Ang manunulat sa pananaw ni Adrian E. Cristobal

Malaking kawalan sa panitikang Filipinas ang pagkamatay ni Adrian E. Cristobal na itinuturing na ama ng maraming manunulat na Filipino. Intelektuwal at kritiko, si Adrian ay batikang satiriko ng kaniyang panahon na malalim ang kaalaman sa bituka ng politika, kasaysayan, at higit sa lahat, panitikan ng Filipinas. Wala pa akong nakikitang manunulat na Filipino na may kalibre at resistensiya ng satirang gaya ng pinagyaman ni Adrian.

Isa sa mga itinuturo ni Adrian noon, habang nag-iinuman kami sa kaniyang dampa na malapit sa estero ng Dingalan, na kailangan ng manunulat na laging magduda sa lahat ng masasagap sa paligid o mababasa sa aklat o maririnig sa kung sinong santo-santito. Kailangan umano ng manunulat ang pagpapatalas ng isip, ang paghalukay sa nakaraan, ang pagpapakadalubhasa sa wika, at ang paglalatag ng tatlong elemento sa masining na paraan sa mga pangungusap na ikababaliw ng mambabasa.

Igalang mo ang mambabasa, aniya.

Ang paggalang sa mambabasa ang magiging mabigat na hamon sa mga manunulat. Maaaring mali sa pananaw ng iba ang iyong pinagmumulang panig, ngunit kung paano mo makukumbinsi sa bisa ng lohika at satira ang mambabasa ang makapagpapanibago ng timbangan. Kapag pumasok ka sa balangkas ng pangangatwiran ng isang manunulat, kinakailangang ang gayong balangkas ay lubos na matatag upang maging kapani-paniwala at siyang sasang-ayunan ng mambabasa kahit ayaw niya ang gayong panig. Magigiba lamang ang pangangatwiran ng naturang manunulat kung lalabas ka sa ruweda ng naturang pangangatwiran at gagamit ng bagong ruweda ng pangangatwirang mula sa pananaw ng ibang teoriko.

Taliwas sa kaalaman ng nakararaming Filipino, si Pang. Ferdinand E. Marcos ang pinakamahusay na tagapagsalita ni Adrian, at ito ang laging ipinagyayabang ni Adrian. Sinasabi lamang ni Marcos ang mga salitang sumilang sa guniguni ni Adrian, at hindi si Marcos ang ultimong diktador ng mga salita na dapat sulatin ni Adrian. Sa nasabing tagpo, nagkakaroon ng banggaan ng isip ang dalawang intelektuwal—na magiging klasikong pangyayari noong panahon ng Batas Militar. Ang masaklap ay nakumunoy si Marcos sa labis na kapangyarihan, at ang nasabing kapangyarihan ang kokontrol din sa kaniyang buhay bilang pangulo.

Samantala, magiging mohon sa patakarang pang-ekonomiya ng Filipinas ang “Filipino First: An Approach to Economic Policy” na pinairal noong administrasyon ni Pang. Carlos P. Garcia, at siyang isinakataga ni Adrian. Walang nakaisip nito noon, na dapat unahin ang kapakanan ng Filipinas kaysa ibang bansa sa lárang ng pagpapatakbo ng ekonomiya. Nagiging makabuluhan ang “Filipino muna!” lalo ngayong panahon ng globalisasyon, na ang kaakuhan ng isang bansa ay nalulusaw upang sumanib sa pandaigdigang kaakuhang walang katiyakan at pagkakakilanlan.

Sa maniwala kayo’t sa hindi, sumulat din ng nobela ng kabaliwan si Adrian, at sinulat niya iyon hindi sa Ingles bagkus sa eleganteng Tagalog. Isinerye noon sa Filipino Magasin ang pakikipagsapalaran ni Juan, ang manunulat na maiipit sa kalibugan at kalabisan ng lipunang naghahanap ng pagbabago. Pambihira ang alusyon sa nobelang ito, at huhula akong kaiinggitan ito ni F. Sionil Jose na hangga ngayon ay nangangarap makapagsulat sa Filipino o maisalin sa Ingles ang kaniyang mga dakilang akda.

Naulila ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa pagkawala ng isang ama. Ngunit naniniwala akong sisilang ang marami pang Adrian E. Cristobal, upang itaguyod ang bansa nating pinakamamahal.

Advertisements

Sulyap sa mga lathalaing Tagalog noong 1946

Masigla ang paglalathala ng mga pahayagan, magasin, at ibang babasahin sa wikang Tagalog noong 1946, isang taon makaraang mapinid ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilan sa mga popular na arawang pahayagan noon ang Balita, Ang Bayan, Bagong Buhay, Malaya, Sinag-Tala, at ang mga magasing gaya ng Ang Mutya, Daigdig (Ang dating Hiwaga), Ilang-ilang, Movie Cavalcade, Literary Song-Movie Monthly, Cinema English-Tagalog Monthly, The Parent-Teacher’s Magazine, at Kayumanggi. Tanyag din noon ang mga babasahin sa Ingles, gaya ng Manila Daily News at ang Manila Daily News Sunday Magazine; ang The Manila Chronicle; at ang Filipino Youth na nagtataguyod ng Ingles.  

Napakamura ng bilihin noon. Ang Mutya ay nagkakahalaga lamang ng kinse sentimos bawat sipi. Ang Ang Bayan ay nagsimula sa diyes sentimos ngunit magtataas din ng presyo at magiging kinse sentimos. Ang Malaya at Sinag-Tala ay treinta sentimos ang halaga kada sipi; samantalang ang Daigdig ay beinte sentimos lamang kada sipi. Mataas pa noon ang halaga ng piso. Ang treinta sentimos noon ay kaya nang makabili ng sapat na ulam, kanin, at kape, at kung papalarin ay makaiisa pa ng istik ng sigarilyo.

Bawat babasahin ay sumasandig sa mga manunulat at editor na makukuha nito. Halimbawa, ipagmamalaki ng Ang Bayan si Aniceto F. Silvestre na punong patnugot nito, at ang tagapangasiwang panlahat na si Servando de Los Angeles. Si Silvestre rin ang punong patnugot ng Ang Mutya, at katulong na patnugot si Ruperto S. Cristobal.

Ibabantayog naman ng magasing Ilang-ilang si Iñigo Ed. Regalado na punong patnugot nito, at ang tagapamahalang si Mariano Jacinto. Sa kabilang dako, punong patnugot ng Kayumanggi si Alejandro G. Abadilla na katuwang ang mga makatang sina Manuel Car. Santiago at Manuel Principe Bautista. Punong patnugot ng magasing Pag-asa si Jacinto R. de Leon, na hahakot ng mga manunulat na gaya nina Leonardo Dianzon, Hilaria Labog, Liwayway A. Arceo, Pedro Reyes Villanueva, Jose Flores Sibal, at Cirilo Bognot.

Ang Ang Bayan ay may hinpamagat na “Pahayagang Ganap na Filipino.” Ang Ilang-ilang naman ay “Ligaya’t Aliw ng Bawat Tahanan.” Ang Pag-asa ay “Sulo ng Pag-unlad”; ang Pawis ay “Magasin ng mga Manggagawa”; ang Bisig ay “Babasahin ng mga Manggagawang Pilipino”; at ang Bagong Buhay ay “Malayang Pahayagang Pang-araw-araw.”

Pinakamaangas noon ang Kayumanggi, na tinawag ang publikasyon na “Ang Babasahin ng mga Babasahin.” Makapagyayabang noon si Abadilla dahil ang Kayumanggi ay de-kolor ang pabalat, at nagkakahalaga ng singkuwenta sentimos! Ngunit hindi magtatagal ang nasabing babasahin dahil napakamahal noong panahong iyon, at may halagang katumbas ng pagkain sa agahan at tanghalian, bukod sa tabako o sigarilyo.

Samantala’y nakahahatak ang Ilang-ilang, at ang mga tagapag-ambag na manunulat nito ay kinabibilangan ng mga batikang sina Lope K. Santos, Jose Domingo Karasig, M.P. Bautista, Teofilo E. Sauco, Gregorio F. Cainglet, Susana de Guzman, Luis M. Trinidad, Gemiliano Pineda, at Claro M. Recto. Si Recto, na hirap sa wikang Tagalog ngunit bihasa sa Espanyol, ay tinutulungan ni Regalado noon na maisalin ang kaniyang akda sa Tagalog upang maunawaan ng madla. Naisip marahil ni Recto na walang silbi ang kaniyang mga akda kung ang makaiintindi lamang niyon ay ang mga edukado sa Espanyol imbes na mga kapuwa Filipino.

Nakipagtagisan sa merkado ang Ang Mutya, at nakuha ang mga serbisyo ng gaya ng mga kuwentistang sina Jesus S. Esguerra, Brigido C. Batungbakal, Celso A. Molina, at Cirio Galvez Almario, at Miguel M. Cristobal; ang nobelistang si Ruperto S. Cristobal; ang kritiko at sanaysayistang sina Lope K. Santos, Leonardo A. Dianzon, at Felipe Padilla de Leon; at ang mga makatang sina M.P. Bautista at Mario Mijares Lopez, at iba pa. Sa mga pahina ng Sinag-Tala mababasa ang kombinasyon ng matatanda at kabataang manunulat, gaya nina L.K. Santos, Liwayway A. Arceo, Genoveva Edroza-Matute, Apolonio C. Arriola, Andrea Amor Tablan, Alberto S. Medina, Susana de Guzman, Rufino Alejandro, at iba pa. Pinamatnugutan ni Mar S. Torres, na isa ring mangangatha at sanaysayista, ang Sinag-Tala. 

Halos umiikot ang mahuhusay na manunulat sa iba’t ibang publikasyon, at malimit mag-ambag ng mga maikling katha, tula, nobela, at sanaysay, bukod sa pagsusulat ng balita o piling artikulo. Ang ilang akda sa mga pangunahing magasin at pahayagan noon ay magiging bahagi ng sangguniang aklat na Diwang Kayumanggi, Ikatlong Aklat, na antolohiyang binuo ni Juan C. Laya para sa mga estudyante, at maituturing nang klasiko sa panahong ito.

Ano ang makukuhang aral noong 1946? Na maisasalba ng sining at panulat ang mga mamamayan at ang mga manunulat. Na madilim man ang dinaanang yugto ng mga manunulat ay may mapipiga pa rin doong kahanga-hangang bagay. At iyon ay walang iba kundi ang makulay na guniguni at sigasig, bukod sa pananalig na ang panitikan at ang sariling wikang matalik sa taumbayan ang makapagbibigay ng pag-asa sa bawat tao para mabuhay at manaig.  

Lilipas pa ang 40 taon at magaganap ang di-inaasahang Aklasang Bayan sa EDSA.. Mauulit ang gayong tangkilik sa pamamahayag at panitikan, at mangangarap muli ang ilan na ililigtas sila ng panulat. May 22 taon na ang nakararaan mula nang sumiklab ang Aklasang Bayan sa EDSA ngunit ngayon pa lamang unti-unting nabubunyag na hindi dapat umasa sa ilang personalidad, gaya nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Juan Ponce Enrile, at Jaime Cardinal Sin. Ang tagumpay ng bayan ay wala sa simbahan o negosyo o militar o kilusan. Nasa hanay ng maláy, radikal, at organisadong taumbayan ang tagumpay, at ito ang ipinagugunita sa atin ng panitikan—na malimit nating ayaw paniwalaan, kung hindi man pilit iniiwasan.

WikImperyo

Napakagandang teknolohiya ang pagkakaimbento ng wiki. Ang wiki ay isang software na maaaring gamitin sa pagsusulat at paghubog ng mga akda o disenyo. Magagamit din ito bilang tulay ng komunikasyon, sa pag-iimbak ng impormasyon, sa pagbubuo ng pamayanang may kulob na pook, at sa paghikayat ng bayanihan ng mga kasapi. Malayang magagamit ang teknolohiyang wiki, at ang kahanga-hanga’y  malaya ang sinumang paunlarin ang nasabing teknolohiya upang makatulong sa mga tao.

Hango sa salitang Hawai’ian, ang “wiki” ay pinangatawan ang pagiging “mabilis,” at gaya ng kidlat ay kisapmatang makapaghahatid ng kaaya-ayang balita o karima-rimarim na sakuna.

Makapangyarihan ang wiki kung gagamitin ng isang kompanya, na ang mga kawani nito ay may batayang diskurso, layon, at bisyon para sa ikalalago ng nasabing kompanya sa kabuuan at ng bawat tao na kabilang doon. Magiging malaya ang daloy ng usapan, at batay sa patakaran ng nasabing kompanya ay maitatakda ang usapan, programa, at proyektong katanggap-tanggap sa buong organisasyon.

Ngunit may panganib din ang wiki kung gagamitin sa pandaigdigang antas. Halimbawa, ang Wikipedia ay kakatawan sa pandaigdigang imbakan ng impormasyong ensiklopediko ng bawat bansa. May pamayanan ito ng mga manunulat at editor, na bagaman hindi lantarang kilala, ay makapagpapasok ng lahok ng nais nila. Inaasahan na ang bawat mamamayan ng daigdig ay malayang makapag-aambag sa wikang Ingles o kaya’y sa Tagalog o Espanyol o Mandarin. Sinuman ay may karapatang sumulat o mag-edit, hangga’t kaya ng sikmura at malalim ang bulsa, bukod sa pagkakaroon ng kompiyuter, akses sa internet, at kaalaman sa wika.

Ang kalayaaan ng sinumang tao ay nakatali pa rin sa ekonomikong kalagayan at internet. Sinumang ibig mag-ambag sa gaya ng Wikipedia ay kailangang sumunod sa patakaran nito. At ang paghawak sa impormasyon ay gaya lamang ng kalakaran ng paghawak ng impormasyong sinusunod sa mga kanluraning bansa.

Makabubuti ang Wikipedia para sa mga establisadong bansa, gaya ng Estados Unidos o Japan o United Kingdom. May sapat na kakayahan ang naturang mga bansa mulang paglikom ng kaalaman at intelektuwal hanggang pagbibigay ng akses sa kompiyuter at internet. Ngunit mapanganib ito  sa gaya ng Filipinas, dahil ang Wikipedia na magiging imbakan ng impormasyon hinggil sa Filipinas ay hindi lamang impormasyon ang maaaring iluwal bagkus ang tone-toneladang basurang maaaring sulatin ng mga nasa pamayanan ng manunulat o editor. Ang Wikipedia Tagalog, halimbawa, ay hindi lamang hinggil sa “Katagalugan” ang nilalaman; naroroon din ang mga kahanga-hangang hilaw na halaw at saling ikalilito ng karaniwang tao kung hindi man intelektuwal.

Mapalalabas kung gayon ng Wikipedia na patas at obhetibo ang presentasyon nito ng mga impormasyon. Ito ay dahil sa pag-aakalang ang lahat ng manunulat at editor nito ay may malasakit sa pagbibigay ng tamang impormasyon. Ngunit hindi ito ang nagaganap, halimbawa na, sa Wikipedia Tagalog dahil walang kakayahan ang naturang websayt na ipakita ang tunay na kalagayan ng Filipinas sa pamamagitan ng Tagalog. Ang ginagamit na Tagalog sa Wikipedia Tagalog ay malayo sa tradisyon nina Jose Rizal at Andres Bonifacio hanggang Lope K. Santos at Iñigo Ed. Regalado hanggang Liwayway A. Arceo at Genoveva Edroza-Matute. Ang Tagalog ng Wikipedia Tagalog ay Ingles na Tinagalog, na uri ng wikang pinauso ng mga tarantadong akademista na ni hindi yata nagbabasa ng panitikang Tagalog. 

Maaaring walang tuwirang programa ang Wikipedia Tagalog na bilugin ang isip o pagkatao ng karaniwang Filipino alinsunod sa pananaw ng banyaga, gaya ng Amerika. Gayunman, ang mga nalilikha nitong basura at baluktot na pananaw ay tuwirang makaaapekto sa isip, kamalayan, at kalooban ng bagong henerasyon ng mga Filipino hindi lamang ngayon kundi maging sa susunod na panahon. Ang ginagawang mababaw na salin o halaw sa Wikipedia Tagalog ay bumibiyak din sa simulaing itaguyod ang Filipino bilang wikang pambansa ng Filipinas, dahil pinalalabas nito na ang Tagalog ay nasa yugtong mababa, dukha, at laging katunggali ng ibang wikang lalawiganin sa Filipinas.

Maikakatwirang malaya namang baguhin o iedit ng sinumang Filipino ang mga lahok sa Wikipedia. Subalit hindi iyon sapat na katwiran. Hindi lahat ng 97 milyong Filipino ay may taglay na kompiyuter at akses sa internet. Hindi lahat ng Filipino ay katulad ng Amerikano na ang kultura ay tahas at mapaggiit. Taglay pa rin ng nakararaming Filipino ang mga halagahan nito sa komunikasyon na mapagpahiwatig, gaya ng lumabas sa pag-aaral ni Dr. Melba Maggay. Hindi pa rin buo ang pagkabansa o kabansaan ng Filipinas, ayon kay Dr. Zeus Salazar, at ang gayong kalagayan ay napakadaling kasangkapanin ng alinmang makapangyarihang korporasyon o estado upang hatiin ang naturang bansa at panatilihing sakop ito sa pandaigdigang antas.

May tugon ang mga Filipino kung ayaw nila sa Wikipedia. At ang tugon na ito ay hindi tahas, gaya ng sa Kanluranin. Ang pagsasawalang-bahala o pananahimik ng mga Filipino ay hindi nangangahulugan ng pagtanggap, kundi maaaring pagtutol na rin sa gayong kalakarang mabilis na iginigiit sa kanila ng nagbabagong simoy. Kailangan ng Filipinas ang isang alternatibong websayt para sa mga Filipino. Isang websayt na hindi kayang ibigay o ihain ng gaya ng Wikipedia, Yahoo, at iba pa.

Hinihimok ko ang sinumang Filipino na gamitin natin ang bagong teknolohiya para sa ikagagaling ng mga Filipino. Ang teknolohiya ng wiki ay hindi magiging matagumpay kung hindi mauunawaan ito ng nakararaming Filipino at gagamitin sa kapaki-pakinabang na paraan. Kailangang maipaliwanag ito nang maayos sa mga Filipino, at ipaliwanag hindi sa wikang Ingles, bagkus sa wikang Filipino. Kailangang maisaloob nila na ang teknolohiya ay kabahagi ng kanilang pag-unlad at hindi kasangkapan upang lalong mabaon sila sa lusak.

Panahon na upang mag-usap ang mga Filipino sa wikang Filipino. Sa ganitong pagkakataon lamang natin mahihikayat ang tunay na ubod ng pagbabayanihan para sa Lupang Tinubuan.

Namazé-ayat

Hindi niya kailanman pinaniwalaan si Bakunawa. Kay Allah lamang siya nananalig, gaya ngayong sumapit ang di-maipaliwanag na lahò. Tila pelikula ang tagpo, at ramdam niyang isa siya sa mga gumaganap ng papel. Nagtilaukan ang mga manok. Umalulong ang mga aso. Nagkulumpon sa gitna ng bukid ang mga baka at kambing. Humarap siya tungo sa inaakalang lunan ng Mecca, nangangatal na lumuhod, inusal ang sagradong mga salita, at nagsumamo sa kalangitan. Inulit niya ang panalangin. Maya-maya’y lumitaw ang pangitain ni Ayatollah Khomeini sa kaniyang isip, nanlilisik ang mga mata, inuusig ang mga kafir at makasalanan. Walang ano-ano’y may tumapik sa kaniyang balikat, at hinihimok siyang lumikas, dahil paparating na ang mga eroplanong tumatakip sa buong sinag ng araw.

Kaarawan (Para kay Idyanale)

Sasapit ka sa araw na ito na taglay ang pag-asam ng paslit sa kaniyang pinakaaabangang sandali. Maglalagos sa bintana ang liwayway, babatiin ka ng sinag sa noo, at ang noo mo’y kikislot tungo sa mga alaalang naglalaro sa lansangan, tumatakbo nang di-alintana ang kapahamakan, at sumusubok ng mga bagay na ipinagkakait noon ng kalangitan.

Mag-iinat ka sa iyong higaan, at madarama ng iyong kasu-kasuan ang gaan, ang gaan at ang gana na hindi mo mawari kung anong uri ng pagpapalà. Kanina’y minamasdan ka ng iyong ama, na sabik na sabik kang makita at mayakap, at tila bang ang gayong tagpo’y magbubura ng mga lahok ng diwaing sentimental sa diksiyonaryo o tesawro.

Maya-maya pa’y uusal ka ng panalangin, at iisipin ng iyong ama na maaaring humihiling ka lamang ng bagong laruan o masaganang tanghalian o mainit na pakikipagtagpo sa mga sutil na kaibigan.

Haharap ka sa iyong ama, at mula sa mga mata ng iyong ama ay masasalamin mo ang lupaing iyong tatawirin. Maaaring maluha ka habang nakangiti, ngunit pipigilin mo ang sarili. Wala kang mabibigkas sa araw na ito kundi pagmamahal, at pagmamahal sa panibagong yugto ng buhay.

Mito at Lozada

Napakabilis ang panawagan ng pag-aaklas makaraang ibunyag ni Jun Lozada ang maalingasngas na kontrata ng National Broadband Network. Ngunit ang totoo’y hindi pa nasusuri nang maigi ang ubod nitong si Lozada.

Ang koneksiyon ni Lozada na bumabanda kay Romulo Neri na kumokontra-banda kina Mike Arroyo at Benjamin Abalos pahagibis sa mag-amang Jose de Venecia ang dapat uriratin nang maigi. Higit sa lahat, dapat ding ipatawag ang mga kinatawan ng Zhong Xing Telecommunication Equipment Company Limited (ZTE) upang linawin ang lahat.

Ngunit maaaring walang magsalita, maliban kina Lozada o Joey de Venecia. Ang pagsasalita’y lalong magdadawit sa sinuman, lalo kung mapasubo sa alanganin ang mga sangkot. Ang nakapagtataka’y marami ang paratang ngunit bantulot ang awtoridad sa pagsasampa ng mga kaso. Marahil ang tanging solusyon ay isang makatwirang paglilitis, ang paglilitis na ang gagamiting wika ay Filipino upang maipaliwanag sa taumbayan ang puno’t dulo ng mga pangyayari.

Subalit imposible ito. Ang wika ng hukuman sa Filipinas ay Ingles, at tanging ang mga nakauunawa lamang sa jargon ng hukuman ang karapat-dapat lumahok sa gayon. Mananatiling tahimik na tagamasid lamang ang taumbayan, at ang pinakamaingay na magagawa ay magprotesta sa maalinsangang lansangan.

Sawa na ang tao sa mga bayarang testigo mula man sa gobyerno o sa kung anong partido.

Kailangang magsampa ng kaso ang mga kinauukulan, at litisin ang lahat. At managinip ang taumbayan na ang diskurso ay isasalin sa wikang matalik sa kanilang buhay.

Diyalohikong Agos sa “Sirang Fountain” ni Ronald A. Atilano

Sirang Fountain

ni Ronald A. Atilano

 

1                                         At naglaho

2 Ang maharlikang korona ng tubig,

3 Na animo’y

4 Isang maalamat na hari

5 Ang nilamon ng balon.

6 Aninawin ang kalawangin niyang

7 Kalansay sa kailaliman. Pakinggan

8 Ang maalikabok na sipol

9 Ng kaniyang mga buto.

 

10 Itinangis ng plasa ang mortal nitong panginoon.

 

11 Libo-libong bagwis

12 Ng akasya ang nangagsisid

13 Upang langkay-langkay

14 Na maagnas lamang

15 Sa kaniyang sinapupunan.

16 Nalibing sa kaniyang putik

17 Ang alaala’t gilas

18 Ng gintong mga kaliskis.

 

19 Dinalisay siya

20 Ng mikrobyo at burak,

21 Pinagpala ng kiti-kiti’t

22 Patay na kulisap,

23 Kinumutan

24 Ng makapal na lumot

 

25 Upang sa katanghalia’y

26 Salukin ng nangingitim na tabo

27 At maging pamatid-uhaw

28 Ng nanggigitatang

29 Mga mamamayan

30 Ng plasa.

 

31 Sino’ng magsasabing hindi ito

32 Ang balon ng buhay

33 Na hinahanap-hanap ni Ponce de Leon?

Maituturing na “fountain” ang anumang sumisirit na tubig o likido nang pataas o pababa, likas man o artipisyal ang pinagmulan. Maikakabit din ang nasabing salita sa estrukturang mala-sanaw o dili kaya’y imbakan na patuloy na pinagpapaagusan ng tubig o anumang likido sa pamamagitan ng likás o mekanikal na pamamaraan. Mula sa salitang Latin na “fontanus” (font + anus), ang “fountain” ay nakargahan ng pambihirang pakahulugan, pahiwatig, mito, at ideolohiya paglipas ng panahon, at kaya hindi kataka-takang maging panuring din iyon sa “paputok” o sa “ulan ng mga alipato,” bukod pa sa ibang partikular na gamit. Pinakamalamapit na panumbas ang mga salitang “matang-tubig” o “bukál” sa Tagalog, at “saguróng” kundi man “naglagbóng” sa Bikol.

Sa tulang “Sirang Fountain” ni Ronald A. Atilano, walang tiyak na artipisyal na bukál ang tinukoy ng personang mahihinuhang may tiyak na kausap (i.e., ang nakamasid sa fountain). Maaaring humuhugot ng alusyon yaon sa mga publikong bukál na umiral sa sinaunang Roma at Italya, at siyang nagbigay ng tubig araw-araw sa mga dukha at kulang-palad. Mababanggit din ang mga tanyag na pabukál sa Cairo, Damascus, Granada, at Istanbul na pawang taglay ang impluwensiya ng Islamikong henyo hinggil sa sining, arkitektura, at inhinyeriya na pawang maipagmamalaki sa buong daigdig. Maaaring isang wasak na estrukturang pabukál lamang ang tinutukoy sa tula, gaya ng matatagpuan sa plasa ng Maynila, at malayong-malayo sa mga fountain ng Versailles at Paris o Chicago at New York.

Ano’t anuman ay hinahatak ng persona ang kaniyang kinakausap na tao na balikan ang nakalipas. Mababatid ito kapag tinimbang ang pagsasapin-saping kombinasyon ng nagtatagisang mga salita, ang paghahalo ng pantasya at katotohanan, ang pagtitimpla ng magkakasalungat na larawan o diwain, at ang pagtatampok ng subersiyon sa nakagawiang pananaw hinggil sa “balon ng buhay” (i.e., Fountain of Youth); o kaya’y sa “karunungan” o “inspirasyon” (i.e., Pierian spring) na humuhugot ng pahiwatig sa bukal ng Pieria na matatagpuan sa dahilig ng maalamat na Bundok Olympus. Sa madali’t salita, ang tula ni Atilano ay salamangka hinggil sa isang tagpo. Binubura nito ang mga hanggahang itinakda ng lipunan, pagdaka’y tumatahak sa lohika ng Karnabal kung ibabatay sa lente ni Mikhail M. Bakhtin, at pinananaig ang personal na kaluguran imbes na kagandahang-asal at autoridad.

Itinuturing na sagrado ang matang-tubig sa sinaunang Gresya. Inihandog ang isang bukál kay Pirene na sinasabing ang mga luha’y siyang pinagmulan ng bukal sa daigdig. Mababanggit ding halimbawa si Arethusa, na hinabol-habol at pinagnasahan ni Alpheus. Nabigong maangkin ni Alpheus si Arethusa nang paghunusing matang-tubig ni Artemis ang marikit na si Arethusa, huwag lamang malupig ng diyos ng ilog. Ipinahihiwatig wari nito na halos magkatumbas ang matang-tubig at ang inmortalidad. Sa Filipinas, maipapangkat sa walong uri ang mga kawikaan hinggil sa matang-tubig, samantalang maipapangkat sa siyam ang mga kawikaang hinggil sa balon, ayon na rin sa saliksik ni Damiana L. Eugenio. Kaugnay ang nasabing mga kawikaan sa buhay, at sa pag-iral nang dalisay.

Maiuugnay sa mga nabanggit ang maalamat na “Matang-tubig ng Buhay” na ginalugad ngunit nabigong matagpuan ni Juan Ponce de León (1460?-1521). Si Ponce de León ang Espanyol na kawal at eksplorador na kasama ni Cristobal Colon, at ang nagtatag ng kolonya sa Puerto Rico noong 1508. Ibinunyag umano ng mga Indio kay Ponce de León ang maalamat na pulong Bimini, ang pook na naglilihim ng mahiwagang matang-tubig na kayang magpanumbalik ng sigla at kabataan sa sinumang pinalad na makapaligo roon. Florida ang nasilayan ni Ponce de León sa kaniyang paghahanap ng Fuente de Juvencio. Ngunit ang pook na pinangalanan niyang La Florida ay maghahatid din sa kaniya sa landas ng tinik at panganib, dahil naghimagsik ang mga Indio at siya’y muntik nang mapatay sa bakbakan. Idinaong pagdaka sa Cuba ang eksplorador, at di-maglalaon ay yayao dahil sa malubhang sugat na kaniyang tinamo sa pakikihamok sa mga Indio na ibig niyang sakupin.

Maihahakang ang panlabas na anyo ng tula ni Atilano ay hugis dambuhalang kalis bilang fountain. Taludtod 1 ang magsisilbing pinakanguso ng kalis. Taludtod 10 naman ang kuwelyo. Ang mga taludtod 11-30 ang bungéd. Samantalang pinakapaanan at salalayan ang mga taludtod 31-33. Mistulang pingas ang taludtod 3 dahil ang mga salitang “Na animo’y” wala namang matingkad na hulagway at tulay lamang ng pagwawangki (i.e., simile). Mapupuwing din ang taludtod 30 (“Ng plasa.”) dahil maiaangat ito sa taludtod 29 nang di-pinapupusyaw ang pagbitin sa anyo o himig. Ano’t anuman ay masasabing wala sa naturang disenyo ang halina at kariktan ng tula.

Isang balon ang inilarawang inagnas ng panahon. Ikinalungkot ng madla ang pangyayari, dahil ang dating maganda’t malinis na artipisyal na bukál ay naghunos na kasuklam-suklam na imbakan ng maruming tubig, dahon, mikrobyo, at insekto. Sa kabila ng lahat ay nagsisilbi pa rin yaong salukan ng tubig ng mga kulang-palad, kundi man taong-grasa, upang tighawin ang kanilang uhaw. Nagwakas sa pabalintunang retorikang tanong ang tula: “Sino’ng magsasabing hindi ito/ Ang balon ng buhay/ Na hinahanap-hanap ni Ponce de Leon?”//

Sa unang saknong ng tula, hinihimok ng persona na pumaloob sa diyalohikong pagtanaw ang kaniyang kausap. Ginamit ang pagwawangki sa mga taludtod 1-5. Ang personikasyon ng tubig bilang kalansay ng hari ay aalingawngaw sa mga taludtod 6-9. Kaugnay niyon ay maituturing na disjunctio ang kombinasyon ng “naglaho” (taludtod 1) at “nilamon” (taludtod 5), samantalang lumilitaw na synonimia ang “maharlikang korona” (taludtod 2) at “maalamat na hari” (taludtod 4). Kung lilingon sa panulaang Tagalog, ang mga taludtod 4-5 ay malapit na alusyon kay Don Juan sa Ibong Adarna. Gayunman ay nakaahon si Don Juan at nakaligtas sa napipintong kapahamakang dulot ng pagtataksil sa kaniya ng mga kapatid na sina Don Pedro at Don Diego.

Ang taludtod 10 (“Itinangis ng plasa ang mortal nitong panginoon”) ay maituturing na isang panig ng pagtanaw mula sa mga mamamayang nakaaangat sa lipunan at siyang nakababatid ng halaga’t mahabang kasaysayan ng tinutukoy na fountain. Salungat ang naturang taludtod kung itatagis sa mga taludtod 25-30—ang pagtanaw naman mula sa panig ng mababang saray ng lipunan—dahil “pamatid-uhaw” pa rin ang fountain kahit gastado na’t sira. Matagal nang nakatimo sa mga sinaunang kawikaan ng Filipinas ang nasabing kapalaran. “Natutuyo kahit ang bukal,” wika nga sa Tagalog. Maitatambis ang gayong kawikaan sa “Wala sing tuburan/ Nga dili mahubsan,” na hango sa Hiligaynon. O di kaya’y sa pangaral ng Ivatan hinggil sa halaga na tubig: “Anu makolay u vito am mauri u kadidieu/ Mo su sinmo nu kanum.” Totoo, ganap lamang natin mababatid ang halaga ng balon kapag tuyot na ang tubig sa loob niyon. Balikan ang publikong pabukál sa sinaunang Roma at Italya, at mahihinuhang kinakargahan ng ideolohiya ang ngangayuning fountain na may parehong papel.

Samantala’y ang palabis (i.e., hyperbole) sa taludtod 11 at 13 ay nagtatangkang magpasok ng bagong pagtanaw sa idinulot na pagkasira ng artipisyal na bukál. Bakit pulos “bagwis” (dahon?) ng akasya lamang ang binanggit at nakaligtaan yata ang mga plastik o papel na isinadlak ng hangin sa fountain? Mapupuwing din ang salitang “nangagsisid” sa taludtod 12 dahil lumulutang ang dahon na taliwas sa paglubog ng anumang mabigat na bagay kung ibabatay sa agham. Mapagbibigyan ang nasabing pagtanaw kung tatanggapin ang pabalintunang timpla ng mga salita, halimbawa na ang siglang sinasagisag ng “bagwis” kung ihahambing sa “pagkaagnas” at pagbabalik sa pinagmulan (taludtod 15). Ang adnominatio sa “libo-libo” at “langkay-langkay” ay tila pagdiriin ng pagkakapantay-pantay sa gitna ng pagkaagnas o kamatayan, bagaman hindi sintindi ng pagpapamalay kung ihahambing sa tila baul na fountain at lihim na nagtataglay ng mga bakás o alaala ng dating mga ginintuang isda.

Ang pabalintunang pahayag ay iigting sa mga taludtod 19-24. Ang teksto ng mga salitang “mikrobyo,” “burak,” “kiti-kiti,” “kulisap,” at “lumot” ay ikinabit sa teksto ng “dinalisay,” “pinagpala,” at “kinumutan.”Ang resulta’y isang uri ng pailalim na diskurso: ang paradoha mula sa magkataliwas na mga katangiang ipinaloob sa iisang larawan. Maparikala naman ang mga taludtod 25-30, kung isisingit na hindi naman talaga ganap na naglaho ang tubig o ang fountain, gaya ng isinasaad sa mga taludtod 1-2. May estetikang silbi—alinsunod sa pakahulugan ni Jan Mukarovsky—ang sirang fountain para sa dukha, bagaman isa nang pangit at walang pakinabang sa sinumang tao na humahanap ng maganda, mabango, at sariwang publikong bukál. Nagbubukas samakatwid yaon ng subersibong diskurso hinggil sa namamayaning pagsipat sa ornamental at mekanikal na bukál, bilang paghahanda at pananda sa maaaring maging diyalohikong tumbasan na mauugat kaipala sa retorikang tanong ng persona.

Hinahamon ng persona na pumaloob sa isang diyalogo ang kaniyang kausap sa pamamagitan ng pangwakas na tanong (taludtod 31-33). Na maaaring sagutin o hindi sagutin dahil mistulang sala-sa-init, sala-sa-lamig ang magiging sagot. Gayunman, ang gayong linya ng pangangatwiran ay mahihinuhang pagbali sa katwiran ng nakagawiang pagtanaw hinggil sa ornamental at mekanikal na bukál, ang bukál na higit na kasiya-siyang masdan imbes na maging tulay lamang upang pahabain ang buhay. Masisipat na ang Fuente de Juvencio ni Ponce de León ay siya ring Fuente de Juvencio ng taong-grasa (mga taludtod 28-29) alinsunod sa matalinghagang pamamaraan. Subalit ang “balon ng buhay” ay kaugnay ng isa pang balakid: ang kamatayan. Napatay ang eksplorador dahil sa kaniyang kasakiman, at marahil mamamatay ang taong-grasa sanhi ng kaniyang kamangmangan o dili kaya’y kawalan ng bait. Sa isa pang panig ng diyalohikong talakay, masasabing maláy na hinanap ni Ponce de León ang mahiwagang matang-tubig upang humaba ang kaniyang buhay at maghunos sa pagkadiyos ngunit siya’y nabigo. Taliwas na taliwas ito sa taong-grasa na di-maláy o di-alintana ang kaniyang ginagawang pag-inom ng tubig na pulos mikrobyo, at marahil hindi rin nagsasaalang-alang kung dapat pa nga ba siyang mabuhay o umiral nang matagal sa daigdig.

Pauyam at nababahiran ng parikala ang pangwakas na tanong sa tula, kung uuriin ang personang naghain ng tanong. Ang persona ay mahihinuhang hindi karaniwang mamamayan, bagkus nakatataas sa aspektong intelektuwal, kung hindi man sa aspektong panlipunan at pang-ekonomya, kung ihahambing sa mga nanggigitatang mamamayan na kaniyang tinukoy sa tula. Hinihimok ng persona ang kaniyang kausap na pumaloob sa diskursong “Sino’ng magsasabing hindi ito/ Ang balon ng buhay/ na hinanap-hanap ni Ponce de León?” Na maaaring sagutin nang alinsunod sa pinakamababang saráy ng tumbasan ng mga aspekto ng “Matang-tubig,” “eksplorador,” at “Bimini” ng Nakalipas na Panahon sa isang panig; at ng “fountain,” “lagalag,” at “plasa” ng Kasalukuyang Panahon sa kabilang panig, habang ipinipilit ibuhol ang diskurso ng pag-inom sa bukal ng inmortalidad at ng pagtighaw sa panandaliang uhaw sa pisikal na antas ng isang mortal.

Samantala’y kung ituturing na kargado ng ideolohiya ang naturang tanong, alinsunod sa talakay ni Valentin Voloshinov, ang sagot ay magiging taliwas na diskurso dahil kongkistador ang hulagway ni Ponce de León sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay sakop ng autoridad at maykaya ang “mga nanggigitatang mamamayan sa plasa.” Bukod pa rito’y ipinapangako ng “Fuente de Juvencio” ang inmortalidad makaraang makalusot sa pagsubok, samantalang ang “sirang fountain” ay makapaghahain lamang ng panandaliang pagraos sa pisikal na uhaw ngunit makapagdudulot din ng sakít sanhi ng mikrobyo. Nasa antas na mito o kinathang kasaysayan ang kay Ponce de León, samantalang nasa antas ng realidad o kakatwa ang panig ng mga nanggigitatang mamamayan. Lihim ang matang-tubig ng Bimini na laan lamang sa mga tarikán at malayo sa mata ng madla, samantalang ang plasa na kinalalagyan ng publikong fountain ay lantad sa paningin ng madla at madaling maabot. Kung likás ang “balon ng buhay,” isang artipisyal na estruktura ang “sirang fountain.” Pinananaig ng sinaunang alamat ang patalinghagang pagdulog sa buhay, samantalang iginigiit ng kontemporaneo’t sirang estruktura ng bukál ang literal na pag-iral nang di-malay sa kaligiran. Napakapayak samakatwid sa unang malas ng “Sirang Fountain” ni Ronald A. Atilano, subalit ikinukubli lamang niyon ang tunay na nagsasalimbayang agos: ang diyalohikong pag-iral sa ating daigdig.

Marami pang pagbasa ang mailalapat sa nasabing tula. Isang hamak na pag-urirat lamang ang ginawa ko. Na maisasantabi, at maituturing na paghipo sa matang-tubig ng dakilang pakikipagsapalaran. (Roberto T. Añonuevo, 2 Hunyo 2004)

Ideolohiya ng Katipunan sa “Bangkay na nang Abutan” ni Florentino T. Collantes

 

Isa sa mga makatang Tagalog si Florentino T. Collantes (1896-1951) na nakaligtaang pag-ukulan ng karampatang pag-aaral at panunuri nang mahabang panahon sa larangan ng panitikang Filipino. Makitid ang pagkilala sa naturang makata. Hinangaan ang taginting ng kaniyang tinig sa mga balagtasan at koronasyon; pinuri subalit hindi sinuri ng masa ang kaniyang mga tula, gaya ng “Ang Lumang Simbahan”1; at kinagiliwan o kinainisan ang panunudyo niya bilang Kuntil Butil sa pitak patulang “Buhay Lansangan.” Maski ako’y bantulot na balikan pa si Collantes noon. Ano pa nga ba ang mapapala sa pagbabalik sa nakaraan? Ngunit sa kung anong pagtitiyap ng tadhana, nakilala ko ang mga anak niyang sina Lydia Collantes-Villegas at Loreto Collantes-Cotongco sa pamamagitan ng ninang kong si Liwayway A. Arceo. At ang sumunod ay nagpabago sa akin nang malaki.

Sinuyod ko ang koleksiyon ng mga akda ni Collantes sa aklatan ng UP Diliman. Binasa ko rin nang ilang ulit ang mga iniingatang antigong papeles mula sa kaniyang pamilya. Ininterbiyu ko ang kaniyang malalapit na anak, at ang ilang nakakikila sa kaniya. Nang lumaon, ang pagkamainipin ko ay nahalinhan ng malalim na paghanga at paggalang. Natuklasan ko noon na maaaring basahin pala ang mga tula ni Collantes sa iba’t ibang antas. Una, sa antas na paimbabaw at palasintahin, at karaniwan upang kagiliwan. Ikalawa, sa antas na satiriko at pampolitika, yamang tigmak sa politika at himagsik ang kaniyang mga akda. Ikatlo, sa antas na nagtatagpo ang impluwensiya ng kasaysayan at ng namamayaning panitikang Tagalog sa panahon niya. At ikaapat, sa antas na ang tula ay matimbang na idinisenyo upang bigkasin o awitin sa entablado, at hindi lamang upang namnamin sa pahina ng aklat o iba pang babasahin. Ilan lamang ito sa samot-saring posibleng pagbasa sa mga akda ni Collantes.

 

Sa puntong ito, ibig kong balikan ang kaniyang tulang “Bangkay na nang Abutan” na nalathala sa Pakakak noong 23 Disyembre 1922. Maaaring sipatin ang tula, na aking maipapanukala, sa lente ng ideolohiya ng Katipunan na mauugat sa mga teksto nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. May haka ako na malakas ang impluwensiyang inilagda ng Katipunan sa paglago ni Collantes bilang makatang Tagalog (gayundin ng iba pang makatang kapanahon niya) noong bago sumiklab ang Ikalawang digmaang Pandaigdig. Masasalat sa daan-daang tula ng nasabing makata ang paulit-ulit na paglitaw ng mga konsepto ng “Inang Bayan,” “puri,” “kalayaan,” “katwiran,” “liwanag,” “dilim,” “ginhawa,” “pag-ibig,” “katotohanan,” at iba pa—na pawang ipinahiwatig sa sari-saring hulagwáy at pinalakas sa pagsasakatawan ng mga dalumatang bayan—at tila sinagap sa alingawngaw ng mga akda ng Katipunan. Maihahalimbawa rito ang mga tulang pangkolum ni Collantes, na sinulat sa paraang tila balangkas ng sanaysay at ginamit sa pamumuna sa mga nagaganap sa kaniyang lipunan. O ang mga sariling akdang pambalagtasang itinanghal kung saan-saan, bukod pa ang balagtasang pinagsanib na binuo nila ni José Corazón de Jesús; ang mga tulang pamutong sa maririkit na dalaga na inihalintulad ang pagkamasanting sa Luzon, Visayas, at Mindanao; ang mga tulang pakasaysayang hinagod sa kapana-panabik na taktika; o ang mga tulang pambata na nagsasaad ng pahiwatig ng paglaya at kapatiran. Iisa ang pinakasahig ng lahat: ang pagkakamit ng kalayaan, at ang pagtataguyod ng bagong kaayusan, lalo sa pambansang antas.2

 

Hindi kathang-isip lamang ang impluwensiya ng tinagurian kong Katipunismo—ang lawas ng ideolohiya ng Katipunan—sa mga akdang Tagalog. Kabilang sa matitingkad na halimbawa ang mga akda ng gaya ng kina Faustino Aguilar, Julian Cruz Balmaseda, José Corazón de Jesús, Benigno Ramos, Iñigo Ed. Regalado, at Aurelio Tolentino. Masisilayan sa kanilang mga akda ang paggamit ng mga konsepto ng Katipunan na malimit ipinapaloob sa isipan at damdamin ng mga tauhan; at sa mga alusyong ipinahihiwatig ng mga salitaan, tagpuan, at banghay.3 Lumihis nang malaki si Lope K. Santos sa gayong linya, nang ipasok niya sa unang pagkakataon ang konsepto ng sosyalismo sa kaniyang nobelang Banaag at Sikat (1906), at ugatin ang suliranin ng mga manggagawa. Masasabing unti-unting humina naman ang halina ng Katipunismo sa panitikang Filipino nang tumanyag ang modernistang pagdulog na “ako/kaakuhan” ni Alejandro G. Abadilla noong 1937, at nang lumaon ay gamitin niya ang konsepto ng “dilim” na taliwas sa konsepto ng “dilim” o “karimlan” ng Katipunan.

 

Ang ideolohiya ng Katipunan na aking binanggit dito ay maaaring tingnan sa tatlong yugto. Una, ang pagtatanggol ng kalayaan laban sa anumang elementong mapanakop at ang pagtatakwil sa “karimlan.” Ikalawa, ang pagbabalik sa dating kalagayang “maginhawa” bago sumapit ang pananakop, at ang pagkakamit ng “liwanag.” At ikatlo, ang pagbabalangkas ng mga bagay o kaisipan na pawang makapagbubuo ng bagong kaayusan sa sarili (Tao) o sa lipunan (Inang Bayan o Haring Bayang Katagalugan).4

 

Sa mga akda nina Bonifacio at Jacinto, ang mabibigat na talinghagang lumitaw ay ang sumusunod: Una, ang “dilim” (pananakop) at “ningning” (palilinlang) laban sa “liwanag” (pakikibaka o kalayaan). Ikalawa, ang “kamahalan” ng tao na nagpapahiwatig ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan anuman ang kanilang lahi, kulay, pananalig, o uring panlipunan. Ikatlo, ang balighong pagtinging “kaalipnan” na dapat iwaksi at ang pagpapalaganap ng “kalayaan” ng tao at ng bansa na kaniyang kinaiiralan. Ikaapat, ang pagtatanggol at ang pagpapanatili ng “puri” ng bawat tao. Ikalima, ang “kaginhawahan” na dapat makamit habang umiiral sa daigdig. Ikaanim, ang pagtalikod sa di-kinakailangang “layaw” ng maykaya at ang pagtango sa esensiya ng “paggawa” sa panig ng dukha. Ikapito, ang pagtataglay ng “katwiran” upang mabatid ang inilingid na “katotohanan” sa taumbayan noong panahon ng pananakop. Ikawalo, ang “pag-ibig” na hindi lamang limitado sa magkakadugo, magkakaibigan, o magkakapangkat kundi tumutukoy sa pagpapalaganap nito sa buong bansa (i.e., Katagalugan). At ikasiyam, ang pagputol ng relasyon sa “Inang Pabaya at Sukaban,” “Inang Salanta,” at “Inang Kuhila” (“nación” alinsunod sa pananaw ng mga ilustrado, at siyang mapanakop) at ang pagtataguyod ng “Inang Bayan” o “Haring Bayang Katagalugan” (bansang nagsasarili). Ang naturang mga konsepto ay nakapaloob sa isang tiyak na lawas, ang lawas ng kaisipang Katipunan.5

 

Espera ng pagtula

Nalathala ang “Bangkay na nang Abutan” nang papalakas ang puwersa ng Estados Unidos at humihina naman ang saklaw ng Espanya dito sa Filipinas. Mabuway ang kabansaan noon ng Filipinas, dahil sa “mapagkandiling asimilasyon” na pinalaganap ng mga Amerikano sa buong kapuluan bukod pa sa pag-ampon ng bagong pangkat ng mayayamang Filipino upang kasangkapanin sa pananakop. Mulang politika hanggang edukasyon, mulang aliwan hanggang kalakalan, iginiit ng Estados Unidos na kinakailangan pa umanong maghanda ang Filipinas bago nito makamit ang asam na kasarinlang ipinangako ng bayaga. Ito ang panahon na masasabing ininugan ng tula ni Collantes.

 

Binubuo ng 218 taludtod na hinati sa apat na bahagi ang “Bangkay na nang Abutan.” Dominante sa bawat saknong ang sukat na lalabing-animing pantig, at winawakasan kundi man sinisingitan ng mga sukat na lalabindalawahin, wawaluhin, at aapating pantig. Bawat saknong ay may isahang tugma, na mahihinuhang alinsunod sa taktika ng pagsisimula, pag-untol, o pagwawakas ng mga pambigkasang tula. Waring sadyang ibinalangkas ang tula sa paggamit ng malulumay na pandulong tugma upang iangkop sa balangkas na pasalaysay. Ibang-iba ang tabas ng gayong tugmaan sa mga pambalagtasang tula ni Collantes, na malimit mabibilís, mararagsâ, kundi man malulumì, ang mga pandulong tugma.

 

Lumihis si Collantes sa nakagawiang pagtula noon na pantay-pantay ang bilang ng mga pantig sa bawat saknong ng tula. Sa unang malas ay maihahakang bungi ang kaniyang taludturan. Ngunit kung sisipating maigi’y mababatid na nagtatangka nang sumubok ng malayang taludturan ang makata, bagaman hindi ganap, sa panahong mahigpit ang batas hinggil sa tugma at sukat ng panulaang Tagalog—na mauugat, kaipala, mula pa sa mga awit na sinulat ni Francisco Balagtas.

 

Ang tatlong pilas na persona

Sa unang malas ay maiisip na hinggil sa pag-ibig at pagkadalaga ang tula ni Collantes. Ngunit kung uuriin nang maigi, ang payak na pag-ibig at ang ritwal ng pagdanas sa pagkadalaga ay hindi basta gayon lamang kundi nagtatangkang pumasok sa higit na mataas na paghihiwatigan, at kargado ng pampolitikang kulay. Ito ay kung isasaalang-alang na ang “babae” sa tula ni Collantes ay hindi neutral na salita. Hindi siya basta karaniwang tao na may kasarian at kakayahang makapagbuntis lamang; o kaya’y may damdaming pinaniniwalaang angkop lamang sa kaniyang katauhan. Bagkus, maaaring tumayong sagisag din siya bilang “Inang Bayan,” “Inang Sukaban” o “Inang Kuhila” gaya sa paggamit ni Collantes ng parehong talinghaga sa iba pa niyang tula, halimbawa na sa balagtasan at koronasyon.

 

Maisasalin ang madulaing tagpo ng tula sa sumusunod.

 

Umiinog ang “Bangkay na nang Abutan” sa katauhan ni Presentación Zulueta, isang dalagang dukhang napilitang magtrabaho bilang baylarina sa San Juan upang kumita nang kaunti, makapagtapos ng kurso sa kolehiyo, at nang maipagamot ang kaniyang inang maysakit. Sa unang yugto ng tula, itinago ni Presentación ang kaniyang katauhan sa pangalang Elena, ang babaeng magiliw sa lahat ng tao subalit nagiging mailap sa sinumang nagtatangkang ilugso ang kaniyang puri. Hinangaan siya’t niligawan ng maraming lalaki doon sa kabaret dahil sa angking kariktan, hanggang umabot sa puntong muntik nang magkamatayan ang dalawang binatang kapuwa marubdob ang pagnanais na maangkin siya. Hinimatay si Elena nang masaksihan ang marahas na pangyayari. Bigla siyang naglaho sa kabaret mula noon, at inakala ng karamihang siya’y namatay.

 

Sa ikalawang yugto ng tula’y muling lumitaw si Presentación subalit sa katauhan ni Milagros. Nagtrabaho sa isang perya doon sa Binundok, si Milagros ay pinagkakaguluhan ng mga binata tuwing gabi dahil likás siyang maganda’t mabuting makisalamuha. Napuno ang palarong tumbukan na kaniyang pinamamahalaan, at bawat binata’y nagnanais na mapasagot siya. Gayon man ay malimit siyang tumanggi dahil bata’t sadyang “di pa alam ang gumiliw.” Isang gabi’y may binatang nawalan ng bait dahil sa pagkabatid na wala siyang siyang pag-asang maangkin ang dilag. Binunot ng lalaki ang kaniyang patalim, at sa harap mismo ni Milagros ay nagpakamatay. Nadawit ang babae sa gulo, dinala sa presinto, ngunit pinakawalan din ng pulis makaraang masiyasat na walang kasalanan sa naganap. Datapwat nabalisa si Milagros sa nasaksihan, at nagpasiya mula noon na hindi na muling magbabalik sa peryahan.

 

Lumantad si Presentación sa ikatlong yugto bilang estudyanteng kumuha at nakapagtapos ng kursong parmasya. Maraming binatang kamag-aaral ang napaibig sa kaniya, ngunit nagbantulot manligaw, hindi lamang dahil maganda siya, kundi dahil nagtataglay din ng talino at sigasig sa pag-aaral. Pinatunayan ni Presentación ang angking talento nang sumali at magwagi sa timpalak doon sa paaralan, dagdag pa ang pagkakamit ng karangalang maging valediktoryan nang magtapos. Inulan siya ng papuri’t parangal, at ibinandila pa ng mga pahayagan ang kaniyang natamo. Namangha ang mga lalaking dating manliligaw niya, at hindi makapaniwalang ang babaeng nakilala nilang “Elena” sa kabaret o ang “Milagros” sa perya ay kamukhang-kamukha ni Presentación.

 

Sa ikaapat at pangwakas na yugto, inilarawan si Presentación na nakasuot pa ng toga’t tangan ang diploma pauwi sa sariling tahanan. Ihahandog sana niya sa kaniyang ina ang natamong karangalan sa paaralan ngunit sa kasamaang-palad ay nabigo. Yumao ang kaniyang ina dahil sa tisis. Namighati ang dalaga, dahil batid niyang malaki ang isinakripisyo ng ina makapagtrabaho’t makapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang anak. Ang parikala’y ang anak na nakapagtapos ng parmasya ay hindi nagamot o nalunasan ang sakit ng ina. Nagwakas ang tula sa pataghoy na pagtatanong ng dilag kung nasaan na ang kaniyang ina.

 

Lunan ng pananagisag

Si “Elena” na kumakatawang baylarina ay maaaring sumagisag hindi lamang sa katayuan ng sex worker, o kaya’y ng isang bituin sa Santakrusan. Bagkus maging sa kalagayan ng “Katagalugan.”6 Kaugnay si Elena sa paglukob ng di-nakamihasnang karimlan (i.e., prostitusyon)—na kasudlong ng lumalaganap na dilim sa loob ng kabaret, at maging sa isip at loob ng mga lalaking konstumer na manliligaw ng nasabing dilag. Si Elena, kung gayon, ay hindi lamang babaeng masisipat na isang nilalang na nakapagdudulot ng aliw at sexual na kaluguran, alinsunod sa punto de bista ng kostumer. Sa isang banda’y maituturing din siyang lunan na malimit pagtangkaang sakupin ng sinumang may kapangyarihan, lakas, at kayamanan. Bukod pa rito’y maihahakang ang mga lalaking ibig umangkin sa kaniya, sa pamamagitan man ng yaman, impluwensiya, panunuyo, o dahas, ay puwedeng sipating nagbibigay ng nakabubulag na “ningning” alinsunod sa ibig ipakahulugan ni Jacinto. Ang ningning na “nakasisilaw at nakasisira ng paningin.” Batid ito ni Elena, na ang lilo at tampalasan ay pawang pumapasok sa katauhang mapagbalatkayo upang maikubli ang tunay na layong manakop, at siyang kabaligtaran ng dalisay na pag-ibig at kagalingan.

 

Itinuturing si Elena na maaaring bilhin o angkinin ng sinumang maykayang kostumer. Ngunit matibay ang tiwala ng dilag sa sarili; at hindi pumayag tingnan siyang isang bagay na may halaga’t pangalakal. Higit niyang pinahalagahan ang kaniyang “puri.” Ang “puri” dito ay hindi lamang maipapakahulugan ng “pagkabirhen” sa sex. Nakatuon din iyon, lalo na, sa pagtatanggol na malupig ang pagkatao; at sa pag-iwas sa mga puwersang lumalapastangan sa pisikal na katawan ng tao o sa lawas ng lipunan. Tandaang lumihis si Elena sa pinaiiral na dayong paniniwala—na ang pagiging baylarina ay halos singkahulugan ng pagsiping sa kama sa sinumang lalaking makapagbibigay ng karampatang halaga.

 

May kasabihan noon na popular, at maaaring balikan.

 

Ang sa dalagang puri,

Pasukin man ng marami,

Kung ang alaga’y mabuti,

Walang makapangahas muti.7

 

Na tila alingawngaw ng asal ni Elena. Kaugnay ng “dangal” at “kalayaan” ang “puri,” at patunay ang isa pang kawikaan: “Ang taong walang puri,/ Saan man patungo ay api.”//8 Maitatambis ito sa isa pang kawikaan:

 

Ang puri ng tao kung pahahalagahan

ay para ng tubig na nasa tapayan;

kamunting langis at ito’y mapatakan,

 

di na iinumin at pandidirihan.9

Mabigat ang isa pang gamit ng “puri” sa tradisyon ng Tagalog, at mahuhugot ito sa isang salawikain: “Ang ari’y sa sarili,/ Ang puri’y sa marami.//10 Kung babalikan naman ang Florante at Laura ni Francisco (Balagtas) Baltazar, dalawang ulit lumitaw ang salitang “puri” na binigkas ni Florante nang may himig na pabalintuna:

 

16 Ngunì, ay ang lilo,t, masasamang loob

sa trono ng puri ay inilulucloc

at sa balang sucáb na may asal hayop

mabangong incienso ang isinusuob.

 

* * *

19 ¡O tacsíl na pita sa yama,t, mataás!

¡o hangad sa puring hanging lumilipas!

icao ang dahilan ng casamáng lahat

at niyaring nasapit na cahabághabág.11

 

Sa aral ng Katipunan, hinigit pang lalo ang pakahulugan ng “puri”—na bukod sa isinasaad ng mga salawikain at bugtong—at kinargahan ng ideolohikong pahiwatig. Isinaad ni Jacinto ang kaibhan ng pagtataglay ng “mataas na kalooban.” Paalala niya, “Ang may mataas na kalooban [ay] inuuna ang puri [kaysa] pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili [kaysa] puri.12 Kung ilalapat ito sa tula ni Collantes, si Elena ay mahihinuhang nagtataglay ng “mataas na kalooban” dahil sa matinding pagpapahalaga sa “puri” kaysa pansarili’t karnal na kaginhawahan. Ang kapurihan ni Elena ay tataglayin niya hanggang sa paghuhunos sa katauhan ni Milagros bilang peryante, at sa pagiging Presentación na nagtapos ng parmasya’t nakatakdang gumanap ng papel bilang bagong parmaséutiko.

 

Ang mataas na kalooban

Sa isang banda’y ang pagpapanatili ng pansariling “puri” ay kaugnay pa ng isang katangian: ang pag-ibig sa ina. Hindi ibig ng dalaga na madungisan kahit ang pangalan ng kaniyang magulang. Kaya masisipat din na ang dahil ng kaniyang sigasig at pagsisikap ay hindi pansarili (Ako’y naghahanapbuhay upang maipagamot ka’t/ upang ako’y makatapos ng parmasya.) Ang lunggating maging ganap na parmaséutiko ay may dalawang sanga na pawang mahalaga para sa dilag: una, upang lunasan ang tisis ng kaniyang ina; at ikalawa, upang lunasan ang dukhang kalagayan nilang mag-ina. Kung hihigitin pa ang mga pahiwatig, masasabing ang kaganapan ng pagkaparmaséutiko ni Presentación ay naglulugar din sa kaniya doon sa bago’t mabigat na tungkulin—ang aktibong makilahok sa paggagamot ng sakit ng higit na malawak na lipunan. Ang ugnayan ng inang maysakit (pampamilya) at Inang Bayang sakop ng dayuhan (panlipunan) ang dalawang talinghagang haharapin ng tatsulok na katangian ni Elena-Milagros-Presentación.

 

Kung sisipatin sa Katipunismo, ang Elena na baylarina ang yugto ng “dilim” o ng nakabubulag na “ningning.” Samantalang ang Milagros na peryante ang yugto ng paghahanap ng “liwanag” at pagtatangkang bumalik sa dating maginhawang kalagayan. Ikatlong yugto ang Presentación na parmaséutiko, na magpapahiwatig ng pagkakamit ng katwiran, ang paglayo sa dating madilim na nakalipas, ang pagbubunyag ng katotohanan, at ang pagtataguyod ng bagong kaayusan sa sarili at kaligiran. Maaari ding tingnan si Presentación bilang sagisag ng deskolonisasyon, ang gahum na magpapahilom hindi lamang sa sakit ng katawang pisikal, kundi maging sa tinaguriang “kanser ng lipunan.”

 

Mababatid ang magandang loob ng persona sa tula hindi lamang sa pagtingin sa kaniyang ina kundi maging sa ibang tao. Pantay-pantay ang pagtingin ni Elena sa kapuwa niya. Sa kabaret, Siya’y hindi namimili, kahit sino ang mauna/ kahit pangit at marumi’y doon siya sumasama./ Hindi maselang makipagkapuwa si Elena kahit siya ang pinakasikat. Para sa kaniya, mahirap man o mayaman, ay walang pagkakaiba. Ito’y gaya ng nakasaad sa sinulat ni Jacinto: “Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat iisa ang pagkatao ng lahat.”13 Pinalawig pa ni Jacinto ang gayong diwain sa pagsasaad na wala sa angking kapangyarihan, o sa katangiang pisikal ng tao, o sa kalagayan niya sa lipunan, ang nagtatakda ng “kamahalan ng tao.” Bagkus, “Wagas at tunay na mahal ang tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang-asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.”14

 

Noon pang siglo 1900, naitala na ang puta-putaking paglitaw ng mga bahay-aliwan at lunan ng prostitusyon sa Maynila. Kung ang Intramuros noon ang sentro ng komersiyo, Binondo naman ang sentro ng prostitusyon dulot ng pagtataglay nito ng mga hotel, teatro, at malaking populasyon ng mga obrerong Tsino.15 Ang “kabaret” at “salon” na lumaganap, kundi man sadyang pinalaganap, noong pananakop ng Amerika sa Filipinas ang maituturing na banyagang layaw. Ang kabaret bilang lunan ng organisadong prostitusyon at aliwang sexual ay nagtuturing na “mababa” ang babae kompara sa lalaki. Taliwas ang gayon sa mga itinakdang aral ng Katipunan. Ano-ano iyon? Una, na hindi dapat tingnan ang babae bilang libangan (i.e., puta o parausan ng libog); bagkus “isang katuwang at karamay sa mga kahirapan sa buhay.”16 Ikalawa, dapat siyang igalang. Ikatlo, magkapantay ang katayuan ng lalaki at babae, bagaman magkaiba ang katangiang pisikal. Ikaapat, at higit sa lahat, lalaki ang dapat maging gabay ng asawa’t anak lalo sa gitna ng kahirapan.

 

Ang kawalan ng lalaking gagabay kay Elena ay magsisimula sa tahanan yamang maagang namatay ang kaniyang ama; higit pang lalawak iyon kapag isinaalang-alang na kahit ang mga kostumer na lalaki sa kabaret ay hindi nakapagtaguyod sa babae bilang kabalikat sa buhay. Dagdag pa ang mga lalaking parokyano sa perya, na pawang umasang makakamit si Milagros nang gaya sa sugal. At ang mga lalaking kamag-aaral ni Presentación na walang lakas ng loob manligaw dahil higit na matalino at masikhay sa pag-aaral ang babae kompara sa kanila.

 

Hindi natagpuan ni Elena sa kabaret ang inaasahan niyang makapagpapalaya sa kaniya sa karukhaan at dustang kalagayan. Bagkus nagdulot pa iyon ng kapighatian dahil sa gulong kinasangkutan ng dalawang lalaking marahas na nagtunggali upang maangkin siya. Sa pahiwatig ng kolonyalismo, si Elena (Inang Bayan) ang lupaing ibig sakupin ng dalawang puwersang dayuhan (Espanya at Estados Unidos) na kapuwa gagamit ng dahas maangkin lamang ang ibig. At ang pagkahimatay ng babae ang sukdulang paglubog sa dilim: ang pagsasalikop ng talinghaga ng kahinaang pisikal at ng pagkabulid sa baluktot na isip, paniniwala, at gawa na pawang “nakalulumpo ng loob.”

 

Ang muling pagmulat at pagbangon ni Elena kung gayon ay masisipat na pahiwatig ng pagtatangkang mapanumbalik ang “katwiran” at ang “liwanag” ng isip. Sentral ito sa turo ni Bonifacio: na hindi dapat sayangin ang panahon para umasa sa kung sino na may “ipinangangakong kaginhawahan” na hindi naman darating o magaganap. Walang dapat asahan kundi ang sarili, aniya, at hindi dapat hintayin sa iba ang pagsapit ng mabuting kalagayan.17

 

Landas ng katwiran

Gayon man ay hindi madaling makamit ang “katwiran.” Kailangan ang matinding pagsisikap at tiyaga para matagpuan iyon, gaya ng isinasaad sa Katipunan. Bakit? Dahil ang katwiran ang maglalantad ng baluktot na halagahan, gaya ng pag-iral at paglaganap ng mga banyagang konsepto ng aliw at huwad na pag-ibig doon sa kabaret at perya. Ang katwiran din ang magmumulat sa tao na gaya ni Milagros hinggil sa kaniyang mabuwáy na kalagayan na pinagtatangkaang lupigin at pagsamantalahan. Ang paghahanap ng katutubong lakas at talino—na kapuwa magagamit upang lumaya sa karukhaan, o sa sakit na pisikal at espiritwal—ang simula samakatwid ng pag-angkin ng katwiran.18

 

Patalinghaga ang paglalarawan ni Jacinto hinggil sa “katwiran.” Ang katwiran, aniya, ay dapat ayon sa wastong bait na kailangan upang mabatid ang mabuti at masama. Hindi ito lumilihis sa katotohanan. Nakabatay ito sa kalayaan ng tao na “umisip at gumawa ng ano mang ibigin” nang may pagsasaalang-alang sa kabutihan, katwiran, at kalagayan ng ibang tao. Katwiran at hindi “katwi-katwiranan” lamang ang dapat taglayin ng tao at ng bayan upang makamit ang kaginhawahan.

 

Kailangang maibangon ang nalugmok na puri’t katwiran, ani Jacinto, sa panibagong buhay. At ang bagong pamumuhay ay nangangailangan ng bagong pag-uugali.

 

Si Elena na naghunos Milagros at naging bituin sa perya ay muling aakitin ng nakabubulag na “ningning.” Mahihinuha ito mulang taglay na ilaw-dagitab ng perya at sa aliw na idinudulot ng sugal o ng palabas hanggang pang-aakit ng mga binatang manliligaw ng dilag. At gayon din sa pamamayani ng banyagang layaw na itatakda ng perya. Ang talinghaga ng “ningning” at ng “liwanag” ay kapuwa maglalaro sa buhay ni Milagros. Iyon din ang magtutulak sa kaniya upang higit na mag-ingat sa kaniyang mga manliligaw.

 

Ang perya bilang laráng ng kasayahan ay susubukin muli ang kapurihan ni Milagros. Maraming binatang nangagsiligaw kay Milagros ngunit binigo niya lahat. Ang pag-iwas ng persona ay maaaring sipatin sa mga sumusunod. Una, upang hindi na maulit ang away ng mga binata, gaya ng naganap sa kabaret. Ikalawa, upang mapanatili ng dilag ang kapurihan at maitago ang dating katauhang baylarina, o ang bagong katauhang estudyante. At ikatlo, upang makapagtrabaho at makapag-aral nang maayos nang walang iniintinding kasintahan. Ang pambalanang aliw na idinudulot ng perya ay mahihiwatigang nagkukubli sa panloob na lungkot na nadarama ni Milagros mulang tahanan at perya hanggang paaralan; o sa kaniyang pagpupunyaging makaraos sa hirap at sakit na dapat kabakahin.

 

Samantala, ang mga binatang parokyano na nanliligaw kay Milagros ay waring nagpapahiwatig ng kasalatan sa tunay at dalisay na pag-ibig. Bakit? Dahil inakala nilang puwedeng daanin, gaya ng pagtaya sa tumbukan o anumang sugal, ang pag-angkin kay Milagros. Pinakasukdulan na marahil ang asal ng lalaking sa labis na pagkahumaling kay Milagros ay sukat magpakamatay pa sa harap ng dalaga! Ang kawalan ng bait ng binata ay halos bumasag din sa bait na taglay ni Milagros. Subalit sa panig ni Milagros, magdudulot iyon sa kaniya upang magpasiyang ganap talikdan ang “dilim” at “ningning.” Iniwan ng dalaga ang perya, hinubad kahit ang balatkayong pangalan na “Milagros,” upang hanapin ang tunay na “liwanag” sa pamamagitan ng pagtatapos ng kursong parmasya.

 

Pansinin ang ginamit na mga pangalan ng persona sa tula. Ang “Elena” ay tila alusyon sa hinggil sa maalamat na Helen ng Troya, ang pinakamagandang babae sa daigdig, na inagaw ni Paris kay Haring Menelaus at pinagsimulan ng malaganap na digmaan. Ngunit sa tula ni Collantes ay hindi naangkin si Elena ninuman, at pinanatili ang kapurihan. Sa kabilang dako’y ang “Milagros” ay tila mababakas sa Birheng Milagrosa na pinaniniwalaang nakapagdudulot ng kagila-gilalas na himala at siyang ipinangangaral ng mga fraileng Kastila. Kung may pagkakahawig man sa tula, ang katangian ni Milagros na bumangon at maghunos ng pagkatao mulang baylarina tungong peryante at hanggang pagsisikap na makapagtrabaho nang malinis ay maituturing na higit pa sa isang himala. At ang “Presentación” ay puwedeng ituring na alegorya hinggil sa pagbubunyag ng katotohanan sa tatlong pilas na katauhan ng persona. Bukod pa ang paglalantad ng daloy ng kolonisasyon (Elena), kontra-kolonisasyon (Milagros), at deskolonisasyon (Presentación) sa antas na personal na buhay at sa antas ng panlipunang kalagayan. Sa Katipunismo, ang “Presentación” ang ganap na kaliwanagan, ang pagbangon ng katwiran, at ang tunay na pag-ibig at aliw.

 

Pagbuo ng bagong bukas

Taglay ni Presentación ang mataas na pagtingin sa paggawa. Na sa pagpapatulo ng sariling pawis at pag-iwas sa layaw ng katawan ang tanging makahahango sa kaniya sa karukhaan ng isip at katawan. Kabaligtaran iyon ng mapagpalayaw na buhay ng mga kostumer sa kabaret, o ng mga parokyano sa perya, o ng mayayamang estudyanteng palaasa sa magulang. Sa kabaret, tinitingnan ang babae bilang parausan ng layaw ng katawan. Sa perya, inaakala namang ang babae ay makukuha sa pamamagitan ng sapalaran at sugal. At sa paaralan, palasak dati ang paniniwalang higit na matalino ang lalaki sa babae at kaya madaling ariin ng una ang ikalawa. Ipinamalas ng katauhang Elena-Milagros-Presentación ang mga hungkag na paniniwala mula sa binanggit na tatlong lunan. Si Elena ay tumangging maging puta para kumita lamang ng salapi kapalit ng pagbibigay-layaw sa kostumer. Si Milagros ay hindi iniatang ang kinabukasan gaya sa suwerte sa sugal; at hindi pinaasa sa kung anong pangako ang kaniyang manliligaw. Ang kakatwa’y ang nagpatiwakal na manliligaw ang nagtakda pa ng sariling madilim na kapalaran. Samantala’y ang dunong at ang gandang pisikal at kalooban ni Presentación ay mistulang nagpangimi sa mga binatang kamag-aaral niya. Hindi nila akalaing mananaig ang nasabing dalaga na higit na hamak ang kalagayan ng buhay kaysa sa kanila.

 

Para kay Jacinto, malaki ang pagkakaiba ng “magtrabaho” (gaya ng dukhang nagbabanat ng buto upang mabuhay) at ng lumaki sa “layaw” (gaya ng mayaman na takót magkakalyo ang mga palad at pulos kaluguran ang hanap.) Itinuring niyang kadakilaan ang paggawa dahil nakapagpapalakas at nakapagpapayaman ito ng isip, loob, at katawan. Bukod pa rito’y ang pagkaabala sa trabaho ay naglalayo sa tao doon sa “buhalhal na kasalanan, maruruming gawi, at kayamuan.”19

 

Magkasanga ang konsepto ng “gawa” at ng “ginhawa” sa kabuuan ng tula. Nabigong matamo ni Elena ang “kaginhawahan” sa kabaret dahil ang nasabing lunan ng aliwan ay naghunos na larang ng pangamba, gulo, at kawalang-katiyakan. Minarapat ni Elenang maghunos na Milagros para makamit ang lunggating “ginhawa” sa perya ngunit muli, panandalian lamang iyon. Kumita nga si Milagros ngunit ang kapalit ay kahihiyang idinulot ng binatang nahaling at nabaliw sa kaniyang kariktan saka nagpatiwakal. Sa huling yugto ng tula ay hindi ganap ang “kaginhawahan” na natamo ni Presentación dahil bagaman naging valediktoryan siya sa paaralan ay yumao naman ang kaniyang ina.

 

Pambihira ang dalumat ng “ginhawa” kung babalikan ang pag-aaral ni Zeus A. Salazar, na unang pumansin sa maaaring pinagmulan at semiotika ng salita. Iniugnay niya iyon mula sa salitang Bisaya na katumbas ng “hininga” at sa rehiyon kundi man chakra ng sikmura, bago tinumbok ang kaugnayan niyon sa Katipunan. Pahambing naman ang paliwanag ni Virgilio S. Almario nang ugatin niya ang dalumat ng “ginhawa” sa teksto ng kolonisador at sa teksto ng taal na Tagalog.20 May apat umanong katangian ang dapat taglayin ng tao, ayon kay Fray Pedro de Herrera, upang makamit ang ginhawa. Una, malusog ang katawan. Ikalawa, dalisay ang loob. Ikatlo, payapa at malinaw ang pag-iisip. At ikaapat, walang takda o hanggahan (i.e., ganap na kaisahan ng lahat). Upang marating ang “purong liwanag” (kaginhawahan), kinakailangan umano munang dalisayin ng tao ang mga kasalanan ng “katawang-lupa.” Sa sipat ni Almario, ang inari’t limitadong interpretasyon ni Herrera alinsunod sa Kristiyanong pananaw ang ibig bawiin ni Bonifacio. Ang “ginhawa” para kay Bonifacio ay maaaring matamo habang nabubuhay ang tao sa daigdig. Paano? Sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan, maayos na kabuhayan, mabuting pag-iisip sa kapuwa, at pamumuhay [nang malaya] sa isang lipunang makatarungan, tahimik, at demokratiko.

 

Hawig nang kaunti ang pag-aaral ni Almario sa pag-aaral ni Reynaldo Clemeña Ileto na unang sumuri ng “ginhawa” na kaugnay ng mga konsepto ng “liwanag” at “dilim.” Sa Pasyon and Revolution (1979) ni Ileto, ang binanggit na “ginhawa” sa Meditaciones, cun manga mahal na pagninilaynilay na sadia sa Santong Pag-eexercicios (1645) ni Herrera ang gagamitin ni Apolinario de la Cruz sa kaniyang cofradia. Ang Dalít sa calualhatian sa langit na cararatnan ng mga banal na natagpuan sa mga papeles ni de la Cruz ay hango sa Meditaciones ni Herrera, at nagsasaad ng maaaring sapitin ng sinumang tao pag nakamit niya ang “liwanag,” ang yugto ng sukdol na kaganapan (perpeksiyon):

 

Arao nacapitapita

lalong caligaligaya

cun an macaguiguinhaua

matingnan ng ating mata.

 

Langit na masisilayan ang “ginhawa” sa nasabing dalít. At ang “ginhawa” na ito ay makakargahan ng pampolitika’t ideolohikong kulay nang sumapit sa Kartilya ni Emilio Jacinto at sa mga akda ni Bonifacio. Malalagom ang mga aspekto ng “ginhawa” na ayon sa Katipunan sa sumusunod. Una, bunga ng tunay na pag-ibig—na hindi lamang pansarili bagkus panlipunan din—ang ginhawa. Ikalawa, nakatuon ito para sa buong bayan at hindi sa iilang tao lamang, kaya nagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng mga tao. Ikatlo, sa matuwid na pamumuhay at nasa katwiran lagi ang ginhawa. Ikaapat, higit ito sa pisikal, pang-ekonomiya’t panrelihiyong laráng.21

 

Ang konsepto nina Bonifacio at Jacinto hinggil sa “ginhawa” ay maaaring ilapat sa tula ni Collantes. Ang paghuhubad ng babae ng kambal na katauhang “Elena” ng kabaret at “Milagros” ng perya ay pagsapit sa kaginhawahan ng pagpasok sa tunay na katauhang “Presentación.” Hindi naging kagyat ang paghuhunos, at mahihinuhang isang taktika ito ng makatang Collantes upang itanghal ang nagbabagong kaayusang pisikal at kamalayan ng persona sa tula. Hindi nakatuon sa langit ang pananaw ng kaligtasan ni Presentación. Bagkus, hinanap ng dilag ang kaginhawahan sa lupa habang nabubuhay. Ibig ni Presentación na palayain sa sakit na pisikal ang ina; umangat ang ekonomikong kalagayan sa pamamagitan ng propesyong parmaséutika; kalimutan ang masasamang gunita sa kabaret at perya na kapuwa nakapagdulot ng pangamba at bagabag; at mamuhay na matuwid, malaya, at maayos sa isang pook na kabaligtaran ng kaniyang sinapit mulang pagkasilang hanggang pagdadalaga. Ang pagkamatay ng inang tisiko (personal na responsabilidad) ay mahihiwatigang humahatak din kay Presentación upang ituon ang pansin tungo sa pagbuhay sa isa pang ina: ang Inang Bayan. Ang pagtuklas ng gamot sa sakit ng Inang Bayan at pagtatakwil sa “Inang Kuhila, Pabaya, at Sukaban” na tinutukoy ni Bonifacio ang panlipunang responsabilidad na dapat harapin ng bagong parmaseutiko.

 

Ang konsepto ng “kaginhawahan” ay isa sa mahahalagang diwaing ipinasok nina Bonifacio at Jacinto sa kamalayan ng pagkabansa. Taglay ng naturang salita ang pahiwatig hinggil sa paglaya mula sa pagkaalipin; at ang pagbabalik mula sa dating kalagayang masagana at buháy bago sumapit ang kolonyalismo.

 

Pangwakas na hibik

Sa kabila ng lahat ay maitatanong: Hindi ba pahiwatig ng pagsuko ang paghibik ni Presentacion nang maratnang patay na ang kaniyang ina? Hindi ba kabiguan na ring matatawag ang gayong tadhana kahit pa sabihing naging valediktoryan ang dalaga?

 

Ang pataghoy na sigaw ni Presentación (Inang, Ina, nasaan ka?) ay maaaring sipatin sa lunggating matagpuan ang tunay na “kalayaan” at “kaginhawahan,” gaya sa sumusunod: Una, ang magamot ang tisikong ina. Ikalawa, ang mapaghilom ang sakit ng kaloobang dinanas niya (Presentación) bilang baylarina/peryante/estudyante. Ikatlo, ang mapaginhawa nang ganap ang antas ng buhay at kabuhayan ng mag-ina bilang mamamayan at tao. Ang pagkawala ng isang may sakit na ina ay napalitan ng pagsilang ng tigulang na katauhan ni Presentación: matalino, matatag, at malakas. Bagaman hindi nakita ng ina ni Presentación ang tinamong tagumpay ng anak, naging saksi’t tinanggap naman ng buong bayan ang ginawang pagpupunyagi ng naturang dalaga. At ang kabiguan ng anak na gamutin ang sakit ng ina ay nagtutulak sa una upang harapin ang pagtulong sa paggamot ng higit na malawak at matinding sakit na dinaranas ng kaniyang Inang Bayan.

 

Ang “hibik” bilang talinghaga ay matagal nang kinasangkapan sa himagsikang Katipunan. Maaaring balikan ang tatlong yugtong tula na sinulat ni Hermenegildo Flores (“Hibik nang Filipinas sa Inang España); ni Marcelo H. del Pilar (“Sagot nang España sa Hibik ng Filipinas); at ni Andres Bonifacio (“Katapusang Hibik ng Filipinas”). Sa tula ni Flores, nananambitan ang Filipinas bilang anak ng Espanya na supilin nito ang pambubusabos ng mga fraile, at nananalig sa hustisya ng dayuhan. Sa tula naman ni del Pilar, pabalintuna ang patalastas na sagot ng Inang Espanya (“Inang salanta”) sa kaniyang “anak” na Filipinas na kailangan umanong magtiis ng mga pasakit, samantalang ibinubunyag ang kabulukan ng mga fraile at ng tiwaling gobyerno sa Filipinas. Ngunit sa tula ni Bonifacio, sumilang ang Katagalugan bilang “Inang Bayan” mula sa pananaw ng mga anakpawis at maghihimagsik, at ganap na winakasan ang salitang “Filipinas” bilang “nasyon” [nación] ng mga ilustrado-propagandista-prinsipalya. Higit sa lahat, ibinunyag pa sa tula ang Espanya bilang “Inang Sukaban, Pabaya, Kuhila, at Walang Habag” sa mga sinasakop nitong lupain at inaaring “mga anak.”22

 

Sa tula ni Collantes, mahihiwatigan ang tatlong mukha ng paghibik. Una, si Elena na inihibik ang gulong kinasangkutan sa kabaret. Ikalawa, si Milagros na siyang hinibikan ng tisikong ina (i.e., “salantang ina”) o ng madla dahil sa kahihiyang sinapit sa perya. At ikatlo, si Presentación na humibik sa inang namatay, at kaya kinakailangan ng dalagang itaguyod nang mag-isa ang buhay, bumuo ng sariling pamilya, at humanda sa pagiging ina sa hinaharap.

 

Ang pagkamulat ni Presentación sa katotohanan o ang pagkakamit niya ng katwiran ang magpapahiwatig sa tula ng hanggahang dapat lampasan ng kaniyang pag-ibig. Ang pagturing na magkakapantay ang bawat tao; ang pag-aalala o paggalang sa mga nasaktan, maysakit o namatay; at ang pagpili ng propesyong parmaseutiko ang ilan lamang sa mga katangian ni Presentación na humahatak sa kaniya tungo sa pagkilala sa pag-ibig sa malawak na lipunan.

 

Ang pag-ibig ang paulit-ulit nagpagunita sa nasabing persona upang igpawan ang kaniyang dukha’t dustang kalagayan noong nakaraang panahon. Iyon ang nagbigay ng katwiran sa kaniya upang umiral nang matagumpay bilang tao sa kasalukuyan. At tiyak, ang pag-ibig din ang maglalantad ng pag-asa sa babae upang harapin—kasama ang iba pa—ang bukas at mangibabaw sa pakikibaka. Matagal nang pinagbulayan ni Jacinto ang gayong agos ng buhay. “Ang pag-ibig,” aniya, “wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan.”23

 

Hindi sentimental ang pahibik na pagwawakas sa tula ni Collantes. Si Presentación bilang babae ay hindi mahinang babae, gaya ng ibig isaad sa patriyarkal na lipunan. Lalong hindi rin siya tagasunod sa lalaki’t mahina ang ulo. At hindi rin mananatiling sa personal na antas lamang ang pahiwatig ng “babae” at “ina” sa tula. Ang hibik ni Presentación ang pangwakas na hibik ng isang anak na mahihinuhang naghahanap ng sariling kaakuhan (identidad) at magiging isang ina rin balang araw. Ang paghahanap ng persona sa kaniyang ina ay tila alingawngaw lamang ng paghahanap noon ng kalayaan sa sariling Inang Bayan. Kung gayon nga, ang hibik ay mahihiwatigang hudyat ng pagsisimula upang angkinin ang isang maliwanag na hinaharap. Wala tayong kabaong na aabutan sa “Bangkay na nang Abutan” ni Florentino T. Collantes. Marahil ang persona ng tula ang nananaghoy sa atin upang bumangon tayo at gumising sa nakalipas na panitikan.

 

 

Mga Tala

 

1 Pinakasikat na tula ni Florentino T. Collantes ang tulang “Ang Lumang Simbahan” na isinalin sa iba’t ibang wikang lalawiganin, gaya ng Bisaya, Ilokano, at Kapampangan; ginawang nobela noong 1937 at umabot sa 30,000 sipi ang unang limbag na naubos lahat kaya nahikayat ang pabliser na ilimbag nang apat na ulit ang nobela. Noong 1949, isinapelikula ni Vicente Albo ang nobela at tumabo nang malaki sa takilya.

2 Basahin ang aking paliwanag sa introduksiyon ng Ang Tulisan at iba pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1999. Sinimulan ko nang uriin dito ang kilates ng iba’t ibang aspekto ng pagtula ni Collantes.

3 Basahin ang aking pagsusuri sa mga akda ni Faustino Aguilar at nakapaloob bilang introduksiyon sa Sa Ngalan ng Diyos na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2004. Patumbalik na inilahok ni Aguilar ang linya ng Katipunismo sa kaniyang mga katha, at masasabing susog ang pag-aaral sa teorya ni Zeus A. Salazar at iba pa na pawang gumamit ng pantayong pananaw sa larangan ng pagbasa ng kasaysayan ng kabansaan.

4 Malawak at malalim ang paliwanag ni Zeus A. Salazar hinggil sa Katipunan. Sinipat din niya ang magkaibang katangian at dalumat ng “revolución” ng mga ilustrado-prinsipal-elit, kompara sa “himagsikan” ng mga anakpawis. Hiniram ko rito ang kaniyang mga pag-uuri hinggil sa ikalawang aspekto, at ginamit bilang teorya ng pagdulog sa tula ni Collantes. Ang ginamit kong pagsusuri ang maituturing na kauna-unahang pagtatangkang iugnay ang Katipunismo sa mga akda’t panitikang Tagalog, at lumilihis sa purong pagsipat na pakasaysayan na ginamit ng pangkat nina Zeus A. Salazar, Jaime B. Veneracion, at iba pa.

5 Ipinapanukala ko rito ang salitang “Katipunismo” upang lumagom sa lawas ng kaisipang binuo ng gaya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at bilang taal na ideolohiya ng mga anakpawistang maghihimagsik.

6 Ang buong bansa, ayon sa ibig ipakahulugan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Gayon din ang pakahulugan sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Maaaring sumangguni din sa magkabukod na paliwanag ni Virgilio S. Almario sa Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896 (1993) at ni Zeus A. Salazar sa Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon (1999).

7 Mula sa The Proverbs (2002), tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio, p. 351.

8 Ibid., p. 274.

9 Ibid., p. 273

10 Ibid., p. 275.

11 Mula sa Florante at Laura ni Francisco (Balagtas) Baltazar, inedit ni Virgilio S. Almario, inilathala ng Institute for Public Policy noong 2002.

12 Mula sa Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B. ni Emilio Jacinto.

13 Mula sa Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto.

14 Mula sa Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto.

15 Basahin ang Crime, Society, and the State in the Nineteenth Century Philippines ni Greg Bankoff, at inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1996, mp. 41-44.

16 Mula sa Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B. ni Emilio Jacinto.

17 Mula sa Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog ni Andres Bonifacio.

18 Hiniram ko rito ang analisis ni Virgilio S. Almario hinggil sa “katwiran” bilang isang batayang sangkap sa makina ng deskolonisasyon. Basahin ang Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896 (1993).

19 Mula sa Liwanag at Dilim, sa ilalim ng pamagat na “Ang Gumawa” ni Emilio Jacinto.

20 Ani Virgilio S. Almario, una niyang nakaengkuwentro ang naturang salita mula sa pagbabasa ng Meditaciones, cun manga mahal na pagninilay sa salita sa Santong pang Eexercicios (1645) ni Fray Pedro de Herrera. Binalikan ko ang orihinal na akda ni Herrera at ikinompara sa akda ni Bonifacio, at napansin kong totoo ngang umangat sa antas na pampolitikang ideolohiya ang kay Bonifacio, samantalang panrelihiyong ideolohiya naman ng Kristiyanismo ang ibig itampok ni Herrera. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang “Bagong Pormalismong Filipino: Panimulang Pakana sa Pagbungkal at Pagtatanghal sa Katutubong Poetika at Tradisyon,” ang lekturang pansentenaryong binigkas ni Almario sa UP Diliman, 9 Marso 1999. Kaugnay nito ang paliwanag niya sa Kung Sino ang kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp (1992). Matatagpuan naman ang kaisa-isang sipi ng kay Herrera sa UP Sentro ng Wikang Filipino sa Diliman, Lungsod Quezon. Maidaragdag ang pagsusuri ni Reynaldo Clemeña Ileto sa Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (!979), mp. 36-41.

21 Basahin ang Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan (1999) ni Zeus A. Salazar na dumalumat sa “ginhawa” at “kaginhawahan.”

22 Basahin ang Tagalog Poetry 1570-1898 ni Bienvenido L. Lumbera at ang Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896 ni Virgilio S. Almario. Sinuri sa nasabing mga aklat ang tatlong “hibik” nina Flores, del Pilar, at Bonifacio, ayon sa ebolusyon ng panitikang Tagalog. Lumihis ako sa pagsusuri nina Lumbera at Almario, at ginamit kong lente ng pagsipat ang teorya ni Zeus A. Salazar na nagbukod sa “lengguwahe ng rebolusyon” sa “wika ng himagsikan” upang itampok na magkataliwas ang diskurso ng ilustrado-propagandista-prinsipalya sa diskurso ng anakpawis-maghihimagsik ng Katipunan.

23 Mula sa Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto.

Pag-ibig at Sugat

Kinukulit ako ng mga kabataang kasapi ng Lira (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) na maglabas ng munting kritisismo ukol sa panitikan sa pitak na ito. Sawâ na raw sila sa politika, at iba naman ang ibig nilang basahin. Sabi ko’y hindi naman ako kritiko, bagkus editor. Pero mapilit sila. Dahil malapit sa puso ko ang Lira, pagbibigyan ko ang samahang ito sa munting pagbasa ng isang tula.

Sa yumaong makatang Mike L. Bigornia ko unang narinig na maipámamálas kahit sa masagwâ o pangit na mukhâ ang mga dating birtud at lumang katotohanan, at pruweba ang kaniyang tulang tuluyang “Nang Mauso ang Magmakata” (1996) sa gayong paniniwala. Malamán ang mga katagâ ng kumpare ko, kaya sisikapin kong ipaliwanag iyon sa simpleng paraan sa pamamagitan ng pagbusisi ng tulang “Pag-ibig mo’y sugat” (2005) ni Mary Angelica Reginaldo.

Heto ang buong tula: Ang pag-ibig mo’y sugat/ Na di naghihilom/ Sa aking puso,/ At ang di maampat nitong pagdurugo’y/ Sanhi ng aking tuluyang pamamaalam/ Sa mundo ng pag-iisa’t kalungkutan/ Sa mundo ng nakabibinging katahimikan,/ Sa mundo ng mga patay.//

        Binubuo ng walong taludtod ang buong tula, at nasa malayang taludturan ngunit ginamit ang anapora sa mga taludtod anim hanggang walo upang itampok ang panloob na musika na angkop na angkop sa tinig at himig ng persona.

        Iwinangis ni Reginaldo ang “pag-ibig” sa “sugat” na ang resulta’y kagila-gilalas na pagsupling ng kakatwang kabatiran hinggil sa dati nang pagsipat hinggil sa “pag-ibig” at ibang-iba kaysa mga tulang panambitan noong unang hati ng siglo 20.

        May tiyak na kausap ang persona sa tula. At ang kausap niya’y mahihinuhang ang kaniyang “iniibig” at hindi mahalaga kung siya’y kasintahan o kalaguyo, asawa o kaibigan, o dili kaya’y babae, lalaki, bakla, o tomboy. Ang tinutukoy ng persona na “wagas at inmortal” na pag-ibig ng kaniyang kausap ay ang “di-naghihilom na sugat” sa puso ng persona.

        Nakaaasiwa ang hulagway ng gayong pagwawangis, dahil ang sugat ay maaaring ikamatay ng personang daranas ng atake sa puso. Ngunit ang sugat mismo ang bumubuhay sa nabatóng katauhan ng persona. Ang sugat na nagpaantak at nagpadugo sa puso ng persona ang magiging tulay ding alamís—ang pahiwatig sa pagitan ng mga salita—upang ipamalay na ganap na nilisan ng persona ang dating abang kalagayang “malungkot, madilim, nag-iisa, at patay.”

Mula sa talinghaga ng sugat ay nanumbalik ang pagkatao ng persona, at magugunita ang mga sugat na tinamo ni Don Juan habang sinisikap hulihin ang ilahás at mahiwagang Ibong Adarna. Ang interaksiyon at pagsasalikop ng “sugat” at “pagbabanyuhay” ang mahalagang talinghaga sa tula. Maiisip lamang ang “sugat” kung gasgás na ang pandamá at pagdamá ninuman.

Para sa persona, ang “sugat” ay maituturing na luwalhati—ang pagbabalik sa dating maginhawang kalagayan ng pagiging mortal—at ang inaasahang idudulot na kamatayan ng sugat ay hindi magiging kamatayan kundi panibagong yugto ng buhay.

Salungat ang “sugat” sa tula sa kumbensiyonal at siyentipikong diskursong mahuhugot sa agham o medisina. Umangat sa ibang antas ang “sugat,” at kung hihigitin ang pagbasa’y humahangga sa pahiwatig ng sadomasokismo. Dito tayo hinahatak ni Reginaldo upang magbalik sa sinaunang dalumat ng “pag-ibig” na kayang hamakin ang lahat, kahit ang kapalit ay paglisan sa daigdig ng inmortalidad.

Mga Duguang Plakard

Kinayayamutan ko itong si Rogelio G. Mangahas, at may mabigat na dahilan. Kinayayamutan ko siya dahil nang sulatin niya ang Mga Duguang Plakard at iba pang Tula (1971), binago niya ang pagtingin sa panulaang Tagalog, kung hindi man panulaang Filipino, noon. Apat na mahabang tula ni RGM ang tinumbasan ng apat na matalas na kritika nina Virgilio S. Almario, Bienvenido Lumbera, E. San Juan Jr., at Pedro L. Ricarte. At ang matindi, nabago rin pagkaraan niyon ang estado ng panunuring pampanulaan sa Filipinas na hitik sa mga sampay-bakod na panunuri noong mga nakalipas na dekada.

Naiinggit ako tuwing binabalik-balikan ko ang masinop na koleksiyon ni Koyang Roger, ang paboritong taguri sa kaniya ng mga kakilala.

Ang kaniyang mga taludtod ay hitik sa musika, at ang musikang iyon ay banayad na umaangkop sa mga imahen, ang mga imaheng may pambihirang pahiwatig dahil sa maingat na kombinasyon ng mga salita, bantas, at diwa. Sabihin nang naanggihan ng impluwensiya si RGM nina Eliot, Lorca, Quasimodo, at iba pa, ngunit ang gayong impluwensiya ay nilampasan ng makata. Ang sumilang sa mga tula ni RGM ay hindi hilaw na panggagagad, bagkus matatalim na tulang magmumula lamang sa marubdob na pagdama’t malalim na pagmumuni.

Naitala rin sa koleksiyon ni RGM ang kulay ng kaniyang panahon. Ang masilakbong protesta laban sa namamayaning bulok na pamumuno ng rehimen ni Pang. Ferdinand E. Marcos; ang bagabag at lungkot ng madlang naghahanap ng lunas sa kahirapan; at ang paghahanap ng sarili ng karaniwang mamamayang nangangapa ng puwang sa lipunan at ng kaugnayan sa kaligiran. Ngunit higit pa rito, bumabalik ang mga tauhang kathang isip ng makata sa lalawigan upang itambis sa lungsod, kaya maiisip din na walang hanggahan ang lalawigan at ang lungsod kundi yaon ay nasa isip lamang ng bawat tauhan.

Pinakapaborito ko sa lahat ang tulang “Mga Duguang Plakard,” na inialay ng makata para sa mga rebolusyonaryong demostrador na namatay noong 30 Enero 1970 sa Mendiola. Bago pa naganap ang Mendiola Masaker noong administrasyon ni Pang. Corazon Aquino, nangyari na sa Mendiola ang madilim na tagpong paulit-ulit nagiging bangungot para sa sinumang awtoridad na ibig solohin ang kapangyarihan. Sino ang makalilimot sa mga taludtod ni RGM? “Bawat plakard ng dugo’y isang kasaysayan./ Isang kasaysayan sa loob ng mga kasaysayan./ Mga kasaysayan sa loob ng isang kasaysayan./ Kangina pa namimigat, kangina pa kumikinig/ ang ating mga palad, wari’y mga/ munting bungong may kutsilyong nakatarak./

Walang pangingimi ang mga taludtod ni RGM. Pinalaya niya ang wikang Tagalog sa lárang ng politika at ideolohiya, at ang nasabing wika ay hindi nanatiling lalawiganin bagkus umakyat sa pambansang antas. Ang kinakalaban kung gayon ng makata ay mahihinuhang hindi lamang sa panlabas na lipunan, kundi maging sa panloob na estado at kumbensiyon ng panulaang Filipinas. Bagaman bihirang magkasabay ang agos ng kasaysayan ng lipunan at ang kasaysayan ng panitikan, nagkataong nagkasalikop ang mga iyon sa panahon ni RGM na higit na lalakas nang makipagkapit-bisig at bumuo ng tungko kina Rio Alma at Lamberto E. Antonio.

Sina Mangahas, Rio Alma, at Antonio ang sa aking palagay ang nagbukas ng masilakbong panahon ng tula ng pagtutol noong panahon ng Batas Militar. Gayunman, hindi magpapakulong ang tatlo sa gayong madilim na kahapon at sa halip ay magsusulong ng isang kilusang may pambihirang uri ng pagsusuri sa kaligiran at panitikan magpahangga ngayon. Ang Gagamba sa Uhay (2006) ni RGM ay testamento na naroroon ang bangis ng isang tarikan. At ang kakatwa’y ang napahigpit na padron at panuntunan ng haiku ay nilampasan ng makata upang lumikha ng tulang Filipino.

Kinayayamutan ko itong si Koyang Roger Mangahas. At marahil, may kaugnayan dito na hindi na kami nag-iinuman sa Timog, umaakbay sa mga anghel, at bumibigkas ng mga talinghagang tanging mga tarikan lamang ang nakaaalam.