang pukol ng salita ni Liwayway. Ngunit hindi mahahaba ang pangungusap, at kung pinahaba man ay halatang sinadya upang patagintingin ang bagsak ng mga salita o diwa; hindi rin mapalamuti ang pandiwa o pang-uri; at lalong hindi makapagpapaantok ang monologo gaya ng sa mga tauhang nauuso noon. Heto ang ikalimang bahagi ng “Uhaw ang Tigang na Lupa” na maitatangi sa iba pang bahagi dahil waring sinadya rito ang repetisyon ng mga salita at paglalarga ng diwa:

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay ukol sa mga kapre at nuno at ukol sa magagandang ada at prinsesa, ng isang nagmamasid at nakangiting ina, ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.

Nguni, sa halip niyon ay minamalas ko si Ama sa kaniyang pagsusulat, sa kaniyang pagmamanikilya, sa kaniyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangungunot ang kaniyang noo, kung paano niya ibinubuga ang asóng nagbubuhat sa kaniyang tabako, kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap, kung paano niya ipipikit ang kaniyang mga mata, kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat . . . .

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punít na damit, kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kaniyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito-sa galaw ng kaniyang mga daliri-ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Nguni, ang pananabik na ito’y mapapawi.

Kabagut-bagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay-isang batang marahil ay nasa kaniyang kasinungalingang gulang o isang sanggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliliit na na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labìng walang-bahid kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid na kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan . . . .

Magaan ang ganitong uri ng pananagalog, at masasabing kauri ng wikang ginagamit kahit sa pagsusulatan ng mga karaniwang tao noon. Ngunit siyempre, hindi na uso ngayon ang ganitong uri ng wika. Ano’t anuman, kapupulutan pa rin iyon ng aral ng bagong henerasyon ng mga manunulat, gaya sa hanay ng mga manunulat sa Tagalog Online Pocketbook at iba pang literaturang pangkabataan. Mabuti nang mag-aral hinggil sa ating wika at panitikan, kaysa ipagpatuloy ang pangangapa at walang habas na katangahan.

Inaanyayahan ko kayong basahin muli si Liwayway A. Arceo. Basahin natin ang kaniyang mga nobela, kuwento, dula, sanaysay, at iba pang akda nang bukas ang isip at malayo sa prehuwisyo at haka ng ibang kritikong mababaw ang pagsusuri sa panitikang Filipino. Basahin at pahalagahan natin ang mga manunulat na Filipino alinsunod sa likas na agos ng kasaysayan ng panitikang pambansa habang gamit ang lente ng pagbasang magmumula lamang sa pananaw ng Filipino. Mabigat ito, subalit nakatitiyak akong kayo rin ang ganap na makatitighaw ng uhaw ng malawak, mayamang lupain ng ating pambansang panitikan.

Advertisements

Pingkian ni Lamberto E. Antonio

Nasambit minsan ni Lamberto E. Antonio na sa kaniyang mga nasulat na libro, ang Pingkian, “ang sumasagisag sa mahigit apat na dekada ng aking pakikipagtuksuhan at pakikipag-iringan sa buhay at panitikan.” Sa mga di-pamilyar sa panulaang Filipino, ang Pingkian ang bersiyon ng epiko ni Lamberto hinggil sa buhay ni Emilio Jacinto, at binubuo ng 1,412 taludtod na ikinalat sa labing-anim na bahagi. Nakalahok ang nasabing tula sa Pingkian at Apat pang Aklat ng Tunggalian  (1997) na inilathala ng Ateneo de Manila University Press.

Ginamit ni Lamberto ang tanyag na anyo ng awit na ang rurok ay nasa akda ni Francisco Balagtas na Florante at Laura, na ang bawat saknong ay binubuo ng lalabindalawahing pantig, na may hati (caesura) sa bawat ikaanim na pantig. Ngunit ang dulong tugmaan ng mga taludtod ni Lamberto ay hindi ang karaniwang isahan (aaaa, bbbb, cccc, atbp) ni Balagtas, bagkus salitan (abab, cdcd, efef, atbp). Iba rin ang timpla ng mga salita ni Lamberto, na masasabing magaan sa unang malas ngunit sumasapol sa puso pagsapit sa mambabasa dahil sa pambihirang pagtatambal ng mga salita, hulagway, pahiwatig, at pakahulugan.

Ang buong tula ay inipit sa prologo at epilogo, na ang tinig ay mula sa bukod na tagapagsalaysay upang lapatan ng paglulugar ang buong daloy ng salaysay. Pagsapit sa unang bahagi ng salaysay, ang tinig ng tagapagsalaysay ay maisasalin sa bibig ni Jacinto, at si Jacinto bilang anak, estudyante, mamamayan, maghihimagsik, at utak ng Katipunan ang magsisiwalat ng mga pangyayari ukol sa Katipunan, at sa buhay nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, bukod sa mga kontrobersiyal na yugto ng iringan ng Magdalo at Magdiwang.

Bagaman nakabatay sa kasaysayan, ang nasabing tula ay nalalahukan ng mga kathang-isip na waring pagtantiya sa maaaring maganap sa buhay o kaligiran ni Jacinto. Sa ganitong pangyayari, ang Pingkian ni Lamberto ay maiisip na hindi tapat na salamin ng realidad, bagkus humulagpos doon upang isadula ang makulay na daigdig ni Jacinto. Lumilikha kung gayon ng sariling realidad ang tula ni Lamberto, at ang nasabing realidad na bagaman may kislap ng pangyayari sa kasaysayan ay iba nang kasaysayan na maituturing na “kinathang kasaysayan.”

Makapangyarihan ang personang si Pingkian, kapag ang isinasalaysay ay hinggil sa pamilya ni Jacinto o kaya’y sa pambubusabos ng mga frayle at guwardiya sibil. Samantala, magkakaroon ng ilang pagdududa sa ilang yugto, lalo sa yugto ng Katipunan, dahil sa banggit sa ilang salitang gaya ng “rebolusyon,” “Pilipino,” “Pugad Lawin,” at iba pa. Maingat sina Jacinto at Bonifacio hinggil sa mga terminong kanilang ginagamit sa kanilang kilusan, at hindi nila ituturing ang sariling “Filipino” bagkus “Tagalog” upang itangi sa mga Espanyol na ipinanganak sa kapuluan ng Filipinas o kaya’y sa mga ilustrado na naniniwala sa kalinga ng Madre Espanya.

Mananalig sina Jacinto at Bonifacio sa Katagalugan, at ang nasabing salita ay simula ng pagdalumat sa kabansaan na malayo sa nasyon ng Espanyol at ilustradong gaya ni Rizal. At isasakatuparan nila iyon sa pamamagitan ng “himagsikan” imbes na “rebolusyon” na inangkat sa ibayong-dagat. Ano’t anuman, hindi na masyadong mahalaga ito, dahil ang tula ay isang hiwalay na salaysay mula sa kasaysayan ng himagsikan.

Nakapanghihinayang na waring iniwasan kung hindi man kinaligtaan sa tula na isiwalat ni Jacinto sa kaniyang punto de bista kung ano ang ideolohiya ng Katipunan, at kung paano naiiba iyon sa mga isinusulong ng mga ilustrado-prinsipal. Ito ang malaking puwang na maaaring paglaruan ni Lamberto bilang makata ngunit nabigo niyang linangin, at kung ano man ang kaniyang dahil ay maaaring may kaugnayan sa kasalatan ng teksto hinggil sa Katipunan o sa buhay mismo ni Jacinto bilang maghihimagsik.

Ang Pingkian ni Lamberto ay maaaring basahin na parang pira-pirasong madulaing tagpo sa buhay ni Jacinto at ng himagsikang Katipunan. At dahil pira-piraso ay maaaring magkapuwang, at kumawala ang ilang detalyeng magbubunyag sa kabuuang anyo ng pangyayari sa Filipinas ng ilustrado at Katagalugan ng anakpawis. Ngunit ang maganda sa akda ni Lamberto ay ang pagtatangkang buuin, sa pamamagitan ng malikhaing paglingon sa nakaraan, kung ano ang mga maaaring naganap hinggil sa pagtatagpo ng mahahalagang tauhan, pagsasalimbayan ng mga di-masasagkaang pangyayari, at pagbabanggaan ng mga puwersang higit sa kayang isaisip ng isang mortal.

Malaki ang matututuhan ng bagong henerasyon ng mga estudyante sa pag-aaral sa epikong Pingkian ni Lamberto. At mapipilitan silang tingnan ang kasaysayan hindi lamang bilang karaniwang kronika na nakabilanggo nang lubos ang mga tauhan, bagkus isang yugtong lumulutang ang mga posibilidad. At doon, hindi lamang lilitisin ang mga importanteng tauhan sa kasaysayan, gaya nina Rizal, Bonifacio, at Jacinto, bagkus maging ang modernong mambabasa na naghahanap ng kanilang pagkamamamayan at matinong pagkilala sa kanilang kabansaan.

Mga Bituin sa Pinilakang Tabing

Nakapusod ang buhok at habilog na mukha, na binagayan ng maiitim na kilay at malalantik na pilik, bukod sa matangos na ilong, ngiting taglay ang labing mapupula, at ngiping simputi ng garing, ang alaala ni Gloria Romero sa kaniyang kasibulan. Si Gloria, na bituin ng Sampaguita Pictures noon, ang babaeng ilalaban ng patayan ng sinumang lalaki sa loob at labas ng puting tabing. Nang pagtabihin sina Debbie Reynolds at Gloria sa isang retrato, parang katulong ang itsura ng Amerikana kompara sa Filipina. Matanda na ngayon si Gloria, gayunman ang katandaan ay hindi naging sagka upang maitanghal niya ang ringal na dapat taglayin ng artista, ang ringal na matatagpuan sa tulad ng mga maharlika.

Samantala, si Luz Valdez, na kapareha naman ni Lou Salvador Jr. sa pelikulang “Masusunod o Hindi,” ay makatawag-pansin din dahil parang kolehiyalang kalalabas lamang sa paaralan. Bagaman ang “Luz Valdez” ngayon ay ginamit na termino ng mga bakla at nangangahulugan ng “pagkatalo” o “talo” (loser), ang tunay na Luz Valdez noong 1959 ay lalabingsiyam na taon at papasikat na bituin ng LVN Pictures, kaya maibibilang sa panalong-panalo.

Malilimbag naman sa gunita ang retrato ni Susan Roces na kuha ng estudyo ng Tropícana, na nakabaro na yari sa husi at sayang ipinasadya sa modista. Nakakubli sa kaniyang malapilyang mukha ang alab na sikil ng dalaga, at sa kaniyang balintawak ang malantik na balangkang na ni hindi pa yata nayayapos ni Fernando Poe Jr. Nang pumagitna si Susan sa kaniyang mga kaibigang sina Julie Wu at Mitsuyo Hosaka, tumingkad ang rikit ng Filipina at naging palamuti lamang ang kaniyang mga katabi.

Ngunit pinakamasuwerte si Manoling Conde, dahil nang isapelikula ang “Juan Tamad goes to Congress” (Manuel Conde Productions), kapareha niya sina Tessie Quintana at Adorable Liwanag, bukod sa walo pang babaeng aali-aligid na ekstra. Makapal ang kilay ni Tessie at malalim kung tumitig, bukod sa may maanyubog na labi’t malusog na dibdib. Ngunit hindi magpapahuli si Adorable na ang kagandahan ay tila sa kayumangging kaligatan, at kung magtapis ng malong ay waring diwata sa lubos na pakahulugan.

Marami pang bitu-bituin ang lumitaw at naglaho pagkaraan. Sino ang makaaalaala pa kay Rosie Acosta na tinaguriang “Miss Dimples” at ang inaasahang “bagong pag-asa ng pelikula”? Kahit si Mila Ocampo na nagwagi sa timpalak pangkagandahan ay maglalaho na parang bula. Mababanggit din sina Lily Marquez, Shirley Gorospe, Corazon Rivas, at ang mestisahing si Teresita Mendez. Sina Lourdes Medel at Merle Tuazon na pawang nakasama sa pelikula nina Bernard Bonnin at Manding Claro ay pupusyaw gaya ng mga talulot ng bulaklak.

Ilan lamang ang mga tagpong ito na maaaring sa mga lumang retrato na lang matatagpuan, at sa mga pitak sa siyobis ng gaya ng kay Carmen A. Yuson mababasa. Ang kataka-taka’y mauulit pa ito, at magpapalit ng pangalan, mukha, at bikas ang mga artista, tulad ng siklo ng mga planeta’t bituing sisilang, magniningning, at sasambulat sa kalawakan ng agam-agam at karimlan.

Salin-awit, halaw na awit

“Salin-awit” ang taguri ng ilang manunulat na nahihilig humalaw ng mga banyagang awit sa Ingles at ilapat iyon sa Filipino. Sa mahigpit na pakahulugan, hindi naman talaga “salin” ang ginagawa ng mga manunulat na Filipino bagkus malikhaing paghalaw (adaptation); at ang orihinal na awit ay napaghuhunos sa panibagong katauhang nakadamit sa talinghaga at dalumat ng Filipino. Nakakahon ang nasabing mga awit sa musika, at ang musikang iyon ang tanging hiniram ng Filipino upang magamit sa bagong liriks na kinatha sa Filipino.

Kabilang sa hanay ng mahihilig humalaw ng awit ang yumaong si Rene O. Villanueva, na hindi lamang mahusay humalaw bagkus mag-angkop ng katumbas na salita at tunog sa hiniram na awit, at nakabuo ng halos sandaan yatang halaw mulang klasikong teatro hanggang pop at rock. Mababanggit din si Jose F. Lacaba, na nakabuo na ng isang koleksiyon ng salin-awit at paborito ngayong kantahin sa Conspiracy Bar at iba pang inuman. At ngayon ay nakilahok na rin si Charlson Ong, na malakas tumoma at mahusay sumulat, bukod sa malimit kumanta ng mga romantikong awit noong mga dekada 1940-1960.

Maihahalimbawa ang rendisyon ni Charlson sa kantang “Send in the Clowns” na orihinal na kinatha ni Stephen Sondheim at inawit ni Judy Collins. Pinamagatang “Payasong Payak,” ang nasabing halaw ay umaangkop sa orihinal na musika ngunit ang liriks ay binago upang umayon sa pambihirang paghihiwatigan ng mga tomador at ng kanilang musa. Heto ang halaw ni Charlson Ong::

Payasong Payak

Bakit ganyan, tayong dalawa?
Paglapag ko sa lupa
Lumipad ka naman
Sa himpapawid.

Masaya ka ba, sa langit mo?
Ngayong malaya ka na
Ako ang bihag ng alaala
Bakit ganyan?

Refrain:
Ngayong alam ko,
Ikaw ang mahal,
Pagbukas ko ng pinto’y
Walang naghintay.
Parang payasong payak
Sa huling palabas
Walang katapat,
Walang palakpak.

Nakatutuwa, nakalulungkot
Di pala magkatuwang
Ang hangad natin sa mundong
Makulay
Ng mga payaso.
Papasukin sila.

Refrain:
Ngayong alam ko
Ikaw ang hangad
Pagbukas ko ng pinto
Walang naghihintay
Parang payasong payak
Sa huling palabas.
Walang katapat,
Walang halakhak.

Itong wakas
Ng palabas
Huling pagpapatawa
Ng payasong payak.
Ipagpatawad ninyo
Mali niyang pasok.
Paalam na lang.

Hindi na ito ang orihinal na awiting Ingles, na “Isn’t it rich/ Isn’t it queer/ Losing my timing this late/ in my career/ And where are the clowns?/ . . . . ni Sondheim. Kung aawitin marahil ni Lani Misalucha ang “Payasong Payak” ni Charles, tiyak kong makakargahan pa iyon ng elektrisidad, dahil ang wika ay matalik sa mga Filipino.

Walang masama sa ganitong paghalaw, dahil ang naturang paghalaw ay malayong-malayo sa kagaguhang paghalaw ni Michael V. na hanggang pangkubeta lamang ang mapanlibak na pagpapatawa. Sa naturang ehersisyo ng paghalaw, ang dating regular na inuman ng mga tomador na manunulat ay nagiging kapaki-pakinabang dahil sa pagpapahusayan ng pagkatha. Habang may umaawit na binibini, ang mga manunulat naman ay lumilikot ang isip sa paglikha ng mga awiting halaw upang ang nasabing binibini’y lalong mapaibig sa kaniyang awit, kung hindi man sa katabing tomador na kompositor.

Sa estado ng mga awiting Filipino ngayon, makabubuting makinig muna sa mga malikhaing halaw nina Pete Lacaba, Rene Villanueva, at Charlson Ong. Ano ang malay natin, baka ang naturang mga halaw ay isang hakbang pasulong upang umisip ng higit na matitinong liriks ang mga Filipinong kompositor na matagal nang naghihilik sa mga walang katorya-toryang musika mula sa ibang bansa. Ito na ang panahon upang lumabas sa maliit na sirkulo ng mga tomador—na nagkataong lihim ding kompositor—ang salin-awit o halaw na awit, at nang mapakinggan saka kaluguran ng malawak na tagapakinig.

Haibun: Balintunang Pagpapalaya sa Panulaang Filipino

May mga bagay na kailangang patusin, at isa na rito ang sanaysay na “Haibun: Panimulang Pagpapakilala at Pagpapalaya sa Panulaang Filipino” ni Reuel Molina Aguila na nalathala sa Likhaan 2007 na pinamatnugutan ni Jose Dalisay Jr., at inilathala ng UP Institute of Creative Writing. Kahanga-hanga ang akda ni Aguila, dahil taglay nito ang balintunang pagpapalaya sa panulaang Filipino at ang hilaw na panggagagad sa tulang Hapones sa pamamagitan ng lihis na lohika.

Ipinagyabang ni Aguila na ang kaniyang natuklasang “haibun” ay sinamang palad na hindi kinasangkapan sa Filipino ng mga modernistang makata noong nakalipas na panahon. At mahihinuhang marapat siyang pasalamatan dahil sa pagpapakilala nito sa Filipinas.

May apat na katangian umano ang “haibun”. Una, ito ay isang anyo ng pagtulang nagsasanib ang “tula” at ang “prosa.” Ginamit niya ang halimbawa ni Matsuo Munfusa (Matsuo Basho) na ang mga tala sa paglalakbay ay nilangkapan ng haiku. Ikalawa, ang “haibun” ay nagtataglay umano ng katangian ng pagiging maikli, mapaglarawan, at maligoy sa pagsasaad ng diwain. Ikatlo, nagkakatulungan umano ang prosa at ang tula, na ang haiku ay lumalagom, kung hindi man nagpapaalingawngaw, sa isinasaad ng prosa. At ikapat, ang “haibun” ay “nagsisimula sa personal na karanasan.”

Tumuloy pa si Aguila sa kaniyang banat sa mga modernistang makatang Filipino—na laging nakatingin umano sa kanluran—saka nagmungkahing ang “bagong anyo” ng haibun ay magagamit sa pagpapalago ng panulaang Filipino at malayang magiging kasangkapan ng sinumang tao. Sa ganitong pananaw, ang haibun ang mistulang tulay upang pagdugtungin ang madla at ang tula o makata.

Isang panukalang inobasyon ni Aguila ang pagtatala ng karaniwang karanasan, gaya sa diary; at ang pagkasangkapan sa dagli at tanaga upang makapagluwal ng bago’t isina-Filipinong “haibun.”

Marupok na tumbasan
Nakaligtaan ni Aguila na iba ang wikang Hapones at ang wikang Filipino. Magkasalungat ang polong pinagmumulan ng dalawang wika, at hindi maikakahon ang Filipino sa napakasikip na padron ng wikang Hapones. Isa sa mga katangian ng Filipino ang kabulaklakan ng wika, at iyon ang maghahatid ng pambihirang pahiwatig at musika, at mahirap tumbasan kahit ng wikang Hapones. Ang elegansiya ng Tagalog, kung hindi man Filipino, ay nasa kabulaklakan, at hindi sa pagkakahon ng Hapones na malayo sa kultura at kinagisnan ng Filipino.

Ang kaniyang pahayag na “Simpleng-simple ang haibun, gaya ng masining na kapayakan ng mga tulang Hapones at Tsino” ay mapanlagom. Una, payak man ang anyo ng gaya ng haiku, hokku, o tanka ay napakahigpit at napakarami namang panuto nito. Kung hindi bihasa sa wika—o kaya’y hindi dalubhasa sa paraan ng pagsasakataga o pagdalumat—ang sinaunang Hapones ay tiyak na hindi siya makasusulat ng haiku o hokku o tanka. Ang karaniwang ginagawang panggagagad ng mga makatang Filipino ay karaniwang nasa anyo lamang; at ang sinaunang silbi at ubod ng tula ay nakakaligtaan. Ikalawa, ang prosang haikai na sinipi ni Aguila mula kay Beth Vieira ay mapaglarong prosang nauso noong dulo ng panahong piyudal sa Japan, at kung ano man ang orihinal na silbi nito para sa mga maharlika o timawa ay naghunos na sa paglipas ng panahon at kinargahan ng iba’t ibang pagpapakahulugan alinsunod sa nais na pagkasangkapan ng mga mambabasa. Ang sinaunang silbi ng prosang Haikai ay malayo na sa kasalukuyan, at bukod dito’y maitatangi iyon sa pambihirang dagli o katha sa Tagalog kung hindi man Filipino. Ikatlo, ang “mapaglarawan at kongkretong imahen” na taglay ng haibun ay hindi kataka-taka sa wikang Hapones dahil ang mismong anyo ng titik o salitang Hapones ay may katumbas o halos gagarin ang anyong inilalarawan o isinasaad nito, gaya ng “punongkahoy” o “halaman” na ang karakter ay anyong punongkahoy o halaman. Naiiba ang hagod ng paglalarawan sa mga sinaunang bugtong o salawikain o ambahan dahil nakaayon ang larawan alinsunod sa masisilayan sa paligid at sa pag-uugnay niyon sa pahiwatig o pakahulugang matalik sa kaisipan ng isang liping bubuo ng kolektibong diskurso. Ikapat, ang “pansariling tala” na ginagawa noon ng mga makatang Hapones ay iba ang pinagmumulan at sanhi kung ihahambing sa ngayon, gaya halimbawa ng pag-arok sa espritwalidad. Hindi iniisip halimbawa ni Basho na ang kaniyang tula ay tatangkilikin ng sambayanan; nagmumula si Basho sa personal na anggulo at naghuhunos lamang ang pagsagap sa kaniyang mga tula dahil sa ibinibigay ditong pagpapahalaga, pagpapakahulugan, at pagpapahiwatig ng madlang bumabasa sa iba’t ibang panahon.

Lalong lalabo ang paliwanag ni Aguila nang sipiin niya uli ni Vieira hinggil sa pakahulugan ng makabagong haibun: “Haibun as a form is in transition and still being developed.” Kung ang makabagong haibun ay nasa yugto ng paglilinang, may pahiwatig si Aguila na hindi dapat magpahuli ang makatang Filipino at kailangang makipagsabayan o magsimulang manghiram, gaya ng Amerikano. Ngunit malabo kung anong uri ng haibun ang inaangkat ni Aguila, at ang pagpapahiwatig na ang ginagawa ni Aguila at kapanalig ay isang uri ng modernong haibun ay dapat na timbangin dahil maaaring nasa wikang Filipino lamang ang bersiyon ng haibun ni Aguila at iba pa subalit walang iniungos sa mga klasikong haibun noong nakalipas na panahon.

Kung malinaw ang pagkasagap ni Aguila, maaaring tingnan niya ang haibun sa punto de bista ng tao na nagmumula sa Kanluran na tumitingin papaloob sa Japan. Kung sisipatin naman mula sa loob ng Japan, ang haibun ay isa nang ganap na anyo at tula na umuunlad lalo sa paglipas ng panahon. Kung naabot na ng haibun ang sukdulan ng kaunlaran sa loob ng Japan, ang pagpapalaganap nito sa ibang bansa ay maituturing na pagpapatuloy na lamang sa kumbensiyong nasimulan na sa Japan; o kaya’y pagsasanga ng ibang uri ng haibun na maaaring aampunin ng Filipino at siya namang pagtatakhan ng Hapones. Sa ganitong pananaw, ano pa ang silbi sa pagsunod sa haibun?

Ang pagtingin ng Filipino ay maaaring hindi nalalayo sa pananaw ng gaya ni Vieira. Una, banyagang anyo ang haibun, at kung kakasangkapanin man ito sa Filipino ay dapat mabatid ang pinagmumulan nito. Sa himig ni Aguila, ang haibun na nasa Asya ay ipinapalagay na dapat mabatid muna ng mga makatang Filipino dahil Asyano rin ito. Kaugnay niyon ang palagay na marapat maalam ang Filipino sa gayong anyo dahil malapit ang Filipinas sa Japan. Muli, adelantado ang ganitong haka-haka dahil iba ang pinagmumulan ng Filipino kaysa Hapones, lalo sa paglago ng wika at panulaan, kahit sabihin pang malapit ang pook ng Filipinas sa Japan. Ang nasabing haka-haka ay tila pagsasabing dapat maalam din ang Hapones sa gaya ng tanaga, diona, at dagli ng Filipino na pawang magagamit—o dapat gamitin—sa pagpapalago o modernisasyon ng panulaang Hapones. Ang natalisod ni Aguila ay ang “anyo” ng haibun, ngunit nabigo naman siyang ipaliwanag kung paano ang ganitong anyo—na dapat sinisipat nang higit pa sa anyo—ay kayang “makapagpalaya sa panulaang Filipino.”

Mababanggit dito ang madilim na relasyon ng Filipinas at Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya ang mismong pagkasangkapan sa isang anyo ng tulang Hapones ay mababahiran ng pagdududa at maituturing na halos pagmamano na rin sa banyagang panginoon. Kung isasaalang-alang ang kasaysayan ng Filipinas at ang kasaysayan ng panitikang Filipinas, maaari talagang mahuli ang Filipinas kaysa Estados Unidos dahil halos wala nang mabalikang ugat ang Amerikano kaya naghahanap na lamang ito ng sariwang impluwensiya mula sa ibayong dagat na makapagpapalago sa estado sa panulaang Ingles. Subalit naiiba ang karanasan ng Filipinas. Naiiba rin ang karanasan ng mga makatang Filipino sa mga makatang Hapones, lalo sa yugtong may mga makatang Hapones na bahagi ng imperyo at nakalaan sa pagbibigay ng aliw sa mga maharlika. Taliwas ito sa mga Filipino, na ang tula o sabihin nang epikong bayan ay nagsisilbing tala ng lipi upang maipagpatuloy ang mahabang ugat ng naturang lipi o pamayanan.

Pagsagap sa panukalang haibun
Ang panukalang inobasyon sa anyo ng haibun, na imbes na prosang haikai at tulang haiku ay gagamitin ang dagli at tanaga, ay isa na namang adelantadong panukala. Ipinapalagay sa ganitong tumbasan na hindi nagkakalayo ang “dagli” at ang “prosang haikai.” Ngunit ang totoo’y napakalayo ng agwat ng dalawa, at humawan ng sariling landas ang “dagli” na naghunos ang anyo sa iba’t ibang paraan. Ang problema kay Aguila ay hindi niya nilinaw kung ano ang uri ng dagli na ipagsasalikop niya sa tanaga. Ipinapalagay din dito na ang tanaga, bilang katutubong anyo ng tulang Tagalog, ay alam ng mayorya ng Filipino kaya madaling gawin. Na hindi naman totoo. Ang tanaga o dagli ay hindi pa lubos na napag-aaralan sa Filipinas—kahit may pangunang pag-aaral sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario—at kung ano man ang kumbensiyonal at di-kumbensiyonal na pormula nito ay dapat pang mabatid ng masa.

Ang haibun bilang anyo at balangkas ay maaaring makapagdagdag sa paglago ng panulaang Filipinas. Gayunman, hindi nito ganap na mapalalaya ang panulaang Filipino dahil sa maraming limitasyon. Ang haibun ay dapat tingnan hindi lamang sa panig ng panghihiram ng banyagang anyo o porma ng tula, dahil kung ganito ang gagawin ay magiging panrabaw na aspekto lamang ang “kabaguhan.” Mahalaga ang panloob na dinamika ng haibun, at kung paano nagsusuhayan, nagsasalungatan, at nagsasalikop ang prosa at ang tanaga o diona o dalit—kaugnay ng mga diwain, talinghaga, at dalumat nito—ang dapat pang ipaliwanag ni Aguila. Kung paano sasagapin ng Filipino ang haibun ay isang tanong na marapat ding isaalang-alang.

Problematiko rin ang pakahulugang kombinasyon ng prosa at tula ang “haibun,” kung susundan ang paliwanag ni Aguila. Sa naturang pakahulugan, hindi pa natutukoy ni Aguila kung ano talaga ang haibun at umiiral lamang ito sa panrabaw na pagsipat na pinagsasalikop ang prosa at ang tula. Paimbabaw pa rin ang pagkilala ni Aguila sa haibun. Kung pinagsasalikop nga ang prosa at ang tula, maaaring walang hanggahan ang prosa at ang tula; kaya maaaring mabura ang pagkaprosa ng prosa o kaya’y mabura ang pagkatula ng tula. Ang maiiwang hulagway ay alanganing prosa o tula na lihis sa pakahulugan ng sinaunang tulang Tagalog, at humahangga sa posmodernong pagkilala ng kanluran. Samantala, ang mahihinuha lamang sa paliwanag ni Aguila ay ang panlabas na “anyo” na haibun. Nababalaho si Aguila sa mga termino, at ang nakaligtaan niya ay ang esensiya ng haibun para sa mga Filipino.

Mapanghimasok din ang paggigiit ng haibun sa panig ng Filipino dahil ipinapalagay dito na ang mayorya—kung hindi man ang lahat—ng Filipino ay maalam sa anyong prosa gaya ng dagli o pasingaw o tulang tuluyan, o kaya sa mga tulang may tugma at sukat, gaya ng tanaga o dalit. Na isang kabalintunaan. Kung ipagpapalagay na hindi nga ganap na batid ng mayorya ng Filipino ang kanilang katutubong uri ng tula o prosa, ito ay hindi dapat isisi sa mga makatang tarikan dahil ang tula ay talagang dapat pinag-aaralan nang malalim. Dapat sisihin ang sistema ng edukasyon at ang mababang uri ng promosyon ng tulang Filipino na hangga ngayon ay hindi makatakas sa baryotikong Marc Loganismo ng ABS-CBN. Hindi uunlad ang panulaang Filipino kung laging nakatingin sa masa dahil ang masa ay hindi maaasahan sa gayong pagpapakadalubhasa sa haibun yamang iba ang priyoridad at pangangailangan nito sa buhay.

Ang pagturing sa haibun bilang kasangkapan ng masa sa mabisang paglilinang ng tulang pasulat ay dapat pang ibitin sa ngayon. At marahil ay kailangang sagutin o ipaliwanag ito ni Aguila nang walang bahid ng romantisadong pagtingin sa madla o masa.

Madaling makalulusot si Aguila dahil ang kaniyang pamagat ay “panimulang pagpapakilala” lamang ng haibun. Kung ito nga’y isang pagpapakilala, magiging adelantado muli ang kasunod nitong deklarasyong “at pagpapalaya sa panulaang Filipino.” Ipinapalagay sa gayong pahayag na hindi malaya ang panulaang Filipino dahil maaaring “kontrolado” ng mga makatang nasa pedestal, at kung gayon, lumilihis na sa dating silbi nitong dapat kaluguran at kapulutan ng kaalaman ng masa. Mahihinuha sa winika ni Aguila na ang pagkabilanggo ng panulaang Filipino ay hindi dulot ng pansariling katangian nito, gaya ng masikip na padron o balangkas, kundi nasa panig ng mga makata o tagapagpalaganap ng tula o kaya’y tagapaglathala ng tula. Mapanlahat ang ganitong palagay na nangangailangan ng sapat ng patunay na lalampas sa pagsipi kina Virgilio S. Almario, Rogelio G. Mangahas, at Bienvenido Lumbera.

Ang gayong kuro-kuro ni Aguila ay mapapawalang-saysay, dahil ang tulang Tagalog—o ang ibang tulang nasusulat sa wikang lalawiganin—ay dumaraan sa yugto ng pagbabago mulang pabigkas tungong pasulat at palimbag. Maaaring malawak at mabilis ang pagsapit ng mga tulang pambigkasan sa madla ngunit ang gayong paraan ay panandalian lamang. Sa kabilang dako, ang tulang nakalimbag ay tumatagal at nag-iiwan ng bakas upang patuloy na litisin, basahin, at sagapin sa kung ano-anong paraan. Sa gayong pagkakataon, ang tula ay nagiging kasangkapan o relikya upang lalong magpatalas sa isip ng mambabasa, makapagpalago ng wika, at makatulong sa pagluluwal ng iba pang tula. Walang iisang anyo ng tula, at ang panukalang ang haibun ang magpapalaya sa panulaang Filipino ay isang kabaliwan dahil nasa estado ng pangangapa ang pagpapaliwanag ni Aguila hinggil dito kung itatambis sa mga nalathala nang tula sa Filipino, Tagalog, at iba pang lalawiganing wika.

Saliwa rin ang paratang ni Aguila na ang mga makatang modernista, gaya nina Rio Alma, Rogelio G. Mangahas, at Lamberto E. Antonio, ay laging nakatingin sa kanluran. Ang totoo’y ang nasabing mga makata’y matagal nang tumititig sa Filipinas upang maitanghal iyon sa madla at mabuo sa malikhaing paraan ang minimithing kabansaan ng mga Filipino. Ang kakatwa’y mapagduduhan ang mismong pakana ni Aguila, dahil kahit nagpapanukala siya ng haibun na ang anyo ay mula sa katutubong anyo ng gaya ng sa Tagalog at prosang gaya ng dagli, nanghihiram lamang ng pangalan si Aguila sa Hapones imbes na lumikha o humanap ng salitang maitutumbas sa uri ng tulang nasasaisip niya. Kaya nang sabihin ni Aguila na:

Maitatanong, ang paggamit ba ng haibun ay isa ring pag-aangkat? Marahil. Ngunit maaari ring sabihing ang panulaang Tsino at Hapones ay may malaking pagkakahawig sa mga naunang pamamaraan ng pagtula ng ating mga ninuno.

Walang pasubaling nag-aangkat ng banyagang padron si Aguila. Kung may pagkakahawig man sa tulang Filipino o Tagalog ang tulang Tsino at Hapones ay hanggang bilang lamang ng pantig sa bawat taludtod dahil gaya ng nasabi kanina, magkasalungat ang polong pinagmumulan ng wikang Tagalog o Filipino kompara sa wikang Tsino o Hapones. Maipapanukalang ang paggamit ng haibun ay dapat ituring na gaya ng paggamit o panghihiram ng iba pang banyagang anyo ng tula. Ngunit nanghiram man ng gayong banyagang anyo, hindi ibig sabihin nito na ang pagsulong ng panulaang Filipino ay sanhi lamang ng panghihiram o panggagagad bagkus kaugnay ng iba pang bagay, gaya ng inobasyon at pagtuklas muli ng mga katutubong tula at pananalinghaga ng Filipino.

Ang pagtatala ng “pang-araw-araw na paglalakbay” na mithi ni Aguila para sa haibun ay nagawa na noon pa man hindi lamang sa tulang Filipino kundi sa iba pang uri ng panitikan, gaya ng kuwento, nobeleta, nobela, at dula. Kung may bahid ng politika ang tinutukoy ni Aguila, ang naturang paglalakbay ay lalong titingkad dahil hindi kumakawala ang mga makatang Filipino sa gayong ugat. Marahil ang nasasaisip ni Aguila ay ang blog, na ang lahat ng paglalakbay o karanasan mulang kama hanggang opisina tungong kung saang kalsada, ay itinatala at ipinakakahulugan at pinipilit ipalunok ang lahat ng kaululan sa sinumang mambabasang nagkataong nasagap ang gayong akda.

Kaya umanong baklasin ng haibun ang “elitismo” sa pagtula. Ngunit kung babalikan ang kasaysayan ng mga makatang Tsino at Hapones, maraming makata noong nakalipas na panahon ang nagsilbi sa mga dinastiya upang kaluguran ng mga maharlika. Ang elitismo na isinasakdal ni Aguila ay wala sa mga nagmomonopolyo ng pagsulat ng tula bagkus nasa sumasagap ng tula. Dapat ding isipin na may iba’t ibang uri at antas ng tula, at bagaman malayang makapamili ang sinumang makata kung ano ang gagamiting anyo, uri, at antas, ang kahusayan ay hindi sumasapit na parang pag-ulan ng tinapay dulot ng himala. Mataas na sining ang tula at pagtula, at kahit ang mga halimbawang haibun na sinulat ni Aguila at inilakip sa kaniyang sanaysay ay kakikitaan ng elitismo dahil sa pagiging personal—na itinatangi sa iba pang personal na karanasan ng mambabasa.

Ang mismong paggamit ng salitang “haibun” ay simula ng pagpasok sa diskurso ng Hapones o Tsino; at ng paglalatag ng pormalisasyon ng gayong anyo ng “mala-tula, mala-prosa.” Na hindi makatwiran sa panig ng tulang Tagalog o Filipino dahil ang tulang Tagalog—kung hindi man Filipino—na dumadaan sa mahabang transpormasyon ay dapat sipatin bilang tulang Tagalog o Filipino sa pananaw ng mga Tagalog o Filipino at malayo sa pagsasakataga at pagpapakahulugan ng Ingles o Hapones o Tsino. Patuloy na lumalarga tulad ng rolyo-rolyong pelikula ang panulaang Filipino at kung ano man ang magiging wakas nito ay makatitiyak na hindi ito mababalaho sa pinauusong haibun ng mga aktibista. Isang kuwit lamang sa mahabang yugto ng panulaang Filipino ang pagsulpot ng haibun, at kaululan kung iisiping ito ang makapagpapalaya ng panulaang Filipino gayong hindi malinaw kung ano ang alternatibong ito kompara sa mga naunang tulang Filipino. Ano’t anuman, malaya si Reuel Molina Aguila na gumamit ng haibun, at tumula na gaya ni Basho, dahil ang tula ay hindi lamang “para sa mga anito’t Maykapal.”

Science fiction at Panitikang Tagalog

Kathang agham (science fiction) ang nauuso ngayong uri ng kuwento at nobelang kinakagat ng kabataan. Ang nasabing uri ng akda ay hindi totoong pinasimulan ng ilang kabataang manunulat sa Unibersidad ng Pilipinas o Ateneo de Manila University. May pinag-ugatan iyon sa Tagalog, at ugat na marapat lingunin ng sinumang nagtatangkang pumalaot sa gayong pagkatha.

Maaaring magsimula sa koridong Ibong Adarna na ang awit ng mahiwagang ibon ay kayang makapagpagaling ng sakit na pisikal. May ipot din ang Adarna na kapag sumayad sa sinumang tao ay nagiging bato ito. At mapanunumbalik lamang ang dating anyo ng tao kapag binuhusan ito ng mahiwagang tubig na mula sa ermitanyong nag-aangkin ng lihim na karunungang gaya ng siyentipiko.

Lilipas ang mahabang panahon bago maghunos ang uri ng kathang agham sa Filipinas. Nang malathala ang Doktor Satan ni Mateo Cruz Cornelio noong 1945, hahatak sa mga mambabasa ang bagong uri ng katha. Ito ang kathang hango sa daigdig ng agham, ang agham na bagaman hinaluan ng guniguni ay halos maging kapani-paniwala sa mga tao na naghahanap ng lunas sa kanilang sakit at kahinaan.

Umiinog ang Doktor Satan sa buhay ni Dr. Alberto Estrella. Binagabag si Alberto ng pangyayaring ang kaniyang ina ay dinapuan ng malubhang sakit, at kailangan niyang tumuklas ng bagong gamot na makapagpapagaling sa ina. Nagsaliksik nang nagsaliksik ang doktor. Hanggang isang araw, napanumbalik ni Alberto ang buhay ng Rusong si Igor na nagpatiwakal, kaya lalong lumakas ang kutob ng naturang doktor na nakamit niya ang gamot na magbibigay ng inmortalidad sa sinumang tao.

Tinungga ni Alberto ang gamot na kaniyang inimbento, ngunit sa kasamaang-palad ay nakaranas siya ng di-inaasahang epekto. Naghunos ang kaniyang pagkatao na animo’y satanas na may mabalasik na kalooban. Dumating ang sandaling pinatay ni Alberto ang kaniyang kasintahan dahil sa hindi mapigil na panloob na puwersa. Naghasik ng lagim si Alberto hanggang mapatay ito ng kaniyang kapatid na si Pepe na isa ring alagad ng batas. Samantala, gumaling mula sa pagkakasakit ang ina ni Alberto matapos inumin ang gamot na ibinigay ng kaniyang anak.

Madaling sabihin na naanggihan si Cornelio ng mga akdang gaya ng Frankenstein  (1818; 1831) ni Mary Wollstonecraft Shelley o kaya ng Dr. Jekyll and Mr. Hyde (1886) ni Robert Louis Stevenson, gaya ng haka ng kritikong si Soledad S. Reyes. Ngunit ang akda ni Cornelio ay hindi sadyang panggagagad, dahil ang pagnanais na humanap ng gamot sa sakit ng tao ay hindi lamang esklusibo at nagmumula sa kanluran bagkus malaganap na tema sa mga alamat at mito dito sa Asya.

Kung babalikan naman ang mga pangyayari noong dekada 1930-1940, lilitaw ang mga pambihirang tuklas sa larangan ng agham. Kabilang dito ang tuklas ni Ernest O. Lawrence hinggil sa pagpapangkat ng mga dugo ng tao; ang bakunang pinaunlad ni Max Theiler laban sa yellow fever; at ang saliksik ni Otto Warburg ukol sa enzyme. Mulang biyolohiya hanggang kemistri, mulang pisika hanggang medisina, napakaraming tuklas na ang pinakarurok ay ang pagkakaimbento ng bomba atomikang pupuksa sa laksa-laksang tao sa Nagasaki at Hiroshima. Ang panahon nang sulatin ni Cornelio ang kaniyang nobela’y panahon ng lagim, at hindi kataka-taka kung maghanap ang tao ng mga bagay na lulunas sa sakit o bagabag nito.

Hindi nagwawakas sa nobela ni Cornelio ang mga kathang agham. Noong 1959, ilalathala sa magasing Aliwan ang nobelang Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana. Naiiba sa lahat ang akdang ito ni Caravana dahil sumusugal ito nang malaki sa paksang hindi lubos maisip ng masa.

Ang “Matilde” na tinutukoy ay hindi tao bagkus babaeng buldog. Si Matilde ang matapat na aso ni Dr. Lino Romasanta. Ang nobela ay pumapaksa sa transplantasyon ng puso ng isang aso sa katawan ni Angela, ang kasintahan ni Lino. Ginahasa si Angela ni Dr. Razul, at pagkaraan ay nasiraan ng bait, saka inatake sa puso. Isinumpa ni Lino na bubuhayin ang kaniyang katipan, at pakakasalan. Dahil matinik na siruhano, tinistis ni Lino ang puso ni Angela at pinalitan ng puso ni Matilde. Nabuhay si Angela, subalit nagpapabago-bago ang kaniyang asal, na kung minsan ay sa tao at kung minsan ay sinusumpong na mabangis na aso. Dito nagsimula ang pagpapanday kay Lino bilang matapat na asawa at alagad ng medisina.

Kung babalikan ang kasaysayan, naganap ang unang matagumpay na operasyon na ginawa sa puso ng aso noong 1914, at mababanggit si Dr. Alexis Carrel. Samantala, ang unang transplantasyon ng puso ng tao ay isasagawa ni Dr. Christiaan N. Barnard noong 1967 sa Groote Schuur Hospital, Cape Town, South Africa. Nangangahulugan ito na nahulaan na ni Caravana ang posibilidad ng transplantasyon ng puso ng tao; gayunman, ang kaniyang nobela ay pumapaksa sa paglilipat ng puso ng buldog sa katawan ng tao.

Kinakailangang tuklasin muli ng bagong henerasyon ng mga kabataan ang akdang ito ni Caravana. Pulido ang wika ni Caravana, at bukod dito’y pambihira ang kaniyang paglinang sa mga tauhan upang maging kapani-paniwala. Ginamit din ng awtor ang paglalatag ng mga kapana-panabik na tagpo, at kahanga-hanga ang pukol ng mga salita ng mga tauhan na kumbaga sa pelikula’y makapagil-hininga. Heto ang isang halimbawa makaraan ang seremonya ng kasal nina Lino at Angela:

Hindi matingkala ang kagalakang nag-uumapaw sa puso ni Dr. Romasanta nang matapos na kasal. Masigla at halos pasagsag na inilabas niya ng simbahan ang kanyang magandang asawa.

Gayunman, nang sila’y magkasama na sa awto ay hindi pa rin lubusang mapawi sa isipan ni Lino ang pag-aalaala. Baka sumpungin ng pagkaaso si Angela. Hindi nakaila kay Angela ang pag-iisip ni Lino.

—Bakit ba tila may inaalala ka?—pansin ni Angela.
—A, walang anuman,—pakli ng manggagamot. —Naisip ko lamang na tutuksuhin tayo ng ating mga kaibigan.
—Maano kung manukso sila,—ani Angela.—Bakit, ikahihiya mo ba ako kaninuman?
—Hindi sa ikahihiya. Ang totoo’y ikinararangal kita, Angela. Para sa akin ay ikaw na ang lahat: ang langit, kaligayahan at lahat-lahat na!

Gayon na lamang ang pagbabatian nang dumating na ang bagong kasal sa tahanan ng lalaki. Gaya ng sinabi ni Lino, gayon na lamang ang panunukso sa kanila ng mga dinatnan.

At dumating ang oras ng salu-salo. Sabay-sabay na nagsiluksok ang lahat sa isang mahabang mesa. May biruan at may tawanan. Madalas nilang pasaringan ng biro ang mga bagong kasal. Nguni’t napuna ni Dr. Romasanta na walang imik si Angela. Napansin din niyang nananalim ang mga mata nitong nakatitig sa buto ng hita ng litson.

Kinabahan si Lino. Sinapantaha niyang hindi malayong sumpungin si Angela. Nakita niyang gumalaw-galaw ang mga labi nitong walang iniwan sa asong si Matilde. (Ika-21 labas, Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana, Aliwan, 7 Oktubre 1959).

Makabubuting magbalik sa nakalipas na panitikan bago maghayag ng kung ano-anong kabaguhan kuno sa panitikang Ingles o Filipino dito sa Filipinas. Ang paglingon sa nakaraan ay pagharap din sa maaliwalas na bukas ng ating pambansang panitikan.

Baguio ng mga Manunulat

Mahalumigmig sa Camp John Hay nang magtungo ang mga piling manunulat at sumailalim sa mahigpit na palihang ibinunsod ng Institute of Creative Writing noong 6-13 Abril 2008 kaugnay ng Sentenyal ng Unibersidad sa Pilipinas. Gayunman, umaasó ang talakayan, gaya ng kapeng barako na bagong hango sa lutuan.

Kabilang sa mga kalahok, ayon sa paalpabetong pagkakasunod-sunod, ay sina Roberto T. Añonuevo, Abdon Balde Jr., Rica Bolipata-Santos, Ian Rosales Casocot, Frank Cimatu, Allan Derain, Ana Maria Katigbak, Luis Katigbak, Rodolfo Lana Jr., Nicolas B. Pichay, Tara F.T. Sering, at Vincenz Serrano. Walang itulak-kabigin sa pangkat na ito, at ang maituturing na pinakamahuhusay na manunulat sa kanilang piniling lárang, gaya ng dula, kuwento, nobela, sanaysay, at tula.

Tutumbasan ang nasabing pangkat ng mga batikang panelistang gaya nina Gémino H. Abad, Virgilio S. Almario, Jose Dalisay Jr., Cristina Pantoja Hidalgo, Bienvenido Lumbera, V.E. Carmelo D. Nadera, Charlson L. Ong, at Jun Cruz Reyes. Inimbitahan naman si Karina Bolasco ng Anvil Publishing Inc. upang magbigay ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga aklat na kinakagat sa merkado.

Mataas ang inaasahan ng mga panelista sa mga fellow. Kabilang dito ang kadalubhasaan sa anyo at nilalaman ng akda; ang taas ng ambisyon ng likha at kung paano iyon isinulat; ang kahusayan sa paggamit ng wika; ang talas ng diwain sa akda; at ang pagtatangkang mag-ambag sa pagbuo ng kabansaan sa pamamagitan ng malikhaing paraan.

Inilahad ng mga kalahok ang kani-kaniyang proyekto, at lumitaw sa talakayan ang dalawang mahalagang aspekto. Una, may ganap na kontrol ang manunulat sa kaniyang akda, at maihahalimbawa ang mga kuwento, nobela, at tulang isinaaklat. At ikalawa, may mga bagay na nakaaapekto sa akda, gaya sa dulang panteatro at pampelikula, na ang piyesa’y malimit pakialaman ng direktor, prodyuser, at artista. Sa ibang pagkakataon, ang akda’y maaaring maapektuhan ng kung ano ang hinihingi ng pabliser o tagapagbenta ng libro. Sinipat din sa talakayan ang papel ng makabagong teknolohiya at pangyayari, gaya sa cyberspace, at kung ano ang mga posibleng epekto nito sa dating sakop ng panitikang pasulat at de-papel, lalo sa proyekto ng mga manunulat.

Pinag-usapan din ang aspekto ng pag-abot sa malawak na mambabasa, kung hindi man manonood. Hindi umano makatatagal ang manunulat sa kaniyang pedestal, at kailangan niyang kausapin ang kaniyang mambabasa sa higit na malinaw subalit masining na paraan alinsunod sa wikang nagkakaunawaan ang magkabilang panig. Sa naturang pananaw, ipinapalagay na nakauungos ang diskurso ng manunulat kaysa pangkalahatang mambabasa kaya kinakailangang hatakin ng manunulat ang mga mambabasa upang makasabay sa diskurso.

Ang kahusayan sa pagsusulat ay hindi rin nangangahulugang dapat mabigat palagi ang akda, mapawika man o mapadiwa. Kahit ang matatayog na diwain ay mapagagaan, alinsunod sa kombinasyon ng mga salita at paraan ng pagsasabi. Idiniin ni Virgilio Almario na mabilis na namamatay ang wika at ang pinakaepektibong paraan upang mapanatili ang pag-iral nito ay gamitin sa panitikan. Ang pagtataya ay masisilayan sa ginagawa nina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo, na lumilihis sa nauusong ngangayunin at balbal na wika ng midya.

Nang pag-usapan ang pagpapalathala at pagbebenta ng aklat, mataas ang bentaha ng koleksiyon ng mga kuwento o kaya’y serye ng nobela o nobeleta, ani Karina Bolasco. Ito ang puwang na mapagkakakitaan ng mga manunulat. Samantala’y madilim ang tagpo sa gaya ng tula at dula, na pawang may kahirapan ang pagbebenta ng mga aklat maliban na lamang sa ilang sitwasyong nakalikha ang awtor—gaya nina Ricky Lee, Boy Noriega, at Rene O. Villanueva—ng masusugid na tagasubaybay na handang maglabas ng salapi. Iba  ang sitwasyon sa panig ng dulang pantelebisyon o pampelikula na ang manunulat ay malaki ang pagkakataong kumita kapag nagkahalo ang talento, tumpak na panahon, at oportunidad.

Ang maganda sa talakayan ay nabigyan ng pagkakataon ang mga manunulat na ipakilala ang kanilang binubuong aklat o proyekto. Bukod dito’y nailabas din nila ang kani-kaniyang itinatagong pananaw ukol sa estetika at poetika, na pawang kaugnay ng kanilang paglago bilang manunulat. Malaking tulong sa talakayan ang pagbibigay ng mungkahi mula sa mga nakatatandang manunulat o kritiko at siyang tutumbasan ng matatalim na obserbasyon at tugon ng mga kalahok. Ang proyekto, kung gayon, ay lumalampas sa teksto bagkus umaabot hanggang sa buong pagkatao ng manunulat.

Maaaring sina Tara Sering, Luis Katigbak, Rica Bolipata-Santos, at Ian Casocot ang bagong mukha ng katha sa Ingles, samantalang sina Jun Balde at Allan Derain ang maghahawan ng landas sa kasalukuyang yugto ng katha sa Filipino. Nagbabanta sina Tara at Jun na maglabas na mahigit 500 pahinang nobela; nakakasa na ang maiikling kuwento ni Luis para sa bagong koleksiyon; at pakasaysayan naman ang pagdulog nina Rica at Ian sa pagbuo ng mga personalidad mulang Zambales hanggang Dumaguete.

Matitiyak na paghaharian ni Jun Lana ang pelikula at telebisyon, hindi lamang bilang premyadong mandudula o iskriprayter, bagkus bilang batikang direktor. Na kay Jun ang sensibilidad ng matinik na manunulat na maalam sa nakaraan at ang lakas ng loob na lumihis na nakagisnan. Aasahan din ang malaking papel ni Nick Pichay sa teatro at sining-pagtatanghal upang mapanumbalik ang halina nito sa kasalukuyang manonood na pihikan ang panlasa.

Samantala’y pambato sina Vinz Serrano at Mookie Katigbak sa panulaang Ingles, habang tahimik lamang sina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo na pawang nagbabantang magsilang ng mga aklat ng tula sa Filipino—na maipagyayabang hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba pang panig ng daigdig. Ipinamalas ng apat na makata na hindi lamang sila marunong sumulat ng tula. Matinik din silang sumuri at bumuo ng teorya ng pagbasa sa tula na dapat mabatid ng iba pang kritiko o guro.

Pambihira ang talakayan sa Baguio dahil sumapit na sa pagkatigulang ang mga kalahok. Matatalim ang pukol ng mga diwain, ngunit kataka-takang ni wala man lamang nagsaksakan, nagmurahan, o nagbatuhan ng silya. Mapapansin ang paggalang sa isa’t isa, at walang may hangin sa ulo. At gaya ng winika ni Tara, kalmante man ang pangkat ng mga kumag sa palihan, maaasahan naman na lilikha sila ng nakayayanig na bagyo pagsapit sa larangan ng panitikan ngayon at sa mga darating na araw.