Advertisements

Chess para sa Filipino

Napakagandang libangan ang paglalaro ng chess, o tinatawag ding ahedres, anumang oras at saanmang lugar. Chess ang laro sa mga barberya at pundohan, at sa tambayan ng matatanda o kabataan, mapagilid man ng bangketa o malalamig na silid ng paaralan. Wala rin itong pinipiling edad, kasarian, at propesyon. Bata o matanda, babae o lalaki, empleado man o tambay, ang lahat ay malayang makapaglalaro nito hangga’t may chessboard o anumang pamalit dito.

Ngunit ang lahat ay kailangang sumunod sa mga panuto ng chess. Sa ibang pagkakataon, hinihingi ang orasan (chess clock) , upang di-gaanong humaba ang laban at makapaglaro ang iba pang miron na ibig sumabak o pumusta. Binabanat ng chess ang isip, at hinihigit ang pasensiya ng bawat manlalaro. Tinuturuan din nitong magbuhos ng konsentrasyon ang mga manlalaro o miron, at ang pinakamainam na tira’y kung minsan ay palaisipan kung sinadya nga ba o tsamba lamang.

Kaya hindi ako magtataka kung bakit ang isa kong anak ay mahilig sa chess.

Nag-aral siya ng mga pangunang tira, nabaliw sa pagbabalangkas ng mga kombinasyon ng atake at pagdepensa, pinag-aralan ang mga panloob at pangwakas na bahagi ng laban. Napilitan tuloy akong bumili ng mga aklat, manghiram ng mga CD na may larong chess, at maggalugad sa internet hinggil sa mga laban. Hanggang sumapit ako sa isang kabatiran: walang aklat sa chess ang nasusulat sa Filipino.

Nanghihinayang ako ngayon dahil walang ginagawa ang mga intelektuwal sa larangan ng chess na ilapit ito sa masa. Ang paglikha ng mga aklat sa chess sa wikang Filipino ay lalong magpapadali upang lumaganap ang larong ito sa buong Filipinas. Nang magmasid ako sa nakaraang kompetisyon ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), may isa o dalawang lalaking nagbebenta ng mga librong sineroks. Magaganda ang libro, ngunit dapat naipaliliwanag iyon sa Filipino dahil hindi lahat ng kabataan ay mahusay sa Ingles at nakaiintindi ng salimuot ng gayong wika at jargon.

Sa aking palagay, madaragdagan pa ang mga Mark Paragua at Wesley So sa Filipinas kung magtataya ng salapi upang makapagpundar ng mga babasahing nasa Filipino. Mauunawaan agad ng mga bata ang mga konsepto, alinsunod sa wikang ginagamit nila sa tahanan o pamayanan. Dito dapat pumasok ang mga patrong gaya ni dating mambabatas na si Prospero Pichay na ngayon ay pangulo ng samahan sa chess. Ang wika at diskurso ng chess ay hindi laging dapat nasa Ingles, bagkus maaari ding nasa Filipino.

Ang wikang Filipino ang magiging tulay ng karunungan ng mga bata. Malaki ang tungkulin ang gagampanan dito ng mga grandmaster sa Filipinas, dahil sila ang nasa posisyon upang makabuo ng gayong proyekto. Ang pagpapalaganap ng Filipino sa larang ng chess ay kaugnay ng pagsusulong ng adhikaing linangin ang pambansang wika, at makabuo ng pambansang diskursong batay sa gayong wika.

Hindi dapat maging esklusibo ang chess para lamang sa mga kabataang nakababasa o nakauunawa sa Ingles. Kailangang lumaganap ang chess sa buong bansa, at hindi ito matutugunan kung laging mag-aangkat lamang ng mga imported na aklat ang Filipinas doon sa ibang bansa.

Isang opinyon lamang ito, na maaari ninyong pabulaanan, susugan, o dagdagan nang maitaas natin ang antas ng paglalaro ng chess sa Filipinas, at makahimok ng mga kabataang maglaro nito, mula man sila sa malalayo’t liblib na pook ng ating bansa.

Advertisements

Posibilidad

Kung ang hangin ay maghuhunos na bato,

paano uunawain ang magiging paglipad ko?

 

Maaaring ang bato’y kusang makalulutang,

at maipupukol ang sarili kung saan-saan.

 

Makalulundag ang bato pabulusok sa lawa,

at hindi na pambihira ang tsunami o baha.

 

Makakabangga ng bato ang iba pang bato,

at sa pagsasanib nito’y mahihiya ang bagyo.

 

Mahihigop ng bato ang lason o kamandag,

at mahahanggahan ang pag-iral ng ugat.

 

Makadadagan ang bato sa buong lupalop,

hanggang ang bagong klima’y maisabog.

 

Maiiba ang tingin sa grabedad o timbang,

at mabubura ang “gaan” sa mga talaan.

 

Ngunit baka hindi maunawaan ng bato

ang pagkabato, at ang silbi nito sa mundo.

 

Hindi makasusuot ang bato dito sa dibdib,

at magiging palaisipan kahit ang paghihip.

 

Kung magiging karaniwan ang bato, lubos

na lilimutin ang bantayog, tulay, moog.

 

Kailangang magbalik ang bato sa pagiging

hangin, at tuparin ang itinakda ritong papel:

 

At langhapin ng tao upang siya’y mabuhay;

o maging tagapaghatid nito sa kabilang buhay.

 

 

28 Setyembre 2006

 

 

Hilakbot

1.

Sa panahon ng digmaan, ang pagdakip sa isang tao ay pagwawakas ng kaniyang katapangan. Nabatid ko ito isang gabi, nang harangin ako ng mga anino at kinaladkad saka pasipâng ipinaloob sa nikeladong dyip. May pumosas sa akin nang tinangka kong lumaban, at tumanggap ako ng bigwas na makalalagas ng ngipin. Pagdaka’y piniringan ako’t binusalan ang bibig. Narinig ko na lamang ang paparating na kamatayan sa trapiko ng mga sasakyan at alinsangan ng paligid. Ngunit wala ni isang umimik sa sinumang dumakip sa akin. Umandar nang tila walang kapaguran ang aming sinasakyan, paikot-ikot, hihinto at aandar muli, hanggang ang pangamba ko’y naghunos sa pagkahilo at pagkabato.

Dilim, heto ang dilim.

 

2.

Lumipas ang may tatlong oras na biyahe, tantiya ko, at huminto ang aming sinasakyang dyip. May humila sa aking bisig, at inalalayan akong maglakad nang mahigit sampung minuto. Lakad, lakad, lakad. Maya-maya’y may narinig akong mga alon, at atungal ng motor. Inihatid ako sa pasigan, at pinasakay sa bangkang malangis sa aking unang salat at amoy. Di nagtagal ay naglakbay kami sa kung saang lupalop, at ang tunog ng gumugulong na alon ay nagpadagdag ng aking kaba. Paano kung ihulog nila ako sa laot, naisip ko. Hindi pa naman ako marunong lumangoy.

Dilim, kay dilim!

 

3.

May tumapik sa aking balikat, at marahang inalis ang busal ng aking bibig. Pinainom niya ako ng tubig. Sa uhaw ko’y waring malalagok ko ang buong dagat. Ngunit di pa nagtatagal ay binatukan ako ng aking bantay. Nilagyan niya ng teyp ang aking bibig, at tiniyak na wala akong puwang upang makasigaw. Rumurumbang mga alon ang aking nasasagap, halos walang katapusan, at ang onomatopiya ng kalikasan ang tanging paalala kung anong sarap lumaya.

Dilim, heto pa ang dilim.

 

4.

Huminto sa gitna ng laot ang aming bangkang de-motor. Maya-maya’y may humila sa akin at tinangay ako upang upang sumakay sa wari ko’y isa pang bangkang higit na malaki. Mabilis ang naganap, at ang wika ng mga dumampot sa akin ay hindi ko maunawaan. Humahagibis na sumalunga sa mga alon ang aming sinasakyan, at ang segundo ay naging minuto at ang minuto ay tila naging isang siglo. Naglaho ang aking pagdama sa patutunguhan, at walang nagawa kundi gumibik.

Dilim, ibang uring dilim.

 

5.

Namalayan ko na lamang na huminto kami sa animo’y barko, at may bumuhat sa akin paakyat doon. Nang ilapag ako sa sahig, pasabunot na hinila ng isang bantay ang aking buhok habang tinitiyak marahil kung ako’y nakakikita o hindi. Nang mabatid niyang mahigpit at madikit ang aking piring, iniwan niya akong mag-isa. Putang ina mo, naisip ko. May araw ka rin, gago ka! Ngunit siyempre, hindi ako makapagsalita. Ni hindi ako makapalag. Kumikirot ang aking sikmura sa takot, at tila ako’y matataeng paslit sa gilid ng daan.

Dilim.

 

6.

Lumarga ang sa wari ko’y barko, at kami’y naglayag nang isa o dalawang araw. Hindi ko na matandaan kung anong araw na iyon. Wala akong makita, at ang tanging orasan ko’y ang pagdating ng pagkain at inumin sa akin. Tuwing tatanggalin ang takip sa aking bibig ay saka ko lamang nasasabing, “Maiihi ako!” Paiihiin naman ako ng aking bantay, at ihahatid sa wari ko’y kubetang napakapanghi. Mabuti na lamang at may piring ang aking paningin, kung hindi’y sumuka marahil ako ng telebisyon o elepante.

Dilim. Dilim.

 

7.

Dumating ang oras nang ginising ako ng tunog ng helikopter. Pambihira ang humuhugong na ikot ng elisi. Ang hindi ko inakala’y lalapag pala ang helikopter sa barko. Ilang sandali pa’y hinatak ako ng bantay kong walang imik, at inihatid sa helikopter. Paglabas namin ng silid, nadama ko agad ang hugong. Ang lakas ng ikot ng elisi, at kahit ako’y nakapikit, kumakabog ang dibdib ko. Baka mapugutan ako ng ulo; hindi ko makita ang aking nilalakaran. Lakad, lakad. Inakay ako at isinakay nga sa helikopter. Hindi ko alam kung mahihilo ako o mahihimatay. Ibig kong sumuka ngunit may teyp ang bibig ko. Ang suka ko’y halos lumabas sa ilong at tainga, at kung hindi ako tinurukan ng aking bantay, ay baka nakaburol na ako.

Dilim. Pambihirang dilim.

 

8.

Nagising akong nakapikit pa rin. At nakahiga sa istretser. Sinikap kong hulaan kung anong araw o oras na. Ngunit kahit ang gayong napakadaling gawin ay nabigo kong gawin. Binuhat ako tungo sa kung saan. Ang naaamoy ko’y malayo sa alat at langis, at tila mahalumigmig ang simoy ng paligid. Kumirot ang kaliwa kong kamay, at tila ba may turok iyon ng karayom at konektado sa dekstros. Oo, dekstros. Hindi ako nagkamali. Ayaw marahil ng aking bantay na tanggalin ang takip ng aking bibig, at subuan. Kaya heto, tinurukan na lamang ako.

Ano itong dilim?

 

9.

Sa ganitong kalayong paglalakbay, may dapat pa nga bang ikatakot? Dinala ako sa wari ko’y paliguan. Makaraang tanggalin ang aking dekstros, tisert, pantalon, sapatos, medyas, brief, at teyp sa bibig ay nakadama ako ng laya. Bagaman, may piring pa rin ang aking paningin. May nagpaligo sa akin na wari ko’y babae, babaeng malambot ang palad at amoy-pabango, at kahit sa gayong tagpo’y ni walang lakas ang aking uten na magalit at magtalumpati sa harap niya.

Di-dilim.

 

10.

Mabilis ang sumunod na pangyayari. Binihisan ako ng bagong damit. Binigyan ng tsinelas. At sa unang pagkakataon ay tatanggalin na ang teyp na ipiniring sa aking mga mata. Ngunit may narinig akong klasikong musika, at iyon marahil ang paboritong himig ng utak sa pagdakip sa akin. Makirot ang pagtanggal ng teyp, at tila isang nars ang umalalay sa akin. Parang mapupunit ang aking balat at talukap, at malalagas ang kilay at pilik. Kumirot ang aking mga mata. Marahang pinalis ko muna ang aking mga muta na animo’y nagpadikit sa aking talukap. Ang unang liwanag ay halos makabulag sa akin. At nang buksan ko ang mga mata’y sumilay sa akin ang anyo ni George W. Bush, na mahaba ang balbas at nakatungkod, waring mangangaral ng demokrasya at kapatiran at kaunlaran at katarungan. Napapikit ako bigla.

At minabuti muli ang tamis ng karimlan.

 

(14 Hulyo 2006)

Disenyo at Laláng ng Tagapamagitan bilang Talinghaga


 

Ang Tagasulat ng Liham

ni Nikka Osorio

 

1 Marami ang lumalapit sa kaniya at nakikiusap.

2 Hindi tiyak kung lahat sa kanila’y

3 hindi marunong bumasa at sumulat.

 

4 Tahimik siya

5 sa pakikinig

6 sa mga salitang hinihiling

7 na maisatitik.

 

8 Pinatawad na kita

9 kung di man,

10 Patawarin mo ako.

 

11 Isinisilid

12 sa sobre. Papatakan ng kandila.

13 Seselyuhan.

 

14 Pagsapit ng orasyon, sinisilaban niya

15 ang mga liham. Minamasdan ang pagsasaabo.

16 Matagal nang ganito ang ginagawa niya.

 

17 Minsan, may mangilan-ngilang nakararamdam—

18 Maaaring hindi natanggap ang liham.

 

19 Wala silang magawa.

20 Minsan, hindi tama

21 kung pumasalangit ang usok.

 

 

Maaaring uriin ang tulang “Ang Tagasulat ng Liham” ni Nikka Osorio sa dalawang paraan. Una, ang pagbusisi sa panrabaw na aspekto nito, at pagtutuon sa balangkas, himig, tinig, tauhan, punto de bista, at iba pa. At ikalawa, na higit na mahalaga, ang pag-urirat sa panloob ng aspekto ng tula, at ito’y maaaring sumaklaw sa kultura, ideolohiya, politika, kasarian, kasaysayan, teorya, at iba pa. Ang masinop na pagpapasalikop ng dalawang aspekto ang masasabing ideál na pagtula, at siyang magiging punto ng pagtatalo ng gaya nina Alejandro G. Abadilla at Iñigo Ed. Regalado hanggang kina José Garcia Villa at Salvador P. Lopez.

 

Ang totoo’y mahirap basahin ang tula, hindi dahil malalim ang mga salita o talinghaga, bagkus dahil sa pagkabarok ng mga taludtod 2–3 na maaaring isaayos nang ganito: Hindi matiyak kung lahat sila’y/ mangmang bumasa at sumulat. Bukod dito, ang mga taludtod 8–10 ay maipagkakamaling lumihis nang di-inaasahan, maliban na lamang kung isasaalang-alang iyon bilang bahagi ng liham na isinatitik ng tagapamagitan [midyum] at siyang kaugnay ng ikalawang saknong. Ang ikaapat at ikalimang saknong ay pawang paglalarawan muli sa ritwal, sa proseso ng orasyon o pananalangin. Samantala’y ang taludtod 18 ay mahihinuhang tumutukoy sa kutob ng mananampalataya, at ipinahiwatig ng gitling ang kaugnayan nito sa taludtod 17. Ang ikapito at pagwakas na saknong ang naglalatag ng komentaryo sa naganap na resulta ng pananalangin, at maaaring basahin sa dalawang panig.

 

Ang “siyá” na tinutukoy sa tula ay mahihinuhang ang tagamapagitan ng tao sa maykapal o sa kung sinong puwersang sobrenatural. Ngunit ang nasabing tao ay iba sa nagsasalita sa tula. May ibang nagsasalita sa tula, at siya ang naglalarawan sa mahihiwaga o masasaklap na pangyayaring may kaugnayan sa pananalangin ng midyum. Maaaring ang naglalarawan ay malapit sa midyum o psikiko, at mahihinuha ito sa taludtod 16. Mababatid lamang ng nagsasalita sa tula ang “matagal nang ginagawa” ng midyum kung malapit siya rito. O kaya’y sadyang omnisyente ang kaniyang pag-iral, at elektroniko ang kaniyang pagsubaybay upang maitala sa gunita ang karanasan ng midyum.

 

Sumasangguni sa tagapamagitan ang mga tao na may kani-kaniyang hiling o pangarap na ibig matupad, at mababatid ito sa pangunang taludtod pa lamang. Ang nasabing mga tao ang kapuwa mananampalataya at konsumidor. Mauugat ang ganitong paniniwala kung babalikan ang aklat na The Golden Bough (1890–1915; 1922) ni Sir James Frazer. Kung ang relihiyon, aniya, ay pinamamahalaan ng mga diyos, ang pagtatangkang makuha ang kanilang basbas ay may kaugnayan sa kalagayang pabago-bago ang kalikasan, at maaaring mahimok ang maykapal na kumokontrol dito para sa kapakinabangan ng mga tao. Nakapailalim sa impersonal na kalagayan ang lahat ng bagay—dibino man o mortal—ngunit maaaring mapukaw iyon at mapasunod ng sinumang tao na batid ang tumpak na seremonya at bulóng.

 

Sa Filipinas, itinala ng kongkistador na si Miguel Loarca na ang tagamapagitan ay tinatawag na “babaylan.” Kung may sakit ang isang tao, aniya, ang mga kaanak nito ay mag-aalay ng pita-pitarilyang tuba, ilahás na baboy, at masaganang pagkain, habang inihihimig nang pasayaw ng babaylan ang panalangin. Hindi malalayo rito ang taguri ni Francisco Ignacio Alzina, na inuri ang midyum bilang “daitan” [daytan] at “bailan” [baylan] na pawang malapit sa diyos. Lubos namang iginagalang ang “katooran” na dinudulugan ng maraming tao dahil sa pambihira nitong kapangyarihang mabatid ang hinaharap. Binanggit naman ni Fray Diego Aduarte ang mga “katalonan” na pinarusahan ng mga Espanyol, dahil sa paghahasik ng katutubong paniniwala at pagsamba sa mga idolo. Ang katalonan, ayon kay Antonio Morga, ay mga mangkukulam na bumubulong ng mahihiwagang salita at sumasamba sa mga idolo, at nanggagamot o nanghuhula sa kahihinatnan ng tao na dinapuan ng sakit.

 

Hindi madaling maging tagapamagitan, at gaya ng nasasaad sa tala ni Francisco Colin, ang babaylan ay tila kakaiba ang uri, dahil naipapamana sa anak o naisasalin sa ibang piling tao ang kapangyarihang manggamot o manghula. May lihim na pag-aanito ang mga babaylan o katalonan—at malimit ginaganap iyon sa isang lingid na pook o sagradong bundok—gaya ng isinasaad sa tala ni Robustiano Echauz. At bagaman may kakayahan ang isang babaylan o katalonan o maaram na manggamot, hindi lahat ng kanilang panalangin ay natutupad. Maaari nilang mabatid ang hinaharap, ngunit ang pangwakas na kapalaran ay maitatakda lamang ng maykapal.

 

Kung babalikan ang tula ni Osorio, ang tao na kapuwa mananampalataya at konsumidor ay lumalapit sa tagapamagitan upang matupad ang hiling. Ang nasabing hiling o niloloob ay isinusulat ng midyum sa kung anong mahiwagang papel, makaraang makinig sa parokyano, upang pagdaka’y sunugin [sa dapugan] at lapatan ng tumpak na orasyon, nang maimpluwensihan ang sobrenatural na maykapal na pumabor sa umaasam. Ang parikala ng tula ay matatagpuan sa mga taludtod 20–21: Minsan, hindi tama/ kung pumasalangit ang usok. Sa isang panig, maaaring ipinahihiwatig nito na sumablay ang buong ritwal ng pag-aanito, at maiisip na ang pagkakamali ay nasa midyum o sadyang saliwa ang intensiyon ng nagpapadasal. Sa kabilang panig, maaaring isipin din na ang pahiwatig o pakahulugan ng “tamà” ay literal, gaya ng “right” sa Ingles. Sa pananaw ng nagsasalita sa tula, posibleng hindi tamà na makaabot sa kung sinong sobrenatural na puwersa ang usok dahil baka matupad ang hiling at maganap ang “isang hindi kaaya-ayang pangyayari.” O kaya’y kulang ang bayad ng parokyano sa midyum, kaya kulang din ang dasal. Ang ganitong palabis na pagbasa ay patitindihin ng katagang “kung” sa pangwakas na taludtod, at ng posibilidad ng alamís mula sa mga di-binanggit na pangyayari.

 

Ang pangwakas na saknong ng tula ay waring nilalaro kahit ang nasasaad sa Bibliya: “Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at kayo’y makasusumpong; kumatok at kayo’y pagbubuksan [ng pinto]” (Mateo 7:7). Kaya ang tagapamagitan ay maaaring isiping bulaan, mapanglinlang, kaya dapat iwasan. Ang tagapamagitan ang sukdulan ng komodipikasyon ng relihiyon o pananampalataya, at siyang aparato ng panloloko upang bulagin, iligaw, at pagkakitaan ang mananampalatayang kung hindi man tanga ay mahina ang loob o isip.

 

Walang pasiklab o paputok ang tula ngunit matipid, maparikala, at mapagpatawa. Idinaan ng makata sa madulaing paraan ang kaniyang paglalarawan sa buong ritwal ng “pag-aanito” at sa resulta nito. Bagaman modernisado ang ritwal ay nananatili ang esensiya ng sinaunang ritwal ng psikikong tagapamagitan: ang amuin ang maykapal na pinaniniwalaang makapagpapabago ng takbo ng buhay ng tao. Kung ilalapat naman ang teorya ng Katipunismo sa tula, tiyak kong isusumpa nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang gayong baluktot at nakalulumpong pagsampalataya sa isang abstraktong puwersang sobrenatural.

 

Kahanga-hangang ilusyon ang buong disenyo at laláng ng “Ang Tagasulat ng Liham” ni Nikka Osorio dahil sa pagtataglay nito ng katipiran—na sa aking palagay ay lumilihis sa mabulaklak at maligoy na tradisyon ng panulaang Tagalog. Malaki rin ang puwang ng alamís sa pagitan ng mga salita o taludtod ng tula—na halos tumawid sa daigdig na prosa—at tila humahamon sa mga mambabasa na balikan ang buong diskurso ng mahika at relihiyon. Ang gayong taktika ang dapat pag-aralan pa at pagsumakitan ng di-iilang kabataang paberso-berso, at nang hindi sila magmukhang nanggagagad lamang sa padron ng mga dakila ngunit tersera klaseng makatang internasyonal. (Roberto T. Añonuevo)

Pagpapahalaga sa mga tula at poetika ni Rio Alma

RIO ALMA, kuha ni Bobby Añonuevo

RIO ALMA, kuha ni Bobby Añonuevo

Masisilip, sa aking palagay, ang malaking bahagi ng kasaysayan ng panulaang Filipinas sa láwas ng mga tula ni Rio Alma. Ang nasabing kasaysayan ay hindi estatikong hulagway, bagkus rolyo-rolyo ng pelikulang patuloy na umaandar at tayo ang kalahok; at hangga ngayon, naghahanap ito ng pangwakas na hantungan o karugtong na lunsaran. Ang mabigat, hindi pa ganap na nalilimi iyon ng mga kritiko at mambabasa ng panitikan. (May kaugnayan ito sa politika o pamumulitika sa loob ng literatura at akademya, na tanging ang mga kaaway lamang ni Rio Alma ang makapagpapaliwanag nang ganap.) Hindi rin sapat ang ibinigay sa aking lima o labinlimang minuto upang ipaliwanag ang salimuot o hiwaga ng gayong laberinto, at bigyan ng hustiya ang mga tula ng makata.

Gayunman, susubukin kong talakayin ang mga pangunahing aklat ng tula ni Rio Alma, maliban sa isang aklat: ang Sonetos Postumos (2007) na sinadya kong hindi bilhin dahil wala akong pera.

Bago ako magpatuloy, nais kong itangi ang Rio Alma na makata sa Virgilio S. Almario na kritiko. Gayunman, ang mga tula ni Rio Alma ay pailalim o palihim na nababahiran ng mga diwain, tuklas, at pag-aaral ni Almario bilang kritiko. Ang mga tula ni Rio Alma ay dapat titigan bilang ekstensiyon ng kritika ni Almario. Samantala, ang ebolusyon ni Almario bilang kritiko ay masisilayan hindi lamang sa kaniyang nagbabagong pagbasa at pag-unawa sa kasaysayan ng Filipinas at kasaysayan ng panitikang Filipinas, bagkus maging sa ebolusyon ng mga tula at poetika ni Rio Alma, na malimit kritika sa namamayaning kasaysayan ng Filipinas at kasaysayan ng panitikang Filipinas.

Ang kabataang Rio Alma na napabilang sa antolohiyang Manlilikha (1967) at umakda ng Makinasyon (1968) ay nasa hanggahan ng tinaguriang Balagtasista at Armageddonista sa isang panig, at ng Modernista at Rebelde sa kabilang panig. Para siyang disipulo nina Teo S. Baylen at Cresencio C. Marquez na pumupusturang Amado V. Hernandez at Alejandro G. Abadilla. Higit na makiling din ang batang Rio Alma sa tulang paloob—na malimit nabubudburan ng mga Griyego at Biblikong alusyong nakamihasnan ng mga Balagtasista—na marahil ngayon ay ipagkikibit-balikat na lamang ng matandang Rio Almang may pambihirang erudisyon ng kasalukuyang panahon. Gaya ng ibang kabataan, ang Rio Alma noong dekada 1960 ay nasa yugto ng paghahanap ng tinig o bait, at hindi kataka-taka ang pagkamasatsat o kakornihan o pagkasintunado ng kaniyang mga tula, ang mga tulang kung minsan ay naghahalo-halo ang mga sagisag na waring sinadya upang pahirapan sa pagbabasa ang mga estudyante ng University of the East.

Ngunit magbabago ang Rio Alma nang isilang ang Peregrinasyon (1970). Ang nasabing chapbook ay itinuwid ang mga pagmamadali ng Makinasyon, sumimsim kung hindi man naanggihan, ayon na rin kay Rogelio G. Mangahas, nina Baudelaire, Brecht, Eliot, Lorca, Pound, Quasimodo, Rilke, Rimbaud, at iba pa. (Sa akin namang palagay ay malayo sa mga tula nina Baudelaire, Rilke, at Rimbaud kaysa kina Eliot, Brect, Lorca, at Neruda ang mga tula ni Rio Alma sa naturang koleksiyon.) Nagkaroon ng linyang pampolitika ang mga tula na umaagapay sa eksperimentasyon sa pananaludtod at pananalinghaga, na kahit ngayon ay ikababaliw ng mga kabataang estudyante sa panitikan. Maiuugnay ang Peregrinasyon sa dalawa pang chapbook, ang Mga Duguang Plakard at Iba Pang Tula (1971) ni Rogelio G. Mangahas at Dalawampung Tula ni Lamberto E. Antonio. Ang alab ng tatlong akdang ito ang sa aking palagay ang nagbukas ng pinto sa magiging daloy ng masilakbong politika at ideolohiya ng pagtula noong dekada sitenta, bagaman higit na makikilala si Antonio noong dekada 1980 nang malathala ang Hagkis ng Talahib (1980) at Pagsalubong sa Habagat (1986).

Ang pagkalas ng kabataang Rio Alma sa bighani ng Balagtasismo ay pagsisimula ng pagyakap niya sa namamayani noong New Criticism sa pag-urirat ng tula. Matatagpuan sa Makata sa Panahon ng Makina (1972) ang mga unang pagtatangka na suriin ang tulang Tagalog o Filipino, ayon sa lente ng banyagang kritika at kung paano mapauunlad ang estado ng kumbensiyonal na pagtula ng mga Balagtasista. Sa yugtong ito, ipinaliliwanag na ni Almario bilang kritiko ang mga tula ng batang Rio Alma sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga tula ng mga kapanahong makatang sina Rogelio G. Mangahas at Lamberto E. Antonio na katambis sa panahon nina Iñigo Ed. Regalado, José Corazón de Jesús, at Alejandro G. Abadilla.

Ngunit kahit ang mabalasik na kritikong Almario ay magbabago ng loob at magbabalik sa ugat ng panulaang Tagalog. Itatakwil ni Almario ang mga pagkakamali, at susulat ng panibagong kritika na magpapahalaga sa mga ambag ng mga Balagtasista habang patuloy na nakatuon sa mga Modernista. Ang paglalathala ng Balagtasismo vs. Modernismo (1984), at pagkaraan ng Taludtod at Talinghaga (1991) at Kung sino ang kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas atbp. (1992), ay senyales ng paglingon at pagbabalik sa nakaraan, at kahit ang mga ito’y malaki ang kinalaman sa pagbabanyuhay ng makatang Rio Alma na sumulat ng linyadong Doktrinang Anakpawis (1979). Lumihis sa labis na tulang paloob ang makata, at “ibinalik ang tula sa masa.” Testamento ang nasabing aklat sa elegansiya, lalim, at pahiwatig ng Filipino bilang wikang pambansa; at lalampasan nang milya-milya ang mga panandang-batong Sitsit sa Kuliglig (1972) at Dunung-dunungan (1975) ni Rolando S. Tinio at Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran (1979) ni José F. Lacaba. Ipagyayabang din ng Doktrinang Anakpawis ang lalim at lawak ng bokabularyo na tinumbasan ng pambihirang eksperimentasyon sa pananaludtod at pananalinghaga—mulang ambahan, tanaga at dalít hanggang soneto, rondel, blues, at villanelle tungong mala-epikong tula—na hitik sa parikala, pagpapatawa, pang-uuyam, paghihimagsik, at higit sa lahat, pagmamahal.

Ang pagbabalik ni Rio Alma sa ugat sa Bulakan ang isa pang nagturok ng sariwang katas sa kaniyang katauhan bilang makata, gaya ni Anteus na humuhugot ng lakas mula sa lupa. Ang silakbo at kalabisang nakakahon sa napakasikip na ideolohiya at politika ng Doktrinang Anakpawis ay pakakawalan niya sa mga susunod na aklat na gaya ng Retrato at Rekwerdo (1984); Palipad-Hangin (1985); (A)lamat at (H)istorya (1986); at Kanton Para sa Limang Pandama (1987).

Nasa Retrato at Rekwerdo ang sa aking palagay ay pagsisimula ng isa pang pagbabanyuhay ni Rio Alma bilang makata, at nagtanghal sa kaniyang sinilangang lalawigan sa pananaw ng isang ganap at tigulang na makata. Sa unang pagkakataon, naitampok ang tulang Filipino sa isang coffee table book; at naitaas ang pagtingin sa tulang Filipino palayo sa hanay ng mga komersiyal at patakbuhing akdang karaniwang nakalahok sa gaya ng Liwayway at Sampaguita. Ang maganda sa aklat, nagsusuhayan ang mga retrato at ang mga tula upang maitampok ang hulagway na may pambihirang pahiwatig at pagpaparamdam. Madilim, malungkot ang mga hulagway at himig ng Retrato at Rekwerdo; subalit di-halata, dahil sa napakatahimik at masinop na pagsasakataga ng mga talinghaga. Lumilihis iyon sa kumbensiyonal na tulang humahagulgol at di-mapigil ang dalamhati. Dapat ding banggitin ang Hagkis ng Talahib (1980) ni Antonio na nagbibigay ng marubdob na pagdama mulang pilapil hanggang duguang kalsada ng mga demostrador.

Hitik naman sa siste at parikala ang Palipad-Hangin na kahit nabigong makasungkit ng pangunahing gantimpala sa Timpalak Palanca ay sumasampal naman sa mga huradong nakapikit yata ang isang mata habang nagbabasa. (Kung babalikan ang Parikala [1988] na antolohiya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo,  ang dalumat ng “parikala” ay ipinaliwag dito ni Almario na Kritiko, at mahihinuhang pagpapaliwanag na rin sa ginagawa ng makatang Rio Alma.) Lumihis ang Palipad-Hangin sa nakamihasnan noong tulang protesta na nanggagaliti sa diktadurang rehimen kung hindi namimighati sa mga nabuwal na aktibista o partisano sa pakikibaka.  Solido ang koleksiyong ito, at pambihira ang pagbaligtad nito sa daigdig—na makasusumpong sa mambabasa upang magmura o mainis sa sarili—dahil sa maitim na pakana nitong mapagpatawa.

Magpapatuloy ang gayong taktika ng makata sa (A)lamat at (H)istorya ngunit sa pagkakataong ito’y uusisain ang mga alak-alakan, singit, at lilignan ng alamat at kasaysayan ng Filipinas upang itampok ang sariwang kabatiran. Hindi basta inulit lamang ni Rio Alma ang lahat ng nasabi na sa kasaysayan o alamat o tsismis. Humanap ng mga puwang sa mito at kasaysayan ang makata, at ang mga puwang na iyon ay malikhaing pinalawak o pinatingkad sa punto de bista ng makatang kritiko rin ng nasabing dalawang lárang. Katambis ng nasabing aklat ang Pagsalubong sa Habagat (1986) ni L.E. Antonio, na nakatuon naman sa mga leyenda ng kalungsuran, kalibugan, at kalayaan.

Pabago-bago ang sukat ng aklat ni Rio Alma, gaya lamang ng pabago-bagong pamamaraan ng pananaludtod at pananalinghaga. Ito ay marahil sa pagsisikap na umiwas “ulitin ang sarili” gaya ng sa pahiwatig ni Mike L. Bigornia sa kaniyang isang tula. Mala-Neruda ang hagod ng Katon para sa Limang Pandama, ngunit taliwas sa dapat asahan, hindi paggagad sa mga tula ni Neruda, o kaya’y ehersisyo lamang ng daliri at isip, ang nasabing aklat, bagkus pagpapamalas ng dalubhasang pagkasangkapan, paghahanay, at pagtitimpla ng mga hulagway na ang kombinasyon ay tila mga atomong kayang lumikha ng isang bomba atomika para sa mga kaaway ng kritiko o dating aktibistang si Almario. Mahalaga ring balikan ang sinabi ng kritiko-pilosopong si Silvino V. Epistola. Hindi lahat ng kayang sagapin o nasasagap ng limang pandama ay agad makararating sa kamalayan. Sa pagitan ng pandama at kamalayan ay may salaan ng mga dalumat at pahiwatig, at ang salaang iyon ay may kaugnayan sa kabansaan o pagka-Filipino. Ang Katon ni Rio Alma ay hindi simpleng katon; nagpapakumbaba lamang nang pakunwari ang makata sa kaniyang pagpapamagat. Maraming bagay sa paligid ang malimit nating ipinagwawalang-bahala. Kaya kailangan nating  maging maláy sa ating paligid, at pahusayin ang taglay na salaan upang tumalas lalo ang limang pandama, at nang tumaas, lumawak, at lumalim pa ang ating kamalayang Filipino.

Samantala, sa mga aklat na Mga Retaso ng Liwanag (1990) at Muli, Sa Kandungan ng Lupa (1994) masisilayan ang distilasyon ng mga tula ni Rio Alma bilang abenturero at manlalakbay. Pulos talinghaga ng kamatayan o pagwawakas ang unang aklat, samantalang ang ikalawang aklat naman ay magtatampok ng posibilidad ng ganap na pagbabayuhay at resureksiyon ng isang bansa. Higit pa rito, lihim na nakalakip sa Muli, Sa Kandungan ng Lupa ang panukalang pagbasa sa panitikang Filipinas at pag-unawa sa kabansaan alinsunod sa punto de bista ng isang Filipino. Ang pag-uri at paghati sa pambansang kamalayan ay nakapahiyas hindi lamang sa mga kritika ni Almario, gaya sa Mutyang Dilim (2001), bagkus malinaw na nakasaad sa mala-epikong tulang “Oriental” (1987) na waring binibistay at nag-aambag kahit sa tesis ng Orientalism ni Edward W. Said. Sa yugtong ito, lubos ding naituwid ni Almario ang kaniyang mga unang kamaliang inilahok sa Makata sa Panahon ng Makina. Ang batang Rio Alma ng Makinasyon ay ibang-iba sa tigulang na Rio Alma na sumapit sa kaliwanagan at naglalantad ng rikit ng kaniyang Tinubuang Bayan. Maiuugnay din ang Mga Retaso ng Liwanag at ang Muli, Sa Kandungan ng Lupa sa Sonetos Postumos (2006) na nagtataglay ng mga tulang ipinadron sa soneto. Ngunit ang mga soneto rito ay hindi lamang basta sonetong Ingles o Italyano, bagkus sari-saring paraan at eksperimentasyon ng pagbuo ng soneto mulang sukat at tugma hanggang nilalaman at dalumat na Bibliko at mitikong Filipino, Griyego, Italyano, at Hudyo.

Lalagumin ng Una kong Milenyum, Tomo 1–2 (1998) ang lahat ng tula ni Rio Alma mula sa mga binanggit kong koleksiyon. May dalawang tula lamang ang nakalusot at hindi naibilang sa aklat, at marahil ay hindi sinasadyang nakaligtaan yaon ng editor na si Mike L. Bigornia. Ang nasabing dalawang tula ay inilahok naman ni Rio Alma sa kaniyang koleksiyon ng mga tulang pambatang pinamagatang Estremenggoles (2004). Walang bago sa Estremenggoles, at hindi ko na tatakayin pa ito.

Hindi rito nagtatapos ang karera ni Rio Alma. Sa Memo Mulang Gimokudan (2005), nagpasiklab ang makata sa paghabi ng mga tulang tuluyan. Huwag asahang supling lamang ito ng poeme en prose ni Aloysius Bertrand o Arthur Rimbaud; o kaya’y bulag na pagsunod kina Emilio Jacinto, Deogracias A. Rosario, at Alejandro G. Abadilla. Tinatangka ng Memo na lampasan ang estado ng pagsulat ng tulang tuluyan, hindi lamang sa Filipinas na ang unang bumuo ng koleksiyon ay si Mike L. Bigornia, kundi maging sa iba pang bansa. Sagot din ito ni Rio Alma sa patutsada ni Cirilo F. Bautista na hindi naniniwalang tula ang “tulang tuluyan.” Taglay ng Memo ang sari-saring pagdulog sa tulang tuluyan, mulang pinakamaikli hanggang pinakamahaba, mulang pagsasalaysay at paglalarawan hanggang pangangatwiran at pakikipagtalastasan.  Ipinagpapatuloy ng Memo ang paglinang sa pagka-Filipino ng tulang tuluyan,  na marapat mabatid kahit sa antas na pandaigdigan, lalo ng mga hurado sa prestihiyosong Gawad Nobel.

Sa koleksiyong Kung Bakit Kailangan ang Himala (2007), ipinagpatuloy ni Rio Alma ang kaniyang mga pagsusuri sa paligid sa higit na malalim na pagkaunawa sa takbo ng politika, kultura, ekonomiya, at sikolohiya ng Filipino. Ginawa niya sa ito sa magaang na paraan, at sa paggamit ng mga kagila-gilalas na tayutay o talinghagang makalupa at kakatwa. Kabaligtaran ito sa dating tikas o anyo ng makata na “taas-kamao, kunot-noo, at tiim-bagang” at napalitan ng satira at pagtirang nagpapatawa, nang-iinis, nagtuturo, nang-uuyam. Hindi nagtuon sa pormula o kumbensiyon ng “labis na kasiningan” ang makata, at animo’y pinakinggan lamang ang pintig ng panahon habang umaastang pitho o ermitanyo ng lungsod. Higit pa rito, sinimulan na rin ng makata na hanapan ng positibong pagtingin ang Filipinas, imbes na magbuga lamang ng madidilim na sentimyento o hinaing, gaya ng matatagpuan sa Doktrinang Anakpawis.

Nakagugulat ang sigasig ni Rio Alma at sisikapin niya ang reimbensiyon ng tanaga, diyona, dalít, at talingdaw sa kaniyang koleksiyong Isang Sariling Panahon (A Time of One’s Own) na isinalin sa Ingles ng isa pang tarikang makata sa ngalan ni Marne L. Kilates. Mapagmasid at mapagbulay sa kaligiran, kapuwa, at kalooban ang karamihan sa mga piyesa ng koleksiyon, at kahit ang nakagawiang pagpapakahulugan sa bugtong at salawikain ay masisingitan ng pasubali o tanong kapag pinag-aralan ang pagdulog sa tula ni Rio Alma. Masasalat ang sinop ng makata sa pagtula kapag pinag-aralan dito ang kombinasyon ng mga salita, na ang resultang pahiwatig ay hindi simpleng mahuhugot sa A+B=AB, bagkus masisipat na A+B=C na bagaman nagtataglay ang C ng mga katangian ng A at B ay nakapagluluwal din ng bukod na sariling pakahulugan at pahiwatig na maikakabit din sa ibang nilalang o pangyayari sa daigdig.

Kung maiikli ang mga tula sa Isang Sariling Panahon, mahahaba at magkakatanikala ang mga tula sa Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal (2009). Ang Hudhud ni Rio Alma ay mapaglaro, mapangahas, at sabihin nang mailalaban sa pandaigdigang antas. Gagamit siya ng tatlong pilas na persona sa katauhan nina Aliguyon, Jose Rizal at Kabataang Di-Kilala. Ang tatlong personang ito ay sabay-sabay maglalakbay sa kani-kaniyang dimensiyon, makikipagdiskurso sa diwa ng kasaysayan samantalang makakabangga rin ang sari-saring tauhan sa kasaysayan, mitolohiya, kultura, politika, aliwan, at iba pang aspekto ng lipunan. Ang paglalakbay ng tatlong pilas na persona ay kaugnay ng paghahanap ng kabansaan, kaya masisipat na ang wakas ng epiko ay hindi pangwakas, bagkus nagbabanta ng panibagong anyo ng hudhud na ang mitikong tagapagsalaysay ay ipagpapatuloy ang pagbubunyag ng sariwang pakikipagsapalaran at ang pagsisiwalat ng bagong anyo ng buhay at kabansaan.

Hindi lahat ng tula ni Rio Alma ay mabigat at mahirap maarok. Sinasadya ng makata na maglaan ng mga tulang para sa madla o estudyante o matanda, o kaya’y para sa mga bihasang mambabasang gaya ng kritiko o panitikero o dalubwika. Sa gayong paraan, ang bawat seksiyon ng kaniyang mga aklat ay hindi nakasasawàng basahin, dahil sa mga paningit na tula. Mapapansin din na may panloob na disenyo at balanse kahit ang bawat seksiyon ng bawat aklat. Ang isang tula ay maaaring sagutin o susugan o pabulaanan ng isa pang tula, alinsunod sa malikhaing pagbubuo ng tauhan at kaligiran nito. May ilang tula rin sa isang aklat na nagsisilbing estribilyo sa mga susunod na aklat, o kung hindi’y rebisyon ng ilang dating tula upang lalong gumanda at tumalim iyon. Isang puna noon ni S.V. Epistola na sintunado ang mga tula ni Rio Alma, maliban doon sa mga bago nitong aklat. May katotohanan ito. Ngunit ang gayong pagkasintunado ay maaaring maibatik sa mga sumasagap ng mga tula ng makata, na hindi sanay sa gayong uri ng tunog o musikang dapat munang pag-aralan pa nang malalim ng mga kritiko o musikong sanay sa himig ng Balagtasan.

Ano ang matutuhan nating aral sa mga tula at karera ni Rio Alma?

Una, ang kaligtasan ng makata ay nasa kaniyang Tinubuang Bayan. Ang bansa ang matang-tubig ng makata at ito ang titighaw ng kaniyang uhaw bilang manlilikha at magbibigay ng panibagong buhay sa pagtula.

Ikalawa, mahalaga ang pagbabalik sa nakaraan. Mabuting maalam sa kasaysayan ng panitikan at sa kasaysayan ng bayan ang makata at nang magamit yaon sa diyalektiko’t malikhaing pamamaraan.

Ikatlo, kailangang batid ng makata ang kaniyang ugat sa pagtula. Hindi nakamamatay ang taguring “katutubo,” at ang pagsagap ng impluwensiyang “banyaga.” Ang masining na pagpapasalikop ng dalawa ang dapat ingatan. Isa pa, hindi lahat ng impluwensiya ay nagmumula lamang sa “banyaga,” dahil pinatunayan na ni Rio Alma na sa kaniyang mga tula’y maaangkin lamang yaon ng Filipino at káya niyang magdulot ng impluwensiya kahit sa iba pang makatang pa-Ingles-Ingles.

Ikaapat, hindi nasisiki ang mahuhusay na makata sa anumang padron ng tula. Napakaraming inobasyon sa mga padron ng tula ang ginawa ni Rio Alma na nalilingid pa sa nakararami. Ngunit higit pa rito, lumalampas dapat sa padron ang makata, dahil “hindi maisisilid sa kahon ang kadakilaan.”

Ikalima, mahalaga ang pagtitipon, pagbuhay, paggamit, at pagpapauso ng mga salita para sa isang makata. Maraming salita sa mga tula ni Rio Alma ang hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo at tesawro, sa maniwala kayo’t sa hindi, kahit ang gamiting sanggunian ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Habang lumalawak ang bokabularyo ng mga tula ng makata ay lalong lumalalim ang imahinasyon ng kaniyang pagkatha. Ang kabihasaan sa salita ang unang-unang dapat taglayin ng sinumang ibig maging makata.

Ikaanim, natural lamang ang ebolusyon ng isang makata. Hindi dapat magmadali sa pagnanais na maging dakila. Sa aking palagay ay late bloomer si Rio Alma bilang makata. Gayunman, nakatulong iyon upang lalong sumarap basahin ang kaniyang tulang nahinog sa panahon o pagbubulay, at kumbaga sa alak, ay walang kasabit-sabit, napakalinamnam.

At ikapito, kailangan ang isang dakilang bisyon sa panulaang Filipinas. Kailangan yaon upang maipagpatuloy ang paglikha ng mga tulang hindi lamang maibabanggà sa loob ng Filipinas, bagkus maging sa iba pang tula mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ang gayong bisyon ay makatutulong din upang lumago lalo ang ating panulaan.

Hahayaan kong dagdagan o pabulaanan ninyo ang aking mga binanggit habang pinag-aaralan ang mga tula ng makata.

Ang totoo’y naibigan at pinagpraktisan ng aking mga anak na sina Idyanale at Amansinaya ang mga aklat ni Rio Alma. Kung naibigan nila iyon, tiyak kong makakaya rin iyon ng iba pang higit na matatandang mambabasa. Ang hula ko’y sadyang hindi binabasa lamang si Rio Alma dahil sa umiiral na prehuwisyo o inggit laban sa kaniya; o kung hindi’y sadyang tamad lamang magbasa ang madla. Walang himalang ginawa si Rio Alma. Wala. Sa unang malas ay pulos himala ang paglabas ng kaniyang mga aklat. Ngunit kung uuriing maigi, ginawa niya iyon nang may pambihirang pangarap para sa panulaang Filipinas. Mahirap mang mapantayan ang kaniyang sigasig at libog sa pagtula, naniniwala akong kaya pa rin yaong lampasan ng mga darating pang tarikang makata mula sa Filipinas.

Isang ilog lamang si Rio Alma, at hindi dapat magtapos sa isang ilog ang panulaang pambansa. Kailangang sumilang ang mga bagong ilog, at lampasan ang mga kumbensiyong nailatag na ng maestrong makatang si Rio Alma, at nang makalikha tayo ng karagatan ng tulang Filipino. Dahil kung hindi’y mamamatay sa pagkatuyot ang ating panulaang pambansa. Oo, mamamatay nang ganap, dahil lumalaganap ngayon ang mabalasik na pagbabagong-klima sa pandaigdigang panulaan at sa buong panitikang pandaigdig.

Magandang hapon sa inyong lahat, at ipagpatuloy natin ang pagtangkilik sa mga akda ng mga Filipinong manunulat.

(Binagong bersiyon ng papel  ni Roberto T. Añonuevo na unang binasa noong 1 Setyembre 2007, sa Pistang Panitik, Manila International Book Fair, na ginanap sa World Trade Center, Roxas Boulevard, Maynila, Filipinas; at pagkaraan sa Bulakan. )

Edit, Editing, Editor (Unang Bahagi)

(Noong 28 Nobyembre 2007, naanyayahan akong magbigay ng panayam sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman hinggil sa editing. Hindi ko matanggihan si Dr. Galileo Zafra, na iginagalang kong kritiko at istoryador ng panitikan. Heto ang panimulang bahagi ng aking papel. Saka ko na lamang isusunod ang iba pa, dahil mahaba ang artikulo.)

Kathang-isip man o hindi, ang unang propesyonal na editor sa larangan ng panulaang Tagalog, at siyang kinilala ng madla, ay si José de la Cruz, ayon kay Julian Cruz Balmaseda. Itinuring ni Huseng Sisiw, alyas ni De la Cruz, na propesyon ang pagiging editor, kaya sumisingil siya ng isang sisiw sa bawat tao na ibig magpatulong sa kaniyang magsaayos o magtuwid ng mga tula. Mapapansin sa anekdotang ito na itinatakda na noon pa ni Huseng Sisiw ang bawad sa isang editor. At mabuting naipakita niya na may katumbas na halaga ang anumang paghihirap ng editor, hindi lamang upang mapabuti ang akda ng gaya ng makata, bagkus upang matugunan din ang pangangailangang pangkabuhayan ng editor-makata.

Kung babalikan ang kasaysayan ng panitikang Tagalog o ang iba pang panitikang nasusulat sa wikang lalawiganin, Ingles, at Espanyol, mababatid na gumaganap ng malaking papel ang editor sa pagtataguyod ng ating panitikang pambansa. Ang mga editor ng aklat, komiks, magasin, pahayagan, polyeto, at iba pa ang magtatakda ng pamantayan at kumbensiyon sa pagsulat ng mahuhusay ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at kritika. Makikilalang editor bukod sa pagiging manunulat sina Gemino H. Abad, Alejandro G. Abadilla, Teodoro A. Agoncillo, Virgilio S. Almario, Lamberto E. Antonio, Cecilio Apostol, Francisco Arcellana, Liwayway A. Arceo, Julian Cruz Balmaseda, Mike L. Bigornia, Ariel Dim. Borlongan, Jose Y. Dalisay Jr., Gregorio Brillantes, Florentino T. Collantes, A. C. Fabian, Amado V. Hernandez, Nick Joaquin, Jose F. Lacaba, Rogelio G. Mangahas, Clodualdo del Mundo, Bienvenido A. Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Alfrredo Navarro Salanga, Lope K. Santos, Jose Garcia Villa, Alfred A. Yuson, at iba pang bantayog ngayon sa panitikan.

Editor ang tagapagsalba o salarin ng isang akda bago pa ito mailathala. Siya ang gabay ng manunulat; at gaya sa basketbol, ang coach na naghahain o nagpapanukala ng mga estratehiya kung paano maihahatid nang epektibo tungo sa mambabasa ang mensahe ng awtor. Sa ilang pagkakataon, ang editor ang kritiko ng manuskrito at ang espesyalista sa isang lárang. Kaya siya rin ang malimit maging kontrapelo ng manunulat na napakakunat tumanggap ng pagkukulang at aminin ang angking katangahan.

Pangunahing tungkulin ng editor ang maging ikalawang mata—na bukod sa angkin ng manunulat—na titingin at sasala nang matindi sa bawat salita o sa kabuuang disenyo ng anumang akda mulang pabalat hanggang pangwakas na pahina. Editor din ang tagapangasiwa sa iba pang tauhan sa produksiyon at paglilimbag, o kung minsan, hanggang paghahanap ng network sa promosyon ng aklat. Ang tagumpay kung gayon ng isang akda ay hindi lamang maipapataw sa balikat ng awtor. Nasa likod palagi ng manunulat ang editor, na malimit lingid sa kaalaman ng madlang mambabasa.

Gayunman, ang editor ang pinakakawawa yatang nilalang sa lárang ng publikasyon. Hindi kinikilala sa Filipinas ang kaniyang uri at galing. Malimit tinitipid, kung hindi man minemenos, ng pabliser ang bayad sa kaniya. May ilang manunulat na nagkakasiya na lamang tumbasan ng ilang bote ng serbesa at samplatitong pulutan ang paghihirap ng editor matapos lumabo ang mga mata nito sa pagbabasa at pagtutuwid ng tekstong namumutiktik sa mali. Kaya naman may ilang nagtangkang magbuo ng kapisanan ng mga editor sa teksbuk nang maitakda ang bayad sa propesyon; ngunit pagkalipas lamang ng ilang buwan ay tila nawalan ng tinig ang pangkat sa kung anong dahilan.

Mahabang usapan ang pangkabuhayang aspekto ng editor, at nangangailangan yaon ng iba pang talakayan. (Wakas ng unang bahagi. Karapatang-ari ni Roberto T. Añonuevo)

Mambabasang Pinoy

Isa sa magagandang lumabas na balita ay ang sarbey na ipinalabas ng National Book Development Board (NBDB) hinggil sa pagbabasa. Ayon sa sarbey, pinipili ng karaniwang Filipino ang magbasa ng mga aklat at iba pang babasahing nasa wikang “Tagalog.”

Tila nagkamali ang gumawa ng sarbey dahil naipagkakamali pa rin ang “Tagalog” bilang wikang pambansa. “Filipino” dapat ang ginamit na salita imbes na “Tagalog.” Ano’t anuman, malinaw sa resulta ng pananaliksik na 50 porsiyento ng populasyong Filipino ay pinipili ang magbasa ng mga aklat na nasusulat sa “Tagalog” (Filipino), at 32 porsiyento niyon ay nais ang gayong mga akda. Samantala, 35 porsiyento lamang ng populasyon ang nagbabasa sa Ingles, at 15 porsiyento niyon ay nakagusto sa Ingles.

Ano ang ibig sabihin nito? Na kahit baligtarin ang mundo, hindi maitatatwa ng mga awtoridad na lumalakas ang wikang Filipino bilang tulay ng pakikipagtalastasan ng buong bansa. Higit pa rito, unti-unting nababatid ng madla na maraming akdang nasusulat sa Filipino ang kapupulutan ng mga hiyas, at dapat tuklasin ng bagong henerasyon ng mga mambabasa.

Sa ganitong pagkakataon, naniniwala ako na kahit sa larangan ng internet, ang Filipino ay mananaig balang araw dahil hinihingi iyon ng bayan at nag-iinit ang marami sa pagsulat at pakikipag-usap sa Filipino na matalik sa kanilang puso.