Pacquiao at Sagisag ng Bayan

Mayayanig sa darating na linggo ang buong mundo sa oras na maglaban sa ibabaw ng lona sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez. Hihinto sa trabaho ang mga karaniwang tao, uupo sa harap ng telebisyon o sa tabi ng radyo, at habang ngumangata ng sitsirya o tumotoma ng serbesa ay magpapalitan ng maaanghang ng opinyon hinggil sa gilas at tibay ng magkatunggali. Tatabo nang malaki ang telebisyon sa pag-ulan ng anunsiyo; magsisikip ang mga bar sa mga parokyano’t miron; at papakyawin sa kalye ang mga tisert o anumang produktong may tatak ni Pacquiao. At si Pacquiao ay hindi na mananatiling Pacquiao na isang karaniwang boksingero, bagkus isusuot din niya ang katauhang sumasagisag sa lunggati, pagsisikap, at katauhan ng mga Filipino.

Kahanga-hangang kabulastugan iyon, at kabulastugan na pinagkakakitaan at paulit-ulit na pagkakakitaan ng malalaking negosyo na kumakalakal sa boksing at lumilikha ng mga panibagong pagpapakahulugan sa “pagkabayani” at “pagkamakabayan.”

Si Pacquiao na nilikha ng mass media ay ipipilit na ipalunok sa atin na siya ang sumasagisag sa buong Filipinas, at iyon ay isang anomalya na dapat pagbulayan nang maigi.

Iba ang lárang ng boksing kaysa tunay na nagaganap sa Filipinas. Pinaiikot ng malalaking negosyo ang boksing, at ang boksing ay hindi malalayo sa mga sinaunang koliseo na nagtatagisan ang mga armadong mandirigma, at kung sino ang magwagi ay aani ng papuri at pagkilala mula sa mga sabik na maharlika at madlang sabik sa pagdanak ng dugo.

Kumikita nang napakabilis ang mga boksingero at promoter, samantalang ang dapat sanang yaman na ilalaan sa mga dukha at kulang-palad sa iba pang panig ng daigdig ay ipinagkakait ng mayayamang bansang kinakalakal kahit ang mababalasik na digmaan. Bumubulusok sa kawalan ang pagpapahalaga sa buhay; at ang tagisan nina Pacquiao at Marquez ay nagluluwal ng mga baluktot na pananaw at halagahan hinggil sa pagyaman, pagsikat, at pananaig.

Hindi kayang ipaloob ni Pacquiao sa kaniyang sarili ang kabansaan ng Filipinas sa pamamagitan ng kaniyang mga kamao. Ang taguri sa kaniyang “pambansang kamao”—na pinalalaganap ng gaya ng Solar Sports at GMA 7— ay bulaklak ng dilang nagsasaad ng kagila-gilalas na tapang at tatag ng buong bansa, ngunit ang pakikipaglaban ni Pacquio ay hindi totoong “para sa Filipinas” bagkus para sa kaniyang sarili lamang. Hindi rin para sa diasporang Filipino ang tagumpay o kabiguan ni Pacquiao—bagaman malayang isipin ang gayon—dahil hindi kayang saklawin ni Pacman ang loob at isip ng lahat ng Filipino. Maaaring katanggap-tanggap si Pacquiao sa mga taga-Metropolis, ngunit maiiba ang sitwasyon kapag dumako na sa malalayong rehiyon ng Filipinas.

Higit sa lahat, iba ang pakikibaka ng Filipinas kompara kay Pacquiao, at maihahalimbawa na ang pagnanasa nitong ayusin ang pagpapatakbo ng pamahalaan, paunlarin ang agaw-buhay na ekonomiya, pagyamanin ang nalulusaw na kultura, at patalsikin sa puwesto ang mga tarantadong opisyal na patuloy na ginagatasan ang bansa sa pamamagitan ng mga maanomalyang kontrata at programa. Ang gayong pakikibaka ay hindi madadaan sa suntukan, bagkus sa maláy at nagkakaisang kilos ng sambayanan.

Kung si Pacquiao ang metonimiya ng Filipinas, ang Filipinas ay bumagsak na sa pinakamababang antas ng pagpapakahulugan.

Sa kabila ng lahat, paniniwalaan natin si Pacquiao. Paniniwalaan natin na isasalba tayo ni Pacquiao mula sa matagal na kahihiyan at panlilibak, mula man sa hanay ng mga Mehikano, Amerikano, at iba pang lahi ng daigdig. Paniniwalaan natin si Pacquiao na makaaahon ang Filipinas sa kahirapan dahil sa katanyagan at bakbakan. Paniniwalaan natin si Pacquiao na ang kabayanihan ay laging nasa kamay ng isang tao imbes na nasa kamay ng sambayanang Filipino.

Purihin natin si Pacquiao. At aasahan natin ang pinakamabigat na hatol hinggil sa ating kagila-gilalas na katangahan.

Advertisements

3 Tugon

  1. Ako’y sumasangayon sa inyo Sir Bob ngunit hindi natin maipagkakaila na kahit papaano ay naitataas ni Pacquiao ang moral ng ating mga kapwa Filipino. Mababaw man ang ugat ay nagkakaroon tayo ng pagkakaisa. Pagkakaisa na i-cheer ang ating kababayan. Pagkakaisa na nadadama ng bawat Filipino: bata man o matanda, mahirap man o mayaman. Hindi man siya lumalaban ng tunay para sa bayan, dala naman niya ang pangalan nito. Sa isang araw na ito’y nakakalimutan natin ang mga problema na dala ng buhay at kahihiyan na dulot ng tiwaling gobiyerno. Sa isang araw na ito’y taas noo nating masasabi na, “Pinoy din ‘yan, proud ako.”

  2. sir Bob! tama ka jan! sana manalo ulit tayo. *crosses fingers*

  3. hihinto na naman ang mundo ng mga pilipino. bakit nga kaya? dahil ba siya ang itinuturing na Buhay na Bayani sa ngayon? hindi ko pa rin maintindihan ang ilang bagay sa mundo..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: