Disenyo at Laláng ng Tagapamagitan bilang Talinghaga


 

Ang Tagasulat ng Liham

ni Nikka Osorio

 

1 Marami ang lumalapit sa kaniya at nakikiusap.

2 Hindi tiyak kung lahat sa kanila’y

3 hindi marunong bumasa at sumulat.

 

4 Tahimik siya

5 sa pakikinig

6 sa mga salitang hinihiling

7 na maisatitik.

 

8 Pinatawad na kita

9 kung di man,

10 Patawarin mo ako.

 

11 Isinisilid

12 sa sobre. Papatakan ng kandila.

13 Seselyuhan.

 

14 Pagsapit ng orasyon, sinisilaban niya

15 ang mga liham. Minamasdan ang pagsasaabo.

16 Matagal nang ganito ang ginagawa niya.

 

17 Minsan, may mangilan-ngilang nakararamdam—

18 Maaaring hindi natanggap ang liham.

 

19 Wala silang magawa.

20 Minsan, hindi tama

21 kung pumasalangit ang usok.

 

 

Maaaring uriin ang tulang “Ang Tagasulat ng Liham” ni Nikka Osorio sa dalawang paraan. Una, ang pagbusisi sa panrabaw na aspekto nito, at pagtutuon sa balangkas, himig, tinig, tauhan, punto de bista, at iba pa. At ikalawa, na higit na mahalaga, ang pag-urirat sa panloob ng aspekto ng tula, at ito’y maaaring sumaklaw sa kultura, ideolohiya, politika, kasarian, kasaysayan, teorya, at iba pa. Ang masinop na pagpapasalikop ng dalawang aspekto ang masasabing ideál na pagtula, at siyang magiging punto ng pagtatalo ng gaya nina Alejandro G. Abadilla at Iñigo Ed. Regalado hanggang kina José Garcia Villa at Salvador P. Lopez.

 

Ang totoo’y mahirap basahin ang tula, hindi dahil malalim ang mga salita o talinghaga, bagkus dahil sa pagkabarok ng mga taludtod 2–3 na maaaring isaayos nang ganito: Hindi matiyak kung lahat sila’y/ mangmang bumasa at sumulat. Bukod dito, ang mga taludtod 8–10 ay maipagkakamaling lumihis nang di-inaasahan, maliban na lamang kung isasaalang-alang iyon bilang bahagi ng liham na isinatitik ng tagapamagitan [midyum] at siyang kaugnay ng ikalawang saknong. Ang ikaapat at ikalimang saknong ay pawang paglalarawan muli sa ritwal, sa proseso ng orasyon o pananalangin. Samantala’y ang taludtod 18 ay mahihinuhang tumutukoy sa kutob ng mananampalataya, at ipinahiwatig ng gitling ang kaugnayan nito sa taludtod 17. Ang ikapito at pagwakas na saknong ang naglalatag ng komentaryo sa naganap na resulta ng pananalangin, at maaaring basahin sa dalawang panig.

 

Ang “siyá” na tinutukoy sa tula ay mahihinuhang ang tagamapagitan ng tao sa maykapal o sa kung sinong puwersang sobrenatural. Ngunit ang nasabing tao ay iba sa nagsasalita sa tula. May ibang nagsasalita sa tula, at siya ang naglalarawan sa mahihiwaga o masasaklap na pangyayaring may kaugnayan sa pananalangin ng midyum. Maaaring ang naglalarawan ay malapit sa midyum o psikiko, at mahihinuha ito sa taludtod 16. Mababatid lamang ng nagsasalita sa tula ang “matagal nang ginagawa” ng midyum kung malapit siya rito. O kaya’y sadyang omnisyente ang kaniyang pag-iral, at elektroniko ang kaniyang pagsubaybay upang maitala sa gunita ang karanasan ng midyum.

 

Sumasangguni sa tagapamagitan ang mga tao na may kani-kaniyang hiling o pangarap na ibig matupad, at mababatid ito sa pangunang taludtod pa lamang. Ang nasabing mga tao ang kapuwa mananampalataya at konsumidor. Mauugat ang ganitong paniniwala kung babalikan ang aklat na The Golden Bough (1890–1915; 1922) ni Sir James Frazer. Kung ang relihiyon, aniya, ay pinamamahalaan ng mga diyos, ang pagtatangkang makuha ang kanilang basbas ay may kaugnayan sa kalagayang pabago-bago ang kalikasan, at maaaring mahimok ang maykapal na kumokontrol dito para sa kapakinabangan ng mga tao. Nakapailalim sa impersonal na kalagayan ang lahat ng bagay—dibino man o mortal—ngunit maaaring mapukaw iyon at mapasunod ng sinumang tao na batid ang tumpak na seremonya at bulóng.

 

Sa Filipinas, itinala ng kongkistador na si Miguel Loarca na ang tagamapagitan ay tinatawag na “babaylan.” Kung may sakit ang isang tao, aniya, ang mga kaanak nito ay mag-aalay ng pita-pitarilyang tuba, ilahás na baboy, at masaganang pagkain, habang inihihimig nang pasayaw ng babaylan ang panalangin. Hindi malalayo rito ang taguri ni Francisco Ignacio Alzina, na inuri ang midyum bilang “daitan” [daytan] at “bailan” [baylan] na pawang malapit sa diyos. Lubos namang iginagalang ang “katooran” na dinudulugan ng maraming tao dahil sa pambihira nitong kapangyarihang mabatid ang hinaharap. Binanggit naman ni Fray Diego Aduarte ang mga “katalonan” na pinarusahan ng mga Espanyol, dahil sa paghahasik ng katutubong paniniwala at pagsamba sa mga idolo. Ang katalonan, ayon kay Antonio Morga, ay mga mangkukulam na bumubulong ng mahihiwagang salita at sumasamba sa mga idolo, at nanggagamot o nanghuhula sa kahihinatnan ng tao na dinapuan ng sakit.

 

Hindi madaling maging tagapamagitan, at gaya ng nasasaad sa tala ni Francisco Colin, ang babaylan ay tila kakaiba ang uri, dahil naipapamana sa anak o naisasalin sa ibang piling tao ang kapangyarihang manggamot o manghula. May lihim na pag-aanito ang mga babaylan o katalonan—at malimit ginaganap iyon sa isang lingid na pook o sagradong bundok—gaya ng isinasaad sa tala ni Robustiano Echauz. At bagaman may kakayahan ang isang babaylan o katalonan o maaram na manggamot, hindi lahat ng kanilang panalangin ay natutupad. Maaari nilang mabatid ang hinaharap, ngunit ang pangwakas na kapalaran ay maitatakda lamang ng maykapal.

 

Kung babalikan ang tula ni Osorio, ang tao na kapuwa mananampalataya at konsumidor ay lumalapit sa tagapamagitan upang matupad ang hiling. Ang nasabing hiling o niloloob ay isinusulat ng midyum sa kung anong mahiwagang papel, makaraang makinig sa parokyano, upang pagdaka’y sunugin [sa dapugan] at lapatan ng tumpak na orasyon, nang maimpluwensihan ang sobrenatural na maykapal na pumabor sa umaasam. Ang parikala ng tula ay matatagpuan sa mga taludtod 20–21: Minsan, hindi tama/ kung pumasalangit ang usok. Sa isang panig, maaaring ipinahihiwatig nito na sumablay ang buong ritwal ng pag-aanito, at maiisip na ang pagkakamali ay nasa midyum o sadyang saliwa ang intensiyon ng nagpapadasal. Sa kabilang panig, maaaring isipin din na ang pahiwatig o pakahulugan ng “tamà” ay literal, gaya ng “right” sa Ingles. Sa pananaw ng nagsasalita sa tula, posibleng hindi tamà na makaabot sa kung sinong sobrenatural na puwersa ang usok dahil baka matupad ang hiling at maganap ang “isang hindi kaaya-ayang pangyayari.” O kaya’y kulang ang bayad ng parokyano sa midyum, kaya kulang din ang dasal. Ang ganitong palabis na pagbasa ay patitindihin ng katagang “kung” sa pangwakas na taludtod, at ng posibilidad ng alamís mula sa mga di-binanggit na pangyayari.

 

Ang pangwakas na saknong ng tula ay waring nilalaro kahit ang nasasaad sa Bibliya: “Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at kayo’y makasusumpong; kumatok at kayo’y pagbubuksan [ng pinto]” (Mateo 7:7). Kaya ang tagapamagitan ay maaaring isiping bulaan, mapanglinlang, kaya dapat iwasan. Ang tagapamagitan ang sukdulan ng komodipikasyon ng relihiyon o pananampalataya, at siyang aparato ng panloloko upang bulagin, iligaw, at pagkakitaan ang mananampalatayang kung hindi man tanga ay mahina ang loob o isip.

 

Walang pasiklab o paputok ang tula ngunit matipid, maparikala, at mapagpatawa. Idinaan ng makata sa madulaing paraan ang kaniyang paglalarawan sa buong ritwal ng “pag-aanito” at sa resulta nito. Bagaman modernisado ang ritwal ay nananatili ang esensiya ng sinaunang ritwal ng psikikong tagapamagitan: ang amuin ang maykapal na pinaniniwalaang makapagpapabago ng takbo ng buhay ng tao. Kung ilalapat naman ang teorya ng Katipunismo sa tula, tiyak kong isusumpa nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang gayong baluktot at nakalulumpong pagsampalataya sa isang abstraktong puwersang sobrenatural.

 

Kahanga-hangang ilusyon ang buong disenyo at laláng ng “Ang Tagasulat ng Liham” ni Nikka Osorio dahil sa pagtataglay nito ng katipiran—na sa aking palagay ay lumilihis sa mabulaklak at maligoy na tradisyon ng panulaang Tagalog. Malaki rin ang puwang ng alamís sa pagitan ng mga salita o taludtod ng tula—na halos tumawid sa daigdig na prosa—at tila humahamon sa mga mambabasa na balikan ang buong diskurso ng mahika at relihiyon. Ang gayong taktika ang dapat pag-aralan pa at pagsumakitan ng di-iilang kabataang paberso-berso, at nang hindi sila magmukhang nanggagagad lamang sa padron ng mga dakila ngunit tersera klaseng makatang internasyonal. (Roberto T. Añonuevo)

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: