Apokripa ng Ibong Adarna, ni Roberto T. Añonuevo

Apokripa ng Ibong Adarna

Roberto T. Añonuevo

Ang pagbihag ba sa Ibong Adarna ay “kawangki ng anumang dakilang saloobin sa pagsulat, lalo na yaong may layuning maging makabuluhan sa lipunan at panahon”? Oo ang sagot kung paniniwalaan ang Peregrinasyon at iba pang Tula (1970), o ang Balagtasismo vs. Modernismo (1984; 2016) ng butihing Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at uuriin ang Ibong Adarna sa isang limitadong bahagi ng salaysay nito. Ngunit dapat ding itanong kung ang “pagbihag” ba ay kaugnay ng pagpapaamò, na sa kalauna’y magiging katumbas ng pagkakabilanggo ng ilahás na ibon para sa pansariling kapakinabangan ng manunulat na kailangang gamutin ang malubhang sakit ng pagkatigang ng imahinasyon. Makalipas mabihag ang ibon ay ano ang kasunod? Hindi ba magkakaroon ng suliranin o balakid kung ang Ibong Adarna ay sisipatin sa kabuoang katangian nito, at kakasangkapanin sa pagbubuo ng mito para sa mga Filipino, lalo sa mga makatang Filipino o manunulat?

Taglay ng Ibong Adarna ang mahiwagang gamot sa malulubhang sakit na dadapò sa tao, ayon sa alamat, maging siya man ay hari o pulubi.  At ang lunas na ito ay magmumula sa isang awit na makapagpapaginhawa sa katawan, kaisipan, at kamalayan ng tao. Ang awit ay masisipat na tumatawid sa dalawang dimensiyon: una, ang pisikal; at ikalawa, ang metapisikal. Mapahahalagahan ang nakagagaling na awit kung ito ay naririnig ng marami, imbes ng isa o dalawang tao lámang, at kung gayon ang pagpapagaling ng sakít ay masisipat na hindi lámang para sa isang maysakit, bagkus kahit sa lahat ng matatalik na tao na nakapaligid sa kaniya, kung tatanawin ang awit bilang sining. Ang awit ay hindi itinatago, bagkus itinatanghal, at sa Ibong Adarna, ang pag-awit ay pagsasadula ng kombinasyon ng búhay at kamatayan. Ang kaganapan ng Ibong Adarna ay nasa pag-awit na makapagpapagaling ng sakít; at sa oras na magawa ito ng ibong engkantada ay iipot ito’t unti-unting aantukin na maglalantad ng kaniyang likás na karupukan, at ng puwang para mabihag ng ginintuang sintas. Ang ipot ay maituturing na negatibong aspekto ng ibon dahil nakapagpapabato sa sinumang tao, na kabilang panig ng nakapagpapagaling dahil sa awit ng ibon. Ngunit sa isang banda, ang ipot ay maaaring tanawin na hindi sandata ng ibon, bagkus sadyang likas na proseso ng pagpupurga sa sarili at pagtatanggal ng lason na makamamatay sa nasabing ibon. Hindi sasadyain ng Ibong Adarna na gawing bato ang sinumang mapangahas na tao; magaganap lámang ang pagiging bato ng tao kung lulugar siya doon sa pinaghuhulugan ng ipot. Ang ipot ay katumbas ng pagkabato, o kamatayan sa punto de bista ng mga prinsipe, at malulunasan lámang kung makasasalok ng mahiwagang tubig sa bukál na malapit sa punongkahoy at ibubuhos sa tao-na-naging-bato. Ang matang-tubig ang resureksiyon ng mga sinampalad na gaya nina Don Pedro at Don Diego, at ang lihim na ito ay magmumula sa isang maalam na ermitanyo na may memorya hinggil sa engkantadang ibon.

Hindi wakas, kung gayon, ang pagiging bato matapos maiputan ng Ibong Adarna. Kailangan lámang tuklasin ang lunas na matatagpuan sa lihim na matang-tubig upang sumilang ang bagong kamalayan.

Suplada ang Ibong Adarna, at hindi basta mapaaawit, at may tumpak na ritwal ito bago umawit. Aawit ito pagkadapo sa isang paboritong sanga (na hindi maaaring dapuan ng ibang ibon) ng Piedras Platas, sa kailaliman ng gabi, at tahimik ang paligid. Maganda nga ito ngunit ilahás: may pitong kulay ang balahibo, gaya ng Harpactes ardens; at nakahuhuni ng maalamat na pitong awit na parang pitong tinig sa isang orkesta, at ang malupit, ito ang nakapagpapahimbing sa sinumang makaririnig. Sabihing hipnotiko ang tinig ng Adarna, at ang pagiging hipnotiko nito ang magpapabato sa sinumang magtangkang bumihag sa kaniya. Hindi lamang ito ang katangian ng Adarna. Marunong ang nasabing ibon kung paano magsalita gaya ng tao, at nagtataglay ng memorya sa lahat ng kaniyang masasasaksihan, gaya ng parang sirang plakang pagsasalaysay sa masaklap na sinapit ni Don Juan sa kamay ng kaniyang mga kapatid at magbubunyag ng katotohanang lingid sa kaalaman ng hari.

Kailangan ang paglalakbay sa Pitong Bundok, ang pagharap sa leproso o ermitanyo bilang bagong kamalayan, ang pagsapit sa Bundok Tabor, at ang paghahanap sa Piedras Platas, bago matagpuan ang nasabing ibon. May mga pagsubok na dapat harapin, at ang pagsubok na ito ay may kaugnayan sa pagkilala sa angking pagkatao, at hindi lamang nahahanggahan ng isip. Ang identidad ay sinusuhayan ng isip, at sa gaya ni Don Juan, siya ay hindi lámang isang prinsipe bagkus isang anak, kapatid, at tagapagligtas sa amang nararatay sa karamdaman at sa mga kapatid na naging bato matapos maiputan ng engkantadang ibon. Samantala, ang panig nina Don Pedro at Don Diego ay salungat sa identidad ni Don Juan, at ang identidad na ito ay may kaugnayan sa pag-angkin sa kahariang mamanahin mula sa kanilang ama. Dahil matibay ang paniniwala ng magkapatid sa kani-kaniyang suwail na identidad, pangangatawanan nila ang pagiging kontrabida para maghari sa Berbania. Ibig sabihin, ang identidad na nais ng magkapatid na Don Pedro at Don Diego ay kaugnay ng pampolitikang kapangyarihan, at gagawin nila ang lahat kahit ang katumbas ay pagtataksil, panlilinlang, at pagpatay sa kapatid—para sa mithing manaig.

Ang Ibong Adarna, kung gayon, ay masisipat na ultimong solusyon sa mga sakit na hindi káyang arukin ng isip at lumalampas sa lohika ng pisikal na pandama. Ang engkantadang ibon ay hindi simpleng maitutumbas sa gunita o isipan o kaakuhan, gaya sa isang makata o manunulat, bagkus sa kabuoan o sabihin nang kosmikong identidad at kamalayan ng engkantada bilang kapilas na búhay ng tao, na gaya ni Don Juan, na nagsisimulang tumuklas din ng sariling kamalayan bilang tao na kaugnay ng malawak na kaligiran. Ito ang dahilan kung bakit itataya ng magkakapatid na prinsipe ang búhay mabihag lámang ang engkantadang ibon, at dalhin sa harap ng amang hari nang masagip siya sa bingit ng kamatayan, at nang sumilay ang bagong kamalayan.

Sinematograpiko ang taktika ng paggamit sa pagbihag sa Ibong Adarna, gaya sa pelikula nina Dolphy at Lotis Key, kung iuugnay ito sa “dakilang saloobin sa pagsulat” at sa mithing maging relevant o “makabuluhan” sa kasalukuyan at lipunan. Ngunit ang pagbihag sa nasabing ibon ay isang aspekto lámang o munting butil sa mahabang proseso ng pagtatamo ng mithi ng manunulat, at magiging adelantado kung tatanawin o ikakabit pa ang naturang aksiyon sa pagnanais na maging relevant o makabuluhan sa lipunan at panahong ginagalawan ng manunulat. Samantala, ang kaganapan ng manunulat ay nasa pagsusulat (at hindi sa pagkakabit ng etiketa), at upang masuhayan ang identidad na ito ay gagawa ng anumang paraan ang manunulat (gaya ng pagsasanla ng kaluluwa sa sinumang demonyo, kung hihiramin ang dila ni Johann Wolfgang von Goethe) upang patunayan ang kaniyang identidad na ibig ipamalas sa daigdig. Ang pagiging relevant o makabuluhan sa lipunan at panahong ginagalawan ay maaaring tanawin na resulta lámang ng pagtanggap ng nasabing lipunan matapos makaengkuwentro ang mga akdang nasulat ng naturang manunulat.

Sa oras na magampanan ng Ibong Adarna ang tungkulin nitong lunasan ang malubhang sakít ng isang hari (na tinatanaw na tagapagbigkis ng isang lipunan) ay ano ang kasunod? Wala. Ang engkantadang ibon bilang doktor o babaylan ay gumaganap sa papel ng higit sa itinadhana sa kaniya ng kalikasan; at kung may kamalayan ito ng gaya ng tao, ang posibilidad ng Adarna ay hindi dapat magwakas sa tadhana ng pagkakabihag sa mga kamay ng gaya ni Don Juan, o sa pagkakabilanggo sa kaharian ng Berbania, bagkus sa pagpapalaya rito mula sa anyo ng isang ibon para magampanan ang nasabing kakatwang tungkulin tungo sa kapakinabangan ng ibang tao na nangangailangan ng gayon ding uri ng paggamot. Ang pagbihag, at pagkakabilanggo, ng Ibong Adarna sa kahariang Berbania ay sakim, dominante, at makitid na pagtanaw sa estetikang silbi ng ibon—na ibig gawing alipin at imonopolyo ng piling maharlikang pamilya lámang.

Ang pagbihag sa Ibong Adarna ay isang mito kung paano sasagkaan ang natural na proseso ng búhay ng tao.  Bakit pipigilin ang pagdupok ng katawan at ang napipintong kamatayan kung iyan ang likás na daloy para matamo ang kamalayan? Ang naturang aksiyon ay mula sa pananaw na ang tao ay lamán at buto lámang, at walang kamalayan. Ang kamalayan na tinutukoy dito ay hindi maitutumbas na kasalungat ng pagtulog o coma, na nakaaasiwa kung sisipatin bilang talinghaga sa panig ng isang manunulat o makata. Ang maituturing na paghahanap ng inmortalidad ay hangad ni Haring Fernando, na kakatawanin ng kaniyang tatlong anak. Ang matandang Haring Fernando ay haring masasabing hindi gumanap ng kaniyang tungkuling ipása sa susunod sa henerasyon ang tamang pamamalakad ng kaharian, at kung gayon ay ehemplo ng kawalang-kamalayan. Hindi niya kilala ang pinakaubod na katauhan ng kaniyang mga anak; at kinakailangan pang magkasakit siya, umupa ng eksperto para sanayin sa paggamit ng espada ang tatlong prinsipe, at ipadala sa Bundok Tabor, para lámang mailigtas siya sa malubhang karamdaman. Maipapalagay na takót mamatay si Haring Fernando, gaya ng takót siyang ihabilin sa kaniyang mga anak ang kaniyang kahariang ipinundar sa pamamagitan ng espada at pananakop.

Ang Ibong Adarna, gaano man kaganda o kailap, ay masisipat na hindi simpleng talinghaga na binibihag para lunasan ang malubhang sakít ng pagkatigang ng imahinasyon at kawalang-pakialam ng isang manunulat o makata sa lipunang Filipino. Iba ang daigdig ng Ibong Adarna at ang daigdig ng walang-hanggahang-posibilidad at imahinasyon ng manunulat. Ang manunulat o makata, na nagkataon mang “Filipino,” ay nahahanggahan ng kaniyang memorya, at ang memoryang ito ang nagtataguyod sa dunong o talino ng isang tao sa isang tiyak na panahon at espasyo, gaya noong pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas. Ngunit ang talino o dunong ay hindi ang sukdulan ng lahat, bagkus bahagi ng pagtatamo ng malalim na kamalayan-sa-sarili, lalo sa panig ng manunulat o makata. Lumalampas sa ideolohiya ang nasabing kamalayan, at hindi nangangailangan ng aprobasyon o palakpak ng kapisanan ng mga alagad o partidong pampolitika. Ang pagbihag sa Ibong Adarna ay hindi rin para sa kapakanan ng bumibihag sa kaniya, na gaya ni Don Juan, para lumawak ang angking kamalayan, bagkus para sagipin ang isang matandang maysakit na hari. Sa ganitong pangyayari, ang proseso ng pagbihag, gaano man kasalimuot gaya sa naturang korido, ay hindi para sa manunulat, bagkus waring laan sa isang tao na marunong gamitin ang hulagway ng engkantadang ibon para magtamo ng isang kaharian na mamanahin mula sa hari. Na malayang pagbulayan ng sinumang manunulat, o makata, lalo kung ibig niyang maghari sa poder at manatiling burukrata magpakailanman.

Malayang isipin o gamitin magpahangga ngayon ninuman “ang sakripisyo sa lilim ng Piedras Platas bilang talinghaga sa naging kasaysayan ng makatang Filipino sa loob ng ika-20 siglo.” Ngunit kahit ang ganitong pahayag ay dapat tinitimbang nang maigi, bago maging bato ang lahat.

landscape sea coast water horizon silhouette bird glowing cloud sky sun sunrise sunset morning dawn seagull dusk boot evening orange red romantic clouds denmark mood abendstimmung mirroring afterglow evening sky back light weather mood red sky at morning sinks laesoe vester havn

Samyô, ni Roberto T. Añonuevo

Samyô

Roberto T. Añonuevo

Ang humót sa leeg ng isang estranghera
. . . . . . . . . . . . . ay súpang na umaalimbukad
at nagpahinto minsan sa ginoong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . naglalakad
sa abenida na kabesado ng mga paa.
Pumasok nang walang pasintabi
ang halimuyak
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa kalooban ng lalaki,
tumagos sa buto hanggang kaluluwa,
. . . . . . . . . .  . . .  . at naibulong niya sa sarili:
Saang planeta ka nagmula,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . at ngayon lámang kita
nakilala?
. . . . . . . . . . . . .May kung anong ngumiti
sa singit ng guniguni,
. . . . . . . . . .. . . at kung ito ang tugon sa sagot,
ang daigdig ay hindi tumatandâ,
ang daigdig ay patuloy na bumabatà.

Paumanhin, ani babae nang masagi
nang di-sinasadya ang malamlam na anyo.

Kikisap ang sampung siglo sa loob
. . . . . . . . . . . . .  . ng dalawampung segundo,
at sisilang ang bagong pahiwatig ng puso:
mga gusali na tinakpan ng mga ugat,
mga lungsod na umahon sa dagat,
mga balón na imbakan ng lason at sanggol,
mga bituin na sininop sa disyerto’t pusali,
mga pamayanang lumikas sa ibang lupalop,
at ngayon,
. . . . . . . . . .  . isang matandang bulag sa takipsilim.

Makakaligtaan ng lalaki
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang kaniyang pangalan,
at kung ilang ulit siya isinilang at namatay,
ngunit matatandaan niya ang simoy
. . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng libo-libong ilang-ilang.
Magugunita ng punongkahoy at ibon ang amihan,
isasalaysay ng mga alon ang unos at bagyo,
at lulukob sa bubuyog at paruparo ang bulaklak.

Magpapatuloy sa paglalakad ang babae
na waring potograpong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sumasagap ng paligid,
ngunit hindi niya mauunawaan ang nakita.
Tatahakin ng babae ang kung saang landas
na may memorya ng mga paghahanap,
at pagbabalik, sa dinidibdib niyang iniibig.

Hihinto nang saglit ang daigdig.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ilang sandali pa, ang dilag
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay kakainin
ng usok mula sa mabagal na trapik
. . . . . . . . . . .  .ng mga sasakyan at himutok,
at bubusina sa poot ang bus at motorsiklo.

Mapapatda sa bangketa ang lalaki,
maiiwan, mauutal, mangangatal
sa kariktang hindi niya makita at makikita
. . . . . . . . .bagkus habambuhay malalanghap
sa dumurupok na alaala,
na waring pagbabalik sa isang lumang pelikula.

beach sea water nature outdoor ocean horizon silhouette walking light cloud sky girl sun woman sunrise sunset sunlight morning dawn summer dark coastline motion dusk evening carefree reflection show shadow peace romance human freedom lifestyle family one happiness holidays single beauty body quiet the sun in the sand mirroring recovery to relax the coast quiet and peaceful the power

Lamanlupa, ni Roberto T. Añonuevo

Lamanlupa

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Sa daigdig ng Tralala, ang mga pangalan ay hindi mahalaga. Makapapasok ka rito basta sungayan ang loob kahit marupok ang tuhod (nagmula man sa mababang punsô o malagong punò), at marunong sumunod sa wika ng Panginoon. Malaya kang umimbento ng palayaw at apelyido, at ang taguri ay mahihiram mula sa mataas o mababang uri, o sa alinmang kulay o lahi, na ang wika ay kaiinggitan sapagkat umaahon sa pusali. Kung mahalaga sa iyo ang taglay na mukha, pahihintulutan kang makapagsuot ng libong maskara, na makatutulay sa sapot ng mga landas, makasisitsit at makapanghihimasok sa himpapawid, habang may utak ang mga daliri na makasasakay sa elektromagnetikong alon at ingay.

Ipagpalagay na ang lahat ng balatkayo ay balát ng realidad. Halimbawa, kapag lumahok sa diskurso ng politiko o aktibista o artista, walang importansiya ang pakikinig. Ang tinig mo ang mahalaga, ang tinig na mataas o maangas, ang tinig na mapanlibak o mapang-asar, ang linyadong tinig ng matalino na nagkukunwang siraulo, na kidlat kung tumugon ngunit makitid ang bisyon gaya ng nirendahang kapre. (Marahil iyan ang makapagpapatawa na makahahatak ng milyong kapanalig.) Iwaksi sa isip ang komunikasyon. Ikaw ang komunikasyon. Maikukubli mo ang katauhan sa isang pitik, at dahil kabilang ka sa hukbo ng mga bayarang talibang alaskador, natural ang oportunidad na kumita, habang pinupukol mo ng mga putikang titik ang mga kalabang lintik, o kaya’y hinihintay silang mahulog sa bitag ng mga tinik.

Hindi uso rito ang etika, sapagkat iyan ang doktrina ng Panginoon, at walang dapat ipagtika. Habang dumarami ang iyong kasalanan ay lalong mabuti, sapagkat bakit ka pa paiiralin kung susunod lamang sa batas at patakaran ng ibang planeta? Iwaksi sa isip ang mga katagang tulad ng “awa” o “kawawa,” sapagkat hindi ka naririto para ipamalas ang birtud at bait. Ang mahalaga’y ang tatamuhing tagumpay ng hukbo-hukbong impakto na halimaw sa teknolohiya at kagila-gilalas ang teknika sa panlilinlang o pananakot, kung hindi man pambibiso. Walang imposible sa espasyo at panahong pinasok mo, at ang eternidad ay hindi matitimbang sa bisa ng moralidad. Iisa ang kulay ng lahat, at ang kulay na ito ay hindi dilaw bagkus berde, berdeng-berde, gaya ng pag-iisip ng iyong Panginoon.

Mahalaga kung gayon dito sa Tralala ang numero. Ang hininga mo ay may numero, gaya ng hakbang at indak, at may katumbas na sahod o regalo. May numero para ka sumubaybay, o subaybayan, mulang malimit dalawing pook hanggang nililisang aliwang paraiso. Para kang tupa sa piling ng daan-daang tupa na ang pastol ay sumusunod din sa Panginoon. Ngunit dahil matalino ka, ang bakás ng iyong mga paa ay mabubura, gaya ng pagbura sa tsok sa pisara, sa tulong ng eksperto na gigíl sa paggúgol ng mga salita ng Panginoon. Yamang may maiiwan kang pulbos o gabok, matatagpuan ka pa rin kung iibigin ng mga awtoridad. At dahil seguridad mo ang nakataya, makasisingil ka nang malaki  sa iyong serbisyo, gaya ng burukrata na dating puta o putang naging abogado, tawagin man itong sariling sikap o serbisyo publiko, para sa iyong patron at merkado.

Ang gahum mo ay magmumula sa iyong hukbong kinaaaniban, at marami sa mga kawal nito ay pusakal na magnanakaw ng ibang kalabang katauhan. Masisindak mo, sa tulong ng iba pang nilalang na kawangis mo, ang kalaban sa pamamagitan ng salita, sapagkat ang Salita ang simula at wakas. Anumang wikain mo ay puwedeng maging katumbas ng pagdukot, pagbugbog, paggahasa, at pagbilog sa identidad ng kalaban. Kapag hindi naniwala sa iyo ang pinatutungkulan, asahan mong magpapadala ng mga tiktik ang Panginoon, upang tuparin ang tadhana ng bilibid kung hindi man nitsong malamig. Marami kang personalidad ngunit hindi mo pag-aari ang sarili. Ito ang katotohanang hindi maiiwasan, at sa oras na lumihis ka ng landas ay matutulad ka sa ibang bangkay na babangon at maglalakad ngunit mananatiling bangkay magpakailanman.

Bago pumasok sa daigdig ng Tralala, humandang limutin ang sarili, tawagin ka mang Pag-asa.

Videopoema ni Roberto T. Añonuevo, batay sa kaniyang tulang tuluyang pinamagatang “Lamanlupa.”

Perspektiba, ni Roberto T. Añonuevo

Perpektiba

Roberto T. Añonuevo

Isisilang sina Picasso at Van Gogh sa mga kambas
ni Wolfgang Beltracchi, at ang silbi ng maskara
at kosmetiko ay matatagpuan sa rabaw ng mesa

o sa iyong masukal na loob.

Ang daigdig ay hindi itim at puti, o kaya’y bahaghari.
Ang daigdig ay singgaspang ng dila’t gawi ng hari
na nagtatampisaw sa sanaw ng mga papuri at salapi.

Naghahalakhakan, nag-iinuman ang mga pintor
sa silid ng libong guniguni.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sintunadong musika
ang palsipikador at kopyador sa museo at galeriya
ng rangya’t pagmamalabis, wika ng oleo at paleta.

Ano si Balagtas kapag binantuan nina Eliot at Lorca
sa gunita ni Beltracchi?
. . . . . . . . . . . . . . . . .Marahil, isang tuyong ilog ni Heraklitus
na tinatawid ng buwaya at libo-libong langgam
o kung hindi’y isang parian
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . na lubog sa bahâ
at ang mga karetela ay rumirikit sa lintik at banlik.

Sa estasyon ng tren, ang mga ibon ni Heinrich
Campendonk ay maaaring karugtong na tadhana
ng mga bilanggo tungo sa bibitayan.
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .Ang bakal na tulay ni Auguste Herbin
ay iisipin mong tulay na hindi matapos-tapos
tungo sa impiyerno at kawalang-pakialam.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . At ang mga yate ni André Derain
ay naiinip na tinatanaw ng mga bagamundo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa baybay.

Bakit susumpain si Beltracchi kung ginamit niya
ang balón ng posibilidad na nabigong salukin
ng nakalipas? Paano kung siya rin ang mga lastag
na babae ni Fernand Léger,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at reenkarnasyon ng kahon

at manipestasyon ng mga impostor na posibilidad?

Ang sining ay katangahan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa hanggahan ng mga mata,
kung iyan ang ibig makita,
at kaydaling maikukubli sa mga plastik na pera.

At dito sa Filipinas, ang mga berdugo ni Juan Luna
ay mabubuhay muli
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . sa ngalan ng Batas Militar
tungo sa diwa ng Bagong Lipunan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
sa pasikot-sikot na kabulaanan ng mga eskinita
ng Dafen at Ermita,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang senado ng mga batas
na binabalì ng liwanag,
ang mga kawal at abogadong bumubulong
sa karimlan.
. . . . . . . . . . . . . . . .  . . Papasukin mo marahil ngayon
ang kambas na ito kahit di-nakausap si Beltracchi,

para sa paghubog ng bagong mahiwagang Ibon—
sa merkado ng inaangkin mo ngayong tradisyon.

Videopoema ni Roberto T. Añonuevo batay sa tulang pinamagatang “Perspektiba.”

Paraluman, ni Roberto T. Añonuevo

Paraluman

Roberto T. Añonuevo

Pumaloob ka sa Marinduque isang araw, at ikaw, sa wari ko, ang puso ng mga paglalakbay: divina filipina ang imbay, granado ang buhok ngunit ambar ang balintataw, lumalakad nang manipis ang tsinelas gayong kayputi ng mga sakong, at ang gunita ay mula sa malayong lungsod. Taglay mo marahil si Borges, at bawat hakbang  ay laberinto ng talinghaga bawat talinghaga, at ang palaisipan ng iyong labì ay pisì na tinatawid ng aking balikat at budhi. Kailangan kita kung ako ang tula.

Magpupugay ang mga barko sa iyong dibdib.

Makararating ka sa Boac gaya sa hula nang umuulan gayong nasa pusod ng tag-araw, at matatagpuan kita sa aking silid. Matatagpuan kitang gutóm, lastag, at basâ ang buhok, at naisip kong umahon ka mula sa dagat para tanggapin ng dalampasigan. Ang iyong salita ay bumubukal sa paningin, parang mula sa butanding ng malayong Oslob, at ang iyong kislot ay dayaray na naglalagos sa bintana. Nang lumapit ako sa iyo, tumakas ang iyong anino at lumukob ang simoy ng pinyahan.

Umiindayog ang tinig ng mga titik mo sa aking dibdib. Dalawang bundok sa pusod ng laot ang lumilitaw pagkahawi ng ulop, at parang ganiyan ang pakiramdam nang tahakin kita sa mga aklat. Anung kinis ng iyong mga pahina sa aking kandungan. Naririnig ko sa malayo ang batingaw ng Montserrat kahit sa aking pananaginip nang gising; at pumikit man ako, ikaw ang hulagway na nakangiti sa isang kapeterya mula sa matandang bahay na bato.

Pupukulin kita ng mga tanong, ngunit hindi ka tutugon.

Maglalakad tayo pagkaraan sa lansangan na maagang matulog ang mga ilaw ng mga bahay at tindahan. Nagliliwanag ang langit sa mga bituin. Sumisitsit ang mga kuliglig. Wala ni traysikel o dyip na naligaw sa daan. Mahimbing na namamahinga sa bangketa ang isang huklubang askal. Nakapinid ang mga pinto o bintana, at ang tanging bukás ay ang paningin mong kumikislap.

Maya-maya’y marahang umambon at umihip ang malamig na simoy. Nabasâ ang iyong mga pisngi, na parang tigmak sa luha. May dalawang aninong magkahawak kamay ang ating makakasalubong—na waring mga tauhan sa antigong pelikulang walang tokis. At nang sumulyap sila sa atin, ang nakita ko ay ako at ikaw.

Heto ang eksperimental na videopoema ni Roberto T. Añonuevo hinggil sa tulang “Paraluman.”

Magkikita tayo sa langit, ni Roberto T. Añonuevo

Magkikita tayo sa langit

Roberto T. Añonuevo

Matatakpan ng laksa-laksang saranggola ang langit,
At lilitaw ang sumisingasing na kabayo at dragon,
Lalangoy sa kaitasan ang mga balyena at lumba-lumba,
Lulutang ang mga kahon, watawat, at ulupong,
Iikot saka aalagwa ang mga leon, kalapati’t mariposa
Hangga’t hindi natin nayayapakan ang ating lupain.
Bakit ang himpapawid ay dapat lagyan ng hanggahan
Ay hindi natin maunawaan. Sasabihin ba nila sa ibon,
“Bawal pumasok dito?” kung nagmula sa ibang lupalop?
Mapipigil ba ang simoy para samyuin lámang nila
Sa lupaing dati nating nililinang, nilalandas, tinitirhan?
Mauutusan ba ang mga isda, korales, at salabay
Sa tadhana ng búhay, gaya ng embargo sa akwaryum?
Ang sinag ba ng araw ay dapat nakakiling sa relihiyon,
Politika, at lahi, at dapat maging monopolyo ng baterya?
Ang ulan ba ay mabubulyawan, ang bukál ba ay dapat
Angkinin lámang ng maykapangyarihan at mayayaman?
Maghahatid ng bulkan ang piling guryon, gaano man
Katayog at kahaba ang mga moog at pader; sisiklab
Ang mga lungsod, lulukob ang nakasusulasok na usok,
At gumanti man ng misil, lason, at uyam ang kalaban,
Mababatid nilang hindi tayo kaaway, bagkus kapatid,
Na may isang Salita.

Heto ang eksperimental na videopoema ni Roberto T. Añonuevo.

Banyuhay

Banyuhay

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Matatagpuan ng langit ang apoy, at apoy ang kaluwalhatian sa noo ng karimlan. Ikaw na waring naligaw sa kumbento ng mga Benediktino, ikaw na nakikinig sa himno ng dibino at materyal, ay maglalakad muli upang tumugtog sa mga hagdan tungo sa kaitaasan. Matutuklasan ng simbahan ang iyong mga kamay na kumakalabit ng mga bagting; at mauunawaan ng katahimikan kung bakit nakapaghihilom ng sugat ang bulong, at ang taimtim na panambitan sa himig ng pagmamahal. Magsasalimbayan ang alunignig ng mga kuliglig. Magkakaroon ng mga saray ang sapad na dimensiyon. Magbabago ang anggulo ng mga dingding. Mapipihit ang kindat ng mga sinag. Lalayo at lalapit ka sa tinatanaw. Maghahalo ang tilaok at alulong, at nakaupo ka mang nagbubulay gaya ng yogi ay maglalaho ang silbi ng orasan. Bibiyayaan ka ng pagkain ng simoy, sinag, at hamog. Madarama mo ang mga alon sa guniguni. Pagdaka’y may darapong tipaklong  sa iyong balikat, na waring nangungusap, na panahon nang sumilang ang mata sa loob ng mga mata—para maarok ang apat na panig ng kaliwanagan.

Sutrang Hirasol, ni Allen Ginsberg

salin ng “Sunflower Sutra” ni Allen Ginsberg ng United States of America.
salin ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sutrang Hirasol

Naglakad ako sa baybayin ng látang saging na piyer at umupo sa dambuhalang lilim ng Katimugang Pasipikong lokomotora upang tanawin ang takipsilim sa ibabaw ng bahay-kahong dalisdis, sakâ umiyak.

Tumabi sa akin si Jack Kerouac na umupo sa sira’t kalawanging bakal na poste, ang kasama ko, kapuwa namin pinagbulayan ang parehong diwain ng kaluluwa, na malamlam at bughaw at malungkuting mata, pinaliligiran ng nangagngangalit na bakal na ugat ng mga punongkahoy ng makinarya.

Ang malangis na tubig sa ilog ay sinalamin ang duguang langit, lumubog ang araw sa ibabaw ng mga dulong rurok ng Frisco, walang isda sa gayong saluysoy, walang ermitanyo sa gayong bundok, tanging kami lamang na may nirarayumang paningin at may amats, gaya ng matatandang tambay sa baybay, pagód at wais.

Tingnan ang Hirasol, aniya, may patay na abuhing aninong katumbalik ng langit, sinlaki ng tao, nakaupo sa tuyot na rabaw ng talaksan ng sinaunang kusot.—

—Humangos akong nabighani—iyon ang aking unang hirasol, ang mga gunita ni Blake—ang aking mga pangitain—ang Harlem

at Impiyerno ng silanganing mga ilog, mga tulay na nagpapalangitngit ng Mamantikang Sandwits ni Joe, mga karwahe ng patay na sanggol, itim at gastadong gulong na nilimot at hindi na muling niretoke, ang tula ng pasigan, mga kondom at damo, mga bakal na patalim, walang isteynles, tanging tigmak sa tae at matatalas na artefakto na naglalagos tungong nakalipas—

at ang abuhing hirasol ay namaywang pasalungat sa dapithapon, marupok-rupok matamlay at maalikabok na may batik at lagkit at usok ng mga lumang lokomotora sa mata nito—

korola ng malabo-labong balibol na itinusok at bakli gaya ng gastadong korona, mga butil na nalaglag mula sa mukha nito, ang malapit-lapit mabungal na bibig ng maaraw na simoy, mga sinag- araw na pinawi sa mabuhok nitong ulo gaya ng nakabilad na kawad ng sapot,

na iniwang nakatusok gaya ng mga kamay na sumungaw sa sanga, mga muwestra mula sa ugatang kusot, mga baság na piraso ng plaster na napigtal mula sa mga itim na supling, isang patay na langaw sa tainga nito,

balakyot binugbog na matanda ka, aking hirasol,
O aking kaluluwa, mahal kita!

Ang putik ay hindi putik ng tao bagkus ng kamatayan at mga lokomotorang tao,

lahat ng damit alabok, na belo ng nagdilim na riles ng balát, ang dungis sa pisngi, ang pilik ng itim na pighati, iyang magrasang kamay o burat o umbok ng artipisyal, grabe- kaysa-dumi, industriyal—moderno—lahat ng kabihasnang naglalaway sa iyong baliw na ginintuang korona—

at yaong malabong diwain ng kamatayan at maalikabok at walang pusong mga mata at wakas at lantang ugat sa kailaliman, sa nagsanuno-sa-punsong buhangin at kusot, de-gomang dolyares na papel, balát ng makinarya, ang sikmura at lamanloob ng humahagulgol, umuubo-ubong kotse, ang mga hungkag malungkuting lata na may mga kalawanging dila baga, ano pa ang mapangangalanan ko, ang pinausukang abo ng ilang tarugo, ang mga puke ng kartilya at ang magagatas na súso ng mga kotse, ang mga laspag na puwitan ng mga silya at lambi ng mga makinang de-baterya—lahat ng ito

na pawang nagsala-salabid sa iyong binurong mga ugat—at ikaw na nakatindig sa harap ko nang nagtatakipsilim, lahat ng kariktan mo’y nasa iyong anyo!

Ang perpektong kagandahan ng hirasol! Ang perpekto ekselente magayong hirasol na umiiral! Ang matamis likas na mata sa bago’t mapormang buwan! Nagising nang buháy at sabik na dumadakma sa dapithapon na anino ng liwayway na ginintuang buwanang simoy!

Ilang bangaw ang nangagsiikot sa iyo nang walang malay sa iyong dumi, habang minumura mo ang kalangitan ng riles at ang iyong bulaklak na kaluluwa?

Kawawang patay na bulaklak? Kailan mo nalimot na isa kang bulaklak? Kailan mo tiningnan ang iyong balát at nagpasiya na isa kang baóg marungis huklubang lokomotora? Ang multo ng lokomotora? Ang espektro at lilim ng dating makapangyarihang baliw na Amerikanong lokomotora?
Hindi ka naging lokomotora, Hirasol, isa kang hirasol!

At ikaw Lokomotora, isa kang lokomotora, huwag akong limutin!

Kayâ sinunggaban ko ang kalansay makapal na hirasol at isinuksok sa tabi ko gaya ng setro,

At nagsermon sa aking kaluluwa, at sa kaluluwa rin ni Jack, at sa sinumang makikinig,

—Hindi tayo ang balát ng grasa, hindi tayo ang mga kinasisindakang malamlam maalikabok walang hulagway na lokomotora, tayo ang ginintuang hirasol sa kalooban, pinagpala ng ating sariling binhi at balboning lastag na mga lawas ng tagumpay na lumalaki sa pagiging mga baliw itim pormal na hirasol sa dapithapon, tinitiktikan ng sarili nating mga mata sa anino ng baliw lokomotorang baybaying takipsilim ng Frisco na padalisdis latang gabing inaaba-abangan mo sa iyong pangitain.

Ang Wakas ng Daigdig, ni Jorge Guillén

Salin ng “El fin del mundo” ni Jorge Guillén ng España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Wakas ng Daigdig

Jorge Guillén

Waring malapit na ang wakas sa mahina ang loob na naghihintay at nakatindig nang walang tinag. Ito ang Wakas at Araw ng Paghuhukom. Humahangos ang mga pangitain. Nauunawaan ang lahat sapagkat napakadilim.

Terible ang dagundong. Makinig nang mabuti. Ito na ba ang pagkagunaw? May motor ng sasakyang naglandas. Nabiyak ba ang mga semento at numipis ang hangin? May isang bahay na itinatayô. Anung baho roon! Kimika, purong kimika: nakasusukang amoy na lumalaganap, nakasusulasok.

Wala nang higit na madali kundi talikdan ang katwiran para sa apokalipsis. Walang tuksong makaaakit sa bulgar na gawi kundi ang panlulumo. Lulutasin ba nang lubos ng kamatayan ang lahat, na nakakubli sa ating pangamba, sa harap ng patuloy na pagkagunaw?

Ito ang wakas ng daigdig, ng iyong daigdig. . . Huwag mabagabag. Susian ang orasan. Lilipas pa ang milyon-milyong taon. Bagaman nagaganap ang Kasaysayan nang paikot-ikot, napakabagal pa rin ng lakad ng mga minuto. Magtiis, magtiis ang pitlag ng matris.

Pagbubulay ni Aquiles, ni Pedro Lastra

Salin ng “Reflexiones de Aquiles” ni Pedro Lastra mula sa Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pagbubulay ni Aquiles

Pedro Lastra

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para kina María Cecilia at Julio

Batid mo na, at nasa mga tekstong pandalubhasaan
na sumisipi kay Homero,
na mananahan lámang sa sakong ko ang kamatayan.

Sadyang walang nakaaalam
kung gaano ako kalantad sa panganib,
kahit may basbas man ng grasya ng mga diyos.

Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan

Salin ng bahagi ng Kitab ‘Anqâ’ mughrib ni Muhyiddin Ibn ‘Arabi mula sa España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan,
At sa Dalampasigang ni walang alon ng karagatan;
At sa Liwayway na hindi nalulukob ng karimlan
At sa Gabing hindi sinisilayan ng madaling-araw;
At sa Espero ng walang takdang lokalidad
Na batid ng mangmang o matalinong paham;
At sa asul na Bobedang nakaangat sa lupain,
Umiinog sa gitna nito—ang Pamimilit;
At sa mayamang lupaing walang gahum ng kupula
At walang tiyak na lokasyon, ang Lihim na nakasilid.

Inamò ko ang Lihim na hindi nagbabago ang pag-iral;
Dahil itinanong sa akin: “Ginayuma ka ba ng Diwain?”
At ang tugon ko: “Wala akong kapangyarihan ukol diyan;
Ang payo ko: Maging matiyaga habang nabubuhay.
Ngunit kung tunay na ang Diwain ay ganap naitatag
Sa aking isip, ang mga bagà na naging lagablab,
At lahat ng bagay ay sinunog sa matinding apoy,
Ang gaya nito ay hindi pa nadanas noon pa man!”
At sinabi sa akin: “Hindi siya pumipitas ng bulaklak
Na pinahahalagahan ang sarili bilang Timawa.”
“Siya na nanliligaw sa babae sa silid nito’t nang-aakit
Ay hindi iisiping napakamahal ang halaga ng dote!”

Ibinigay ko sa kaniya ang mana at siya’y ipinakasal sa akin
Sa buong magdamag hanggang pagsapit ng madaling-araw—
Ngunit wala akong nakita kundi ang Sarili. O Siya
Na aking pinakasalan—mabatid nawa ang kaniyang ibig:
Dahil ang karagdagan sa sukat ng liwanag ng Araw
Ay ang maningning na Bagong Buwan at mga Talang makislap;
Nilibak gaya ng Panahon, bagaman ang Propeta (purihin siya!)
Ay minsang naghayag sa Panginoon mo na Siya ang Panahon.

“Biyahero,” ni Dulce María Loynaz

Biyahero

Salin ng “Viajero” ni Dulce María Loynaz ng Cuba.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Katulad ako ng biyaherong sumapit
sa pantalan nang walang sumasalubong sa kaniya;
Katulad ako ng mahiyaing biyaherong naglalakad
sa piling ng mga yakap at ngiti ng mga tao
na hindi para sa kaniya. . .
Katulad ako ng nag-iisang biyahero
na itinataas ang kuwelyo ng kaniyang abrigo
para labanan ang ginaw sa kaylawak na baybay.

“Gabi sa San Ildefonso,” ni Octavio Paz

Salin mula sa Español ng “Nocturno de San Ildefonso,” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Gabi sa San Ildefonso

. . . . . . . . .  .1

Inimbento ng gabi sa aking bintana
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . ang ibang gabi,
ang ibang espasyo:
. . . . . . . . . .  . . . . . . nagdeliryo ang karnabal
sa metro kuwadrado ng karimlan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Pansamantalang
katipunan ng apoy,
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . nangaglalagalag na heometriya,
nangaliligaw na numero.
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . . . .  Mulang dilaw hanggang pula,
lumarga ang espiral.
.  .  .  .  .   .  .  .  .  . . .  .  Bintana:
nakababalaning talim ng tawag at sagot,
mataas na boltaheng kaligrapiya,
balatkayong industriya ng langit/impiyerno
sa nagbabagong balát ng sandali.

Mga sagisag-tamod:
.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . pinasasabog iyon ng gabi,
umaahon,
. . . . . . . . . . sumasambulat sa tuktok,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . bumubulúsok
habang nagliliyab
. . . . . . . . . . . . . . . . sa kono ng anino,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lilitaw muli,
sumasagitsit na kumikislap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mga tambalang-pantig,
umiikot na lagablab
. . . . . . . . . . . . . . . . . . na kumakalat,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at muling magkakadurog-durog.
Iniimbento iyon ng lungsod , sakâ binubura.

Nasa bukana ako ng tunel.
Bumabaón ang ganitong sugnay habang tumatagal.
Marahil ay ako ang naghihintay sa dulo ng tunel.
Nagwiwika ako nang nakapikit.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . May kung sinong
nagtanim
. . . . . . . . . .ng gubat ng magnetikong karayom
sa aking pilik,
. . . . . . . . . . . . . may kung sinong
gumabay sa hilera ng mga salita.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang pahina
ay naging pugad ng hantik.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang kahungkagan
ay tumining sa balon ng aking sikmura.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Nahulog ako
sa walang hanggahang kawalan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .  . .  .Bumagsak ako nang hindi lumalapag.
Malamig ang mga kamay ko,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga paa’y malamig—
ngunit ang mga alpabeto’y nagliliyab, nagliliyab.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang espasyo
ay bumubuo at sumisira sa sarili.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Naggigiit ang gabi,
ang gabi’y hinihipo ang aking noo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . hinihipo ang aking diwa.
Ano ang ibig nito?

 

. . . . . . . . .  .2

Mga bakanteng kalye, pumipikit na ilaw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sa kanto,
ang espektro ng aso
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay naghahalungkat ng basura
para sa multong buto.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sigawan sa sabungan:
patyo ng bahayan at sayaw ng Aztec.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mehiko, bandang 1931.
Mga palaboy na balinsasayaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . isang kawan ng mga paslit
ang nagbuo ng pugad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng hindi nabiling pahayagan.
Inimbento ng mga ilaw-poste
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kapighatian
ang guniguning mga sanaw ng dilawang sinag.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . . . Mga aparisyon,
bumibiyak ang panahon:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . malungkutin, malanding lagitik ng takong
sa ilalim ng langit ng abo
                                    ang lagablab ng palda.
C’est la mort—ou la morte. . .¹
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pinupunit ng walang pakialam na simoy
ang mga anunsiyong nakapaskil.

 

Sa oras na ito,
.  .  .  .  .  .  .  .  . . . ang pulahang dingding ng San Ildefonso
ay itim,  at pawang humihinga:
. . . . . . . . . . . . . . . . . naghunos panahon ang araw,
naging bato ang panahon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .naging katawan ang bato.
Dáting mga kanál ang mga kalyeng ito.
. . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . . Sa araw,
ang mga bahay ay pinilakan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lungsod ng pulbura at awit,
nakagulapay na buwan sa lawa.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Itinatag ng mga kriyolo
sa rabáw ng mga baradong kanál
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at inilibing na mga anito
ang ibang lungsod
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .—hindi puti, bagkus pula at ginto—
diwaing bumabalikwas sa espasyo, tiyak na numero.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . Inilugar nito ito
sa sangandaan ng walong direksiyon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga pinto’y
bukás sa di-nakikita:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang langit at ang impiyerno.

Nahihimbing na distrito.
. . . . . . . . . . .  . . . . . .  . . .Tinahak namin ang mga galeriya ng alingawngaw,
ang pagitan ng mga wasak na hulagway:
. . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. ang aming kasaysayan.
Umid na bayan ng mga bato.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga simbahan,
simboryo ng mga halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga patsada’y
nanganigas na hardin ng mga sagisag.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Napalubog
sa kasumpa-sumpang paglaganap ng mga pandak na bahay:
mga hiniyâng palasyo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mga puwenteng natuyot,
mga niyurakang frontispisyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Kúmulus,
walang kuwentang madreporas,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .naipon
sa dambuhalang tipak,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . pinasukò
hindi ng bigat ng mga taon
bagkus ng kaululan ng kasalukuyan.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . Plasa ng Zócalo,
malawak gaya ng kalangitan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . naaaninag na espasyo,
pronton ng alingawngaw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Inimbento namin
nina Aliocha K. at Julián S.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang tadhana ng kidlat
sa mukha ng siglo at mga pangkat nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Tinangay tayo
ng simoy palayo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . ang pabigkas na hangin,
ang hangin na pinaglalaruan ang mga salamin,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .dalubhasa sa mga repleksiyon,
tagapagtatag ng mga lungsod sa eyre,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . mga heometriya
na nakabitin sa sinulid ng katwiran.

 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga higanteng bulate:
mga dilawang trambiyang huminto.
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Mga Ese at Zeta:
baliw na awto, insektong may matang maligno.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .  . . . .Mga diwain,
prutas na abot-kamay.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Prutas: mga bituin.
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .  . Nagliliyab.
Punongkahoy ng pulburang nakapapasò,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang diyalogo ng kabataan,
ang balangkas na kisapmatang nasunog.
. . . . . . . . . . . . Labindalawang ulit
. . . . . . . . . . . . . . . . sinapol ng mga bronseng kamao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . ang tuktok ng mga tore.
Sumambulat
. . . . . . . . . . . . . . ang gabi at nagkadurog-durog,
at kusang tinipon ang sarili
. . . . . . . . . . . . .  .at muling naging isa at buo.
Naghiwa-hiwalay kami,
. . . . . . . . . . . . . . . . . hindi doon sa plasa na may mga laspag na tren,
. . . . . . bagkus dito
sa pahinang ito: mga titik na nagsabato.

 

. . . . . . . . .  .3

Ang bata na naglakad sa tulang ito,
at pumaloob sa San Ildefonso at sa Zocalo,
ay ang lalaking sumulat nito:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang pahinang ito
ay paglalakwatsa sa loob ng magdamag.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . Dito’y nagkatawang-tao
ang mga kaibigang multo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang mga diwaing nalusaw.
Mabuti, ibig namin ang mabuti:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .   . . . upang ituwid ang mundo.
Hindi kami nagkulang sa katatagan,
. . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . .  .bagkus sa kababaang-loob.
Ang hinangad namin ay hindi inosenteng hinangad.
Ang mga presepto at konsepto,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang yabang ng mga teologo
na mambugbog sa ngalan ng krus,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . magpundar sa pamamagitan ng dugo,
magtayo ng mga bahay sa mga ladrilyo ng krimen,
at magpahayag ng sapilitang komunyon.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang iba’y
naghunos na maging kalihim ng mga kalihim
ng Pangkalahatang Kalihim ng Impiyerno.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang silakbo
ay naging pilosopiya,
. . . . . . . . . . .  . . . . . . . . na ang laway ay umagos sa kubyerta ng planeta.
Bumabâ sa lupâ ang katwiran,

nagsuot ng damit ng bibitayan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .—at sinamba ng milyon-milyon.
Paikot na banghay:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Lahat tayo,
sa Dakilang Teatro ng Kamunduhan,
ay naging hukom, berdugo, biktima, at testigo,
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .lahat tayo
ay nagbigay ng palsong testimonya
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . llaban sa iba
at laban sa ating mga sarili.
At ang labis na nakaririmarim: tayo
ang madlang pumalakpak o humikab sa mga upuan nito.
Ang sála na walang alam na kasalanan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang inosensiya
na pinakamatinding kasalanan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Bawat taon ay bundok ng mga kalansay.

 

Mga kumbersiyon, retraksiyon, eskomunyon,
rekonsilyasyon, apostasiya, abhurasyon,
zigzag ng mga demonolatriya at androlatriya,
pangkukulam at paglilihis:
ang aking kasaysayan.
. . . . . . . . . .  . . . . . . Mga kasaysayan ba iyon ng mga pagkakamali?
Ang kasaysayan ay pagkakamali.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Higit sa mga petsa,
sa harap ng mga pangalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . ang katotohanan
ay ang nililibak ng kasaysayan:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang bawat araw
—ang anonimong tibok ng bawat isa,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang natatanging
pitlag ng bawat isa—
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang di-mauulit
na bawat araw, na kahawig ng lahat ng araw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
ang salalayan ng panahong walang kasaysayan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang bigat
ng kawalang-bigat ng sandali:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ilang pukol ng bato sa araw
na nakita noong unang panahon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ay nagbabalik ngayon,
na mga bato ng panahon na bato rin
sa ilalim ng araw ng panahon,
ang araw na nagmumula sa walang petsang araw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . ang araw
na sinisindihan ang ganitong mga salita,
na natutupok kapag ang mga ito’y pinangalanan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mga araw, salita, bato,
nagliliyab at natutupok.
. . . . . . . . . . . . . . .  . . . .Nakakubli, walang tinag, di-maabot,
ang kasalukuyan—hindi ang pag-iral—ay malimit.

Sa pagitan ng pagtanaw at paglikha,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . pagbubulay o pagkilos,
pinili ko ang gawa ng mga salita:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . likhain, panirahan ang mga ito,
bigyan ng mga mata ang wika.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang tula ay hindi katotohanan:
ito ang resureksiyon ng mga pag-iral,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang kasaysayang
nagbanyuhay sa katotohanan ng walang petsang panahon.
Ang tula,
. . . . . . . . . gaya ng kasaysayan, ay nalilikha;
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang tula,
gaya ng katotohanan, ay nakikita.
. . . . . . . . . . . . .  . .. . . . . . . . . . . . . . . . Ang tula:
enkarnasyon
ng araw-na-tampok- sa-mga-bato na nasa ngalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang disolusyon
ng pangalan na lampas sa mga bato.
Ang tula,
. . . . . . . . . . na taytay ng kasaysayan at katotohanan,
ay hindi tumpak na daan tungo diyan o doon:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . ito’y para masilayan
ang katahimikan sa pagkilos,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang pagbabago
sa katahimikan.
. . . . . . . . . . . . . . . . Kasaysayan ang daan:
nagtutungo kung saan,
. . . . . . . . . . . . . . . . lahat tayo’y nilalandas ito,
ang katotohanan ay paglakad dito.
. . . . . . . . . . . . . . . . Hindi tayo umaalis o sumasapit
lahat tayo’y nasa mga kamay ng panahon.
. . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . Ang Katotohanan:
tuklasin
. . . . . . . . . . ang ating sarili
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mula sa simula,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . nakabitin.
Ang kapatiran sa kahungkagan.

 

. . . . . . . . .  .4

Nangagkalat ang mga kaisipan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ngunit mananatili ang mga multo:
ang katotohanan ng nabuhay at nagdusa.
Ang halos basyong panlasa ang natitira:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .ang panahon
—pinagsaluhang silakbo—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang panahon
—pinagsaluhang paglalaho nang lubos—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . na sa dulo’y nagbanyuhay
sa gunita at sa mga enkarnasyon nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang nananatili’y
ang panahon bilang hinati-hating lawas: wika.

 

Sa bintana,
. . . . . . . . . . . . ang simulakrong mandirigma:
ang ulap ng komersiyal ng mga anunsiyo
. . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . ay naglalagablab, natutupok.
Sa likod,
. . . . . . . ..  . .ang halos di-maaninag,
ang tunay na mga konstelasyon.
Sa hanay ng mga bukana ng tinako, antena, asotea,
. . . . . . . . . . sumisirit ng tubig, higit na sa isip kaysa laman,
ang talón ng katahimikan:
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang buwan.
Hindi multo o idea:
dating diyosa
. . . . . . . . . . . . .  . .at ngayon ay napalihis na kalinawan.

 

Natutulog ang asawa ko.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Siya rin ay buwan,
ang kalinawan na naglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . hindi sa pagitan ng mga bakúlud ng ulap,
bagkus sa pagitan ng mga batuhan at alon ng panaginip:
siya rin ang kaluluwa.
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . Umaagos siya nang nakapikit,
ang tahimik na saluysoy
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . na dumadaloy nang tahimik
mula sa kaniyang noo hanggang talampakan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  .natatalisod siya sa loob,
sumasabog mula sa loob,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . hinuhubog siya ng tibok ng puso,
naglalakbay sa kaniyang sarili,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tinutuklas niya ang sarili,
iniimbento ang sarili,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ginagagad niya ito,
siya ang bisig ng dagat
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sa pagitan ng mga pulo ng suso,
ang kaniyang puson ay lanaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .. na ang karimlan at ang halamanan
ay pumupusyaw,
. . . . . . . . . . . . . . .  . dumadaloy siya sa kaniyang hubog,
umaangat,
. . . . . . . . . . . bumabagsak,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ikinakalat sa sarili,
. . . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . itinatali
ang sarili sa agos,
. . . . . . . . . . . . . . . . . at nilulusaw ang kaniyang anyo:
siya rin ang lawas.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ang katotohanan
ang daluyong ng hininga’t
ang mga pangitaing nakikita ng mga matang nakapinid:
ang halatang misteryo ng tao.

Ang gabi’y nasa yugto ng pag-apaw.
. . . . . . . . . . . . . . . .   . . . . . . . . . . . . . . . . Nagliliwanag.
Bumabalikwas na akwatiko ang panginorin.
. . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Naglalaho
mula sa rurok nitong oras:
pataas ba o pababa
. . . . . . . . . . .  .ang kamatayan, ang pagdama o ang pagwawakas?

 

Pumikit ako,
. . . . . . . . . . . . .naririnig ko sa loob ng aking bungo
ang mga yabag ng aking dugo.
. . . . . . . . . . . .  . Naririnig ko
ang paglipas ng panahon sa aking pilipisan.
. . . . . . . . . . . . . .Nabubuhay pa ako.
Ang silid ay nababalot ng buwan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Babae:
matang-tubig ng magdamag.
. . . . . . . . . . . . .  . . . . .Bihag ako ng kaniyang tahimik na pag-agos.

____________

Talababa

¹ Katumbas ng bulaklak ng dilang “Iyan ang kamatayan!” na kabaligtaran ng “Iyan ang buhay!”

 

Magwawakas sa Paliparan ang Daigdig

Magwawakas sa Paliparan ang Daigdig

Magwawakas sa paliparan ang daigdig
at ang mga sundalo’y nakatanod
sa lalapag na eroplanong karga
ang mabibigat na bagahe at kalungkutan.
Isang alkalde ang dumating, ngunit ang dinig mo’y
nagliliyab ang Gaza at kubkob ang Kurdistan.
Wala akong kakilala sa mga sumasalubong,
ngunit inaakala nila na ako ang kanilang
Kapalaran.
Malaya nilang isiping panauhin ako sa Dipolog
o Dapitan, at bilang panauhing maringal
ay nakatakdang magtalumpati sa harap
ng mga estudyante’t pista ng mga wika.
Nangangatal ang aking mga kamay,
gaya ng pira-pirasong memorya ng ibang lupain,
at masiglang nagkukuwento ang abrodista
sa sinapit niyang pagtakas doon sa Syria.
Wala akong maisip, walang tulang masindihan,
at aaliwin ang sarili sa mga dumaraang
motorsiklo, huni ng mga ibon, at sipol ng simoy.
Kailangan kong maunawaan ang paglalakbay
sa mahahabang dalampasigan,
at sakali’t magutom ay susubukin ang dila
sa inihaw na talaba, kinilaw na tanigi,
at alimangong iniaalay ang sarili sa kusina.
Magwawakas sa paliparan ang daigdig
at nagugunita kitang kinakatas ang taludtod
ni Samah Sabawi o Mahmoud Darwish
habang pinupulbos ang malayo mong lungsod.
Subalit ang mga guho ng bahay at masjid
ay mahimalang itinitindig ng iyong sugatang isip
samantalang bumabalot ang karimlan
dito sa dalampasigang aking kinatatayuan.
Maalinsangan ngayong gabi, at wari ko,
maghuhubad ang buwan sa gitna ng tubigan
upang itangis ang napakailap na kasarinlan.

Roberto T. Añonuevo, 17 Agosto 2014