KWF, niloloko ang Kongreso?

Makabubuting pag-aralan ng Kongreso kung karapat-dapat pakinggan si Kgg. Ricardo Nolasco, ang kasalukuyang tumatayong punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Sa websayt nitong Komisyon sa Wikang Filipino, iniulat na naninidigan umano ang nasabing ahensiya  “ng opisyal na posisyon sa pagkakaroon ng bagong patakarang pangwika sa ilalim ng Panukalang Batas” na magkakahiwalay na ipinanukala nina Luis Villafuerte (PB Blg. 230), Eduardo Gullas (PB Blg. 305), Raul del Mar (PB Blg. 446), at Lisa Maza (PB Blg. 1138).

Kung paniniwalaan ng mga butihing mambabatas ang gaya ni Nolasco ay hindi lamang sila lilitaw na katanga-tanga sa paningin ng taumbayan, kundi nalinlang nang hindi inaasahan ng nasabing pansamantalang punong komisyoner ng KWF.  Bakit? Dahil ang “multilingguwalismong programa” ng KWF ay walang kaukulang resolusyon na pinagtibay ng buong lupon ng KWF.  At kahit hindi pa opisyal yaong posisyon ng KWF ay patuloy na itong pinagbubuhusan ng salapi na labag sa Saligang Batas, ayon sa aking impormante. Ibig sabihin, ang “multilingguwalismong programa ng KWF” ay likhang-isip lamang ni Nolasco at binuo upang sumikat siya nang wala sa lugar.

Dapat ding isaisip ng mga mambabatas na umiiral pa ang “bilingguwal” na patakaran ng pamahalaan at siya ngayong ipinatutupad sa buong bansa.

Ang dapat inaatupag ng KWF ay ang pagsusulong at pagpapayaman ng isang wikang pambansa (i.e., Filipino), imbes na biyakin ito sa pamamagitan ng “multilingguwalismo”.  Kung nais igiit ni Nolasco ang kaniyang pansariling programa, iminumungkahing palitan o buwagin ang KWF at pangalanan na lamang itong Komisyon ng Multilingguwalismo sa Filipinas (KMF).

Sa apat na panukalang batas sa Kongreso, tatlo ang pabor sa pagpapalakas ng paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong Filipinas, kompara sa isa lamang na panukalang batas na nagtatakda sa Filipino bilang opisyal na wika ng pagtuturo sa mga paaralan. Heto ang nasabing mga panukalang batas:

1. Panukalang Batas Bilang 230—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Villafuerte);

2. Panukalang Batas Bilang 305—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Gullas);

3. Panukalang Batas Bilang 446—An Act to Strengthen the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Del Mar);

4. Panukalang Batas Bilang 1138—Batas na Nagtatakda ng Filipino bilang Opisyal na Wika ng Pagtuturo sa mga Paaralan (ni Maza).

Tanging ang panukala lamang ni Kinatawan Maza ang may kabuluhan sa nasabing mga panukalang batas. Ang panukalang batas ni Maza ay hindi lamang magpapalakas sa wikang pambansang Filipino, bagkus makatutulong pa ito upang pagbuklurin ang mga Filipino sa pamamagitan ng sama-samang paglinang sa isang wikang pambansang pinayayaman ng sari-saring wika mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Estratehiko ang posisyon ni Nolasco hinggil sa multilingguwalismo, dahil kahit sa unang malas ay pinalalakas nito ang paggamit ng wikang kinamulatan ng bata doon sa elementarya, hindi naman ito natutumbasan ng kaukulang pinansiyal na taguyod mula sa pamahalaan. Ibig sabihin, nakatakda iyong mabigo dahil wala sa priyoridad ng pamahalaan. Napakagastos ng nasabing multilingguwalismo, bukod sa tinatabunan nito ang orihinal na layon ng Kongreso na magpasa ng mga batas na magpapayabong sa isang wikang pambansa, alinsunod sa itinatadhana ng saligang batas ng 1987.

Inihain naman ni Magtanggol Gunigundo I ang Panukalang Batas Bilang 3719 na nagtatatag ng programa sa “Edukasyong Multilingguwal”. Ang nasabing panukala ay magpapataas umano “ng kalidad ng programa sa literasiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtuturo ng wika ng bata sa ika-anim [sic] na baitang.” Sa nasabing panukala, ang “unang wika,” ang “Ingles” at ang “Filipino” ay ituturo bilang magkahiwalay na asignatura sa antas elementarya.

Ginagago ba ng mga mambabatas ang ating wika, o seryoso talaga silang paunlarin ang ating wika? Ano ba ang gusto nila sa bata? Na lumaki siyang bihasa sa mga wika, gaya ng lingguwistang hindi mo alam kung saan nagmula? May hinuha ako na hindi talaga napag-aralan ni Gunigundo ang kaniyang panukala, at tila suntok sa buwan.

Nakapagtataka na isang boses lamang, at boses pa ng babae,  sa ngalan ni Maza ang nagsusulong ng makabuluhang panukalang batas sa wikang pambansa. Pambihira ang ginagawa ni Maza na handang sumalunga sa agos upang sumilay ang ating kabansaan. Makabubuti sa mga kasama niya sa Kongreso na tangkilikin ang PB 1138, at nang mapaunlad pa ito nang lubos.

Hindi ko nais harangin ang pagpapayaman ng mga lalawiganing wika. Ang Ingles ay dapat ituring na gaya lamang ng iba pang wika sa Filipinas at hindi dapat maging dominanteng wika bilang midyum ng pagtuturo. Samantala, nakasaad sa batas na ang wikang pambansa ay Filipino at kailangang patuloy na linangin iyon para sa kapakanan ng taumbayan.

Madaling pagtawanan ang gaya ni Miss World at ni Mister Boksingero kung balu-baluktot ang kanilang Ingles, at maraming handang magturo sa kanila ng tumpak na Ingles. Ngunit bakit hindi pinagtatawanan o nililibak kung kahit sa wikang Filipino ay mali ang gramatika at palaugnayan ng ilang ipinahahayag ng gaya ng pangulo at ikalawang pangulo ng Filipinas, pangulo ng senado o kongreso, at brodkaster na gaya ng sa ABS-CBN at GMA 7? Masyado tayong mapagkunwari.  Kailangang turuan ang nasabing mga tao na magsalita at magpahayag sa sariling wika, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles.

Kailangang mag-usap ang mga Filipino sa wikang Filipino upang maunawaan ng nakararaming Filipino. Bakit, halimbawa, Ingles ang gagamitin sa kongreso at hukuman, gayong makatutulong nang malaki sa pagmumulat ng madla ang paggamit ng Filipino na mauunawan ng mga Filipino? Natitiwalag ang mga Filipino sa kanilang kaisipan, dahil iba ang lumalabas sa kanilang bibig, at iba naman ang laman ng kanilang puso at utak. 

Panahon na para palitan ng bagong punong komisyoner ang KWF. Kailangang patalsikin sa puwesto si Nolasco dahil wala siyang naitutulong sa Filipino bagkus pinababahaw pa niya ang kalagayan ng ating pambansang wika. Ang kailangan ng KWF ay isang tunay na alagad ng wikang pambansa at tunay na alagad ng sining. Alam na ninyo marahil kung sino ang aking tinutukoy.

10 Tugon

  1. sang-ayon ako sa kaibigan.

    una, mahalin dapat natin ang sarili nating wika.

    ikalawa, kung hindi marunong mag ingles at nasa pilipinas ka naman, huwag kang mabahala dahil nasa Pilipinas ka at tagalog naman ang pangunahing wika dito sa ating sariling bansa, diba?

    ikatlo, people smarter around you can translate (if needed)

    marami paraan para maisulong ang paggamit ng ating sariling wika. maging isang halimbawa sana ang post na ito para mawari ng ating mga mambabasa ang kahalagahan ng ating sariling wika.

    dahil hindi naman lahat ng bagay ay naidadaan sa wika o salita, mas malaki pa rin ang epekto kung isasabuhay natin ito sa pamamagitan ng ating paggawa.

    PLUG: hi guys! marami na naman pong mga bagong postings ang TOP! medyo late ang amin release lately pero i think kahit papaano nakabawi naman kami. nga pala, we need graphic artist and beta reader for TOP. kung may kakilala kayo, feel free to drop by at http://tagalogonlinepocketbook.wordpress.com/ – thanks!

  2. Sir, I would just like to ask if you are implying that there is no place for the regional languages in our educational system? I, being an Ilocano, want my first language, for logical and ethical reasons, to be the medium of instruction for the first years in education (in the Ilocano regions) and want it to be a separate subject in school from the first levels of education and up (again, in the Ilocano regions). This is not because I am less nationalistic but because I believe that displacing Ilocano among the Ilocanos through linguistic policies prejudicing against it is contempt and treason not only to the Ilocanos but to the whole Filipino nation. Ilocano, being a language native to the Philippines, is a living cultural treasure, and must be preserve through policies that will encourage its growth and continued existence not only as a home language but as an intellectualized language equal to the national language. Repressive policies will dishearten Ilocanos, as it already has to many of us, and discourage them from passing the language to their children.

    • Saan mo ba nasagap, Eugene Carmelo, na ipinahihiwatig kong “walang puwang ang mga panrehiyong wika sa ating sistema ng edukasyon?” Ang tinututulan ko ay ang baluktot na paggamit ng multilingguwalismo upang biyakin at paghati-hatian ang Filipinas ng mga demagogong politiko, at papaghariin ang Ingles.

      Matagal na akong tumatangkilik sa wikang Ilokano, at ang ani mo’y mapanikil na patakaran laban sa mga Ilokano ay hindi matatagpuan sa Filipino bagkus sa mga kumakalinga sa Ingles.

  3. In some part of this post, sir, you mentioned that English should be treated just like the other Philippine languages and should not be the dominant medium of instruction. There is no problem with me if English is not the dominant medium of instruction. But there it is problematic to say that the regional languages should not be dominant in educating the youth in places where they are dominantly or universally spoken. The regional languages should be given equal importance and dominance as the national language in their regions. As I already mentioned, sir, in my previous comment, a policy of linguistic repression, even as discreet as giving little or less dominant role for a language in education, is dishearting and discouraging.

    Sir by the way, thank you for your support for the Ilocano language. And I would like to ask another question. Since young people from the regions are now having difficulties in expressing themselves in their languages, in written and formal form since for almost a century now, the Philippine educational system has denied them the right to learn in and learn their own language in school, are you in favor of having a separate school subject for the regional languages?

    • Anong “policy of linguistic repression” ang sinasabi mo? Kung iyan ay natutuhan mo kina Ariel Agcaoili at Ricardo Nolasco na pawang kontra sa wikang Filipino ay ikinalulungkot ko ang iyong kinalalagyan. Ang patakaran ng pangwikang paniniil ay ginawa noon ng mga Amerikano at Espanyol, at ngayon iyan ba ang ibubunton mo sa Filipino? Gumising ka, iho.

      Kung nais mong palaganapin ang mga wikang mula sa rehiyon, walang ibang dapat gawin kundi gamitin iyon sa lahat ng larang ng pag-aaral. Kung ang mga intelektuwal ay gagamitin lamang ang Ingles, mamamatay lahat ang anumang pagpupunyagi sa wikang pambansa at mga lalawiganing wika.

      Hindi sapat ang isang subject lamang, at hindi sapat ang pamumulitika ng gaya ng ginagawa ng SOLFED at DILA na pawang iyong tinatangkilik, para mabuhay ang wika na iyong kinamulatan.

  4. Sir, my ideas are separate from their ideas. From my point of view, having only two languages in our educational system and denying the right to learn the proper grammar of regional languages is repression enough. I am stressing again, sir, what I said in my last comment, I do not have any problem if English is not the dominant medium of instruction. I have nothing against the idea of having a Filipino language if it will bridge the linguistic gap amongst us. All I am saying is that the regional languages should be of equal standing as the national language in their respective regions. In other words, to eliminate the diglossia, at least in the regional level, that is prevalent these days. And I think, having a separate subject for them in school is a good way to start, and incrementally, their usage, along with Filipino will be expanded to all fields of studies.

  5. Isang maimpluwensyang tinig sa wika at panitikan si G. Anonuevo. Mainam sanang malaman ang kanyang tayo so panukala na ituro ang mga asignaturang matematika at agham sa mga primaryang grado sa wikang kinagisnan ng mga bata. Pabor kaya siya o hindi? Bakit?

    • Bakit kailangan mo pa akong tanungin, hindi ka ba nagbabasa ng bagong Kautusang Tagapagpaganap mula sa iyong butihing pangulo? Ipapalaganap na ang pangarap mong multilingguwalismo, at hindi mahalaga ang aking opinyon yamang ang nasusunod sa bayang ito ay ang mga bulong mula sa matatalik na sirkulo ng kaitasaan.

  6. Napakahalaga na tumulong ang mga iginagalang na kritiko tungo sa paglinaw ng mga mahahalagang katanungan ng bayan. Ang Kautusang Tagapagpaganap mula sa Pangulo ay ano pa’t isa ring opinyon. Sa aking palagay, lalong kailangang marinig ng mga magulang ang mga katuwirang laban at ayon ngayong ang lapit multilingguwalismo ay nakaabang na sa pinto ng mga eskuwelahan. Ano nga ba ang hindi mainam, kung mayroon man, sa pagtuturo ng literasi sa mga bata sa primarya sa pamamagitan ng wika na mas malalim ang kanilang katatasan? Sa aking palagay, tungkulin ng mga kritiko, ang mga tagahubog ng kaisipan ng bayan, na linawin ang kanilang tayo. Ang pag-aalalang hindi sila pakikinggan ay hindi naman sana makapigil sa paghahayag. Ang ganitong self-censorship ay abdikasyon ng tungkulin.

    • Ang kautusan mula sa Malacañang, sa pamamagitan ng DepEd, ay nakapaloob dito http://www.deped.gov.ph/cpanel/uploads/issuanceImg/DO%20No.%2074,%20s.%202009.pdf. Maaaring senyales ito na natutugunan ng kaitaasan na malaking pagkakamali ang paglalabas ng Executive Order 210, na nag-aatas na gamitin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo mulang elementarya hanggang kolehiyo.

      Kung nangangahulugan ang pinakabagong DepEd Order 74, series of 2009, na ipatutupad ang “mother tongue-based multilingual education” sa buong bansa, malinaw na sinasalungat at ipinawawalang-bisa nito ang ipinapalagay na labag sa Konstitusyong EO 210. Ang totoo’y hindi naman dati pinapansin ang isyu ng multilingguwalismo; sumikat lamang ito dahil sa pag-iingay ng makabansang organisasyong gaya ng WIKA Inc. na nagsampa ng kaso laban sa EO 210.

      Hindi ako makapagbibigay ng komentaryo ngayon hinggil sa kaso sa Korte Suprema. Hinggil naman sa multilingguwalismo, mabuti ito kung popondohan nang sapat ng pamahalaan, at makakalap ang sapat na eksperto para maitaguyod ang mga panitikan at akdang kailangan sa pagsusulong niyon. Kung gagamitin lamang ang multilingguwalismo para sa layuning federalismo ng mga demagogong politiko, at bilang palusot ng pangulo hinggil sa natutunugan niyang pagkabigo sa magiging hatol ng Korte Suprema ukol sa EO 210 ay ibang usapan na iyan.

      Pag-aaksaya ng laway ang tanong mo, Ismael. At may hibas ng bitag, gaya ng bitag na iniuumang ng SOLFED at DILA.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: