Taliwas sa dapat asahan
Roberto T. Añonuevo
Sumisinghap ang lumang imus
Nang umahon sa aking balintataw,
Ang imus ng mga anino at kabág,
Tila ibig akong yakapin
Bilang naturál at di-matatawarang
Tungkuling walang ibang
Makagaganap.
Marahil, naroon ka at naglalakad
At hinahanap ang mga mata
Na sumasagap ng mundo—
Parang ako na humihinga,
Nagtatanong ng abo sa abo
At kung nasaan, halimbawa,
Ang singsing o katedral—
At ang simoy na nilalanghap
Ay kasingtamis ng matang-tubig
Tungo sa magkabukod na dagat.
Ang pananampalataya,
Sa krisis na gaya nitong
Walang katiyakan ang pantalan
Sa destiyero o timawa
At kaugalian ang kahangalan
Sa harap ng mga deboto’t diktador,
Kung ito’y hindi isang guniguni
Ay ituring na pag-ibig ko sa iyo
At nasa anyo ng antigong balangay
Na tumitingala sa mga talampad,
O kaya’y nagbábasá ng mga agos
Sa pamamagitan ng talampakan
Ng matandang hitano sa laot,
Habang umaalon ang lawas sa ilalim
Ng walang sinasantong ekwador.
Pagpapakatao, ni Roberto T. Añonuevo
Pagpapákatáo
Roberto T. Añonuevo
Mariposang lungti na binatikan ng dilaw-puti
ang kumakampay sa loob ng bolang kristal,
at kung ito’y malikmata ay hindi mahalaga.
Kumakampay ngunit hindi lumilipad,
ito sa wari mo’y ibig dumapo sa busangsáng
na rosal na nanánagínip, at malayang ihakang
magnanákaw, minsan pa, ng halik o nektar.
Marahil, isang lalaking masigasig ang bumaklay
sa dalawang bundok at siyam na batis
at naghanap din ng mga kakaibang kulisap,
para sa agham o kaya’y pansariling kaluguran,
ngunit ang nasalubong ay matandang alásip
na ang atibangáw ng mga bulóng ay kumakatok
sa puso at gulód,
o higit na tumpak, sa utak at dalamhati.
Ang ewritmikó ng huklubang tumatanaw sa iyo
ay malamig na simoy na lumulukob
sa ipinapalagay mo ngayong palad ng pag-ibig
na hubad sa anumang agam-agam at tákot.
Hihipuin mo ang mariposa sa iyong guniguni,
mababasag sa kisapmata ang bolang kristal
sa kung anong katwiran, ngunit kataka-takang
mabubuo kung hindi malulusaw sa mga kamay—
at sasagi sa iyo na ikaw ay akin, o kaya’y ako ikaw.
Paglimot, ni Roberto T. Añonuevo
Paglimot
Roberto T. Añonuevo
Bálat kung turingan, isa ka ring isinaharayang bátik ng kasalanan, o bawal na fatek na katumbas ng kamuslakan o sinaunang pagkakamali, kung pagkakamali mang matatawag, kapag lumihis sa pamantayan ng mabuti, malinis, maganda pagkagat sa bunga ng karunungan. Ito ang patsada ng gunita, na paulit-ulit magbabalik, sa anyo ng peryodikong panaginip at ikinakasang sumpa ng madla, burahin man sa ngalan ng kumpisal ay triple kung sumipa hanggang gumulapay ka sa lupa at pag-aglahi. O kolektibong alaala ng siberespasyo! Ikaw ang nagpakilala sa akin ng karapatang limutin o lumimot nang tahimik at kay bilis, ang karapatang ibaon sa kawalan at hindi na muling magbalik pa kahit sa anyo ng tunog o alimpuyo ng alikabok. Hindi ko pag-aari ang identidad. Ang susi sa aking pagkatao ay nasa kamay ng kung anong korporasyon, ang susi na itinapon o nawaglit kung saan at maaaring hindi na, hindi na matatagpuan pa, at kung mahanap man ng sepulturero ng kasaysayan ay kalawangin, marupok, at hindi na maipipihit, kung hindi ako magpoprotesta upang patuloy umiral sa loob ng sarkopago, dili kaya’y maglaho nang nakangiti tungo sa ibang uniberso, sa ngalan ng modernidad at bumabagsak na umanidad.
Sila na sumayang sa akin
Salin ng “They Who Waste Me,” ni Bert Meyers ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Silá na Sumayang sa Akin
Nang humingi ako ng katuwang,
binigyan nila ako ng pála.
Kapag nagreklamo ako, uusalin nila,
masisipag na karayom ang mga uod
na binibihisan ang bangkay sa tagsibol.
Bumuntong-hininga ako.
Sinumang humihinga
ay nasisinghot ang kapitbahay.
Mahal at Paruparong Takipsilim
salin ng dalawang tula ni Basuki Gunawan ng Indonesia
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas
Mahál
Oo, alam kong
isa kang dalóm sa pusod ng dagat,
ang pook na ang pinilakang isda
ay tinitighaw ang gutom sa oras at espasyo
hanggang ang matira’y mga takupis na nakakálat.
Paruparong Takipsilim
Mga labì mo’y malambót at basâ
gaya ng basahang pansahig na kinuskusan
ng libong talampakang natutuwa
sa pagpasok sa silid ng kalibugan
na ang mga dingding ay tinatakpan ng alikabok
at ng alikabok lamang.
Mga Hubog ng Pangitain, ni Roberto T. Añonuevo
Mga Hubog ng Pangitain
Roberto T. Añonuevo
1
Tumawid isang araw sa iyong paningin
ang kung anong bag,
paulit-ulit dumaan, kisapmata ngunit pabalik-balik,
at maaaring nagwika ng mga dapat ipunin, itago, at bitbitin.
Ngayon, ang bag na ito ay ano’t tila manganganak
ng iba pang bag na iba’t iba ang sukat, kulay, anyo’t salát,
wari bang sinadya para sa takdang lakad o okasyon.
Ang bag sa umaga ay hindi na ang bag pagsapit ng tanghali;
at ang bag sa tanghali ay magiging ibang bag sa gabi,
taglay ang pambihirang tungkulin
nang matangay kahit ang alikabok ng laksang tag-araw
ng iba’t ibang palengke, batasan, at simbahan.
2
Naisisilid kahit ang bagyo
sa iyo.
Bag na mahal na mahal ng ayaw ninumang walang dala,
ikaw ang nagkukubli ng aking tula
na parang ganito:
Ang kahungkagan ay sikmurà
ng tapayang wala ni sukà.
Dinudukot doon ang sawî
na isinúka ng buhawì.
3
Mahihiya marahil ang takipsilim kapag isinilid sa iyong bag,
sapagkat ang mga bituin ay nasa munting bulsa
at nasa sulok ang kard o lipistik o kapsula o retrato.
At kung sadya ngang mahihiya ang magdamag,
ito ay dahil inisip ng sinumang may hawak ng kalawakan
ang kutitap na mababanaag tuwing isinasara ang bag.
Hindi ko mauunawaan ang hiya, at lalong hindi mauunawaan
ang karimlan.
Ang nakikita ko’y ang bag mo, walang tatak ngunit nakatatak
ang imahen ng kapirasong buwan sa aking noo.
Kakapain kita.
Papaloob ako sa iyong bag. Hayaan akong humimbing
nang tahimik, naghihilik o nalulunod sa pulbos,
samantalang dumuduyan, kasabay ng imbay
ng iyong mga kamay na nanlalamig, nangangatal.
4
Ang bag na walang laman ay bag na katumbas
ng isang milyon. Ang balát na bag ay katumbas ng dalawang
siglong sahod o patamà na hindi mapapasakamay kailanman.
Sapagkat ang lumilikha ng bag ay matagumpay lamang
sa pangangarap ng naglalakbay na maleta at bayong.
Labas-masok ang mga ibong-tao, labas-masok
sa Göbekli Tepe, dala-dala ang bag na maaaring naglilihim
ng balabal mo at kalansay ko.
5
Sumasabog na bulkan, ito rin ba ang poot at himagsikan?
Hipnotiko at elemental, lahat ng maitutupi
ay maisisilid. Lahat ay himig ay om shanti, om shanti
O daigdig.
O plastik!
Kailangan kong kusutin ang nanlalabong paningin,
at lumuha ng mga graba.
Isang pugot na ulo ang katabi ko, at habang nakatitig
sa akin ay inuunan ang malalagkit na alahas at salapi.
6
Alsa-balutan, ako na tumatakas kasama ng bayan
ay naglaho ang pangalan.
Lahat ng maaaring madalá ay dadalhin mo.
Lahat ng alaala ay dadalhin,
kahit sapilitan, upang iwan muli
sa kung saang ligtas sa latigo, espada, kanyon.
Alsa-balutan, ako na nagmamadali ay kay bagal
buksan ang bag,
bantulot dahil iniingat-ingatang hugutin
ang panyo na kinababalutan ng kalingkingang
inosente
na tumilapon nang pasabugin ang gusali
ng isang lumang ospital.
7
Sinisiyasat ka, sinisiyasat na parang mensahero
ng trangkaso, damo, at lason sa isip.
Alinmang katwiran para sa seguridad
ng mga awtoridad at negosyante ay nararapat,
gaya ng pagbuklat at pagpukol sa mga abubot
na yamot na kinukumpiska sa piyer o paliparan.
Maiiwan ka at tatangayin ng mga guwardiya,
marahil para pigain at ikumpisal ang totoo.
Hindi ko alam kung bakit ito ang aking kapalaran
sa harap ng mga tropang imperyal at bughaw.
8
Listahan ng mga pangalan ang nasa loob ng bag.
Narito ang pangalan mo’t alyas,
ang hilig at fobya,
ang kiliti at Ligaya.
Direktoryo at network ng gahum
para isilid at ibaon nang malalim sa kung saang
planeta,
nanaising burahin nang maglaho ang batik at ugat.
Listahan ng mga pangalan ang nasa loob ng bag.
Mga maryoneta ng mga Kabataan
na pinaglalaruan ng mayayamang tigulang.
9
Bag ng papeles de bangko, mapa at titulo
ang marahil dala-dala mo.
Mga dokumentong
dinoktor sapagkat isa rin akong doktor.
Mawaglit man ang bag ay ano’t ikawiwindang
kung ang bag ay hindi na muling mabubuksan?
Maglalakad ako, at bubulong-bulong,
na wari bang kausap ang isang butangero.
At tumawid sa aking paningin ang isang bag,
tumawid at pabalik-balik.
Maaaring ako rin ang nasa loob niyon,
nasa loob na isang pantiyon,
kumakawag-kawag, pumipiglas-piglas,
ngunit ni hindi makahikbi o makahiyaw
at pilit tumatakas na waring hinahabol ng ahas.
Habilin sa mga Deboto, ni Sofia Bélizon
Habilin sa mga Deboto
Salin ng tula ni Sofia Bélizon ng Guyana
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang mundo sa aking palad ay kay gaan, ang mundo sa aking mapa ay kay liit; at kayo, na sa akin lumalapit, ay ako na inyong hinahagupit ng panalanging walang katuparan.
Mga bulaklak ng granada ang sumaboy sa aking daan. Mga bulaklak ng granada ang sumabog sa aking daan. “Ang puso ko’y umaapaw ang tubigang kulimlim at pinilakan . . . .”[*]
Ang daan ay hardin ng mga granadang nagkálat sa lupa. Hinog na granada, granadang malamuyot sa inyong dila. Ang mundo sa aking palad, malasin at mukhang prutas: Kay lambót kumbaga sa mamón, kainin at pamatay-gutom.
[*] Mga taludtod na hinalaw sa tulang “Caracola” ni Federico Garcia Lorca.
Sa Isang Gabing Pusikit, ni Mosab Abu Toha
salin ng tula ni Mosab Abu Toha ng Palestina salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas Sa Isang Gabing Pusikit Noong isang gabing pusikit, pabiling-biling ako sa paghiga. Yumayanig ang lupa, at nahulog ako sa aking kama. Sumilip ako sa bintana. Ang kalapit- bahay ko’y hindi na nakatindig. Tila ito lumang alpombrang nakalatag sa rabáw ng lupa, niyapakan ng mga misil, matatabang tsinelas na lumipad mula sa mga putól na paáng ni walang bintî. Ngayon ko lang natanto na ang kapitbahay ko’y may maliit palang telebisyon; na nakasabit pa rin sa dingding nila ang isang lumang pintura; na ang pusa nila’y mayroong mga kuting.
Umiiral ka sa Mukha ng Taglamig, ni Gëzim Hajdari
Umiiral ka sa Mukha ng Taglamig. . . salin ng tula ni Gëzim Hajdari ng Albania salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo Umiiral ka sa mukha ng taglamig bilang sugat. Walang tinag at banyaga sa di-perpektong espasyo, malimit masungit, hinihintay ang pantay na katahimikan ng buhangin upang kausapin ka nang lihim. Huwag magulat sa palaboy na ilog at bagong punongkahoy na wala rito noon. Sa palibot ng kisapmatang mga bagay, ang pagkawala ng mga makatang nagbibigkis ng langit sa lupa ay magpapatuloy. Sinasabing yayao tayo sa magkaaway na lupain. Ang mga taon ko: isang pagtakas sa nalilingid at muling pagkapukaw nang nahihindik sa gabi.
Distansiya, ni Andrea Zanzotto
salin ng “Distanza,” ni Andrea Zanzotto ng Italya salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo Distánsiya Ngayong ang lahat ng distansiya mo’y pumapaligid sa akin, nakatayo akong walang panlaban sa loob ng nag-iisang magdamag. Mahalimuyak ang pulút sa ibabaw ng mesa at kumukulog doon sa lambak, na labis ang pagkabalisa sa pagitan ng isa at iba pa. Ako ang malimit dinadalaw na espasyo na iniwan ng iyong araw. Halika. Tanungin ako kung saan ang sigaw ay pinaaalingawngaw ang pag-iisa ko at ang langit na ito na may bahid ng pagkayamot sa mga ilaw ng kabundukan ay nauunawaan ako nang taos-puso't walang wakas.
Ang Tula, ni Abū Bakr al-‘Adanī
salin ng tula ni Abū Bakr al-‘Adanī (Abū Bakr b. ʿAbd Allāh al-ʿAydarūs al-ʿAdanī) ng Yemen salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo Ang Tulâ Sínumang mabigông pigilin ang sarili sa kay bábaw na sumpóng ay makatitikim ng paghamak. Kapag nagpakahamak ang sinuman, hamak din ang mithi niya, kahit pa kasingtaas siya ng kabilugan ng buwan. Lahat ng sugat ay magagamot, maliban, anak ko, sa mga sugat na dulot ng dila. Maging banayad sa lahat ng gawain, dahil ang pagkabanayad ay naparirikit ang lahat ng bagay. Dalawang bagay lámang ang ugat ng pagdurusa ng hangál: Kasakiman at pakikíalam sa anumang wala siyang kinalaman. Mag-ingat, O tao! Maging matiyaga at matatag sa lahat ng gawain, dahil ang matiyaga, paglaon, ay makatatanggap ng tulong. Huwag salungatin ang panahon dahil magagapi ka nito; bagkus lumakad sa piling nito, at sasabay sa iyo ang panahon. Huwag maging magiliw sa iyong bayan; saanman naroon ang dangal mo ay naroon din ang iyong lunan. Ang tunay na yaman ay matatagpuan sa taqwā— magugunaw ang lahat ng bagay maliban sa taqwā. Sa pamamagitan ng taqwā, mararating mo, anak ko, ang kaligtasan sa búhay na ito at sa súsunòd na pag-iral. Huwag hayaang panlumuin ka ng iyong mga kasalanan; panatilihin ang mabuting kuro sa Panginoon sa lahat ng araw. Laging sundan mo ng mabuting gawa ang masamang nagawa, at hingin ang Kaniyang tulong, dahil siya ang bukál ng tulong. Huwag hingin kay Allah ang anumang bágay na hindi makakamit— ang hingín sa Kaniya ang kawalang kamalian ay kabuhungan. Nakatadhanang makibaka ka habang ikaw ay nabubuhay, kayâ palakasín ang iyong katiyakan at patibáyin ang puso. Kung tama ang katiyakan mo sa Kaniya, ipagsasanggalang ka niya, at lahat ng Kaniyang ibigin ay magaganap. Kung taglay ang katiyakan, ang pundasyon ng iyong taṣawwuf ay magiging matatag at malinaw. Lilínaw sa iyong loob ang mga lihim ng di-nakikita at ang impormasyon hinggil doon ay mababanaag. Hindi na angkop ang magwika nang higit pa rito— ito ang mabuting lunan upang tangan ang renda. Ibigay nawa ni Allah ang ganap at perpektong dasal at ang kapayapaan sa Propeta.
Mistisismo, ni Fariduddin Attar
Mistisismo salin ng tula ni Fariduddin Attar ng Persia / Iran salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo Tanging liwanag ang makakikita nang ganap sa araw. Habang dumarami ang nalalaman ng tao’y lalo siyang malilito; ang lumapit nang lumapit sa araw ay lalo pang masisilaw, hanggang sumapit sa yugtong ang isa ay hindi na tulad noong dati. Nakababatid ang mistiko wala mang karunungan, kutob, o impormasyon, o kaya’y pagninilay o paglalarawan o pagbubunyag. Ang mga mistiko’y hindi ang inaakala mong sila. Hindi sila umiiral para sa sarili. Hindi sila umiiral sa loob ng sarili. Gumagalaw sila samantalang sila ay ginagalaw, nagsasalita habang sumisilang ang mga salita, nakikita ang tanawing nasok sa kanilang paningin. Nakilala ko ang isang babae at minsang tinanong kung saan siya ipinadpad ng labis na pagmamahal. “Hangal, walang destinasyong sasapitin! Ang sinta, ang mangingibig, ang pag-ibig ay walang wakas!”
Ang Mapalad, ni Saadi
sálin ng tulâ ni Saadi, alyas ni Saadi Shīrāzī (1200-1292) ng Persia / Iran
sálin sa Filipíno ni Roberto T. Añonuevo
Ang Mapálad
May isáng laláking lastág at ni walâng daláng pagkáin ang sumáma sa áming peregrinasyón túngong Mecca. Páliwánag niyá, “Hindî akó panginoón ninúman, at walâng sínuman ang panginoón ko. Walâ akóng kabáyo, at walâng bitbít na anumáng bagáhe. Hindî ko iniísip ang nakalípas na tagumpáy o dáratíng na kalungkútan. Umiíral akó sa dalísay na kalayàan ng payák na pamumúhay.” Isáng ginoóng sakáy ng kamélyo ang sumabát, “Hindî ka namán dérvish, at tiyák na patáy ka na bágo pa makátawíd sa disyérto!” Ngúnit ang laláking hubó’t hubád ay patúloy na naglakád hanggáng makaratíng sa oásis noóng únang gabí; samantálang ang mayámang laláking sakáy ng kamélyo ay binangúngot sakâ biglâng namatáy nang gabí ring iyón. At may isá pang pangyayári na ang isáng táo na namímighatî at nagbábantáy sa tabí ng kaniyáng may sakít na kaibígang nakarátay ay namátay kinabukásan; samantálang ang lumpó ay máhimalâng gumalíng sakâ lumakás pa pagláon. Maráming eskuwádra ng mga kabáyo ang nasásawî sa daán, habàng ang piláy na ásno ay nakaúuwî nang buháy káhit páikâ-ikâ.
Trabáhong Maálab, ni Sanai
sálin ng tulâ ni Sanai (Hakim Abul-Majd Majdūd ibn Ādam Sanā'ī Ghaznavi) ng Persia / Iran sálin sa Filipíno ni Roberto T. Añonuevo Trabáhong Maálab ni Sanai Kung íbig magkapérlas, íwan mo ang disyérto at maglayág sa dágat. Walâ ka mang masísid, káhit paáno’y ikáw ay sumápit sa túbig. Magíng bagáni! Mithî’y kamtín! Kabáyo’y kúnin, at ihandâ ang dilì! Tanggihán ang korónang yarì sa nítang lángit. Hintayín mo ang dalá ng butíhing Gabriel. Mag-álab sa pagkáyod túngo sa Poón nátin! Mabilís kung bumigáy ang mahinà; humigâ sa náis paglagusán. Umíbig ka nang ganáp. Tangìng ang áso lámang sa butó ngumángatngát.
Ang Oasis ng Kasalukuyan, ni Sohrab Sepehri
Ang Oásis ng Kasalukúyan sálin ng tulâ ni Sohrab Sepehri ng Irán sálin sa pándaigdígang Filipíno ni Roberto T. Añonuevo Kung sadyâng hinahánap mo akó, walâ akó saánmán sápagkát higít akó sa ináasáhan. Doón sa hindî káyang tukúyin ay may poók na ang lahát ng mensáhe’y sumasáboy sa mga ugát ng lángit, nagháhatíd ng mga balità ng pamúmukadkád ng lahát ng liblíb na hardín sa malálayông súlok ng mundó. Nakábakás sa lupà ang mga paá ng malíliít na kabáyo na umáakyat sa mga dalisdis na hitík sa amapóla. Sa kawalán ay may poók na bumúbukás na páyong ang mithî, may dayaráy gáya ng pagkaúhaw na nanúnuót sa mga dáhon. Mga batingáw ng ulán ay umaáwit ng sariwàng hímig na tigmák hinggíl sa kung gaáno kalamlám ang mga táo ríto na ang mga aníno ng bungéd ng mga punòngkáhoy ay umaágos túngo sa walâng hanggán. Kung sadyâng hinahánap mo akó, lumápit nang banáyad at tahímik, kung hindî’y mababásag ang kristál na pusò na naglálamán ng áking kalungkútan.
Ang Gitaristang Palaboy, ni Mahmud Darwish
Salin ng tula ni Mahmud Darwish ng Palestina Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Ang Gitaristang Palaboy Siya ay isang pintor ngunit ang mga larawan ay karaniwang hindi nagbubukas ng mga pinto o gumigiba nito o inilalayo ang isda mula sa mukha ng buwan. (Kaibigang gitarista, dalhin ako sa malalayong bintana.) Siya ay isang makata ngunit ang tula ay natuyot sa kaniyang gunita nang makita niya ang Jaffa mula sa kubyerta ng barko. (Kaibigang gitarista, dalhin ako sa mga matang abelyana.) Siya ay isang kawal ngunit dinurog ng metralya ang kaniyang kaliwang tuhod at itinaas ang kaniyang ranggo at binigyan ng binting kahoy! (Kaibigang gitarista, dalhin ako sa nahihimbing na nayon.) Darating bukas ng gabi ang gitarista kapag nangalap ng lagda ng mga kawal ang madla. Darating ang gitarista mula sa pook na hindi natin nakikita. Darating ang gitarista nang lastag o nakasalawal lamang, kapag ipinagdiwang ng bayan ang araw ng mga saksi. Darating ang gitarista. Tila nakikinita ko na siya at nalalanghap ang dugo sa kaniyang mga bagting. Tila nakikinita ko na siya na naglalakad sa bawat kalye. Tila naririnig ko na siya na dumadagundong: “Titigan nang maigi, ito ang binting yari sa kahoy. Pakinggan, ito ang musika ng lamán ng tao.”
Mga Putok ng Baril sa Ulap, ni Enrico Cavacchioli
Salin ng “Revolverate nelle nuvole” ni Enrico Cavacchioli ng Italya Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Mga Putok ng Baril sa Ulap Pana-panahong natatauhan akong naglalakbay sa walang hanggang lungsod, binubusabos ng mga ulap, nilulunok ng mga kalyeng singhaba ng paá ng aso. Tuwing lumilingon ako, ang mga bahay ay may pader ng ulap at asul ang mga bintana. Gumagala ang mga kakatwang tao gaya ng mga multo. Walang tinig na maririnig sa mga galeriya. Walang ilog na umaagos sa ilalim ng mga tulay. Ngunit lumilitaw ang kakaibang gabangkay na mukha sa likod ng mga parilya, na tahimik na ipinapako ako sa mga mata nito. Sinubok kong tumakas—ngunit nabigo—mula sa abuhin, mugtong bangungot, mula sa maputlang lungsod na ito, na ang mga tao’y walang pangalan dahil hindi makapagsalita, na kumukumpas sa bawat isa at nagtatanda sa mga lumang robang likas na hinabi sa mga hibla ng mga ulap. Tinangka kong pigilin—ngunit hindi magawa—ang dumaraang mga kaibigang may di-nakikitang malambot na lumang sutla at nagpipilit abutin ako sa pamamagitan ng abuhing ulop; itong mga multo, tao man o anino, na may mababagal na imbay ng mga pilosopikong tagak. Ang masaklap, dinudurog ako ng ulap na di-magagap na pumapayong sa akin. Dumarami ang mga kalye, pahilis, sa pagitan ng mga kubol na may takip na mga lapida, at sumisingit ang duguang mantsa sa nanlulumong sahig na may bakás ng kanilang pulang pagnanaknak. Lumakad ako. Lumakad nang lumakad ako. At habang paliit nang paliit ang mga hakbang ko, lalong dumagadagan ang ulap sa akin gaya ng pagpisak sa matabang palaka. Ngunit kapag ako’y tila papel na dinaganan ng bangungot, bigla naman akong makatatakas sa gayong pangitain. Sa pagtalunton sa tatlong nakaririnding putok ng baril na pumunit sa solitaryong mga lansangan, natuklasan ko ang mga ulap na umaalingasaw gaya ng pabango mula sa aking malupit, masilakbong pangangarap.
Loob, ni Roberto T. Añonuevo
Loób Roberto T. Añonuevo Ang daigdig na laan sa lahat Ang daigdig na mata ni Anóranór, Ang daigdig na aangkinin ni Mangáran Nang maigiit ang kaakuhan. Mito itong katotohanan sa mga tula Ng mga sinaunang mandirigma O sinumang nangangarap sumabak sa larangan Nang malayo sa larong panlibangan. At si Pánas, na napilitang lumayas Sa kaniyang bayan Upang lumikas sa kung saang dalom At magpalakas ng isip at katawan Ay magbabalik nang palihim Sa anyô ng bárong, túnod at patibóng— At ngayon ay lason mula sa langit Na ibinabalik sa anyo ng kidlat-kulog At nakalalapnos na ambon at simoy. Ang pamanang lupain ay ugat at batas. Ang pamanang lupain ay mapa at heometriya Ng kasakiman. Ang pamanang lupain ang libingan ng bait. Isisigaw marahil iyan ni Panas Na inagaw at nilapastangan ang kabiyak; O dinakip, binugbog, at pinaslang ang anak Sa kathang kasalanan o paratang; O ang kapatid ay nagtungo sa ibayo Para mangalakal o makipagkaibigan Ngunit sinuklian ng pagtataksil at panlilinlang Ng mga nagsasabwatang pusakal. May katwiran ang digmaan. At dahil ang estado ni Panas ay kawalan, Isa rin siyang refuhiyado at bandido Sa estado ni Mangáran. Walang kapatid kapag dinapuan ng imbot; Mananaig ang may hawak ng gahum. Paanong mamamagitan ang mga magulang Na pumanaw? Paanong mamamagitan ang bathalang Hinahayaan ang mga apo na mag-away Sa lupang magtatabon sa kanila? Kailangan ang pandarahas at pambubusabos Nang magagap ang katarungan. Kailangan ang bundok ng mga kalansay Nang matupad ang kasunduan. Kailangan ang pagkalipol ng sanlibutan Nang mabura ang gunita ng kapatiran. Sa kaapu-apuhan ni Panas, Ang paghawak ng armas at pag-aaklas Ay katwiran para umiral Nang makaigpaw sa dantaong pang-aalipusta At nang matamo muli ang bayang minamahal. Tumitibok din marahil iyan sa iyong puso, Ang pusong ang kasaysayan ay aklatan Ng pananalig sa sagradong kadakilaan ng lahi. Hindi mo man kilala si Panas Ay isasadula sa iba’t ibang paraan na ikaw ang ngayon Sapagkat wala nang búkas. Wala kang haharaping liwayway bagkus dilim. Isasaharaya mo ang kaakuhan Sa piling ng iba pang nilalang ng santinakpan Kahit sabihing suntok pa ito sa buwan. Sapagkat wala nang mukha ang kapayapaan, Kailangang manindigan Nang buong lakas, nang buong tapang— Hindi mo man kilala si Pánas O ang mananakop na gaya ni Mangáran.
Mga Ibon ng Derna, ni Roberto T. Añonuevo
Mga Íbon ng Dérna Roberto T. Añonuevo Káhit ang mga makatà’y nag-áangkín ng lungsód, ang lungsód ng mga lungsód na mukhâng Bembáran, sápagkát siksík, liglíg, umaápaw ang mga talinghagà. Bantáy-sarádo ng tatlong bundók at nakatírik sa baybáy-dágat, sumaksí itó sa milyóng paglálayág, paglálayás, o pagbábalík pára sa katwíran ng lambát, mápa, alpómbra, aklát, dambanà, ugát at tóre; at ngayón, isáng salantâ ang naumíd na gunitâ, ang gunitâ na pinagpápantáy ang lahát ng urì, edád, at kasarìán na máigugúhit lámang ng superbagyó at pantáy-dukláy na bahâ. Malayàng isíping himpílan din itó ng mga prodúkto ng mga bukirín o disyérto— alméndras ang paningín, binúrong dátiles ang pusò, aseytúnas ang láway, at ígos ang aníno ng mga galamáy. Ngùnit sumápit din noón ang mga pigíng at kusinéro, tríbu káda tríbu, harì káda hari, káwal káda káwal pára sa háing túna, pugíta, tagáhan, tirík, o salmonéte na hindî kailánman ipinágkaít ng Dágat Mediterráneo. Maínit ang palítan ng mga títig, serbísyo at salapì ng mga banyagàng nakáhilatà at nagbíbilád sa mga dalámpasígan; o guníguní lámang ito itúring mang kasímbágal ng kamélyo at kasímbigát ng Kalashnikov ang baít. May halína itóng ikabábalíw ng ibá’t ibáng hukbó na bahágharì ang pananámpalatáya úpang ireklámong walâ siláng lakás ng loób na supílin ang pagnanasà sa lastág na kariktán. Maiháhakà mong nagwáwakás ang lahát ng diskúrso sa kamalayáng máisasálin lamang sa sagrádong tulâ. Nagtatágis noón ang mga dilà doón sa pagpukól ng mga salitâ, hiwátig, at karunúngan— párang balagtásan, masikláb, teátriko at makúlay— warìng pinághalòng ambág ng mga pilósopo at pithó ng laksâng múseo at líhim na aklátan ngúnit aktíbong pinakíkinggán imbés na pinanónoód lámang. Mámabutíhin ang pagtatálo sa halíp na magbiláng ng mga pugót na úlo o maglistá ng refuhiyádo; pipilìin ang pagsasálo-sálo sa umáasóng tsaá ng líbong tagsiból gaya sa barkada o pamilya; at higít na iibígin ang pagbubunyág ng mga pílat at bágong salaysáy, ang pagdiríwang pára sa kinasásabikáng pagkikíta-kitá, ang pakikipágsayá sa rítmo at indák ng Habíba Alawíya. Ang mga bundók mo ay tátahakín pára sa tumbága at fosfáto, bíbiyakín para sa marmól at kalíso at madudúrog ang tíkas gáya ng mga buról ng yéso. Maráhil, napagínip ka ng nagpakilálang si Ali Kebaier bágo damputín ng masásamâng loób. Pinangârap ka ng libong Omar Al-Mukhtar habàng naghíhimagsík lában sa mga hukbóng Italyáno. At isínatítik ng dî-kilaláng Abdallah Muhdhir al-Ja'aysh nang mátagpûán mulî ang saríli sa milyóng saríli na hindî mo saríli sabíhin mang itó’y búnga ng napakálikót na guníguní. Lungsód ng mga Makatà, nalulùnod kamí sa mga luhà. Hanggá ngayón, anó’t hindî pa rin kamí marúnong tumulâ.
Ang Gabí ng Tarás, ni Taras Shevchenko
Ang Gabí ng Tarás ni Taras Shevchenko ng Ukraina salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas Nakáupô sa gílid ng daán ang Kobzar Na nagpapaalunignig ng kaniyang kobza. Pinalibutan siya ng mga binata’t dalaga Gaya ng mga bulaklak ng amapola. Ang Kobzar ay tumugtog at umawit Ng iba’t ibang kuwentong inaagiw; Hinggil sa digma sa Rúso, Poláko, at Tärtar At sa sinaunang kadakilaan ng Kosáko. Inawit niya ang digma ng matapang na Tarás, Ang mga bakbakan kahit madaling-araw; Ang masukal na libingan ng nasawîng Kosáko Hanggang ganap magsanib ang ngiti at luha. “Naghahari noon ang mga Hetman, At hindi na muling naulit; Noon pa man, kami ang mga pinuno, At hindi na muling naulit. Ang kadakilaan ng kabihasnang Kosáko Ay hindi dapat na maglaho sa gunita. Ukraina! Ukraina! Aking ina. Inang Bayan ko! Tuwing sumasagi ka sa isip Pighatî’y gumugúhit sa dibdib. Ano ang nangyari sa magigiting na Kosáko Na may dugûáng térsiyopélo? Ano ang kalayaang hatid ng kapalaran At ng mga bandila ng mga Hetman? Naagnas ba’t ganap naglahò? Sa lagablab ngâ ng apoy ito nagwakás: Ipinadala ang mga baha. Sa kabila ng dalisdís at mga libingan, Tumakip na balabal sa mga buról Ang malagim na katahimikan; At sa malawak na dagat Ang mga alon ay lumalagunlon; Lumuluningning ang mga libingang Taglay ang kung anong kalungkutan; Sa ibabaw ng buong lupain Ay nakatimò ang gahúm ng kalaban. Samántalahín ang sandalî, o dagat, Ngayong tahimik ang mga buról! Sumayaw, o makapangyarihang dayaráy, Sa ibabaw ng buong lupain! Tumangis ka, Kabataang Kosáko, At tanggapin ang kapalaran! Sino ngayon ang ating magiging patnubay? Pagdaka’y nagwika si Naleweiko, Ang isang magiting na Kosako, Na sinundan pagkaraan ni Paulioha Na tila láwing mabilis umimbulog patalilís! Nagwika si Tarás Triyáselo Na mapait man ang salita’y sadyang totoo, ‘Niyurakan nila ang Ukraina, Na tiyak na pagsisisihan ng mga Poláko.’ Nagwika si Taras Triyáselo At nagwika ang abuhíng ágila. Sagipin ang pananalig na hinubog Ang itinurò ng mga Poláko sa kaniya. ‘Wakasán ang áting pagdurúsa! Mag-aklás, maginoóng mga kasáma, Hatáwin nang ubos-lakás ang mga Poláko!’ Tatlong araw na digmaan Ang sumilang sa kalupaan: Mulang baybay ng Delta Denubyo Hanggang Ilog Trubail, Tumakip sa larangan ang mga bangkay Hanggang mapágod ang hukbong Kosáko. Natuwâ ang imbîng pinunong Poláko At tinipon ang lahat niyang mananakop Para sa pagpipiging at pagdiriwang. Pinulong naman ni Tarás ang mga Kosáko Upang kausapin nang masinsinan. ‘Mga kapitan at mga kasáma, Mga anak ko’t mga kapatid, Ano ang gagawin natin ngayon? Nagdiriwang ang kinapopootan nating Mga kaaway, at ibig kong humingi Ng payo sa inyo!’ ‘Hayaan silang magpigíng, Makábubúti iyon sa kanilang kalusugan. Kapag lumubog ang araw, Hahalili ang gabay ng huklubang gabi; Gagapiin sila ng mga Kosáko’t Háhamígin ang lahat ng yaman nila.’ Humimlay ang araw sa likod ng buról At tahimik na kumislap ang mga bituin; Pumalibot sa mga Poláko ang hukbóng Kosáko Na waring namúmuông dágim; Pagdaka’y tumirik sa kalangitan ang buwan Nang umatungal ang mga kanyon. Napukaw ang mga punong Polákong natutulog, Nagsitakbo ngunit walang ligtas na kanlungan. Nagising ang mga punong Poláko Ngunit ni hindi káyang harapin ang kalaban. Minasdan ng araw ang mga punòng Poláko Na naging talaksán ng mga bangkay. Sa pulang ulupong doon sa tubigan Ay inihatid ng Ilog Alta ang salita— Na maaaring lapain ng mga itim na buwitre Ang mga punòng Polákong nasawi sa labanan. Nagmadaling nagtungo ang mga buwitre Sa maraming patáy na tila ibig pang gisingin. Mga Kosáko’y masigabong nagtipon-tipon At naghandog ng mga papuri sa Maykapal. Samantala, nag-agawan sa paglasog ng bangkay Ang mga itim na buwitreng humihiyaw. Pagdaka’y inawit ng mga Kosáko Ang himig ng magdamag; Ang gabi ng sikát na kuwento Na umaapaw sa dugo at kadakilaan. Ang gabing iyon na nagpatulog sa mga Poláko At nang gapangin ng masisigasig na kaaway. Sa kabila ng batis Doon sa bukás na párang, Lumiwanag nang matindi Ang tumpok ng lupa sa libingan: Kung saan dumanak ang dugo ng Kosáko’y Doon din sisibol ang makákapál na damo. Sa libingan ay nakadapò ang isang uwak; Sa labis na gutom nito ay nagsisísigáw, Naghihintay sa tabi ng Kosákong iníiyakán Ang lumipas na panahong siya’y nangangarap.” Huminto ang Kobzar nang dumapo ang lungkot, At ni hindi maitipa nito ang mga daliri; Pumalibot sa kaniya ang mga binata’t dalaga Na pinahid ang mga luhang gumuhit sa pisngi. Nagpatuloy ang Kobzar sa tinahak na daan At para mapawi ang lungkot ay muling tumugtog. Natuwa ang mga kabataan at nagsimulang sumayaw At bumukad ang mga labì niya sakâ nagwikà: “Humayo, mga bata, At dumako sa maganda’t mainit na sulok, Sapat na ang pagdadalamhati; Hindi na ako magluluksa ngayon. Magtutungo ako sa taberna At maghahanap ng mabuting asawa! At doon namin ilálaán ang natítiráng Panahon ng aming búhay. Íinóm kami nang malimot ang pasánin At walang hanggang pagtatawanan ang kalaban.” Mga Talâ ________________________ Kóbzar png [Ukr] 1: tao na tumutugtog ng kobza, na katutubong instrumentong pangmusika ng Ukraina 2: retiradong kawal at naging bulag na trubador na gumagamit ng Kobza, at siyang inaakay ng bata nang makapagtanghal para kumita. Kóbza png Mus [Pol Ukr]: uri ng instrumentong pangmusika na de-kuwedas at hugis talukab ang katawan, bukod sa maikli ngunit malapad ang leeg, gaya sa laud, cf. bandúra, bandúrya.
Kriptograpikong Krokis, ni Roberto T. Añonuevo
Hinabing Salita Publishing House invites you to the launching and book signing of Kriptograpikong Krokis, penned by eminent poet Roberto T. Añonuevo. Written in a masterful Filipino, the book exhibits the epic saga of consciousness personified by a poet-traveler challenging time and space. Come and visit the Manila International Bookfair, September 14-17, 2023, at SMX Convention Center, Manila, Philippines.
Ikaanimnapu’t tatlong Aralin: Ang Patron, ni Roberto T. Añonuevo
Ikáánimnapû’t tatlóng Aralín: Ang Patrón
Roberto T. Añonuevo
Humíhintô ang lahát sa panahón ng kópong-kópong, at ang henétikóng kadéna ng mutasyón mo bílang tulâ ay magpápakò sa saríli sa gáya ng “Amá ng Tulâng Tagálog” na warìng kapílas na unibérso ng “Amá ng Panulâáng Inglés,” alínsúnod sa “Katuúsan” ni Iñigo Ed. Regalado. Marámi ka pang “amá,” kabílang na ang “Amá ng Balarilàng Tagálog” at “Amá ng Pahayagáng Tagálog” ngúnit nanatíling bastárdo ka yámang ang sértipíko ng iyóng kapánganákan ay warìng nahúlog sa kumunóy ng karimlán o tinangáy ng mararagsâ, nanánagasàng hángin. Ang nakápagtátaká, ni walâng pumalág o pumansín sa gayóng tagurî nang mahabàng panahón, at gágawín pang institusyón pagsápit sa pagbúbuô ng mga sanggunìáng aklát at kapisánan ng mga manúnulát sa kalugúran ng ibá’t ibáng antás ng edukasyón. Ang pagsasábing may “amá” ka ay isáng kabulaánan, kung sísipátin na ang patriyárka ang únang bumábansót o kumíkitíl sa panánalinghagà sa bisà ng págpapásunód, pagkákahón, págpapálagánap. Gayunmán, kinákailángan ang gayóng pahayág úpang panindigán ang pananálig ng paglikhâ, at nang may máipágmalakí káhit paáno sa daigdíg, bukód sa láyong máunawàan agád ng madlâng magtátadhanà ng pamantáyan at panlása.
Sa isáng pánig, ang “Amá ng Tulâng Multílingguwál” ay may bíkas ng pagmámalakí sa dakilàng ugát at kahangà-hangàng tagumpáy sa pagsasánib at timplá ng mga wikà; sa kabilâng pánig, ang tagláy nitong diskúrso ang pumipígil din sa tulâ úpang máisáloób sa pinakámaláwak at pinakámalálim na paraán—na lampás sa máitátakdâ ng kaayusán ng natúrang mga wikâ. Sa pagnanáis ng tulâng multílingguwál na magkároón ng sangá-sangáng dilà, ang rehístro ng mga salitâ at págpapáhiwátig ay salungatán, walâng permanénteng lugár, at ang talinghagà ay nagíging ngangayunín, pánsamantalá, at kisápmatá ang halína.
Ang pagpapátaw sa tulâ ng tungkúling payáyamánin nitó ang isáng wikà ay maáarÍng may báhid ng katotohánan, gáya ng ginawâ niná Chaucer at Shakespeare sa Inglés, ni Dante sa Italyáno, ni Darío sa Español, ni Goethe sa Alemán, ni Vyasa sa Sánskrit. Máibibítin ang pasiyá kung gayón din ang magáganáp sa multílingguwál na tulâ. Nagbabágo ang mga wikà alínsúnod sa paggámit nitó sa paglípas ng panahón; samantála’y nagíging esotérikó ang natúrang mga manúnulát habàng lumaláon, ngúnit ang pagkakákilála sa tulâ ay nagíging estátikó kung walâng patnúbay ng teóriko at krítiko. Ikákatálogó rin ang tulâ, halímbawà, bátay sa “tulâng pámbatà,” “tulâng pángkasarìán,” “tulâng pángkalikásan,” “tulâng pangalákal,” “tulâng pámbigkásan,” at ibá pang etikéta úpang magkároón ng puwáng ang sínumán na makamít ang títuló ng pagwáwagí sa isáng timpalák o puwesto sa buk-istór. Sa ganitóng pangyayári, ang tulâ ay nagíging kahón at patibóng. Ang tulâ na ikinákabít sa amá ay pagpápaláwig sa tradisyón ng pagsunód, pag-angkín, pagbansót—bukód sa nagtátakdâ ng antás at kúlay—na pápalagán mísmo ng tulâ. Anumáng mutasyón ng tulâ na ikákabít sa bágong magúlang ay mapaghíhinalàáng kasabwát at alagád ng kolonisasyón o kayâ’y máitutúring na hényo, depektíbo, ilahás, at suwaíl alinsúnod sa tésis ng pananámpalatáya ng isáng kapisánan o rehiyón.
Nang magkároon ng “Amá” ang Tulâng Tagálog, humintô warì ang lahát. Ang mga sumunód na makatà’y íbig magíng “amá” rin ng isáng anyô ng panulâán, sa patnúbay at sulsól ng dagháng dilàng sumásalángit. Malíban sa iláng mapanúring kurò-kurò, hindî nákilála o kinilála ang “tulâ” bílang walâng hanggáng posibilidád ng pagkathâ nang higít sa padrón ni Balagtás, na kakatwâ, sápagkát ang áwit ni Balagtás ay isá nang mutasyón ng tulâ-at-pagtátanghál noóng yugtông isinúlat sa wikàng Tagálog. Sa dambanà ng pananámpalatáya niná Bonifacio at Rizal, ang tulâ ay máipápalagáy na nagkátaón lámang na isinúlat sa Tagálog o Español; ngúnit ang talinghagà nitó ay makápagtátagláy ng ibá pang silbí bukód sa láyong pángwikà at lumúlundág hanggáng ibáng lupálop dáhil may katangìan ng pagpapákatáo at pagkatáo sa gitnâ ng tagsalát, digmâan, pananákop, at kalamidád. Samantála, ang magíging mutasyón ng tulâ sa Filipíno ay hindî pa ganáp at patúloy na nagáganáp. Sa pagkakátaóng itó, ikáw bílang tulâ ang lílikhâ ng mga amá, na may angkíng pánpoétiká, ngúnit anumán ang itsúra nitóng may híbo ng kiméra ay malayàng páglarûán, gáya sa pagtátangkâng itó.
Ikaanimnapu’t dalawang Aralin: Ang Interpretasyon, ni Roberto T. Añonuevo
Ikáánimnapû’t dalawáng Aralín: Ang Interpretasyón
Roberto T. Añonuevo
Pagsápit mo sa entabládo ni Wei Wu Wei, ang kinákathâng-ísip o kinákathâng-tínig mulâ sa kaliwâng pánig ng útak túngo sa métamorpósis sa kánang pánig ng útak ang tadhanàng tútuklasín túngo sa mga guhông páikíd; at gáya sa sinúlat ni Jorge Luis Borges, ang makálupàng taúhang tináwag na “apóy” ng marámiháng diyós ang búbuô ng interpretasyón kung paáno tátanawín ang daigdíg. Ang saríli bílang hakà, ang saríli bílang káisipán, ang bumúbuô ng teátrikóng ilusyón pábalik sa pinág-ugatán, na pagkáraán ay magsisílang ng kung anóng damdámin. “Akó ang bálsamó at akó ang doktór, ang kirót, ang gamót./ Akó ang maydúsa, akó ang ginháwa sa naráramdamán!”// súlat ni Imadeddin Nasimi. Ang corpus callosum—ang taytáy na himaymáy na nagdúrugtóng sa kaliwâ at kánang útak—ang metáporang pinágtuonán nina Roger Sperry at Michael Gazzaniga sa kaní-kaniyáng éksperiménto sa néwrosiyénsiyá; at kapág nalagót iyón, ang persóna bílang apóy ay walâng tútupúking bágay sa repetisyón ng saríli bagkús lálamúnin pa ng saríling álab na nílikhâ ng ibáng saríli bílang guníguníng náuná sa kaniyá. Sasápit ka sa kamulatán ng anátta—ang “akó-bílang-hindî-saríli.” Mapípilítang lumikhâ ng interpretasyón ang kaliwâng útak na párang walâng kapatíd ni walâng pakíalám sa magíging reaksiyón ng kánang útak. Manánatíli ang interpretasyón ng kaliwàng útak bátay sa nakáraáng naságap at náimbák na dánas at warì’y máipípirmíng kahón na maráhil ay mahúhulàan ang nilálamán. Malálagáy sa alangánin ang kánang útak, at walâng mensáheng matátanggáp sa intérpreté. Híhintô ang ínog ng panahón. Magdídilím ang palígid. Malulúsaw ang lóhiká sa pag-íral, tawágin man itóng “talinghagà.” Sa dákong hulí, ang saríli bílang pandiwà ni Shakespeare ay hindî patátakbuhín ng isang kutséro, sápagkát ang saríli ay hindî kalésa at kabáyo. Walâng matátagpûáng kutséro ngúnit may págtakbó. Ang “akó” bílang guníguní ay isáng daigdíg, ang “akó” bílang guníguní ay isáng tulâ, umiíral sápagkát pinág-isípan, at kung totoó ngâng paláisipán, ang “Akó” ni Alejandro G. Abadilla ay kathâng-tínig na hindî bastá máisísilíd sa páliwánag ng tugmâ’t súkat: walâ itóng damdámin (bagamán mapágdamá) at lampás sa hanggáhan ng dáting ináakalàng malî at tamà.
Ikaanimnapu’t isang Aralin: Ang Torso, ni Roberto T. Añonuevo
Ikáánimnapû’t isáng Aralín: Ang Tórso
Roberto T. Añonuevo
Walâng kamáy at walâng paá, ikáw ay ipípirmí sa isáng anyô nang másiláyan ang mga pandesál sa tiyán, ang malálim na púsod at kurbáda ng balágat, ang maigtíng na ugát o kayâ’y ang anyúbog ng malantík na balakáng na binagáyan ng mga súsong milón. Ang likód mo’y detálye ng másel at gulugód. Mulâ rito’y gágalugárin ng paningín ang testúra at kúlay ng iyóng balát, ang hágod na magágawâ lámang ng kamáy na lumapírot sa lúad, o ng sinsíl o paét sa marmól habàng háwak ng ekspértong tagaúkit. Susúhay ka sa dî-nakikítang úlo; itútundós sa bákal na warìng ékstensiyón ng pagkatáo. Gaáno ka man kapayát o kalapád ay magtátakdâ ng iyóng lamán, sápagkát ikáw ang nilálamán makáraán ang pambúngad at bágo dumáko sa sukdól na wakás. Pagnánasà ay karaníwan pagsápit sa iyóng kariktán—at masísiyahán ang ibá na warìng konténto nang kumantót sa hángin dúlot ng pagmámadalîng lumaktáw. Ngúnit ang bungéd, wikà ngâ, ay hindî mayáyapós nang lubós at kisápmatá kung hindî isásaálang-álang ang guníguní. Kailángang sipátin itó nang sapát ang distánsiyá, ilugár sa tumpák na ángguló sa paraáng aálab kapág tinamâan ng sínag; o kung hindî’y salatín nang nakápikít úpang máunawàan ang hényo at salimúot ng síning, halímbawà ang kahungkagán ng sikmurà at ang hiwagà ng sinápupúnan na pawàng ginawâng ínmortál sa akásya ni Jerusalino V. Araos na warì bang nakikípagtálo sa kaniyáng maykapál.
Ikaanimnapung Aralin: Ang Tuos, ni Roberto T. Añonuevo
Ikáánimnapûng Aralín: Ang Tuós
Roberto T. Añonuevo
Sápagkát ang tulâ ay materyál at hindî húlog ng lángit, itó ay may halagá. Sa ordén ng pananámpalatáya, ang tulâ ay lágom ng katuúsan. Nag-iípon at sumásalà itó ng mga salitâ nang gugúlin sa masínop at tumpák na panahón túngo sa pagsílang ng talinghagà. Báwat salitâ’y katumbás ng arì-arìan at salapî, may puwésto at antás, may kilátes at sakláw. Báwat píhit sa salitâ’y lunán ng gahúm at impluwénsiyá, may árko at watáwat, at kung gayón ay máisasálin sa ibá’t ibáng kamáy at ísip. Hindî nakápagtátaká kung mamuhúnan ka sa retóriká, o mamuhúnan sa semántiká. Ang súma-totál ng mga díksiyonáryo at tesáwro ay bukás pára busisìin gáya ng taúnang úlat sa merkádo ng kariktán at palítan ng serbísyo, nang mahúgot at mapilì roón ang mga lahók na pákasaysáyan at malímit lustayín; o ang mga lahók na pákasarìán na nalulúsaw ang halagá bagamán kailángan sa mga ritwál at pagdiríwang. Malímit nása útak mo ang magíging kíta at útang, at tátanggáp ng mga bágong saltáng salitâ o pariralà úpang timbangín kung karápat-dápat sa pagbawì ng kapitál at gástos sa paglálathalà at promosyón. Matáng-túbig ang póndo ng mga salitâ ngúnit nakásalálay sa buông pláno ng paggastá at pagtítipíd; sa pumapások at lumálabás na káisipán o kábulàanan, at handâ sa pagpapákálat, pagpapásangá ng yámang higít na mapagtútubùan sa iláng sálinlahì. May bulagsák humáwak ng salapî, gáya ng may bulagsák gumámit ng salitâ. Ngúnit itátadhanà ang awditór na súsubaybáy sa iyó na pára bang hinahábol ka ng estádo sa kung anóng bayarín. Malayà siyáng máitutúring na krítikóng nagpapáyo sa korporasyón ng mga makatà hinggíl sa lumálagánap na pagmámalabís at modernisasyón ng pagnanákaw sa pagsasánib niná Siri at Alexia sa Panulâáng Artipisyál. Sasápit ang yugtóng ang matigás ang úlo’y sísingilín ng dugô at isúsumpâ nang ábot-lángit; samantálang ang masunúrin sa pamantáyan ay púpuríhin maglunóy man sa lúsak. Tátanawín ang akadémikóng talâtakdâan at talâhanayán ng pagpápahiwátig áyon sa bisyón ng burukrásya; at ang tulâ, mínsan pa, ay matítiwalág sa saríli, may sentimyéntong siyám-siyám na pangánib, at kusàng títiwalág sa maylikhâ nitó, sa anyô ng paldó-paldóng salapîng lumílibák kung hindî man umáaglahì sa báyan.
Ikalimampu’t siyam na Aralin: Ang Agos, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálimámpû’t siyám na Aralín: Ang Ágos
Roberto T. Añonuevo
“Másalimuót na súrang ang kasalukúyan,” wíwikàin sa iyó ng inhinyéro ng mga wikà; at ikáw bílang tulâ ay pagníniláyan ang ináasáhang ikatlóng matá ng liwánag sa pinilìng destinasyón. Maglálandás ka na káhawíg ng pinagtambal na kutséro at hinéte ngúnit mabíbigô sa kapaná-panabík na biyáhe dáhil hiníhikà ang kabáyo; o kayâ’y binanggâ mo ang mga dambuhalà na ang totoó’y palapà ng molíno; manánagínip ka na lámang na túlad ng patáy na sapà at lumàng póso négro úpang magpalusót na malíkmatá ang lahát at salamángka ng tadhanà. Bumábará ang pámbihiràng kombinasyón ng mga buhók, múmo, at sébo sa warì mo’y alkantarílya na isá ring daigdíg at dánas, at ikáw na tinítimbáng na artefákto ng kabihasnán ay handâng tumigás na padér sa maláo’t madalî kasáma ng dî-ináasáhang basúra, búrak, at buhángin sa máalamát na imburnál at realidád. Itó maráhil ang ngayón ng iyóng pagmámahál sa mithîng músa; itó ang ngayón ng lahát ng nagtítiís sa umaápaw na túbig sa labábo at tumatágas na túbig mulâ sa sahíg o padér. Itó ang ngayón na sásalaksakín nang paúlit-úlit sa táwag ng pangángailángan; o híhigúpin sakâ isusúka mulî ng kung anóng makína na tumátanggíng lumingón sa nakaraáng kapabayàán at pagmámalabís sa kusinà at pagpípigíng ng mga konosedór. Itó ang ngayón ng pagkákaláwang ng kamalayán at pagsísikíp sa dinaraánan ng étiká at pananálig; pagnánasáhan na lámang ang kinabukásan na kung tawágin ay ginháwa o éxtasis. Itó ang ngayón ng paghintô; o higít na tumpák, ang paghintô ng ngayón na isá ring íperrealidád. Ang kasalimuótan ay isáng pangárap-at-gusót. Ang súrang ay isá nang libíngan. At ang kasalukúyan ay tátanawíng umáalunigníg na palakpák at paswít mulâ sa mga tubéro—na tinatáwag namán ng isáng arkitékto ng mga talinghagà pára sa bágong misyón at húkay.
Ikalimampu’t walong Aralin: Ang Salubong, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálimámpû’t walóng Aralín: Ang Salúbong
Roberto T. Añonuevo
Isáng karáyom ang pananámpalatáya—may pórtal na tinátawíd ng sinúlid o elepánte—ang tumátahî sa hablón at bagwís, ang tumátahî sa súgat at pagkáiníp, ang humahátak ng pasénsiyá at tumutúlak sa dî-ináasáhan (kung hindî man kaluwálhatìan), ang nagháhanáp ng ugát, gílid, at hanggáhan, úpang mínsan pa’y sumílang ang damít o láyag o tsinélas o watáwat na ilálantád at magíging taták o fátek bálang áraw. Ngúnit karáyom din ang tatápos kay Nakóda Ragám at magíging katwíran ng alamát, nang makábuô ng isáng kamalayán sa sánlibután, itúring mang alamís ng pagmámalabís o patagông pagyáyabáng. Umúulán ng mga karáyom sa áking pusò, na kung tawágin ay Maynilà, na warì bang nagkátaóng puláng-pulá at kasínglambót ng muntîng únan— pára sa iyó, pára sa mundó.
Ikalimampu’t pitong Aralin: Ang Musa, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálimámpû’t pitóng Aralín: Ang Músa
Roberto T. Añonuevo
Sinásadyâ ang lihís na pagbása kay Celia ni Balagtás, gáya ng kalkuládong pagháging na pagbása sa iyóng músa, tawágin man siyáng katunóg at tokáya ni Santa Cecilia. Itó ang itúturò sa iyo ng kalungkútan at pananabík, habàng nilúlustáy ang natítiráng sandalî sa paglilínis ng aklátan, sápagkát hindî kailanmán magkakároón ng katwíran ang pag-íbig:
“Sa pagninílay mo’y dáratíng siyá nang dî-nakikíta at palihím, at kung makíta man ay túlad ng babáeng nagbábalátkayô sa barakán, nakatápis ng bahágsúbay, pulá ang sapín sa paá at may bitík sa búkong-búkong, ngúnit ang mga matá’y kasímbugháw ng kambál na karagatán. Nakabítin sa kaniyáng mga pilík ang antimónyo; at may koloréte ang mga kílay, bukód sa bumíbigát ang úlo sa ginintûáng pútong at kumákalansíng na gintông híkaw. Búbulóng warì ang kaniyáng títig, na sásagutín mo ng títig. Ang kaloóban niyá’y dalawándaáng talampákan ang dalóm, tíla pinághálong Morzuk at Melghra, na títighaw sa úhaw ng sálinlahì ng mga karabána. Súsubúkin mong uminóm. Imúmuwéstra niyá ang limánlíbong bíhag at alípin, ang pag-áaklás at pagtákas. Ilálahád ng kumpás at sayáw ng mga dalirì kung paáno winásak at dinambóng ng mga estranghéro ang kaniláng bahayán at pamilíhan, kung paáno pinugútan ang kanilang pinunò at ginahasà ang mga babáe, at kung paáno sinigâán sa digmâan ang kaniláng kamálig at aklátan. Matútupî ka sa kaniyáng karunúngan; at mauúhaw sa kaniyáng alindóg, ngúnit iáabót lámang niyá sa iyó ang gerbás o kayá’y ang pilîng térfas. May nakátagò pa siyáng gátas ng kamélyo at kalahatìng sáko ng kúrma at maís para sa panaúhin. Pakiramdám mo, nása libíngan ka ng Marábut na binábantayán ng mga alakdán. Nalálangháp mo ang halimúyak ng óleo at azafrín, at mámabutíhing manahímik sápagkát mínsan pa, magúgunitâ mo ang sérye ng mga pintúra ni Picasso na lábis-lábis kung mámulaklák ang dibdib.”
Ikalimampu’t anim na Aralin: Ang Alamís, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálimámpû’t ánim na Aralín: Ang Alamís
Roberto T. Añonuevo
Lumílikhâ ng alamís at alamát ang tulâ, at gáya mo ay makatátagpô ng pagkakáabalahán habàng nagbúbuklát ng kuwadérno:
“Nalaglág noón sa bulsá ni Blumentritt ang sulpákang regálo sa kaniyá ni Rizal doón sa tabí ng kulimlím na tabérna; at nang mapúlot ng lasíng na binatà ay inakaláng itó ay isá lámang relíkya ng sinaúnang kabihasnán. Papitík niyáng inihágis pagkaraán na tila upós ng sigarílyo ang sulpákan sa kung saáng eskiníta, at pasúray-súray na lumayô. Nang matagpûán yaón ng paláboy na paslít ay paúlit-úlit sinulpák, na párang nagsásalsál nang supót, hanggáng ang pingkîan ay magsílang ng mensahérong may tángang apóy na káyang magpáatúngal ng kagubátan sa loób ng kaniyáng guníguní. Mapápasò siyá sa gayóng kamalayán ngúnit anóng luwálhatì kumbagá sa larô! Samantálang doón sa kabilâng mundó, si Rizal ay nagsísindí warì ng himagsíkan sa haráp ng umíd na eskritóryo.”
Ikalimampu’t limang Aralin: Ang Halaga, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálimámpû’t limáng Aralín: Ang Halagá
Roberto T. Añonuevo
“Isáng sísiw, isáng tulâ!” Hindî maráhil silá makápaniwalà, siláng namímingwít ng mga talinghagà nang únang máriníg itó sa bibíg ng makatà. Ang míto ng sísiw na ibinábaligyâ nang makábuô ng tulâ ang sísiw na susì nang máipágpatúloy ang pagtulâ. Sápagkát ang sísiw ay títis ng pagninílay at manipestasyón ng harayà, itó ang pagmúmulán ng sustánsiyá ng katawán at pag-ásang may makakáin bálang áraw. Sísiw ang maángas na magtátakdâ sa pag-abót sa pagkasíning o kasiníngan; hindî lahát ng bágay ay líbre. Sa bisyón ni Huséng Sísiw, ang tulâ ay espesyálisádong gawâin—párang siyentípikóng pagdulóg sa áwit at korído—at kinákailángan ang dibdíbang pag-aáral at paglálaán ng panahón, sampû ng sigásig sa panánaliksík at pagpápakúmbabâ habàng nása yugtô ng apréndisáhe ang nangangárap na kabatàan, gáya ni Balagtás. Kung walâng sísiw, at makákamít sa kisápmatá ang lahát, hindî ba malilímot ng kung sínong bagíto ang pagsisíkap o ang masidhîng pagnanasàng matamó ang pagkátulâ ng kaniyâng tulâ, kung karápat-dápat ngâng itúring itóng síning? Sa únang málas, ang pakikipágpalít ng sísiw pára sa isáng tulâ, o kayâ’y nang matútong tumulâ, o nang makáriníg ng tulâ, ay kakatwâ at pagmámalabís na kabuntót ng patutsádang “walâng kuwéntang bágay.” Ngúnit ang ganitóng pananáw ay pagtátampók din ng halagá at pagpapáhalagá sa síning. Kapuwâ may halagá at halagahán ang tulâ sápagkát may guníguní itó at gunitâ na may kákayaháng lumampás sa isáng panahón at espásyo. Kung maáarìng magíng negósyo ang bundók at dágat, anó’t hindî maáarìng magíng negósyo o serbísyo ang tulâ? Hindî túlad ng likás na kaligirán, ang tulâ ay sumisílang mulâ sa walâ at nagsísimulâ sa mga salitâ.
Nakátindíg sa isáng tiyák na lupâín ang tulâ, alinsúnod sa wikâ at diskúrso nitó, na alám ni Platon noóng úna pa man. Gáya mo, háhanápan itó ng silbí, na kung sadyâ ngâng may halagá sa búhay ay marápat tuusín, halímbawà, kung nakagágamót itó ng lumbáy káhit pa panandalî at nakapágpapásiglá sa kidlát-sa-tág-aráw na pakikípagtálik. Habàng tumátagál, ang tulâ ay sásalungát máhanggahán sa abstráktong ídea at makalángit na pananálig sa músa; háharapín nitó ang literál na kátumbás ng isáng prodúkto o serbísyo, lalò’t nása kagipítan. Hindî importánte kung ang tulâ ay kátumbás ng limáng kusíng o kápalít ng pagtátayô ng báhay; higít na dápat pagtuúnan na itó ay máipápalít sa pangángailángan ng mga táo dáhil likhâ ng táo at hindî ng kung sínong aníto. Kung humíhingî man ng báyad ang makatà sa pagtátanghál ng kaniyáng tulâ, itó ay sápagkát ang tulâ na may kapuwâ intrínsikó at instrumentál na halagá ay lumálampás na sa sakláw ng páhiná at pagigíng personál at dumádakò sa maláwak na lipúnan. Ang tulâ ay hindî bastá tulâ na maáarìng angkinín ng buông lalawígan o kontinénte, bagamán malayàng isípin ang kabaligtarán nitó. Ang tulâ ay pag-áarì ng makatà na may karapatáng-ísip at karapatáng-kalákal sa natúrang likhâ, sabíhin mang orihinál o adaptasyón o varyasyón ang pagkakágawâ, áyon na rin sa patakarán ng modérnong lipúnan; at kung gayón ay pagkalás sa dáti nang nakágawîáng pagtutúring díto na ang tulâ o épikó ay pag-áarì ng isáng komunidád, gáya ng Manóbo o Sáma Laút na nagpapáhalagá sa kultúra at kasaysáyan nitó. Isinásangkót ng tulâ ang ibá pa, gáya ng pábliser at anunsiyánte dáhil sa ekonómikóng karapatán nilá, kayâ hindî na itó talagá magíging líbre sa habàng panahón.
Abánseng mag-isíp si Huséng Sísiw kung totoó ang máalamát na salaysáy ni Hermenegildo Cruz. Nakiní-kinitá niyá sa hináharáp ang magíging lagáy ng tulâ sa pánig ng ekonómikóng usapín, bukód sa ináasáhang gágampanáng papél ng wikàng Tagálog sa panulâán. Hindî lahát ng táo ay makásusúlat ng tulâ, gáya ng hindî lahát ng táo ay may talénto at kasanayáng lumikhâ ng súbmaríno o makapágtaním ng ektá-ektáryang maísan o makapágtistís ng pusò. Habàng nagíging espesyalísta ang makatà sa pagkathâ ng tulâ, ang tulâ ay hindî makáiíwas magíng esklusíbo—sanhî man ng paglikhâ ng mga personál na talinghagà o talinghagàng másalimúot ang disényo—na mahírap ulítin ng artipisyál na karunúngan. Kumikítid ang mga tumbásan sa isáng salitâ pagsápit sa tiyák na lárang, gáya sa krítiká o písiká, at higít na nagíging tiyák ang pákahulugán o páhiwátig, na siyá namáng paúlit-úlit nilálabág o sinúsuwáy ng makatà. Sa ganitóng pangyayári, lalòng masásabík ang mga táo sápagkát tíla dumádakò sa pagkáelitísta ang tulâ, alinsúnod sa pakanâ ng makatà at ináasáhan ng mga pihíkan at matalísik na konsumidór.
Hindî makáiíwas hanápin ng madlâ ang kabutíhang máidudúlot ng tulâ sa pánig nitó, sápagkát itó ang konsumidór ng mga talinghagà. Ang tulâ ay may masíning na pamámaraán nang matamó ang isáng bágay, gáya sa estruktúra ng igláp na kalugúran sa isáng háyku o walâng hanggáng pag-íbig sa isang épikó; gayundín, may ináasáhang búnga itó na makapágdudúlot ng kabutíhan sa pánig ng makatà at ng madlâ, gáya ng wagás na kamalayán. Ang ipágpalít ang sísiw sa isáng tulâ ay pagtátangkâ nang máangkín ang kung anóng kátotohánan, “ang bokasyón ng pagbúbunyág ng kátotohánan sa anyô ng artístikóng húgis,” kung híhiramín ang dilà ni Hegel. Ang tulâ, bílang síning, “ay nagtátagláy ng kapangyaríhan sa paglikhâ, o ng kapasidád o gámit na hindî maáarìng tipilín sa anyông-salapî,” wíwikàin ng mga alagád ni Marx, “samantálang iginígiít nitó ang pangyayáring prodúkto itó ng túnay na táo.”
Maáarìng ang isáng sísiw ay hindî makapápantáy sa halagá ng tulâ; o hindî makapápantáy ang tulâ sa kapuwâ intrínsikó at instrumentál na halagá ng sísiw. Sa kabilâ nitó, dápat pa ring kilalánin si Huséng Sísiw sa kaniyáng pilosopíya. Ang pagsílang ng sísiw na nagmulâ sa itlóg ay pagtanggáp sa masíning na tránspormasyón ng isáng bágay, na masisípat na panánalinghagà. Ang sísiw bílang katotohánan ay hindî lámang ang pangwakás na kátumbás ng tulâ, bagkús itó rin ang tuláy sa pagtátamó ng kátotohánan. Ikáw bílang tulâ ay makíkilála ni Huséng Sísiw, o makíkilála mo siyá bílang batikáng makatà at maútak na mangángalakál. At sa inyóng pagtátagpô, ikáw ay títindíg sa isáng kamalayán, na bagamán hindî káyang sagápin ng limáng pandamá ay magíging kasíngtigás ng bákal, seménto o yakál; sápagkát kailángan ang kátotohánan o ang kathâng-ísip nitó sa kapaní-paniwalàng yugtô at katanggáp-tanggáp na paraán.
Sísiw ka mang turíngan ay tulâ pa ring bábagtás nang walâng hanggán.
Ikalimampu’t apat na Aralin: Ang Pagmamalaki, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálimámpû’t ápat na Aralín: Ang Pagmámalakí
Roberto T. Añonuevo
Sasápit ang sandalî na hiníhingîng magíng maángas ka, hindî gáya ng estéreotípo ni James Dean o Muhammad Ali, bagkús kasínglupít ng púkeráyot ni Nadya Tolokonnikova na handâng isugál ang kasálukúyan máipakíta lámang sa panánalinghagà ang kabilâng mukhâ ng krísis sa pananámpalatáya ng Estádo ng Káayusán at Kabutíhang-ásal. Paná-panahóng hiníhingî ang arogánsiyá ng mga ugát nang lumitáw ang plásang umaápaw sa mga táo sanhî ng himagsíkan sa hímpapawíd—siláng mga uháw sa mga salitâ at pinágkaitán ng karapatán—at hindî máhalagá kung ang nása entabládo ay mga alagád ni Aurelio Tolentino o Ikáw. Ang lehítimidád ng natúrang pagsílang ay nása pagtátamó ng dámi ng palakpák at ulán ng mga bulaklák, bukód sa mga luhàng dî-mapígil pumaták, na bábalisá sa malawakáng públikó úpang kumílos nang sáma-sáma at nagkakáisá, ngúnit higít pa ríto ay ang kabatíran ng paggígiít na gáya ng palatháw na mayábang na pinabúbuwál ang matáyog na punòngkáhoy. Mga tulâng humíhiyáw, mga tulâng nagninílay, anó ngayón kung may pagkakáibá? Hindî sapát ang hambíngan sápagkát tumutútol ang báwat isá na manatíli sa íisáng lunán at panahón; gayón kayábang ang kaní-kaniláng tindíg. Kapuwâ masíning na tumútuláy sa guníguní ang mga itó, na nagíging bató, bakál, plástik, papél o anumáng bágay na inísip ni Pablo Neruda at pagkáraán ay magbábanyúhay na ehersísyo sa limáng pandamá, hanggáng ang lahát ay mulîng magíng líkidó na títigháw sa limámpûng tág-aráw. Kailángang kusàng magíng maángas ng panulâán kung íbig nitóng igiít ang saríling kasaysáyan. Tuwíng may panínikíl at panlílinláng, maghúhubád itó pára sa kátotohánan o katarúngan. Tuwíng may digmâán at paglapastángan, maghúhubád itó pára sa pinakaúbod na pagkatáo at sángkataúhan. Tuwíng may pangúngulimbát at kasakimán, maghúhubád itó pára sa pagmámalasákit at báyanihán. Lílikúmin nitó ang mga salitâ hindî úpang bumuô ng díksiyonáryo o direktóryo, bagkús úpang subúkin nang paúlit-úlit sa laboratóryo ng mga talinghagà, at mulîng ikanâ sa dambuhalàng kaisipán at kamalayáng hindî káyang isilíd sa iláng talatà o saknóng. Ipapátaw sa iyó bílang panulâán ang prusisyón at kadéna ng pighatî na líhim mong pagtátawanán; at hindî ka makáiíwas kung ipagdíwang gáya sa biglâang binyág at Pangwakás na Inúman. Anó’t anumán, pasásayawín ka nang suót ang mábalahíbong damít o kayâ’y nang walâng anumáng tagláy kundî ang kuwintás sa baywáng. Ang pagíging maángas ng panulâán ay hindî bastá panlabás na astá o silakbó o pagkámagaspáng; tumátanggí ito sa sopístikádong sabwátan at burukrátikóng ugnáyang mínsang isínahímig ni Hugo Kant samantálang nagmamártsa ang yutà-yutàng anákpáwis ng daigdíg nagbábantâ man ang dilím at ulán.
Ikalabingsiyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo
Ikálabíngsiyám na Aralín
Roberto T. Añonuevo
Ang panahón ang magbúbunsód sa bangkâng pangulóng, at walâng subáskong makápipígil úpang mákilála ang kaloóban mo’t hulagwáy. “Ang túbig ma’y malálim,/ malilírip kung libdín/. . . .Pápaláot ka mulî bágo yumáo nang dilát sa tigáng na lupâín; mag-íisíp kung paáno lumútang o lumangóy sa gitnâ ng bugháw o pangláw; at kung katabí mo si Schopenhauer—ang timonéro—ipápanukalà niyáng ang katotohánan ng bosadór ay nása pagsísid sa budhî at ang pasípikó ang répresentasyón ng láwak o dálom na hindî káya ng buslô at búlos ngúnit maitátansî sa guníguní, halimbawà, ng isáng tagá-Polillo. Makíkilála mo ang mga aryadór—walâ ni singsíng o pulséras o híkaw—na kung maglátag ng lambát samantálang sumísipà ang mákiná ay katumbás ng masagánang pigíng ng buông báyan at magpapásiglá sa kalakalán ng ibáyo. Túturûan ka niláng limútin ang saríli, maghintáy ng tumpák na sandalî, magpalútang-lútang na bóya sa pag-íisá, o mánanghalìan sa lílim ng trapál, at magtuón sa Dakilàng Isdâ. Mga palapà ng bulí’y sásayáw sa iyóng balintatáw—kúlang na lámang na gayáhin mo ang mga tambákol, mahì-mahì, at gulyásan na pawàng náligáw sa páyaw at hindî makáiíwas kumagát sa tuksó ng pamiwás. Anó ang itinátagò ng álon úpang ilaráwan nang pábaligtád ang árkitektúra ng págang at éstruktúra ng salábay? Hindî ba itó ang súbmarínong kasiyáhan, bagamán nakasísindák sa únang tingín? Matútunugán ng buông katawán mo ang pánsamantaláng espásyo, na sa lábis na lamíg ay nagpapákalmá ng butó’t lamán, at tíla pakíkiníg kung hindî man pagninílay sa limáng tínig ng madrigál. Ngúnit dáhil walá itóng pagdamá sa iyó o sa kápuwâ mo, bagkús nakapágdudúlot pa minsán ng nakatútulíg na habágat at dalúyong kapág ikinúkublí ang pagkáligálig, o kayâ’y pangúngulilà pagtingalâ sa talampád ng mga talà, kinákailángan ang kamalayán—túngo sa burhíng magalíng. Ang burhíng magalíng, sa wikà ng timonérong Schopenhauer, ang ináasáhang galák ng pamayánang sumásalúbong sa pag-uwî ng pangulóng na namúmuwalán sa isdâ; ang tagumpáy ng lambát at kabísig na makápagpápalayà sa kagutúman ng líbo-líbong bibíg na umaása sa biyayà ng láot; at ang paghuhúgas ng kataúhan sa espíritu ng sariwàng lambanóg o tubâ. Mapápawì káhit ang anumáng kirót at pagkábató ng pagkatáo sa yugtông magbalík ka kapíling ang buông trópa ng mga magdáragát, at kung sakalì’t mamálakáya ka mulî ng mga talinghagà kung saáng lupálop mulâ sa iyóng panahón, magíng tapát sa mga mithî at magíng tapát sa budhî, na umáaryá sa unibersál na síning ng masantíng at magalíng.
Pumapatak, ni Sofia Bélizon
Pumapatak
ni Sofia Bélizon
Pumapatak, unti-unting pumapatak
ang sandali,
at ang sandali ay isang plato ang lawak.
Naroon ang piging na mailap sa isip;
wala roon ang gútom at pagkainíp.
Inaasam ko rin ang mga tag-araw
gaya noong naririto ka’t kay-init,
tumatawa nang di-alintana ang búkas
na kung minsan ay hatid ang siyam-siyam.
Parang umuusbong at namumukadkad
ang mga panaginip ng libong rosas,
tinatangay ang palayaw mo’t halimuyak
samantalang umaaligid ang mga bubuyog
na guniguning sumasaatin, sumasalahat.
Kung gaano kaikli ang panahon
ay gayon kahaba ang paghihintay nila
sa ating lalakarang harding walang hangga.
Ang panahon,
walang kahon kundi publikong bulwagan
o ang sulok na ano’t laging makulimlim.
Ang sandali,
walang hanggang yakap sa kawalang-
katiyakan, tila mariposang kumakampay
sa loob ng kay-linaw na bolang kristal.
Mahal at Paruparong Takipsilim, ni Basuki Gunawan
salin ng dalawang tula ni Basuki Gunawan ng Indonesia
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas
Mahál
Oo, alam kong
isa kang dalóm sa pusod ng dagat,
ang pook na ang pinilakang isda
ay tinitighaw ang gutom sa oras at espasyo
hanggang ang matira’y mga takupis na nakakálat.
Paruparong Takipsilim
Mga labì mo’y malambót at basâ
gaya ng basahang pansahig na kinuskusan
ng libong talampakang natutuwa
sa pagpasok sa silid ng kalibugan
na ang mga dingding ay tinatakpan ng alikabok
at ng alikabok lamang.